Taimtim na Mánanampalatayá at Responsableng Mamamayan—Paano?
MAY dalawang bagay na kapansin-pansin sa ministeryo ni Jesus. Una, sinikap ni Jesus na baguhin ang puso ng mga tao, hindi ang pulitikal na mga institusyon. Halimbawa, pansinin kung ano ang idiniin ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok. Bago niya sabihin ang tungkol sa pangangailangang maging tulad ng asin at ng liwanag, sinabi niya sa kaniyang mga tagapakinig na ang tunay na kaligayahan ay nasa mga “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” Idinagdag pa niya: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, . . . dalisay ang puso, . . . mapagpayapa.” (Mateo 5:1-11) Tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na makita ang kahalagahang iayon ang kanilang pag-iisip at damdamin sa pamantayan ng Diyos sa kung ano ang mabuti at masama at ang kahalagahan ng buong-pusong paglilingkod sa Diyos.
Ikalawa, nang makita ni Jesus ang pagdurusa ng mga tao, naawa siya sa kanila at napakilos na pansamantalang lunasan ang kanilang paghihirap. Pero hindi niya ginawang tunguhin na alisin ang lahat ng pagdurusa. (Mateo 20:30-34) Nagpagaling siya ng maysakit, pero patuloy pa ring pinahirapan ng sakit ang mga tao. (Lucas 6:17-19) Nagdulot siya ng ginhawa sa mga naaapi, pero patuloy pa ring nagdusa ang mga tao dahil sa kawalang-katarungan. Nagpakain siya ng nagugutom, pero patuloy pa ring sinalot ng taggutom ang mga tao.—Marcos 6:41-44.
Puso at Pansamantalang Lunas
Bakit puso ng mga tao ang sinikap ni Jesus na baguhin sa halip na mga institusyon, at bakit pansamantala lang niyang nilunasan ang pagdurusa sa halip na tuluyan itong alisin? Alam ni Jesus na gagamitin ng Diyos ang Kaniyang Kaharian para alisin ang lahat ng gobyerno ng tao at ang lahat ng dahilan ng pagdurusa. (Lucas 4:43; 8:1) Kaya nang minsang himukin si Jesus ng kaniyang mga alagad na magpagaling pa ng maysakit, sinabi niya sa kanila: “Pumunta tayo sa ibang dako, sa kalapit na maliliit na bayan, upang makapangaral din ako roon, sapagkat sa layuning ito ako lumabas.” (Marcos 1:32-38) Pansamantalang nilunasan ni Jesus ang pagdurusa ng marami, pero mas mahalaga sa kaniya ang pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos.
Sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon, sinisikap nilang tularan si Jesus. Napakikilos sila na pansamantalang lunasan ang pagdurusa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan. Pero hindi sinisikap ng mga Saksi na alisin ang mga kawalang-katarungan sa daigdig. Naniniwala silang ang Kaharian ng Diyos ang mag-aalis sa lahat ng sanhi ng pagdurusa. (Mateo 6:10) Tulad ni Jesus, sinisikap nilang baguhin ang puso ng mga tao at hindi ang pulitikal na mga institusyon. Makatotohanan iyan dahil hindi naman pulitika ang pangunahing problema ng mga tao, kundi ang kanilang moralidad.
Mga Responsableng Mamamayan
Naniniwala rin ang mga Saksi ni Jehova na pananagutan nila bilang Kristiyano na maging mabubuting mamamayan. Kaya naman iginagalang nila ang mga nasa awtoridad. Sa pamamagitan ng kanilang mga publikasyon at pangangaral, pinasisigla nila ang kanilang kapuwa na sumunod sa batas. Pero kapag labag sa mga utos ng Diyos ang hinihiling ng isang gobyerno, hindi nila ito sinusunod. ‘Sinusunod nila ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.’—Gawa 5:29; Roma 13:1-7.
Dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng nasa kanilang komunidad para mag-alok ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Bilang resulta, nagbago ang puso ng milyun-milyong tao. Bawat taon, daan-daang libong tao ang natutulungang mapagtagumpayan ang nakapipinsalang mga gawaing gaya ng paninigarilyo, paglalasing, pagdodroga, pagsusugal, at seksuwal na imoralidad. Sila ay naging mga responsableng mamamayan na may mataas na moral dahil namuhay sila ayon sa mga prinsipyo sa Bibliya.—Tingnan ang artikulong “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay,” sa pahina 18 ng magasing ito.
Karagdagan pa, ang pag-aaral ng Bibliya ay nakatutulong sa mga miyembro ng pamilya na maging mas magalang sa isa’t isa. Nakatutulong din ito para maging mas bukás ang komunikasyon ng mag-asawa, magulang at anak, at ng magkakapatid. Ang mga ito ay nagpapatibay sa buklod ng pamilya. Ang matibay na pamilya ay pundasyon ng matibay na komunidad.
Matapos talakayin ang mga punto sa mga artikulong ito, ano sa palagay mo: Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang mga taong sumusuporta sa pagsasama ng relihiyon at pulitika? Maliwanag na hindi. Pero dapat bang maging responsableng mamamayan ang mga tunay na Kristiyano? Oo. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ni Jesus na maging tulad ng asin at ng liwanag sa sanlibutan.
Ang mga nagsisikap na magkapit ng praktikal na mga tagubilin ni Kristo ay magdudulot ng mga pakinabang hindi lang sa kanilang sarili at pamilya, kundi pati na sa kanilang komunidad. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar na ibahagi sa inyo ang higit pang impormasyon tungkol sa programa ng pagtuturo sa Bibliya na isinasagawa sa inyong komunidad.a
[Talababa]
a Maaari ka ring makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa www.watchtower.org
[Blurb sa pahina 10]
Sinikap ni Jesus na baguhin ang puso ng mga tao, hindi ang pulitikal na mga institusyon
[Blurb sa pahina 11]
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na pananagutan nilang maging mabubuting mamamayan