Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
BAKIT bumalik ang isang lalaki sa dati niyang relihiyon? Paano natagpuan ng isang kabataan ang matagal na niyang hinahanap na kalinga ng isang ama? Basahin ang kanilang kuwento.
“Dapat Akong Manumbalik kay Jehova.”—ELIE KHALIL
ISINILANG: 1976
BANSANG PINAGMULAN: CYPRUS
DATING SUWAIL
ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa Cyprus pero lumaki sa Australia. Saksi ni Jehova ang mga magulang ko. Ginawa nila ang lahat para mahalin ko si Jehova at ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Noong tin-edyer ako, nagsimula akong magrebelde. Tumatakas ako sa gabi para makipagkita sa ibang mga tin-edyer. Nangka-carnap kami at laging napapatrobol.
Noong una, inililihim ko pa iyon sa aking mga magulang dahil takót akong magalit sila sa akin. Pero unti-unting nawala ang takot kong iyon. Nagkaroon ako ng mga kaibigang mas matatanda kaysa sa akin na hindi umiibig kay Jehova, at naging masamang impluwensiya sila sa akin. Nang maglaon, sinabi ko sa aking mga magulang na ayaw ko na sa kanilang relihiyon. Naging matiyaga sila sa pagtulong sa akin, pero binale-wala ko ang lahat ng kanilang pagsisikap. Lungkot na lungkot ang mga magulang ko.
Nang umalis ako sa bahay namin, nagdroga ako, nagtanim pa nga at nagbenta ng marijuana. Naging imoral ako at laging nasa mga night club. Naging magagalitin din ako. Kapag may sinabi ang isa o ginawang hindi ko gusto, umuusok agad ako sa galit. Kadalasan nang naninigaw ako at nananakit. Lahat ng ginagawa ko ay kabaligtaran ng itinuro sa akin bilang Kristiyano.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Naging malapít kong kaibigan ang isang kasamahan ko sa pagdodroga na naulila sa ama noong bata pa. Madalas kaming abutin ng hatinggabi sa pagkukuwentuhan. May mga pagkakataon na nasasabi niya kung gaano niya nami-miss ang kaniyang tatay. Dahil bata pa lang ay alam ko na ang tungkol sa pag-asang pagkabuhay-muli, sinabi ko sa kaniya na si Jesus ay bumuhay ng mga patay at nangangakong gagawin niya ulit ito sa hinaharap. (Juan 5:28, 29) “Isipin mo, makikita mong muli ang tatay mo,” ang sabi ko. “Lahat tayo ay puwedeng mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa.” Naantig ang puso ng kaibigan ko sa mga sinabi ko.
May mga pagkakataon ding napag-uusapan namin ang tungkol sa mga huling araw o Trinidad. Ginagamit ko ang Bibliya niya para ipakita ang mga tekstong nagtuturo ng katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova, kay Jesus, at sa mga huling araw. (Juan 14:28; 2 Timoteo 3:1-5) Habang dumadalas ang pag-uusap namin tungkol sa Diyos, dumadalas din ang pag-iisíp ko tungkol kay Jehova.
Unti-unti, ang mga binhi ng katotohanan sa Bibliya—na sinikap itanim ng mga magulang ko sa aking puso—ay nagsimulang tumubo. Halimbawa, kapag nasa parti ako at nagdodroga kasama ng mga kaibigan ko, bigla ko na lang naiisip si Jehova. Sinasabi ng mga kaibigan kong mahal nila ang Diyos, pero masama naman ang ginagawa nila. Ayokong maging gaya nila at alam kong may dapat akong gawin. Dapat akong manumbalik kay Jehova.
Siyempre pa, madali itong sabihin pero mahirap gawin. May mga pagbabagong madali kong nagawa, gaya ng paghinto sa pagdodroga. Iniwan ko rin ang dati kong mga kaibigan, at nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa tulong ng isang Kristiyanong elder.
Pero nahirapan akong kontrolin ang aking galit. Kung minsan, nakokontrol ko naman, pero minsan ay sumasabog pa rin ako sa galit. Pagkatapos ay nalulungkot ako at iniisip na hindi ko kayang magbago. Lumapit ako sa elder na nagtuturo sa akin ng Bibliya. Napakatiyaga niya at napakabait sa akin. Minsan, ipinabasa niya sa akin ang isang artikulo sa Ang Bantayan tungkol sa kahalagahan ng hindi pagsuko.a Pinag-usapan namin ang mga puwede kong gawin kapag nakadarama ako ng galit. Sa tulong ng artikulong iyon at panalangin kay Jehova, unti-unti kong nakontrol ang aking galit. At noong Abril 2000, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova. Tuwang-tuwa ang mga magulang ko.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Ngayon, mapayapa na ang isip ko at malinis ang budhi dahil hindi ko na pinarurumi ang aking katawan sa pamamagitan ng droga at imoralidad. Anuman ang ginagawa ko, nagtatrabaho, dumadalo sa Kristiyanong pagpupulong, o naglilibang, mas masaya na ako. Positibo na rin ang pananaw ko sa buhay.
Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil hindi ako kailanman kinalimutan ng aking mga magulang. Naiisip ko rin ang sinabi ni Jesus sa Juan 6:44: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” Buti na lang, inilapit ako ni Jehova sa kaniya kaya nakabalik akong muli sa kaniya.
“Naghahanap Ako ng Kalinga ng Isang Ama.”—MARCO ANTONIO ALVAREZ SOTO
ISINILANG: 1977
BANSANG PINAGMULAN: CHILE
DATING MIYEMBRO NG HEAVY-METAL BAND
ANG AKING NAKARAAN: Pinalaki ako ng aking ina sa Punta Arenas, isang magandang lunsod sa Strait of Magellan malapit sa timugang dulo ng Timog Amerika. Naghiwalay ang mga magulang ko noong limang taon ako, kaya naghahanap ako ng kalinga ng isang ama.
Nakipag-aral ng Bibliya ang aking ina sa mga Saksi ni Jehova, at isinasama niya ako sa mga Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall. Pero ayaw na ayaw kong dumalo sa mga pulong kaya madalas ay nag-aalboroto ako kapag papunta na sa Kingdom Hall. Nang 13 anyos ako, hindi na talaga ako dumalo.
Noong panahong iyon, nahilig ako sa musika, at sa tingin ko, talento ko talaga iyon. Sa edad na 15, tumutugtog na ako ng musikang heavy metal sa mga festival, bar, at pribadong salu-salo. Dahil sa mga kasama kong mahuhusay na musikero, nagka-interes ako sa classical music. Nag-aral ako sa isang konserbatoryo sa aming lugar. Noong 20 anyos ako, tumira ako sa Santiago, kabisera ng Chile, para mag-aral. Patuloy rin akong tumugtog kasama ng heavy-metal band.
Sa kabila nito, pakiramdam ko’y walang halaga ang buhay ko. Nagpakalunod ako sa alak at droga kasama ang mga kabanda ko, na itinuturing kong pamilya. Rebelyoso ako, na kitang-kita naman sa hitsura ko. Mahilig ako sa itim na damit, balbas-sarado, at halos hanggang baywang ang buhok.
Dahil sa ugali ko, lagi akong napapaaway sa iba at napapatrobol sa pulis. Minsan, nang malasing ako, sinugod ko ang isang grupo ng mga nagbebenta ng droga na nanggugulo sa amin ng mga kaibigan ko. Binugbog nila ako kaya nabasag ang panga ko.
Pero ang pinakamasakit sa lahat ay nang matuklasan kong matagal na palang may relasyon ang girlfriend ko at ang best friend ko. At inilihim iyon sa akin ng lahat ng kaibigan ko.
Bumalik ako sa Punta Arenas, kung saan nagturo ako ng musika at nagtrabaho bilang manunugtog ng cello. Patuloy rin akong tumugtog at nagrekord kasama ng heavy-metal band. Nakilala ko ang magandang babae na si Sussan, at nagsama kami. Minsan, nang malaman ni Sussan na hindi ako naniniwala sa Trinidad gayong ang nanay niya ay naniniwala rito, nagtanong siya, “Ano ang tama?” Sinabi ko sa kaniya na alam kong mali ang Trinidad pero hindi ko kayang patunayan iyon gamit ang Bibliya. Pero may kilala ako na makagagawa nito. Sinabi ko sa kaniya na maipakikita sa kaniya ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan mula sa Bibliya. Pagkatapos, may ginawa ako na maraming taon ko nang hindi ginagawa—ang manalangin para sa tulong ng Diyos.
Pagkalipas ng ilang araw, nakita ko ang isang lalaking pamilyar sa akin at tinanong ko siya kung Saksi ni Jehova siya. Bagaman parang kinabahan siya dahil sa hitsura ko, sinagot naman niya ang mga tanong ko tungkol sa mga pulong sa Kingdom Hall. Kumbinsido ako na iyon ang sagot sa panalangin ko. Pumunta ako sa Kingdom Hall at naupo sa likuran para hindi ako mapansin. Pero marami ang nakakilala sa akin. Natandaan nila na dumadalo ako roon noong bata pa ako. Tinanggap nila ako at niyakap nang mahigpit kaya napanatag ang kalooban ko. Parang umuwi ako sa sarili kong bahay. Nang makita ko ang lalaking nagturo sa akin ng Bibliya noong bata pa ako, hiniling ko na turuan niya akong muli.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Isang araw, nabasa ko ang Kawikaan 27:11: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso.” Mapasasaya pala ng isang hamak na tao ang Maylalang ng uniberso. Noon ko naisip na si Jehova ang Ama na matagal ko nang hinahanap!
Gusto kong pasayahin ang Ama ko sa langit at gawin ang kaniyang kalooban, pero maraming taon na akong alipin ng droga at alak. Naunawaan ko ang turo ni Jesus sa Mateo 6:24, “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon.” Habang nagsisikap akong magbago, malaki rin ang naging epekto sa akin ng 1 Corinto 15:33: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” Naisip kong hindi ko maihihinto ang aking mga bisyo kung madalas pa rin akong pupunta sa dati kong mga pinupuntahan at makikisama sa dati kong mga kaibigan. Maliwanag ang payo ng Bibliya: Kailangan kong gumawa ng malalaking pagbabago para makakawala sa mga nagpapatisod sa akin.—Mateo 5:30.
Dahil sa hilig ko sa musika, napakahirap para sa akin na itigil ang pagtugtog ng heavy metal. Pero sa tulong ng mga kaibigan ko sa kongregasyon, nagawa ko ito. Hindi na rin ako naglalasing at nagdodroga. Nagpagupit na rin ako ng buhok at nag-ahit ng balbas. Hindi na rin puro itim ang damit ko. Nang sabihin ko kay Sussan na magpapagupit na ako, nagulat siya. “Sasama ako sa iyo sa Kingdom Hall para malaman ko kung ano ang ginagawa mo dun!” ang sabi niya sa akin. Nagustuhan niya ang nakita niya roon, at di-nagtagal, nag-aral na rin siya ng Bibliya. Nang maglaon, nagpakasal kami ni Sussan. At noong 2008, nabautismuhan kami bilang mga Saksi ni Jehova. Kasama na kami ni Inay sa paglilingkod kay Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Nakatakas ako sa mundo ng huwad na kaligayahan at taksil na mga kasama. Mahilig pa rin ako sa musika, pero mapamili na ako ngayon. Ikinukuwento ko ang aking mga karanasan sa mga kapamilya ko at sa iba, lalo na sa mga kabataan. Gusto kong makita nila na karamihan sa mga iniaalok ng sanlibutan ay parang kaakit-akit, pero “basura” ang lahat ng iyon.—Filipos 3:8.
Nakatagpo ako ng tapat na mga kaibigan sa kongregasyong Kristiyano, kung saan may pag-ibig at kapayapaan. Higit sa lahat, dahil sa paglapit kay Jehova, natagpuan ko na rin sa wakas ang aking Ama.
[Talababa]
a Ang artikulong “Tagumpay sa Pamamagitan ng Pagtitiyaga” ay mababasa sa Ang Bantayan, isyu ng Pebrero 1, 2000, pahina 4-6.
[Blurb sa pahina 13]
“Inilapit ako ni Jehova sa kaniya kaya nakabalik akong muli sa kaniya”