Binuksan ni Jehova ang Aking mga Mata
Ayon sa salaysay ni Patrice Oyeka
Magtatakipsilim na. Pagkatapos ng maghapong pakikinig sa radyo habang nag-iisa at walang nakikita kundi puro kadiliman, nagdesisyon akong tapusin na ang miserable kong buhay. Ibinuhos ko ang lason sa isang tasa ng tubig at ipinatong sa mesa sa aking harapan. Naisip kong maligo muna at saka magbihis nang maayos bago ko iyon inumin. Bakit ko naisip na magpakamatay? At bakit buháy pa rin ako ngayon at naikukuwento ko ito?
IPINANGANAK ako noong Pebrero 2, 1958, sa probinsiya ng Kasaï Oriental, sa Democratic Republic of the Congo. Namatay si Itay noong siyam na taon ako, at si Kuya na lang ang nagpalaki sa akin.
Nang makatapos ako ng pag-aaral, nakapagtrabaho ako sa plantasyon ng punò ng goma. Isang umaga ng 1989, habang inihahanda ko ang isang report sa aming opisina, biglang nagdilim ang aking paligid. Noong una, akala ko’y pumalya ang generator. Pero naririnig kong umaandar iyon, at umaga naman noon! Natakot ako. Wala akong makita, kahit ang mga papel sa harap ko!
Tinawag ko agad ang isa sa aking mga tauhan para magpadala sa infirmary. Iminungkahi ng taga-infirmary na dalhin ako sa mas makaranasang doktor sa lunsod. Dahil napansin niyang napunit ang retina ng mga mata ko at malubha ito, ipinadala niya ako sa Kinshasa, na kabiserang lunsod.
Buhay sa Kinshasa
Sa Kinshasa, kumonsulta ako sa iba’t ibang espesyalista sa mata, pero wala silang nagawa. Matapos obserbahan nang 43 araw sa ospital, sinabi ng mga doktor na hindi na ako makakakita kailanman! Kung saan-saang relihiyon ako dinala ng aking mga kapamilya sa pagbabaka-sakaling mapagaling ako sa pamamagitan ng himala, pero wala ring nangyari.
Nang bandang huli, nawalan na ako ng pag-asa. Naging madilim ang buhay ko. Nawalan ako ng paningin at trabaho, iniwan ako ng aking asawa at dinala niyang lahat ang aming gamit. Nahiya na akong lumabas at makisalamuha sa ibang tao. Nagkulong ako sa bahay at nagmukmok. Pakiramdam ko’y wala na akong silbi.
Dalawang beses kong tinangkang magpakamatay. Ang ikalawa ay ang binanggit sa pasimula ng kuwentong ito. Isang batang kamag-anak ko ang nakapagligtas sa akin. Naisipan niyang itapon ang laman ng tasa habang naliligo ako. Mabuti na lang at hindi niya iyon ininom. Hinanap ko ang tasa pero hindi ko na iyon matagpuan. Pagkatapos ay ipinagtapat ko sa aking mga kapamilya kung bakit ko iyon hinahanap, pati na ang binalak kong gawin.
Nagpapasalamat ako sa Diyos at sa aming pamilya dahil sa pagbabantay nila sa akin. Natigil ang plano kong magpakamatay.
Sumaya Ulit ang Buhay Ko
Isang araw ng Linggo noong 1992, habang nasa bahay at naninigarilyo, dalawang Saksi ni Jehova ang lumapit sa akin. Nang mapansin nilang bulag ako, binasa nila sa akin ang Isaias 35:5: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan.” Tuwang-tuwa ako nang marinig ko iyon! Di-gaya ng ibang mga relihiyon na pinuntahan ko, ang mga Saksi ay walang sinabi tungkol sa makahimalang pagpapagaling. Sa halip, ipinaliwanag nila na kung makikilala ko ang Diyos, makakakita akong muli sa bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos. (Juan 17:3) Nakipag-aral agad ako ng Bibliya sa mga Saksi, gamit ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Dumalo na rin ako sa lahat ng Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall sa aming lugar at gumawa ng mga pagbabago sa aking buhay. Itinigil ko na ang paninigarilyo.
Pero dahil bulag ako, hindi ako sumusulong. Kaya nag-aral akong bumasa at sumulat ng Braille sa isang institusyon. Nakatulong ito para makasali ako sa pagsasanay na ginagawa sa Kingdom Hall. Di-nagtagal, nangaral na ako sa aking mga kapitbahay. Sumaya na ulit ang buhay ko. Patuloy akong sumulong at nag-alay ng aking buhay kay Jehova. Nabautismuhan ako noong Mayo 7, 1994.
Habang sumisidhi ang pag-ibig ko kay Jehova at sa mga tao, pinangarap kong maging regular pioneer, o buong-panahong ministro, at natupad ito pasimula noong Disyembre 1, 1995. At noong Pebrero 2004 naman, nagkapribilehiyo akong maging elder sa aming kongregasyon. Kung minsan, naaanyayahan akong magpahayag tungkol sa Bibliya sa ibang mga kongregasyon sa aming lugar. Ang lahat ng ito ay nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan at nagpapaalaalang hindi mahahadlangan ng kapansanan ang pagnanais nating paglingkuran ang Diyos na Jehova.
Binigyan Ako ni Jehova ng “mga Mata”
Gaya nang nabanggit na, iniwan ako ng aking asawa nang ako’y mabulag. Pero nakatanggap ako ng dagdag na pagpapala mula kay Jehova. Binigyan niya ako ng “mga mata” para makakita. Si Anny Mavambu, na tumanggap sa akin bilang asawa sa kabila ng aking kapansanan, ang naging “mga mata” ko. Dahil isa rin siyang buong-panahong mángangarál, lagi niya akong sinasamahan sa ministeryo. Binabasa rin niya sa akin ang mga reperensiya sa aking mga pahayag para maisulat ko sa Braille ang aking mga nota. Malaking pagpapala siya sa akin. Dahil sa kaniya, napatunayan kong totoo ang Kawikaan 19:14: “Ang mana mula sa mga ama ay bahay at yaman, ngunit ang pantas na asawang babae ay nagmumula kay Jehova.”
Biniyayaan din kami ni Jehova ng dalawang anak—isang lalaki at isang babae. Nasasabik akong makita sila sa Paraiso! Ang isa pang pagpapala ay nang tanggapin ni Kuya, na nagpatirá sa amin sa kaniyang lote, ang katotohanan sa Bibliya at magpabautismo! Magkakasama kami sa isang kongregasyon.
Sa kabila ng aking kapansanan, gustung-gusto kong paglingkuran pa nang higit ang Diyos dahil sa sobra-sobrang pagpapala niya sa akin. (Malakias 3:10) Araw-araw kong ipinapanalanging dumating na sana ang kaniyang Kaharian para maalis na ang lahat ng pagdurusa sa lupa. Mula nang makilala ko si Jehova, talagang masasabi ko: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”—Kawikaan 10:22.
[Mga larawan sa pahina 13]
Nagbibigay ng isang pahayag sa Bibliya; kasama ang aking pamilya at si Kuya