Alam Mo Ba?
Bakit napakahalaga sa mga Judio ang kanilang talaangkanan?
▪ Ang rekord ng talaangkanan ay mahalaga para matukoy ang magkakamag-anak at magkakatribo. Kailangan din ito para sa hatian ng mga lupa at mana. Pero ang pinakamahalagang matukoy noon ay ang linya ng angkan ng ipinangakong Mesiyas. Alam na alam ng mga Judio na ang Mesiyas ay magmumula sa linya ni David ng tribo ng Juda.—Juan 7:42.
Isa pa, “yamang ang mga katungkulan ng saserdote at Levita ay namamana . . . napakahalagang di-mahaluan ang angkan,” ang sabi ng iskolar na si Joachim Jeremias. Ang mga babaing Israelita na nag-asawa ng kabilang sa pamilya ng mga saserdote ay hinilingan munang magpakita ng katibayan ng kanilang pinagmulang angkan para “di-mahaluan” ang pagkasaserdote. Noong panahon ni Nehemias, pami-pamilyang Levita ang itinuring na di-kuwalipikado nang ‘hanapin nila ang kanilang pagkakarehistro, upang mapatunayan sa madla ang kanilang talaangkanan, at hindi iyon nasumpungan.’—Nehemias 7:61-65.
Bukod diyan, itinakda ng Kautusang Mosaiko na “walang anak sa ligaw” at walang “Ammonita o Moabita ang makapapasok sa kongregasyon ni Jehova.” (Deuteronomio 23:2, 3) Dahil dito, idinagdag ni Jeremias, “ang pagiging di-nahaluan ng angkan ng isang lalaki ay dapat munang mapatunayan bago niya magamit ang anumang karapatan niya sa lipunan, at pinagtitibay nito ang aming konklusyon na . . . kilala kahit ng karaniwang Israelita kung sino ang kaniyang mga ninuno at kung saan sa labindalawang tribo siya kabilang.”
Paano natipon at naingatan ng mga Judio ang kanilang talaangkanan?
▪ Itinala ng mga manunulat ng Ebanghelyo na sina Mateo at Lucas ang detalyadong talaangkanan ni Jesus. (Mateo 1:1-16; Lucas 3:23-38) May iba pang rekord ng talaangkanan na naingatan din. Halimbawa, isang midrash, o komentaryo ng mga Judio, ang nagsabi tungkol kay Hillel na isang rabbi noong panahon ni Jesus: “Natagpuan sa Jerusalem ang isang balumbon ng talaangkanan, kung saan nakasulat na si Hillel ay inapo ni David.” Sa kaniyang akdang The Life, sinabi ng unang-siglong Judiong istoryador na si Flavius Josephus na ang kaniyang mga ninuno ay saserdote, at sa angkan ng kaniyang ina, siya ay “dugong bughaw.” Ayon sa kaniya, nakita niyang ito ay “nakarekord sa mga pampublikong rehistro.”
Tungkol sa rekord ng pamilya ng mga saserdote, sinabi ni Josephus sa kaniyang akdang Against Apion na pinaiingatan ito sa “mga lalaking lubos na mapagkakatiwalaan.” Sinabi ng The Jewish Encyclopedia: “Lumilitaw na isang pantanging opisyal ang pinagkakatiwalaan ng mga rekord na ito at na isang korteng mapagtatanungan tungkol sa mga talaangkanan ang itinatag sa Jerusalem.” Ang mga di-saserdoteng Judio ay magpaparehistro sa lunsod ng kanilang ama. (Lucas 2:1-5) Malamang na kumonsulta sa natipong mga pampublikong rekord ang mga manunulat ng Ebanghelyo. Lumilitaw rin na ang pribadong rekord ay iniingatan ng bawat pamilya.