Tanong ng mga Mambabasa
Bakit Nangangaral sa Bahay-bahay ang mga Saksi ni Jehova?
▪ Sa Bibliya, mababasa natin ang utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: ‘Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, at turuan sila.’ (Mateo 28:19, 20) Para ba ito sa lahat ng Kristiyano? Ganiyan ang pagkaunawa ng unang mga alagad ni Jesus. Halimbawa, sinabi ni apostol Pedro: “Inutusan niya [ni Jesus] kaming mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.” (Gawa 10:42) Isinulat naman ni apostol Pablo: “Ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, sa aba ko kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!”—1 Corinto 9:16.
Hindi lang sina Pablo at Pedro ang sumunod sa utos na iyan ni Jesus, kundi pati na rin ang lahat ng Kristiyano noong unang siglo. Ang pangangaral ang naging pinakamahalagang gawain nila. (Gawa 5:28-32, 41, 42) Ganiyan din ang sinisikap na gawin ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Ipinangangaral din nila ang mensaheng ipinangaral ni Jesus, “ang kaharian ng langit.”—Mateo 10:7.
Kanino iyon dapat ipangaral? Sinabi ni Jesus na iyon ay dapat ipangaral sa lahat ng tao saanmang lugar. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Inihula pa nga niya na bago magwakas ang sistemang ito, ‘ang mabuting balita ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo.’ (Mateo 24:14) Bilang katuparan, sinikap ng mga Kristiyano noong unang siglo na kausapin ang lahat ng tao, hindi lang ang mga kakilala nila o ang mga taong walang relihiyon. (Colosas 1:23; 1 Timoteo 2:3, 4) Sa katulad na paraan, sinisikap din ng mga Saksi ni Jehova na mangaral sa lahat.a
Ano ang pinakaepektibong paraan para mapalaganap ang mensahe ng Kaharian? Alam ni Jesus kung paano iyon maipaaabot sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Isinugo niya ang kaniyang mga alagad sa mga lunsod, nayon, at mga bahay. (Mateo 10:7, 11, 12) Pagkatapos buhaying muli si Jesus, nagpatuloy ang kaniyang mga alagad sa pangangaral “sa bahay-bahay.” (Gawa 5:42) Gaya ng ginawa ni Jesus, nangaral din sila sa mga pampublikong lugar at kung saan may mga tao. (Juan 4:7-26; 18:20; Gawa 17:17) Ganiyan din ang mga pamamaraan ng mga Saksi ni Jehova sa pangangaral sa lahat ng tao.
Sinabi ni Jesus na hindi lahat ay makikinig. (Mateo 10:14; 24:37-39) Dapat bang makahadlang ito sa pangangaral ng mga Kristiyano? Pansinin: Kung isa ka sa mga rescuer pagkatapos ng isang malakas na lindol, titigil ka ba sa paghahanap ng maililigtas dahil iilan lang ang natatagpuan ninyo? Hindi, magpapatuloy ka hangga’t may pag-asang makapagligtas kayo ng kahit isa pang buhay. Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na magtiyaga hangga’t may tumutugon sa mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 10:23; 1 Timoteo 4:16) Sa paghahanap ng gayong uri ng mga tao sa bahay-bahay, ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, na ang mga buhay ay nakadepende sa pakikinig at pagtugon sa mensahe ng Kaharian.—Mateo 22:37-39; 2 Tesalonica 1:8.
Ipinaliliwanag ng magasing ito ang mensaheng iyan ng Bibliya. Para sa higit pang impormasyon, makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova kapag dumalaw ulit sila sa inyong bahay, o sumulat sa tagapaglathala ng magasing ito.
[Talababa]
a Sa kasalukuyan, nangangaral ang mga Saksi ni Jehova sa 236 na lupain. Noong nakaraang taon, gumugol sila ng 1.7 bilyong oras sa pangangaral at nakapagdaos ng 8.5 milyong pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa buong daigdig.