Dapat Ka Bang Magtiwala sa Iyong Unang Impresyon?
HABANG relaks na relaks na nakaupo sa kaniyang sala, pinanonood ng isang doktor ang isang talk show, kung saan bisita ang isang ministro sa gobyerno ng Ireland. Matapos pagmasdang mabuti ang mukha ng ministro, napansin ng doktor na parang may tumor ito. Pinayuhan niya ang ministro na magpatingin agad.
Lumabas sa pagsusuri na tama ang doktor. Ang doktor na iyon ay may tinatawag na clinical eye—ang kakayahang malaman ang sakit pagkakita pa lang sa pasyente. Pero may ilan ding nag-iisip na mayroon silang “clinical eye,” anupat kaya nilang masabi ang karakter at personalidad ng isang tao at kung mapagkakatiwalaan ito.
Sa nakalipas na mga siglo, sinikap ng mga mananaliksik na makabuo ng isang siyentipikong paraan para malaman ang personalidad ng isang tao batay sa kaniyang pisikal na hitsura. Tinatawag nila itong physiognomy, na binigyang-katuturan ng Encyclopædia Britannica bilang “isang pseudoscience na may kaugnayan sa pag-alam ng personalidad batay sa hitsura ng mukha o istraktura at anyo ng katawan.” Noong ika-19 na siglo, may mga antropologo, gaya ni Francis Galton na pinsan ni Charles Darwin, at mga kriminologo, gaya ni Cesare Lombroso ng Italy, na nagpanukala rin ng gayong mga teoriya at pamamaraan na nabaon lang sa limot.
Gayunman, marami pa rin ang naniniwala na posibleng malaman ang pagkatao ng isang indibiduwal sa pamamagitan lang ng pagtingin sa panlabas na hitsura nito. Mapagkakatiwalaan ba ang gayong mga unang impresyon?
Paghusga Batay sa Hitsura
Ang isang tipikal na halimbawa ng paghusga batay sa mga unang impresyon ay mababasa sa aklat ng Bibliya na Unang Samuel. Inutusan ng Diyos na Jehova si propeta Samuel na pahiran ang isang miyembro ng sambahayan ni Jesse para maging hari ng Israel. Mababasa natin: “Nangyari nga nang dumarating [ang mga anak ni Jesse] at makita niya si Eliab, kaagad niyang sinabi: ‘Tiyak na ang kaniyang pinahiran ay nasa harap ni Jehova.’ Ngunit sinabi ni Jehova kay Samuel: ‘Huwag kang tumingin sa kaniyang anyo at sa taas ng kaniyang tindig, sapagkat itinakwil ko siya. Sapagkat hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.’” Ganiyan din ang nangyari sa anim pang anak ni Jesse. Nang bandang huli, taliwas sa iniisip nina Samuel at Jesse, ang pinili ng Diyos para maging hari ay ang ikawalong anak—ang batang si David.—1 Samuel 16:6-12.
Ganiyan din sa ngayon. Ilang taon pa lang ang nakararaan, sa Germany, isang propesor sa criminology ang nagsagawa ng isang eksperimento na nagsasangkot ng 500 law student. Mayroon silang 12 di-kakilalang “bisita.” Kabilang dito ang isang kumander ng pulis at prosecutor, ingat-yaman ng unibersidad at public relations officer, ilang abogado at opisyal sa korte, at tatlong nahatulang kriminal. Aalamin ng mga estudyante kung ano ang propesyon ng bawat “bisita” at kung sino sa mga ito ang dapat ay nakakulong at sa anong kasalanan. Ang pagbabatayan lang nila ay ang hitsura at libangan ng mga ito.
Ang resulta? Natukoy ng mga 75 porsiyento ng mga estudyante kung sino ang tatlong kriminal. Pero napagkamalan ng 60 porsiyento ng mga estudyante ang siyam na iba pang “bisita” bilang mga manlalabag-batas, gayong malinis ang rekord ng mga ito. Halos 15 porsiyento naman ng mga estudyante ang nag-akalang nagtutulak ng droga ang prosecutor, at mahigit 30 porsiyento ng mga estudyante ang nag-akalang magnanakaw ang kumander ng pulis! Mahirap talagang magtiwala sa mga impresyon lang. Bakit?
Nakakadaya ang Hitsura
Kapag may nakilala tayo sa unang pagkakataon, may tendensiya tayong bumuo ng opinyon tungkol sa kaniya batay sa dati nating mga karanasan. Nilalahat natin ang mga tao at hinuhusgahang pare-pareho lang sila. Bukod sa pisikal na hitsura, maaari din nating husgahan ang isang tao dahil sa kaniyang nasyonalidad, lahi, katayuan sa buhay, o relihiyon.
Kapag tama ang nabuo nating opinyon sa isang tao, humahanga tayo sa sarili natin at lalong nagtitiwala sa ating mga unang impresyon. Pero kapag natuklasan nating maling-mali pala tayo, ano ang reaksiyon natin? Kung tapat tayo, dapat nating burahin ang ating unang impresyon at alamin ang katotohanan. Kung hindi, baka nagiging di-makatuwiran na tayo o nagkakasala pa nga sa iba dahil sa paniniwalang magaling tayong kumilatis ng tao.
Ang paghusga batay sa hitsura ay nakasasamâ hindi lang sa biktima kundi pati sa gumagawa nito. Halimbawa, noong unang siglo, maraming Judio ang tumanggi sa posibilidad na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Bakit? Dahil nakikita nilang si Jesus ay anak lang ng karpintero. Bagaman hanga sila sa karunungan at kapangyarihan ni Jesus, ayaw pa rin nilang burahin ang unang impresyon nila sa kaniya. Dahil dito, ibinaling ni Jesus sa iba ang kaniyang atensiyon, at sinabi: “Ang propeta ay hindi winawalang-dangal maliban sa kaniyang sariling teritoryo at sa kaniyang sariling bahay.”—Mateo 13:54-58.
Ang mga Judiong iyon ay kabilang sa isang bansa na daan-daang taon nang naghihintay sa Mesiyas. Pero dahil hinayaan nilang mahadlangan sila ng kanilang mga unang impresyon, hindi nila nakilala ang Mesiyas nang dumating na ito kaya naiwala nila ang pagsang-ayon ng Diyos. (Mateo 23:37-39) Ganiyan din ang ginawa sa mga tagasunod ni Jesus. Hindi makapaniwala ang maraming tao noon na ang isang maliit na grupo ng mangingisda, na hinahamak ng mga edukadong tao at mga lider ng pangunahing relihiyon, ay may mahalagang mensahe. Naiwala ng mga taong patuloy na nagtiwala sa kanilang mga unang impresyon ang kamangha-manghang pagkakataon na maging mga tagasunod ng Anak ng Diyos.—Juan 1:10-12.
Binago ng Ilan ang Kanilang Kaisipan
Naging mapagpakumbaba ang ilang kakontemporaryo ni Jesus, anupat binago ang kanilang kaisipan nang makita nila ang mga ginawa niya. (Juan 7:45-52) Ang ilan sa kanila ay mismong kapamilya ni Jesus, na noong una ay hindi naniniwalang posibleng isa sa mga kamag-anak nila ang Mesiyas. (Juan 7:5) Buti na lang, binago rin nila nang maglaon ang kanilang kaisipan at nanampalataya sa kaniya. (Gawa 1:14; 1 Corinto 9:5; Galacia 1:19) Sa katulad na paraan, makalipas ang ilang taon, ang ilang kinatawan ng Judiong komunidad sa Roma ay nagpasiyang makinig kay apostol Pablo sa halip na basta magtiwala lang sa ikinakalat na balita ng mga kaaway ng Kristiyanismo. Matapos makinig, ang ilan ay naging mananampalataya.—Gawa 28:22-24.
Sa ngayon, marami rin ang may negatibong opinyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Bakit? Sa maraming kaso, hindi naman dahil sa nasuri na nila kung ano ang totoo o napatunayan na nilang wala sa Kasulatan ang mga paniniwala at gawain ng mga Saksi. Sa halip, hindi lang sila makapaniwala na taglay ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan. Hindi ba’t ganiyan din ang iniisip noon ng marami tungkol sa mga unang-siglong Kristiyano?
Hindi na dapat ikagulat ang masasama at masasakit na salitang binibitiwan laban sa mga sumusunod sa halimbawa ni Jesus. Bakit? Dahil binabalaan ni Jesus ang kaniyang tunay na mga tagasunod: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.” Pero pinasigla niya sila: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 10:22.
Bilang pagsunod sa utos ni Jesus, gayon na lang ang pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na maipahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga tao sa buong daigdig. (Mateo 28:19, 20) Ang mga tuwirang umaayaw sa mabuting balita ay nawawalan ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan. (Juan 17:3) Ikaw, magtitiwala ka ba sa iyong mga unang impresyon o aalamin mo kung ano ang totoo? Tandaan: Nakakadaya ang hitsura at maaaring mali ang mga impresyon, pero ang makatuwirang pagsusuri sa katotohanan ay may magandang ibinubunga.—Gawa 17:10-12.
[Larawan sa pahina 11]
Dahil sa mga unang impresyon ng maraming Judio, tinanggihan nila si Jesus bilang ang Mesiyas
[Larawan sa pahina 12]
Ang iyo bang opinyon sa mga Saksi ni Jehova ay batay sa impresyon o sa katotohanan?