Alam ni Jehova Kung Paano Iligtas ang Kaniyang Bayan
“Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”—2 PED. 2:9.
1. Ano ang mangyayari sa “malaking kapighatian”?
ANG paglalapat ng hatol ng Diyos sa sanlibutan ni Satanas ay biglang-biglang darating. (1 Tes. 5:2, 3) Sa “dakilang araw ni Jehova,” magkakagulo ang lipunan ng tao. (Zef. 1:14-17) Daranas ang lupa ng matinding hirap at pagdurusa. Magiging panahon iyon ng kabagabagan na “hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon.”—Basahin ang Mateo 24:21, 22.
2, 3. (a) Ano ang mapapaharap sa bayan ng Diyos sa “malaking kapighatian”? (b) Paano titibay ang ating pagtitiwala sa gagawin ni Jehova sa hinaharap?
2 Habang papalapit ang kasukdulan ng “malaking kapighatian,” ang bayan ng Diyos ay magiging target ng huling pagsalakay ni “Gog ng lupain ng Magog.” Sasalakay sa bayan ng Diyos ang isang “malaking hukbong militar” na “tulad ng mga ulap na tatakip sa lupain.” (Ezek. 38:2, 14-16) Walang organisasyon ng tao ang sasaklolo sa bayan ni Jehova. Kakailanganin nilang magtiwala sa pagliligtas ng Diyos. Ano ang magiging reaksiyon nila kapag dumating ang kanilang mga kaaway para puksain sila?
3 Kung isa kang lingkod ni Jehova, nananampalataya ka ba na kaya at gusto ni Jehova na iligtas ang kaniyang bayan sa malaking kapighatian? Sumulat si apostol Pedro: “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok, at magtaan naman ng mga taong di-matuwid upang lipulin sa araw ng paghuhukom.” (2 Ped. 2:9) Kung bubulay-bulayin natin ang mga pagliligtas ni Jehova noon sa kaniyang mga lingkod, titibay ang pagtitiwala natin sa gagawin niya sa hinaharap. Talakayin natin ang tatlong halimbawa.
INILIGTAS SA PANGGLOBONG DELUBYO
4. Ano ang mga kailangang gawin bago dumating ang Baha?
4 Una, isaalang-alang ang ulat hinggil sa Baha noong panahon ni Noe. May mga kailangang gawin bago dumating ang Baha, gaya ng pagtatayo ng isang napakalaking arka at pagpapasok dito ng mga hayop. Hindi sinasabi ng ulat ng Genesis na hinintay ni Jehova na matapos ang arka bago magpasiya kung kailan niya pasasapitin ang Baha, na para bang ipagpapaliban niya ito kung hindi pa tapós ang arka. Sa halip, matagal pa bago niya sabihin kay Noe na magtayo ng arka, itinakda na ng Diyos kung kailan magsisimula ang Baha. Paano natin nalaman?
5. Ano ang ipinahayag ni Jehova sa Genesis 6:3? Kailan niya ito ipinahayag?
5 Sinasabi sa atin ng Bibliya ang pasiyang ipinahayag ni Jehova sa langit: “Ang aking espiritu ay hindi kikilos sa tao nang habang panahon sapagkat siya ay laman din. Kaya ang kaniyang mga araw ay aabot ng isang daan at dalawampung taon.” (Gen. 6:3) Hindi ito tumutukoy sa karaniwang haba ng buhay ng tao. Kapahayagan ito ni Jehova kung kailan niya wawakasan ang lahat ng kasamaan sa lupa.a Yamang nagsimula ang Baha noong 2370 B.C.E., lumilitaw na ipinahayag ng Diyos ang pasiyang ito noong 2490 B.C.E. Nang panahong iyon, si Noe ay 480 taóng gulang. (Gen. 7:6) Makalipas ang mga 20 taon, noong 2470 B.C.E., nagsimulang magkaroon ng mga anak si Noe. (Gen. 5:32) Mga isang daang taon na lang ang lilipas bago magsimula ang Baha, pero hindi pa rin isinisiwalat ni Jehova ang natatanging papel ni Noe sa pagliligtas sa sangkatauhan. Gaano katagal maghihintay ang Diyos bago niya ito sabihin kay Noe?
6. Kailan inutusan ni Jehova si Noe na magtayo ng arka?
6 Lumilitaw na naghintay si Jehova nang maraming taon bago niya isiwalat kay Noe kung ano ang gagawin Niya. Bakit natin nasabi iyan? Ipinakikita ng kinasihang ulat na ang mga anak ni Noe ay malalaki na at may asawa nang utusan siya ng Diyos na magtayo ng arka. Sinabi sa kaniya ni Jehova: “Itinatatag ko ang aking tipan sa iyo; at pumasok ka sa arka, ikaw at ang iyong mga anak at ang iyong asawa at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.” (Gen. 6:9-18) Kaya nang utusan si Noe na magtayo ng arka, malamang na 40 o 50 taon na lang ang natitira bago ang Baha.
7. (a) Paano nagpakita ng pananampalataya si Noe at ang kaniyang pamilya? (b) Kailan lang sinabi ng Diyos kay Noe ang eksaktong petsa ng pagsisimula ng Baha?
7 Habang itinatayo nila ang arka, malamang na nag-isip si Noe at ang kaniyang pamilya kung paano tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin at kung kailan magsisimula ang Baha. Pero kahit hindi nila alam ang mga detalyeng ito, patuloy nilang itinayo ang arka. Sinasabi ng Bibliya: “Ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Gen. 6:22) Pitong araw bago bumuhos ang ulan—tamang-tamang panahon lang para maipasok ni Noe at ng kaniyang pamilya ang mga hayop sa arka—sinabi ni Jehova kay Noe kung kailan eksaktong magsisimula ang Baha. Kaya nang bumukas ang mga pintuan ng tubig ng langit “noong ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, nang ikalawang buwan, noong ikalabimpitong araw ng buwan,” handa na ang lahat.—Gen. 7:1-5, 11.
8. Paano tayo tinutulungan ng ulat hinggil sa Baha na magtiwala kay Jehova?
8 Pinatutunayan ng ulat hinggil sa Baha ang kakayahan ni Jehova hindi lang bilang Tagapag-ingat ng Panahon kundi bilang Tagapagligtas. Habang papalapit tayo sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, makatitiyak tayo na lahat ng layunin ni Jehova ay matutupad sa eksaktong “araw at oras” na itinakda niya.—Mat. 24:36; basahin ang Habakuk 2:3.
INILIGTAS SA DAGAT NA PULA
9, 10. Paano ginamit ni Jehova ang kaniyang bayan bilang pain sa mga hukbong militar ng Ehipto?
9 Natutuhan natin sa ulat hinggil sa Baha na kontrolado ni Jehova kung kailan magaganap ang mga bagay-bagay para matupad ang kaniyang layunin. Idiniriin naman ng ikalawang halimbawang tatalakayin natin ang isa pang dahilan kung bakit tayo makapagtitiwala na ililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan: Gagamitin niya ang kaniyang walang-limitasyong kapangyarihan para tiyak na maganap ang kaniyang kalooban. Hindi nagmimintis ang kakayahan ni Jehova na iligtas ang kaniyang bayan. May mga panahon pa ngang ginamit niya silang pain sa kaniyang mga kaaway. Ganiyan ang ginawa niya nang iligtas niya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto.
10 Mga tatlong milyong Israelita ang umalis sa Ehipto. Inutusan ni Jehova si Moises na akayin sila sa isang partikular na ruta para isipin ni Paraon na nagpapagala-gala sila dahil sa kalituhan. (Basahin ang Exodo 14:1-4.) Kaya hinabol ni Paraon at ng mga hukbong militar nito ang mga Israelita at nasukol sila sa Dagat na Pula. Parang wala na silang pag-asang makatakas. (Ex. 14:5-10) Pero ang totoo, hindi naman nanganib ang mga Israelita. Bakit? Dahil ililigtas sila ni Jehova.
11, 12. (a) Paano tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan? (b) Ano ang resulta ng pagkilos ng Diyos? Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito tungkol kay Jehova?
11 Ang “haliging ulap” na umaakay sa mga Israelita ay lumipat sa kanilang likuran kaya naharangan ang lumulusob na hukbo ni Paraon at nagdilim ang paligid ng mga ito. Pero ang haliging ito ay nagsilbing liwanag sa mga Israelita sa gabi. (Basahin ang Exodo 14:19, 20.) Pagkatapos ay hinawi ni Jehova ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silangan anupat “ang lunas ng dagat ay ginawa niyang tuyong lupa.” Tiyak na inabot ito nang mahaba-habang panahon, dahil sinasabi ng ulat: “Sa kalaunan ay dumaan ang mga anak ni Israel sa gitna ng dagat sa tuyong lupa.” Kumpara sa hukbong militar ni Paraon na sakay ng kanilang mga karong pandigma, usad-pagong ang mga Israelita. Pero imposibleng maabutan sila ng mga Ehipsiyo dahil si Jehova ang nakikipaglaban para sa Israel. “Nilito niya ang kampo ng mga Ehipsiyo. At pinag-aalisan niya ng mga gulong ang kanilang mga karo kung kaya pinatatakbo nila ang mga ito nang may kahirapan.”—Ex. 14:21-25.
12 Nang makatawid na ang buong Israel, sinabi ni Jehova kay Moises: “Iunat mo ang iyong kamay sa dagat, upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipsiyo, sa kanilang mga karong pandigma at sa kanilang mga kabalyero.” Tinangka ng mga kawal na tumakas mula sa rumaragasang tubig, pero “ibinulid ni Jehova ang mga Ehipsiyo sa gitna ng dagat.” Imposible na silang makaligtas. “Walang isa man sa kanila ang natira.” (Ex. 14:26-28) Kaya naman naipakita ni Jehova na may kapangyarihan siyang iligtas ang kaniyang bayan sa anumang sitwasyon.
INILIGTAS SA PAGKAWASAK NG JERUSALEM
13. Anong mga tagubilin ang ibinigay ni Jesus, at ano ang maaaring iniisip ng kaniyang mga tagasunod?
13 Ang ikatlong halimbawang tatalakayin natin ay ang pagsalakay ng hukbong Romano sa Jerusalem noong unang siglo. Idiniriin ng halimbawang ito na alam na alam ni Jehova kung paano eksaktong mangyayari ang mga bagay-bagay sa ikatutupad ng kaniyang layunin. Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, nagbigay si Jehova ng mga tagubilin para makaligtas ang mga Kristiyanong nakatira sa Jerusalem at Judea bago mawasak ang lunsod noong 70 C.E. Sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, na tinukoy sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa isang dakong banal, . . . kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok.” (Mat. 24:15, 16) Pero paano malalaman ng mga tagasunod ni Jesus na natutupad na ang hulang ito?
14. Paano naging malinaw ang kahulugan ng mga tagubilin ni Jesus?
14 Naging malinaw ang kahulugan ng mga salita ni Jesus dahil sa sunud-sunod na mga pangyayari. Noong 66 C.E., dumating sa Jerusalem ang mga hukbong Romano sa pangunguna ni Cestio Gallo para patahimikin ang rebelyon ng mga Judio. Nang ang mga rebeldeng Judio, na kilala bilang mga Zealot, ay manganlong sa tanggulan ng templo, sinimulang sirain ng mga kawal na Romano ang pader ng templo. Alam ng mga alistong Kristiyano ang ibig sabihin nito: Isang paganong hukbo na may dalang idolatrosong estandarte (“ang kasuklam-suklam na bagay”) ang nakarating hanggang sa pader ng templo (“isang dakong banal”). Panahon na para ang mga tagasunod ni Jesus ay “tumakas patungo sa mga bundok.” Pero paano sila makalalabas sa lunsod na kinukubkob? May mangyayaring pagbabago.
15, 16. (a) Anong espesipikong tagubilin ang ibinigay ni Jesus? Bakit napakahalagang sundin ito ng kaniyang mga tagasunod? (b) Ano ang kailangan nating gawin para makaligtas?
15 Sa di-malamang dahilan, si Cestio Gallo at ang kaniyang mga kawal ay umurong at umalis sa Jerusalem. Tinugis sila ng mga Zealot. Ngayong wala na sa lunsod ang magkalabang pangkat, may pagkakataon nang tumakas ang mga tagasunod ni Jesus. Espesipikong sinabi sa kanila ni Jesus na dapat silang magmadaling umalis sa lunsod at iwan ang kanilang mga pag-aari. (Basahin ang Mateo 24:17, 18.) Kailangan ba talaga nilang magmadali? Naging malinaw ang sagot pagkalipas ng ilang araw. Bumalik ang mga Zealot at pinilit ang mga naninirahan sa Jerusalem at Judea na sumali sa rebelyon. Tumindi ang kaguluhan sa lunsod dahil sa pag-aagawan ng kapangyarihan ng magkakaribal na paksiyon ng mga Judio. Lalong naging mahirap ang paglabas sa lunsod. Nang bumalik ang mga Romano noong 70 C.E., imposible nang makatakas sa Jerusalem. (Luc. 19:43) Nasukol ang lahat ng nagpatumpik-tumpik! Pero nakaligtas ang mga Kristiyanong sumunod sa tagubilin ni Jesus na tumakas patungo sa mga bundok. Napatunayan nila na alam ni Jehova kung paano iligtas ang kaniyang bayan. Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito?
16 Sa malaking kapighatian, ang mga Kristiyano ay kailangang sumunod sa mga tagubilin ng Salita ng Diyos at ng kaniyang organisasyon. Halimbawa, may katumbas sa ating panahon ang utos ni Jesus na ‘magsimulang tumakas patungo sa mga bundok.’ Paano tayo tatakas? Hindi pa natin alam.b Pero makaaasa tayo na lilinawin ni Jehova ang kahulugan ng mga tagubiling iyon sa tamang panahon. Makaliligtas lang tayo kung susunod tayo sa mga tagubiling ibibigay sa panahong iyon. Kaya tanungin ang sarili: ‘Paano ba ako tumutugon sa mga tagubiling ibinibigay ni Jehova sa kaniyang bayan ngayon? Agad ba akong sumusunod, o nagpapatumpik-tumpik pa?’—Sant. 3:17.
PINATITIBAY PARA SA MANGYAYARI SA HINAHARAP
17. Ano ang isinisiwalat ng hula ni Habakuk hinggil sa pagsalakay ni Gog sa bayan ng Diyos?
17 Balikan natin ang tungkol sa huling pagsalakay ni Gog na binanggit sa simula ng artikulong ito. Sa isang kaugnay na hula, sinabi ni Habakuk: “Narinig ko, at ang aking tiyan ay nagsimulang maligalig; dahil sa ingay ay nanginig ang aking mga labi; ang kabulukan ay nagsimulang pumasok sa aking mga buto; at sa aking kalagayan ay naligalig ako, upang hintayin ko nang tahimik ang araw ng kabagabagan, ang . . . pag-ahon [ng Diyos] sa bayan [ang nagbabantang hukbo], upang lusubin niya sila.” (Hab. 3:16) Nang marinig ni Habakuk na sasalakayin ng mga kaaway ang bayan ng Diyos, pakiramdam niya ay hinalukay ang sikmura niya, nangatal ang kaniyang mga labi, at nanghina siya. Pero handa siyang tahimik na maghintay sa dakilang araw ni Jehova. Baka matakot din tayo kapag sumalakay si Gog at ang kaniyang mga alipores. Pero gaya ni Habakuk, makapagtitiwala tayo na ililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan.—Hab. 3:18, 19.
18. (a) Bakit hindi tayo dapat matakot kapag sinalakay tayo ng ating mga kaaway? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Ipinakikita ng tatlong halimbawang tinalakay natin na talagang alam ni Jehova kung paano iligtas ang kaniyang bayan. Imposibleng mabigo ang kaniyang layunin. Tiyak ang tagumpay niya. Pero kung gusto nating makibahagi sa maluwalhating tagumpay na iyan, kailangan tayong manatiling tapat hanggang sa wakas. Paano tayo tinutulungan ni Jehova na makapanatiling tapat? Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Bantayan, Disyembre 15, 2010, pahina 30-31.
b Tingnan ang Bantayan, Mayo 1, 1999, pahina 19.
[Larawan sa pahina 24]
Talaga bang nanganib ang mga Israelita sa mga hukbo ni Paraon?