Jehu—Tagapagtanggol ng Dalisay na Pagsamba
IPINAGTANGGOL ni Jehu ang dalisay na pagsamba. Ginawa niya ito nang masigla, maagap, may determinasyon, sigasig, at tapang. Ito ang mga katangian ni Jehu na gusto nating tularan.
Kalunus-lunos ang kalagayan sa Israel nang atasan si Jehu. Ang bansa ay nasa ilalim ng masamang impluwensiya ni Jezebel na biyuda ni Ahab at ina ng haring si Jehoram. Itinaguyod ni Jezebel ang kulto ni Baal sa halip na ang pagsamba kay Jehova. Ipinapatay niya ang mga propeta ng Diyos, at pinasamâ ang bayan sa pamamagitan ng kaniyang “mga pakikiapid” at “panggagaway.” (2 Hari 9:22; 1 Hari 18:4, 13) Iniutos ni Jehova na puksain ang buong sambahayan ni Ahab, pati na sina Jehoram at Jezebel. Si Jehu ang mangunguna sa gawaing ito.
Nang unang banggitin si Jehu sa Kasulatan, nakaupo siya kasama ng mga pinuno ng militar noong panahong nakikipaglaban ang mga Israelita sa mga Siryano sa Ramot-gilead. Si Jehu ay isang opisyal na mataas ang ranggo, o baka nga siya ang kumandante ng hukbo ng Israel. Isinugo ni propeta Eliseo ang isa sa mga anak ng mga propeta para pahiran si Jehu bilang hari at atasan siyang patayin ang lahat ng lalaki sa apostatang sambahayan ni Ahab.—2 Hari 8:28; 9:1-10.
Nang tanungin si Jehu ng mga kapuwa opisyal kung ano ang layunin ng pagdalaw na iyon, atubiling magsalita si Jehu. Pero nang pilitin siya, sinabi niya ang totoo. Kaya nagsabuwatan sila laban kay Jehoram. (2 Hari 9:11-14) Malamang, may namumuo nang galit at pagtutol sa mga patakaran ng kaharian at sa impluwensiya ni Jezebel. Anuman ang kalagayan, pinag-aralang mabuti ni Jehu kung paano niya maisasakatuparan ang kaniyang atas.
Nasugatan si Haring Jehoram sa pakikipagbaka at bumalik sa lunsod ng Jezreel para magpagaling. Alam ni Jehu na para magtagumpay siya, hindi dapat makarating sa Jezreel ang tungkol sa kaniyang plano. “Huwag ninyong patakasin ang sinuman mula sa lunsod upang yumaon at mag-ulat sa Jezreel,” ang sabi ni Jehu. (2 Hari 9:14, 15) Malamang ay alam niyang lalabanan siya ng mga kawal na tapat kay Jehoram kaya gusto niyang matiyak na hindi ito mangyayari.
‘NAGPAPATAKBO NANG MAY KABALIWAN’
Para gulantangin ang mga kalaban, pinatakbo ni Jehu ang kaniyang karo mula sa Ramot-gilead hanggang Jezreel na 72 kilometro ang layo. Habang kumakaripas si Jehu sa kaniyang destinasyon, nakita ng bantay na nasa tore ang “dumadaluyong na karamihan ng mga lalaki ni Jehu.” (2 Hari 9:17) Malamang, malaking hukbo ang isinama ni Jehu para siguruhing magtatagumpay ang kaniyang plano.
Nang mahiwatigan ng bantay na sakay ng isa sa mga karo ang matapang na si Jehu, sumigaw siya: “Nagpapatakbo siya nang may kabaliwan”! (2 Hari 9:20) Kung sadyang mabilis magpatakbo ng karo si Jehu, malamang na lalo pang bumilis ang pagpapatakbo niya dahil sa misyong ito.
Dalawang mensahero ang isinugo kay Jehu pero hindi niya sinagot ang mga ito. Kaya humayo si Haring Jehoram at ang kaalyado nitong si Ahazias, na hari ng Juda, sakay ng kani-kaniyang karo, para salubungin si Jehu. Nang magtanong si Jehoram, “May kapayapaan ba, Jehu?,” sumagot si Jehu: “Anong kapayapaan ang maaaring umiral hangga’t naroon pa ang mga pakikiapid ni Jezebel na iyong ina at ang kaniyang maraming panggagaway?” Nabigla si Jehoram kaya tinangka nitong tumakas. Pero napakabilis ni Jehu! Agad niyang kinuha ang kaniyang busog at pinana sa puso si Jehoram, kaya nalugmok ito sa karo at namatay. Nakatakas si Ahazias pero tinugis siya ni Jehu at ipinapatay.—2 Hari 9:22-24, 27.
Ang susunod na pupuksain sa sambahayan ni Ahab ay ang balakyot na si Reyna Jezebel. Angkop lang na tawagin siya ni Jehu bilang ‘isinumpa.’ Nang makarating si Jehu sa Jezreel, nakita niya si Jezebel na nakadungaw sa bintana ng palasyo. Hindi na nagpaliguy-ligoy si Jehu. Agad niyang iniutos sa mga opisyal ng korte na ihagis si Jezebel mula sa bintana. Saka niyurakan ng mga kabayo ni Jehu ang masamang impluwensiyang ito sa Israel. Pagkatapos, ipinapatay ni Jehu ang maraming iba pa sa sambahayan ng balakyot na si Ahab.—2 Hari 9:30-34; 10:1-14.
Bagaman nakapangingilabot ang karahasan, tandaan natin na noong mga panahong iyon, ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga lingkod para maglapat ng kaniyang mga hatol. Sinasabi ng Kasulatan: “Mula nga sa Diyos ang pagbagsak ni Ahazias dahil sa kaniyang pagparoon kay Jehoram; at nang dumating siya, lumabas siyang kasama ni Jehoram kay Jehu na apo ni Nimsi, na pinahiran ni Jehova upang lipulin ang sambahayan ni Ahab.” (2 Cro. 22:7) Habang ipinahahagis ni Jehu ang bangkay ni Jehoram mula sa karo nito, natanto niyang katuparan ito ng pangako ni Jehova na parurusahan si Ahab dahil sa pagpatay nito kay Nabot. Inutusan din si Jehu na ‘ipaghiganti ang dugo ng mga lingkod ng Diyos’ na ibinubo ni Jezebel.—2 Hari 9:7, 25, 26; 1 Hari 21:17-19.
Sa ngayon, ang mga lingkod ni Jehova ay hindi literal na nakikipaglaban sa mga kaaway ng dalisay na pagsamba. “Akin ang paghihiganti,” ang sabi ng Diyos. (Heb. 10:30) Gayunman, para ipagsanggalang ang kongregasyon sa posibleng masasamang impluwensiya, ang mga elder ay kailangan ding kumilos nang may katapangan, gaya ni Jehu. (1 Cor. 5:9-13) At ang lahat sa kongregasyon ay dapat maging determinadong umiwas sa pakikisalamuha sa mga tiwalag.—2 Juan 9-11.
HINDI PINAHINTULUTAN NI JEHU NA MAGKAROON NG KAAGAW SI JEHOVA
Ano ang motibo ni Jehu sa pagsasakatuparan ng kaniyang atas? Makikita natin ito sa sinabi niya sa tapat na si Jehonadab: “Sumama ka sa akin at tingnan mo ang hindi ko pagpapahintulot na magkaroon ng kaagaw si Jehova.” Tinanggap ni Jehonadab ang paanyayang ito, sumakay sa karo ni Jehu, at lumusob sa Samaria. Doon, si Jehu ay “gumawang may katusuhan, sa layuning puksain ang mga mananamba ni Baal.”—2 Hari 10:15-17, 19.
Ipinahayag ni Jehu na gusto niyang gumawa ng “malaking hain” para kay Baal. (2 Hari 10:18, 19) “Isa itong tusong paggamit ng mga salita,” ang sabi ng isang iskolar. Bagaman ang terminong ginamit dito ay “karaniwan nang nangangahulugang ‘hain,’ ginagamit din ito para tumukoy sa ‘pagpaslang’ sa mga apostata.” Gusto ni Jehu na makadalo ang lahat ng mananamba ni Baal sa okasyong ito, kaya tinipon niya silang lahat sa bahay ni Baal at pinagbihis sila ng naiibang kasuutan. Nang ‘maiharap na ang handog na sinusunog,’ inutusan ni Jehu ang 80 armadong lalaki na patayin ang mga deboto ni Baal. Saka niya ipinagiba ang bahay ni Baal at ibinukod iyon bilang mga palikuran para hindi na magamit sa pagsamba.—2 Hari 10:20-27.
Totoo, maraming pinadanak na dugo si Jehu. Pero inilalarawan siya sa Kasulatan bilang isang matapang na lalaking nagpalaya sa Israel mula sa paniniil ni Jezebel at ng pamilya nito. Ang makagagawa lamang nito ay isang lider na matapang, determinado, at masigasig. “Mahirap ang misyong ito at kailangang isagawa nang puspusan,” ang komento ng isang diksyunaryo sa Bibliya. “Malamang na hindi uubra ang mas malumanay na pamamaraan para mapawi ang pagsamba kay Baal sa Israel.”
Sa ngayon, may mga sitwasyon kung saan kailangang ipakita ng mga Kristiyano ang mga katangiang tulad ng kay Jehu. Halimbawa, ano ang gagawin natin kung natutukso tayong gumawa ng mga bagay na hinahatulan ni Jehova? Kailangang tanggihan natin ito agad nang may lakas ng loob. Ayaw nating magkaroon ng kaagaw si Jehova sa ating debosyon sa kaniya.
PATULOY NA LUMAKAD SA KAUTUSAN NI JEHOVA
Isang babala sa atin ang wakas ng ulat na ito. ‘Hindi nilihisang sundan ni Jehu ang mga ginintuang guya sa Bethel at sa Dan.’ (2 Hari 10:29) Paano nagawa ng isang masigasig na tagapagtaguyod ng dalisay na pagsamba na kunsintihin ang idolatriya?
Malamang ay naniwala si Jehu na para mapanatili ang kasarinlan ng Israel mula sa Juda, kailangang magkahiwalay ang pagsamba ng dalawang kaharian. Kaya tulad ng naunang mga hari sa Israel, itinaguyod niya ang pagsamba sa guya. Pero kawalan ito ng pananampalataya kay Jehova, na nagluklok sa kaniya bilang hari.
Sinabi ni Jehova na ‘kumilos si Jehu nang mahusay sa paggawa ng tama sa paningin ng Diyos.’ Pero “si Jehu ay hindi nag-ingat sa paglakad sa kautusan ni Jehova na Diyos ng Israel nang kaniyang buong puso.” (2 Hari 10:30, 31) Kung iisipin natin ang lahat ng ginawa ni Jehu noong una, talagang hindi ito kapani-paniwala at nakalulungkot pa nga. Pero may mapupulot tayong aral dito. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang ating kaugnayan kay Jehova. Sa araw-araw, kailangan nating linangin ang katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral at pagbubulay-bulay ng kaniyang Salita, at marubdob na pananalangin sa ating makalangit na Ama. Oo, patuloy tayong lumakad sa kautusan ni Jehova nang buong puso.—1 Cor. 10:12.
[Kahon sa pahina 4]
Si Jehu sa Sekular na Kasaysayan
Madalas kuwestiyunin ng mga kritiko kung talaga nga bang umiral ang mga tauhang binabanggit sa Kasulatan. Maliban sa Bibliya, may ebidensiya bang nabuhay si Jehu?
Di-kukulangin sa tatlong dokumento mula sa sinaunang Asirya ang bumabanggit sa pangalan ng haring ito ng Israel. Sinasabi ng isa sa mga ito na si Jehu, o marahil isa sa kaniyang mga emisaryo, ay yumukod kay Haring Salmaneser III ng Asirya at nagbigay ng tributo rito. Ganito ang mababasa sa kasamang inskripsiyon: “Ang tributo ni Jehu (Ia-ú-a), anak ni Omri (Hu-um-ri); tumanggap ako mula sa kaniya ng pilak, ginto, isang ginintuang mangkok na saplu, isang ginintuang plorera na patulis ang ilalim, mga ginintuang baso, mga ginintuang timba, lata, isang baston para sa hari, (at) kahoy na puruhtu [hindi alam kung ano ang kahulugan ng huling salita].” Hindi naman talaga “anak ni Omri” si Jehu. Pero ginamit ang katawagang ito sa mga naging hari ng Israel mula noong panahon ni Omri, malamang dahil sa katanyagan ni Omri at sa pagtatatag niya ng kabisera ng Israel, ang Samaria.
Hindi mapatunayan ang pag-aangkin ng hari ng Asirya na nagbayad sa kaniya ng tributo si Jehu. Gayunman, tatlong beses niyang binanggit si Jehu—sa isang stela, sa estatuwa ni Salmaneser, at sa maharlikang mga ulat ng kasaysayan ng Asirya. Ang mga ito ay matibay na ebidensiya na talagang umiral ang tauhang ito ng Bibliya.