Abraham—Isang Taong May Kapakumbabaan
Si Abraham ay nakasilong sa loob ng kaniyang tolda sa kainitan ng araw. Habang nakaupo roon, natanaw niya sa malayo ang tatlong lalaki na bumibisita sa kanilang lugar.a Sinalubong niya agad ang mga lalaki at hinimok silang mamahinga para mapaglingkuran niya. Inalok niya sila ng “isang piraso ng tinapay,” at pagkatapos ay naghanda ng masasarap na pagkaing gaya ng bagong-lutong tinapay, mantikilya, gatas, at pinakamalambot na karne. Sa paggawa nito, si Abraham ay hindi lang nagpakita ng pagkamapagpatuloy, kundi gayundin ng tunay na kapakumbabaan, gaya ng makikita natin.—Genesis 18:1-8.
ANO ANG KAPAKUMBABAAN? Ito ay kabaligtaran ng pagmamapuri at kapalaluan. Kinikilala ng isang mapagpakumbabang tao na, sa paanuman, ang lahat ay nakahihigit sa kaniya. (Filipos 2:3) Nakikinig siya sa mga mungkahi ng iba at handang gumawa ng hamak na mga atas para sa kanila.
PAANO NAGPAKITA NG KAPAKUMBABAAN SI ABRAHAM? Si Abraham ay nalugod na maglingkod sa iba. Gaya ng binanggit sa simula, nang makita niya ang tatlong bisita, inasikaso niya sila agad. Naghanda agad ng pagkain ang kaniyang asawang si Sara. Pero pansinin kung sino ang halos gumawa ng lahat ng bagay: Si Abraham ang tumakbo para salubungin ang mga bisita, siya ang nag-alok ng pagkain, siya ang tumakbo sa bakahan para pumili ng hayop na kakatayin, at siya ang naghain ng mga iyon sa mga bisita. Sa halip na iutos sa kaniyang mga lingkod, ang mapagpakumbabang lalaking ito ang gumawa ng hamak na mga gawaing iyon. Hindi niya inisip na napakababa ng mga iyon para sa kaniya.
Nakinig si Abraham sa mga mungkahi ng mga taong nasa ilalim ng kaniyang awtoridad. Iilan lamang ang ulat ng Bibliya na pag-uusap nina Abraham at Sara. Pero dalawang beses nating mababasa na pinakinggan ni Abraham ang mga ideya ni Sara at saka kumilos ayon dito. (Genesis 16:2; 21:8-14) Sa isa sa mga iyon, “lubhang minasama ni Abraham” ang mungkahi ni Sara noong una niya itong marinig. Pero nang kausapin siya ni Jehova, napag-isipan niyang makatuwiran naman ang mungkahi ni Sara kaya sinunod niya ito.
ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN? Kung tayo ay tunay na mapagpakumbaba, malulugod tayong maglingkod sa iba. Masisiyahan tayong gawin anuman ang kaya natin para mapaginhawa ang buhay ng iba.
Makapagpapakita rin tayo ng kapakumbabaan sa paraan ng pagtugon natin sa mga mungkahi ng iba. Sa halip na tanggihan ang isang ideya dahil iba iyon sa naiisip natin, baka makabubuting tanggapin natin ang mga komento ng iba. (Kawikaan 15:22) Lalo ng makikinabang sa pagkakaroon ng gayong saloobin ang mga taong may awtoridad. “Natuklasan kong hinahayaan ng isang mahusay na tagapangasiwa ang iba na magbigay ng kanilang mga opinyon,” ang sabi ng isang makaranasang superbisor na si John. Idinagdag niya: “Kailangan ang kapakumbabaan para matanggap mong mas alam ng isa sa iyong pinangangasiwaan kung paano gagawin ang mga bagay-bagay. Siyempre pa, hindi lang iisang tao—kahit pa tagapangasiwa—ang siyang laging may magandang ideya.”
Kapag tinutularan natin si Abraham sa pakikinig sa mga mungkahi ng iba at sa paggawa ng hamak na mga gawain para sa iba, matatamo natin ang pagsang-ayon ni Jehova. Dahil ang totoo, “sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.”—1 Pedro 5:5.
[Talababa]
a Bagaman maaaring hindi agad napansin ni Abraham, ang mga lalaking ito ay mga mensaherong anghel ng Diyos.—Hebreo 13:2.