Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Pagpapatawad ni Jehova?
“Si Jehova [ay] isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit . . . , nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.”—EX. 34:6, 7.
1, 2. (a) Anong mga katangian ang ipinakita ng Diyos na Jehova sa bansang Israel? (b) Anong tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
NOONG panahon ni Nehemias, isang grupo ng mga Levita ang nanalangin sa harap ng bayan. Inamin nila na paulit-ulit na ‘tumangging makinig’ sa mga utos ni Jehova ang kanilang mga ninuno. Pero paulit-ulit ding pinatunayan ni Jehova na siya ay “isang Diyos ng mga pagpapatawad, magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” Patuloy na nagpakita si Jehova ng di-sana-nararapat na kabaitan sa nakabalik na mga tapong iyon.—Neh. 9:16, 17.
2 Baka maitanong mo, ‘Ano ang kahulugan sa akin ng pagpapatawad ni Jehova?’ Para masagot ang mahalagang tanong na ito, suriin natin kung paano nakitungo si Jehova sa dalawang lalaking nakinabang sa kaniyang pagpapatawad—ang mga haring si David at si Manases.
ANG MALULUBHANG KASALANAN NI DAVID
3-5. Anong malulubhang kasalanan ang nagawa ni David?
3 Bagaman may-takot sa Diyos si David, nakagawa siya ng malulubhang kasalanan. Dalawa sa mga ito ay may kinalaman sa mag-asawang sina Uria at Bat-sheba. Masaklap ang ibinunga ng mga kasalanang iyon. Gayunman, marami tayong matututuhan tungkol sa pagpapatawad ni Jehova kung susuriin natin ang paraan niya ng pagtutuwid kay David. Tingnan natin ang nangyari.
4 Isinugo ni David ang hukbo ng Israel para kubkubin ang Raba na kabisera ng mga Ammonita. Mga 80 kilometro ang layo nito sa silangan ng Jerusalem, sa ibayo ng Ilog Jordan. Samantala, mula sa bubong ng kaniyang palasyo sa Jerusalem, nakita ni David si Bat-sheba na naliligo. Wala ang asawa nito. Pinagmasdan ni David si Bat-sheba kung kaya napukaw nang husto ang kaniyang pagnanasa. Ipinatawag niya ito sa palasyo at nangalunya sa kaniya.—2 Sam. 11:1-4.
5 Nang malaman ni David na nagdadalang-tao si Bat-sheba, pinauwi niya sa Jerusalem ang asawa nitong si Uria sa pag-asang makikipagtalik ito kay Bat-sheba. Pero hindi man lang pumasok si Uria sa kaniyang bahay—kahit paulit-ulit siyang hinimok ni David. Kaya naman sa pamamagitan ng isang sulat, palihim na iniutos ng hari sa kumandante ng kaniyang hukbo na ilagay si Uria “sa harap ng pinakamatitinding sagupaan sa pagbabaka” at saka paurungin ang mga kapuwa kawal nito. Palibhasa’y walang kalaban-laban, namatay si Uria, gaya ng plano ni David. (2 Sam. 11:12-17) Lalong bumigat ang kasalanan ng hari dahil ipinapatay niya ang isang lalaking walang-sala.
NAGBAGO NG SALOOBIN SI DAVID
6. Ano ang naging tugon ng Diyos sa mga pagkakasala ni David? Ano ang isinisiwalat nito tungkol kay Jehova?
6 Siyempre pa, nakita ni Jehova ang buong pangyayari. Walang makalalampas sa kaniyang paningin. (Kaw. 15:3) Bagaman pinakasalan ng hari si Bat-sheba, “ang bagay na ginawa ni David ay naging masama sa paningin ni Jehova.” (2 Sam. 11:27) Ano ang naging tugon ng Diyos sa malulubhang pagkakasala ni David? Isinugo niya kay David ang propetang si Natan. Dahil si Jehova ay Diyos na mapagpatawad, tiyak na naghahanap siya ng basehan para pagpakitaan ng awa si David. Hindi ba nakaaantig ang ginawang ito ni Jehova? Hindi niya pinilit si David na umamin. Sa halip, ipinalahad niya kay Natan ang isang kuwentong magpapakita sa hari kung gaano kabigat ang kasalanan nito. (Basahin ang 2 Samuel 12:1-4.) Napakabisa ngang paraan ng pagharap sa maselang sitwasyon na iyon!
7. Ano ang naging reaksiyon ni David sa ilustrasyon ni Natan?
7 Nagalit ang hari sa kawalang-katarungang ginawa ng mayamang lalaki sa kuwento. Sinabi niya kay Natan: “Buháy si Jehova, ang taong gumagawa nito ay dapat mamatay!” Bukod diyan, sinabi ni David na dapat bigyan ng kaukulang bayad-pinsala ang biktima ng gayong kawalang-katarungan. Pero matinding dagok kay David ang sumunod na sinabi ni Natan: “Ikaw mismo ang taong iyon!” Sinabi pa ni Natan na dahil sa ginawa ni David, hindi lilisan ‘ang tabak’ sa kaniyang sambahayan at daranas ng kapahamakan ang kaniyang pamilya. Hihiyain din siya sa harap ng bayan. Natauhan si David at buong-pagsisising inamin: “Ako ay nagkasala laban kay Jehova.”—2 Sam. 12:5-14.
ANG PANALANGIN NI DAVID AT ANG PAGPAPATAWAD NG DIYOS
8, 9. Ano ang isinisiwalat ng Awit 51 hinggil sa damdamin ni David? Ano ang itinuturo nito hinggil kay Jehova?
8 Makikita sa awit na kinatha ni Haring David ang kaniyang taos-pusong pagsisisi. Mababasa sa Awit 51 ang nakaaantig na mga pakiusap ni David kay Jehova. Ipinakikita nito na hindi lang basta inamin ni David ang kaniyang mga pagkakamali. Pinagsisihan din niya ang mga ito. Ang pangunahing ikinabahala ni David ay ang kaugnayan niya sa Diyos. “Laban sa iyo, sa iyo lamang, ako ay nagkasala,” ang pag-amin niya. Nagsumamo siya kay Jehova: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, O Diyos, at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag. . . . Isauli mo sa akin ang pagbubunyi sa iyong pagliligtas, at alalayan mo nawa ako ng isang nagkukusang espiritu.” (Awit 51:1-4, 7-12) Kapag sinasabi mo kay Jehova ang mga pagkakamali mo, taimtim at tapat ka rin ba gaya ni David?
9 Hindi pinaligtas ni Jehova si David sa mapapait na bunga ng kaniyang kasalanan. Pinagdusahan niya ang mga ito sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay. Pero dahil taimtim na nagsisi si David, anupat may “pusong wasak at durog,” pinatawad siya ni Jehova. (Basahin ang Awit 32:5; Awit 51:17) Nauunawaan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang tunay na saloobin at motibo ng mga nagkasala. Kaya sa halip na ipahawak ang kaso nina David at Bat-sheba sa mga taong hukom na magpapataw ng hatol na kamatayan ayon sa Kautusang Mosaiko, maawaing namagitan si Jehova at siya mismo ang humawak sa kaso ng dalawang ito. (Lev. 20:10) Pinili pa nga ng Diyos ang anak nilang si Solomon bilang susunod na hari ng Israel.—1 Cro. 22:9, 10.
10. (a) Ano pa kaya ang naging basehan ni Jehova sa pagpapatawad kay David? (b) Ano ang dapat nating gawin para patawarin tayo ni Jehova?
10 Marahil ang isa pang basehan kung bakit nagpatawad si Jehova ay ang awang ipinakita ni David kay Saul. (1 Sam. 24:4-7) Pakikitunguhan tayo ni Jehova ayon sa pakikitungo natin sa iba, gaya ng ipinaliwanag ni Jesus: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan; sapagkat sa hatol na inyong inihahatol ay hahatulan kayo; at ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo.” (Mat. 7:1, 2) Nakaaaliw malaman na patatawarin ni Jehova ang ating mga kasalanan—kasimbigat man ito ng pangangalunya o pagpatay! Gagawin niya ito kung tayo ay mapagpatawad, kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan sa kaniya, at kung magbabago tayo ng saloobin sa ating kasalanan. Ipagkakaloob ni Jehova “ang mga kapanahunan ng pagpapaginhawa” sa mga makasalanang taimtim na nagsisisi.—Basahin ang Gawa 3:19.
NAGKASALA NANG MALUBHA SI MANASES PERO NAGSISI
11. Anong masasamang bagay ang ginawa ni Haring Manases?
11 Isaalang-alang natin ang isa pang ulat ng Bibliya na nagpapakita ng laki ng pagpapatawad ni Jehova. Makalipas ang mga 360 taon mula nang magsimulang mamahala si David, naging hari naman ng Juda si Manases. Napabantog sa kasamaan ang 55-taóng paghahari niya, at hinatulan ni Jehova ang kaniyang kasuklam-suklam na mga gawain. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga altar para kay Baal, pagsamba sa “buong hukbo ng langit,” pagpaparaan ng kaniyang mga anak sa apoy, at pagtataguyod ng espiritismo. Talagang “ginawa niya nang malawakan ang masama sa paningin ni Jehova.”—2 Cro. 33:1-6.
12. Paano nanumbalik si Manases kay Jehova?
12 Nang maglaon, si Manases ay dinalang bihag at ibinilanggo sa Babilonya. Doon, marahil naalaala niya ang mga sinabing ito ni Moises sa Israel: “Kapag ikaw ay nasa kagipitan at dumating sa iyo ang lahat ng mga salitang ito sa pagtatapos ng mga araw, kung magkagayon ay manunumbalik ka kay Jehova na iyong Diyos at makikinig ka sa kaniyang tinig.” (Deut. 4:30) Nanumbalik si Manases kay Jehova. Paano? Siya ay “patuloy na nagpakumbaba nang lubha” at ‘patuloy na nanalangin’ sa Diyos (gaya ng ipinakikita ng larawan sa pahina 21). (2 Cro. 33:12, 13) Hindi iniulat sa Bibliya ang eksaktong mga sinabi ni Manases sa mga panalanging iyon, pero malamang na katulad ito ng mga pananalita ni Haring David sa Awit 51. Anuman iyon, lubusang nagbago ang saloobin ni Manases.
13. Bakit pinatawad ni Jehova si Manases?
13 Paano tumugon si Jehova sa mga panalangin ni Manases? “Hinayaan Niya na siya ay mapamanhikan [ni Manases] at dininig Niya ang kaniyang paghiling ng lingap.” Gaya ni David, kinilala ni Manases na mabigat ang kaniyang mga kasalanan at talagang pinagsisihan niya ang mga ito. Kaya naman pinatawad siya ng Diyos at isinauli siya sa paghahari sa Jerusalem. Sa gayon, “nakilala ni Manases na si Jehova ang tunay na Diyos.” (2 Cro. 33:13) Karagdagang katibayan ito na ang ating maawaing Diyos ay nagpapatawad sa mga taimtim na nagsisisi!
LAGI BANG NAGPAPATAWAD SI JEHOVA?
14. Ano ang basehan ni Jehova sa pagpapatawad sa isang nagkasala?
14 Iilan lang sa bayan ng Diyos ngayon ang nangangailangang humingi ng kapatawaran sa mga kasalanang kasimbigat ng nagawa nina David at Manases. Pero ang pakikitungo ni Jehova sa dalawang haring ito ay nagpapakita na handang patawarin ng Diyos kahit ang malulubhang kasalanan kung taimtim na nagsisisi ang nagkasala.
15. Paano natin nalalaman na hindi basta-basta nagpapatawad si Jehova?
15 Siyempre pa, hindi tamang isipin na basta na lang pinatatawad ni Jehova ang kasalanan ng lahat ng tao. Hinggil diyan, ihambing natin ang saloobin nina David at Manases sa saloobin ng suwail na bayan ng Israel at Juda. Isinugo ng Diyos si Natan kay David para bigyan siya ng pagkakataong baguhin ang kaniyang saloobin. Buong-pasasalamat itong tinanggap ni David. Nang malagay sa kagipitan si Manases, naudyukan siyang taimtim na magsisi. Pero kadalasan, ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay hindi nagsisisi kahit paulit-ulit na isinusugo sa kanila ng Diyos ang kaniyang mga propeta. Kaya naman hindi sila pinatawad ni Jehova. (Basahin ang Nehemias 9:30.) At kahit nakabalik na sa kanilang lupain ang mga tapong Judio mula sa Babilonya, patuloy na nagbangon si Jehova ng tapat na mga mensahero, gaya ng saserdoteng si Ezra at ng propetang si Malakias. Nang ang bayan ay sumunod sa kalooban ni Jehova, malaking kagalakan ang naranasan nila.—Neh. 12:43-47.
16. (a) Ano ang nangyari sa likas na bansang Israel dahil hindi sila nagsisi? (b) Anong pagkakataon ang bukás sa indibiduwal na mga inapo ng sinaunang mga Israelita?
16 Nang isugo ni Jehova si Jesus sa lupa at mailaan ang sakdal na haing pantubos, hindi na tinanggap ni Jehova ang mga haing hayop ng mga Israelita. (1 Juan 4:9, 10) Noong narito siya sa lupa, ipinakita ni Jesus kung ano ang damdamin ni Jehova sa Jerusalem. Sinabi niya: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya,—kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig.” Kaya inihayag ni Jesus: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mat. 23:37, 38) Ang makasalanan at di-nagsisising bansang iyon ay pinalitan ng espirituwal na Israel. (Mat. 21:43; Gal. 6:16) Paano naman ang indibiduwal na mga inapo ng likas na Israel? Tatanggap sila ng kapatawaran at awa ni Jehova kung mananampalataya sila sa Diyos at sa hain ni Jesu-Kristo. Bukás din ang pagkakataong iyan sa mga taong namatay nang hindi nakapagsisi sa kanilang kasalanan pero binuhay-muli sa isang nilinis na lupa.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
MAKINABANG SA KAPATAWARAN NI JEHOVA
17, 18. Paano natin matatanggap ang kapatawaran ni Jehova?
17 Yamang handang magpatawad si Jehova, ano ang dapat nating gawin? Tularan natin si David at si Manases. Kilalanin natin na makasalanan tayo, pagsisihan ang ating mga pagkakamali, marubdob na hingin ang kapatawaran ni Jehova, at hilingin na likhain niya sa atin ang isang dalisay na puso. (Awit 51:10) Kung nagkasala tayo nang malubha, dapat din tayong humingi ng espirituwal na tulong sa mga elder. (Sant. 5:14, 15) Gaano man kabigat ang naging kasalanan natin, nakaaaliw malaman na si Jehova ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.” Ganiyan ang paglalarawan ni Jehova sa kaniyang sarili kay Moises, at hindi siya nagbabago.—Ex. 34:6, 7.
18 Gamit ang isang mapuwersang ilustrasyon, ipinangako ni Jehova sa nagsisising mga Israelita na lubusang papawiin ang mantsa ng kanilang kasalanan, anupat papuputiin ang “iskarlata” gaya ng “niyebe.” (Basahin ang Isaias 1:18.) Kung gayon, ano ang kahulugan sa atin ng pagpapatawad ni Jehova? Lubusang kapatawaran sa ating mga kasalanan at pagkakamali, kung mapagpahalaga tayo at nagsisisi.
19. Ano ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?
19 Yamang tumanggap tayo ng kapatawaran ni Jehova, paano natin siya matutularan sa pakikitungo natin sa isa’t isa? Paano natin maiiwasang maging di-mapagpatawad sa mga nakagawa ng malulubhang kasalanan pero taimtim na nagsisisi? Ang susunod na artikulo ay tutulong sa atin na suriin ang ating puso para mas matularan natin ang ating Ama, si Jehova, na “mabuti at handang magpatawad.”—Awit 86:5.