Maging Masunurin sa mga Pastol ni Jehova
“Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa.”—HEB. 13:17.
1, 2. Bakit inihalintulad ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang pastol?
INIHALINTULAD ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang pastol. (Ezek. 34:11-14) Nakakatulong iyan para maunawaan natin kung anong uri ng Diyos si Jehova. Para sa isang maibiging pastol, pananagutan niyang tiyaking ligtas at nasa mabuting kalagayan ang mga tupang pinangangalagaan niya. Inaakay niya sila sa pastulan at sa mga bukal ng tubig (Awit 23:1, 2); binabantayan araw at gabi (Luc. 2:8); pinoprotektahan laban sa mga maninila (1 Sam. 17:34, 35); binubuhat ang mga kordero (Isa. 40:11); hinahanap ang mga nawawalang tupa, at inaalagaan ang mga nasaktan.—Ezek. 34:16.
2 Karamihan sa bayan ni Jehova noong sinaunang panahon ay mga pastol at magbubukid kaya naiintindihan nila kung bakit maihahalintulad ang Diyos na Jehova sa isang maibiging pastol. Alam nila na kailangan ng mga tupa ang pangangalaga at atensiyon para manatiling malusog. Sa espirituwal na diwa, ganiyan din ang mga tao. (Mar. 6:34) Kapag walang pangangalaga at patnubay ng Diyos, nagdurusa sila. Madali silang naliligaw ng landas at napapahamak—gaya ng “mga tupang walang pastol” na nangangalat. (1 Hari 22:17) Gayunman, ang bayan ni Jehova ay pinaglalaanan niya ng lahat ng kailangan nila.
3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Nauunawaan din natin ngayon kung bakit maihahalintulad si Jehova sa isang pastol. Inilalaan pa rin niya ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang tulad-tupang bayan. Tingnan natin kung paano niya pinapatnubayan at pinaglalaanan ang kaniyang mga tupa sa ngayon. Tatalakayin din natin kung paano dapat tumugon ang mga tupa sa pagmamalasakit na ipinakikita ni Jehova.
ANG MABUTING PASTOL—NAGLALAAN NG MGA KATULONG NA PASTOL
4. Anong papel ang ginagampanan ni Jesus para mapaglaanan ang mga tupa ni Jehova?
4 Inatasan ni Jehova si Jesus na maging Ulo ng kongregasyong Kristiyano. (Efe. 1:22, 23) Bilang “mabuting pastol,” makikita kay Jesus kung ano ang mga layunin at katangian ng kaniyang Ama. ‘Ibinigay ni Jesus ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.’ (Juan 10:11, 15) Talagang malaking pagpapala sa mga tao ang haing pantubos ni Kristo! (Mat. 20:28) Oo, layunin ni Jehova na “ang bawat isa na nananampalataya [kay Jesus] ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”!—Juan 3:16.
5, 6. (a) Sino ang inatasan ni Jesus na mangalaga sa kaniyang mga tupa? Ano ang dapat gawin ng mga tupa para makinabang sa kaayusang iyan? (b) Ano ang pangunahing dahilan kung bakit gusto nating maging masunurin sa mga elder?
5 Paano tumutugon ang mga tupa sa pangunguna ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo? Sinabi ni Jesus: “Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.” (Juan 10:27) Ang pakikinig sa tinig ng Mabuting Pastol ay nangangahulugan ng pagsunod sa kaniyang patnubay sa lahat ng bagay. Kasama rito ang pakikipagtulungan sa mga katulong na pastol na inatasan niya. Sinabi ni Jesus na ipagpapatuloy ng kaniyang mga apostol at mga alagad ang gawaing sinimulan niya. ‘Tuturuan’ nila at ‘pakakainin ang maliliit na tupa ni Jesus.’ (Mat. 28:20; basahin ang Juan 21:15-17.) Habang lumalaganap ang mabuting balita at dumarami ang mga alagad, isinaayos ni Jesus na pastulan ng mga may-gulang na Kristiyano ang mga kongregasyon.—Efe. 4:11, 12.
6 Nang nakikipag-usap si apostol Pablo sa mga tagapangasiwa ng unang-siglong kongregasyon sa Efeso, sinabi niyang inatasan sila ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa “upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 20:28) Ang mga elder ngayon ay inatasan din ng banal na espiritu, dahil hinirang sila salig sa mga kahilingan sa kinasihang Salita ng Diyos. Kaya ang pagsunod sa kanila ay nagpapakitang iginagalang natin si Jehova at si Jesus, ang dalawang pinakadakilang Pastol. (Luc. 10:16) Ito ang pangunahing dahilan kung bakit gusto nating maging mapagpasakop sa mga elder. Pero may iba pang dahilan kung bakit dapat natin silang sundin.
7. Paano ka tinutulungan ng mga elder na maingatan ang iyong kaugnayan kay Jehova?
7 Kapag ang mga elder ay nagbibigay ng mga payo at pampatibay-loob sa mga kapananampalataya, ibinabatay nila iyon sa Bibliya o sa mga simulain sa Bibliya. Hindi nila tunguhing diktahan ang mga kapatid kung paano magdedesisyon. (2 Cor. 1:24) Sa halip, tunguhin nilang bigyan ng maka-Kasulatang patnubay ang mga kapuwa Kristiyano para matulungan silang gumawa ng mahuhusay na pasiya at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kongregasyon. (1 Cor. 14:33, 40) Ang mga elder ay “nagbabantay sa inyong mga kaluluwa,” ibig sabihin, gusto nilang tulungan ang bawat miyembro ng kongregasyon na maingatan ang kanilang kaugnayan kay Jehova. Kaya agad silang tumutulong kapag napansin nilang ang isang kapatid ay maaaring makagawa, o nakagawa na, ng “maling hakbang.” (Gal. 6:1, 2; Jud. 22) Napakarami nating dahilan para ‘maging masunurin sa mga nangunguna.’—Basahin ang Hebreo 13:17.
8. Paano pinoprotektahan ng mga elder ang kawan ng Diyos?
8 Si apostol Pablo, na isang pastol sa kongregasyon, ay sumulat sa mga kapatid sa Colosas: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.” (Col. 2:8) Ipinakikita ng babalang ito ang isa pang dahilan para sundin ang maka-Kasulatang payo ng mga elder. Pinaaalalahanan nila ang kawan na mag-ingat sa mga nagtatangkang sumira sa kanilang pananampalataya. Nagbabala si apostol Pedro laban sa “mga bulaang propeta” at “mga bulaang guro” na ‘nang-aakit ng mga kaluluwang di-matatag’ tungo sa paggawa ng masama. (2 Ped. 2:1, 14) Ang mga elder sa ngayon ay dapat ding magbigay ng gayong mga babala kapag kailangan. Bilang mga may-gulang na Kristiyano, makaranasan na sila sa buhay. Bukod diyan, bago sila hinirang, naipakita nila na malinaw nilang nauunawaan ang Kasulatan at na kuwalipikado silang magturo ng mga katotohanan sa Bibliya. (1 Tim. 3:2; Tito 1:9) Dahil sa kanilang pagkamaygulang, pagiging timbang, at karunungang mula sa Bibliya, nakapagbibigay sila ng mahusay na patnubay sa kawan.
PINAKAKAIN AT PINOPROTEKTAHAN NG MABUTING PASTOL ANG MGA TUPA
9. Paano pinapatnubayan at pinakakain ni Jesus ang kongregasyong Kristiyano ngayon?
9 Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, si Jehova ay naglalaan ng saganang espirituwal na pagkain sa buong samahan ng mga kapatid. Maraming maka-Kasulatang payo ang inilalaan sa pamamagitan ng ating mga publikasyon. Kung minsan naman, sa mga elder mismo ibinibigay ng organisasyon ang mga tagubilin, maaaring sa pamamagitan ng mga liham o mga instruksiyong inihahatid ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Sa gayong mga paraan, tumatanggap ng malinaw na patnubay ang mga tupa.
10. Ano ang pananagutan ng mga elder kapag may kapatid na nahiwalay sa kongregasyon?
10 Ang mga tagapangasiwa ay may pananagutang protektahan at pangalagaan ang espirituwalidad ng mga miyembro ng kongregasyon. Partikular nilang inaasikaso ang mga nanghihina o may sakit sa espirituwal. (Basahin ang Santiago 5:14, 15.) Ang ilan sa mga indibiduwal na ito ay maaaring nahiwalay sa kongregasyon at hindi na naglilingkod sa Diyos. Sa gayong sitwasyon, hindi ba gagawin ng nagmamalasakit na elder ang buong makakaya niya para mahanap ang nawawalang tupa at himukin itong bumalik sa kongregasyon? Siyempre gagawin niya! Sinabi ni Jesus: “Hindi kanais-nais na bagay sa aking Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay malipol.”—Mat. 18:12-14.
TAMANG PANANAW SA DI-KASAKDALAN NG MGA ELDER
11. Bakit maaaring maging hamon sa ilan ang pagsunod sa mga elder?
11 Si Jehova at si Jesus ay sakdal na mga Pastol. Pero hindi sakdal ang mga katulong na pastol na inatasan nilang mangalaga sa mga kongregasyon. Dahil dito, maaaring maging hamon sa ilan ang pagsunod sa mga elder. Baka sabihin nila: ‘Hindi rin naman sila sakdal, kaya bakit natin sila susundin?’ Totoo, hindi sakdal ang mga elder. Pero hindi tayo dapat magpokus sa kanilang di-kasakdalan at mga kahinaan.
12, 13. (a) Ano ang mga pagkakamali ng ilang taong binigyan ni Jehova ng mabibigat na atas? (b) Bakit iniulat sa Bibliya ang kanilang mga pagkakamali?
12 Hindi itinago ng Bibliya ang mga pagkakamali ng mga taong ginamit noon ni Jehova para manguna sa kaniyang bayan. Halimbawa, si David ay pinahiran bilang hari at lider ng Israel. Pero nagpadala siya sa tukso at nagkasala ng pangangalunya at pagpatay. (2 Sam. 12:7-9) Si apostol Pedro ay pinagkatiwalaan ng malaking pananagutan sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, pero nakagawa rin siya ng malulubhang pagkakamali. (Mat. 16:18, 19; Juan 13:38; 18:27; Gal. 2:11-14) Mula nang magkasala sina Adan at Eva, wala nang iba pang taong sakdal maliban kay Jesus.
13 Bakit ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang mga pagkakamali ng mga lalaking inatasan niya? Ang isang dahilan ay para ipakitang maaari niyang gamitin ang di-sakdal na mga tao para manguna sa kaniyang bayan. Sa katunayan, ganiyan ang lagi niyang ginagawa. Kaya huwag nating idahilan ang di-kasakdalan ng mga nangunguna sa atin ngayon para magreklamo laban sa kanila o bale-walain ang kanilang awtoridad. Inaasahan ni Jehova na igagalang natin at susundin ang mga brother na ito.—Basahin ang Exodo 16:2, 8.
14, 15. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pakikipag-ugnayan ni Jehova sa kaniyang sinaunang bayan?
14 Napakahalaga ng pagsunod sa mga nangunguna sa atin ngayon. Isipin kung paano nakipag-ugnayan si Jehova sa kaniyang bayan sa kritikal na mga panahon. Nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto, ang mga tagubilin ng Diyos sa kanila ay ibinigay sa pamamagitan nina Moises at Aaron. Para makaligtas sa ikasampung salot, kinailangan nilang sundin ang tagubilin na magkaroon ng espesyal na salu-salo at wisikan ng dugo ng pinatay na tupa ang mga poste at biga ng kanilang pinto. Tuwiran bang nagsalita ang Diyos sa kanila mula sa langit? Hindi, kinailangan nilang makinig sa matatandang lalaki ng Israel, na tumanggap ng espesipikong mga tagubilin mula kay Moises. (Ex. 12:1-7, 21-23, 29) Sa mga sitwasyong iyon, si Moises at ang matatandang lalaki ang ginamit ni Jehova para maghatid ng mga tagubilin sa kaniyang bayan. Ganiyan din ang papel ng mga elder sa ngayon.
15 Malamang na may maiisip ka pang ibang mga pangyayari sa Bibliya kung saan gumamit si Jehova ng mga tao o anghel para maglaan ng nagliligtas-buhay na tagubilin. Sa lahat ng pangyayaring iyon, ang Diyos ay gumamit ng mga kinatawan. Ang kaniyang mga mensahero ay nagsalita sa pangalan niya, at sinabi nila sa mga tao ang kailangang gawin para makaligtas sa kapahamakan. Malamang na ganiyan din ang gagawin ni Jehova sa Armagedon. Siyempre pa, ang mga elder sa ngayon na binigyan ng pananagutang kumatawan kay Jehova o sa kaniyang organisasyon ay dapat mag-ingat nang husto na huwag abusuhin ang awtoridad na ipinagkatiwala sa kanila.
“ISANG KAWAN, ISANG PASTOL”
16. Anong “salita” ang kailangan nating pakinggan?
16 Ang bayan ni Jehova ay “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol,” si Jesu-Kristo. (Juan 10:16) Sinabi ni Jesus na makakasama siya ng kaniyang mga alagad “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:20) Bilang Hari sa langit, kontrolado niya ang lahat ng pangyayaring hahantong sa paghatol sa sanlibutan ni Satanas. Para manatili tayong nagkakaisa at ligtas sa loob ng kawan ng Diyos, kailangan tayong makinig sa ‘salita sa likuran natin,’ na nagsasabi kung saan tayo dapat pumaroon. Kasama sa ‘salitang’ ito ang sinasabi ng banal na espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng Bibliya at ang sinasabi ni Jehova at ni Jesus sa pamamagitan ng inatasan nilang mga katulong na pastol.—Basahin ang Isaias 30:21; Apocalipsis 3:22.
17, 18. (a) Bakit nanganganib ang kawan ng Diyos? Pero sa ano tayo makapagtitiwala? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
17 Sinasabi ng Bibliya na si Satanas ay gumagala-gala “tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Ped. 5:8) Gaya ng isang mabangis at hayok na maninila, minamanmanan niya ang kawan at naghihintay siya ng pagkakataong masakmal ang mahihina o naliligaw. Kaya naman dapat tayong manatiling malapít sa kongregasyon at kay Jehova, ang “pastol at tagapangasiwa ng [ating] mga kaluluwa.” (1 Ped. 2:25) Tungkol sa mga makaliligtas sa malaking kapighatian, sinasabi sa Apocalipsis 7:17: “Ang Kordero [si Jesus] . . . ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Napakaganda ngang pangako!
18 Matapos talakayin ang napakahalagang papel ng mga elder bilang mga katulong na pastol, makabubuting itanong, Paano matitiyak ng mga hinirang na lalaking ito na pinakikitunguhan nila sa tamang paraan ang mga tupa ni Jesus? Sasagutin ang tanong na iyan sa susunod na artikulo.