“Ang Inyong Katubusan ay Nalalapit Na”!
“Tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.”—LUC. 21:28.
1. Ano ang nangyari noong 66 C.E.? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
ISIPING isa kang Kristiyano na nakatira sa Jerusalem noong 66 C.E. Maraming nangyayari sa paligid mo. Una, ang Romanong prokurador na si Florus ay kumuha ng 17 talento sa sagradong ingatang-yaman ng templo. Agad na naghimagsik ang mga Judio. Marami silang pinatay na kawal na Romano at nagdeklara ng kasarinlan mula sa Roma. Pero mabilis na kumilos ang Roma. Sa loob lang ng tatlong buwan, 30,000 kawal ang dumating sa pangunguna ng Romanong gobernador ng Sirya na si Cestio Gallo. Madaling napasok ng mga kawal ang Jerusalem. Umurong ang mga rebeldeng Judio at nagtago sa tanggulan ng templo. Sinimulan nang wasakin ng mga kawal na Romano ang panlabas na pader ng lugar ng templo! Nabalot ng takot ang buong lunsod. Ano kaya ang madarama mo habang nakikita mo ang mga pangyayaring ito?
2. Ano ang kailangang gawin ng mga Kristiyano noong 66 C.E.? Paano iyon naging posible?
2 Tiyak na naaalaala mo ang mga sinabi ni Jesus na iniulat ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na.” (Luc. 21:20) Pero baka maisip mo, ‘Paano ko masusunod ang tagubiling ibinigay na kasama ng babalang iyon?’ Sinabi rin ni Jesus: “Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya ay umalis, at yaong nasa mga dakong lalawigan ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Luc. 21:21) Paano ka makaaalis sa Jerusalem kung napalilibutan ito ng mga kawal? Isang di-inaasahang bagay ang nangyari. Kitang-kita mong umuurong ang hukbong Romano! Gaya ng inihula, ang pagsalakay nila ay “paiikliin.” (Mat. 24:22) May pagkakataon ka nang sundin ang tagubilin ni Jesus. Dali-dali kang tumakas papunta sa mga bundok sa kabila ng Ilog Jordan, kasama ng lahat ng iba pang tapat na mga Kristiyano sa lunsod at sa palibot nito.a Pagkatapos, noong 70 C.E., isang bagong hukbong Romano ang dumating sa Jerusalem at winasak ang lunsod. Pero ligtas ka na dahil sinunod mo ang tagubilin ni Jesus.
3. Anong katulad na sitwasyon ang malapit nang mapaharap sa mga Kristiyano? Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Di-magtatagal, bawat isa sa atin ay mapapaharap sa katulad na sitwasyon. Binabalaan ni Jesus ang mga Kristiyano tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem at ginamit niya ang mga pangyayari noong unang siglo para ipakita kung ano ang mangyayari kapag nagsimula na ang “malaking kapighatian.” (Mat. 24:3, 21, 29) Ang magandang balita, “isang malaking pulutong” ng mga tao ang makaliligtas sa pambuong-daigdig na kapahamakang ito. (Basahin ang Apocalipsis 7:9, 13, 14.) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga mangyayaring ito sa hinaharap? Napakahalagang malaman natin ang sagot dahil kaligtasan natin ang nakataya rito. Talakayin natin ngayon kung paano personal na makaaapekto sa atin ang mga mangyayaring ito sa hinaharap.
ANG PASIMULA NG MALAKING KAPIGHATIAN
4. Ano ang magiging pasimula ng malaking kapighatian? Paano ito mangyayari?
4 Paano magsisimula ang malaking kapighatian? Bilang sagot, inilarawan ng aklat ng Apocalipsis ang pagkawasak ng “Babilonyang Dakila.” (Apoc. 17:5-7) Angkop na angkop ngang itinulad sa isang patutot ang lahat ng huwad na relihiyon! Nagpatutot ang mga klero sa mga lider ng masamang sanlibutang ito. Sa halip na tapat na suportahan si Jesus at ang kaniyang Kaharian, mga tagapamahalang tao ang sinuportahan nila at ikinompromiso ang makadiyos na mga simulain para lang magkaroon ng impluwensiya sa politika. Ibang-iba sila sa malinis at tulad-birheng mga pinahiran ng Diyos. (2 Cor. 11:2; Sant. 1:27; Apoc. 14:4) Pero sino ang pupuksa sa tulad-patutot na organisasyon? Ilalagay ng Diyos na Jehova ang “kaniyang kaisipan” sa mga puso ng “sampung sungay” ng “kulay-iskarlatang mabangis na hayop.” Ang mga sungay na ito ay lumalarawan sa lahat ng kasalukuyang politikal na kapangyarihan na sumusuporta sa United Nations, isang organisasyon na inilalarawan ng “kulay-iskarlatang mabangis na hayop.”—Basahin ang Apocalipsis 17:3, 16-18.
5, 6. Bakit natin masasabing ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila ay hindi nangangahulugan ng kamatayan ng lahat ng miyembro nito?
5 Dapat ba nating isipin na kapag pinuksa ang mga relihiyon ng Babilonyang Dakila, lahat ng miyembro ng mga relihiyong iyon ay papatayin? Hindi. Ang propetang si Zacarias ay kinasihang sumulat tungkol sa panahong iyon. Hinggil sa isang dating miyembro ng huwad na relihiyon, sinasabi ng ulat: “Sasabihin niya, ‘Ako ay hindi propeta. Ako ay isang taong nagsasaka ng lupa, sapagkat binili ako ng isang makalupang tao mula pa sa aking pagkabata.’ At may magsasabi sa kaniya, ‘Ano itong mga sugat sa iyong katawan sa pagitan ng iyong mga kamay?’ At sasabihin niya, ‘Yaong mga isinugat sa akin sa bahay ng aking mga masidhing mangingibig.’” (Zac. 13:4-6) Kaya lumilitaw na iiwan maging ng ilang klero ang kanilang relihiyosong landasin at itatangging naging bahagi sila ng huwad na relihiyong iyon.
6 Ano naman ang mangyayari sa bayan ng Diyos sa panahong iyon? Ipinaliwanag ni Jesus: “Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas; ngunit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.” (Mat. 24:22) Gaya ng tinalakay natin, ‘pinaikli’ ang kapighatian noong 66 C.E. Kaya naman nakatakas mula sa lunsod at sa palibot nito ang “mga pinili,” ang mga pinahirang Kristiyano. Sa katulad na paraan, ang unang bahagi ng malaking kapighatian sa hinaharap ay “paiikliin” dahil sa “mga pinili.” Hindi pahihintulutan ang politikal na “sampung sungay” na lipulin ang bayan ng Diyos. Sa halip, panandaliang kakalma ang sitwasyon.
ISANG PANAHON NG PAGSUBOK AT PAGHATOL
7, 8. Kapag pinuksa na ang mga huwad na relihiyon, magkakaroon ng anong pagkakataon ang bayan ng Diyos? Paano sila mapapaiba sa panahong iyon?
7 Ano ang mangyayari matapos puksain ang huwad na mga relihiyosong organisasyon? Sa panahong iyon, mahahayag kung ano talaga ang nasa puso natin. Karamihan sa sangkatauhan ay manganganlong sa mga organisasyon ng tao na itinulad sa “mga batong-limpak ng mga bundok.” (Apoc. 6:15-17) Pero ang bayan ng Diyos ay manganganlong kay Jehova. Noong unang siglo, ang pagkalma ng sitwasyon ay hindi nangahulugan ng pagkakumberte ng maraming Judio sa Kristiyanismo. Panahon iyon para kumilos at sumunod ang dati nang mga Kristiyano. Sa katulad na paraan, hindi natin aasahan na sa pansamantalang pagkalma ng sitwasyon sa malaking kapighatian, daragsa ang mga bagong mananampalataya. Sa halip, pagkakataon iyon para patunayan ng lahat ng tunay na mananampalataya na iniibig nila si Jehova at ipakitang sinusuportahan nila ang mga kapatid ni Kristo.—Mat. 25:34-40.
8 Hindi natin lubusang naiintindihan ang lahat ng mangyayari sa panahong iyon ng pagsubok. Pero nauunawaan natin na may mga isasakripisyo tayo. Noong unang siglo, kinailangang iwan ng mga Kristiyano ang kanilang mga ari-arian at pagtiisan ang kahirapan para makaligtas. (Mar. 13:15-18) Handa ba tayong mawalan ng mga ari-arian para makapanatiling tapat? Handa ba tayong gawin ang lahat para mapatunayan ang katapatan natin kay Jehova? Isip-isipin na sa panahong iyon, tayo lang ang mananatiling sumasamba kay Jehova anuman ang mangyari, gaya ng ginawa ni propeta Daniel.—Dan. 6:10, 11.
9, 10. (a) Anong mensahe ang ipahahayag ng bayan ng Diyos sa panahon ng malaking kapighatian? (b) Ano ang magiging reaksiyon ng mga kaaway ng bayan ng Diyos?
9 Hindi iyon panahon para ipangaral ang ‘mabuting balita ng kaharian.’ Tapós na ang panahon para ipangaral ang mensaheng iyon. Darating na “ang wakas”! (Mat. 24:14) Tiyak na isang matinding mensahe ng paghatol ang ipahahayag ng bayan ng Diyos. Maaaring nagsasangkot ito ng paghahayag na magaganap na ang lubusang pagkapuksa ng masamang sanlibutan ni Satanas. Itinulad ng Bibliya ang mensaheng ito sa batong graniso nang sabihin nito: “Makapal na graniso na ang bawat bato ay mga kasimbigat ng isang talento ang bumagsak sa mga tao mula sa langit, at namusong sa Diyos ang mga tao dahil sa salot ng graniso, sapagkat ang salot nito ay lubhang matindi.”—Apoc. 16:21.
10 Tiyak na mapapansin ng mga kaaway natin ang mensaheng ito. Kinasihan si propeta Ezekiel na ipaliwanag ang gagawin ni Gog ng Magog, isang koalisyon ng mga bansa: “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘At mangyayari sa araw na iyon na may mga bagay na papasok sa iyong puso, at tiyak na mag-iisip ka ng isang mapaminsalang pakana; at sasabihin mo: “Aahon ako laban sa lupaing hantad na kaparangan. Paroroonan ko yaong mga walang kaligaligan, na tumatahang tiwasay, silang lahat na tumatahang walang pader, at wala man lamang silang halang at mga pinto.” Ito ay sa layuning manguha ng malaking samsam at gumawa ng maraming pandarambong, upang ibalik ang iyong kamay sa mga wasak na dako na muling tinatahanan at sa isang bayan na tinipon mula sa mga bansa, na nagtitipon ng yaman at ari-arian, yaong mga nananahanan sa gitna ng lupa.’” (Ezek. 38:10-12) Ang bayan ng Diyos ay magiging ibang-iba sa karamihan, na para bang sila ay nasa “gitna ng lupa.” Kaya naman hindi na makapagpipigil ang mga bansa at sasalakayin nila ang mga pinahiran ni Jehova at ang mga kasama nito.
11. (a) Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa panahon ng malaking kapighatian? (b) Ano ang magiging reaksiyon ng mga tao sa mga tanda na lilitaw sa langit?
11 Habang sinusuri natin ang iba pang mangyayari, dapat nating tandaan na hindi sinasabi ng Bibliya ang eksaktong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Malamang na magpapang-abot ang ilan sa mga ito. Sa hula ni Jesus tungkol sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, sinabi niya: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, at sa lupa ay panggigipuspos ng mga bansa, na hindi malaman ang gagawin dahil sa pag-ugong ng dagat at sa pagdaluyong nito, samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa; sapagkat ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig. At kung magkagayon ay makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa ulap taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Luc. 21:25-27; basahin ang Marcos 13:24-26.) Kapag natupad ang hulang ito, magkakaroon kaya ng nakatatakot na mga tanda at pangyayari sa literal na langit? Abangan natin. Pero anuman ang mangyari, ang mga tandang iyon ay magdudulot ng kaguluhan at takot sa puso ng mga kaaway ng Diyos.
12, 13. (a) Ano ang mangyayari kapag dumating si Jesus “taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian”? (b) Ano ang magiging reaksiyon ng mga lingkod ng Diyos sa panahong iyon?
12 Ano ang mangyayari kapag dumating si Jesus “taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian”? Panahon iyon para gantimpalaan ang mga tapat at parusahan ang mga di-tapat. (Mat. 24:46, 47, 50, 51; 25:19, 28-30) Ayon kay Mateo, ang paliwanag tungkol sa tanda ay tinapos ni Jesus sa talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. Sinabi niya: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon ay uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa’t isa, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing sa kaniyang kaliwa.” (Mat. 25:31-33) Anong hatol sa mga tupa at mga kambing ang maririnig nila? Ang talinghaga ay nagtatapos sa ganitong mga salita: “Ang mga ito [mga kambing] ay magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.”—Mat. 25:46.
13 Ano ang magiging reaksiyon ng mga kambing kapag nalaman nilang “walang-hanggang pagkalipol” ang naghihintay sa kanila? “Dadagukan [nila] ang kanilang sarili sa pananaghoy.” (Mat. 24:30) Ano naman ang magiging reaksiyon ng mga kapatid ni Kristo at ng kanilang tapat na mga kasama? Taglay ang lubos na pananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, susundin nila ang utos ni Jesus: “Habang nagsisimulang maganap ang mga bagay na ito, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.” (Luc. 21:28) Oo, positibo tayo at nakatitiyak sa ating katubusan.
SISIKAT NANG MALIWANAG SA KAHARIAN
14, 15. Anong gawaing pagtitipon ang mangyayari kapag nagsimula na ang pagsalakay ni Gog ng Magog? Ano ang sangkot sa gawaing ito?
14 Ano ang mangyayari kapag sinimulan na ni Gog ng Magog ang pagsalakay sa bayan ng Diyos? Sina Mateo at Marcos ay parehong nag-ulat ng iisang pangyayari: “Isusugo [ng Anak ng tao] ang mga anghel at titipunin ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.” (Mar. 13:27; Mat. 24:31) Ang gawaing pagtitipong ito ay hindi tumutukoy sa inisyal na pagtitipon sa mga pinahiran; hindi rin ito tumutukoy sa pangwakas na pagtatatak sa mga nalabing pinahiran. (Mat. 13:37, 38) Ang pagtatatak na iyon ay magaganap bago magsimula ang malaking kapighatian. (Apoc. 7:1-4) Kaya ano ang gawaing pagtitipon na binabanggit ni Jesus? Ito ang panahon kung kailan tatanggapin ng mga nalabi ng 144,000 ang kanilang gantimpala sa langit. (1 Tes. 4:15-17; Apoc. 14:1) Mangyayari ito kapag nagsimula na ang pagsalakay ni Gog ng Magog. (Ezek. 38:11) Sa gayon, matutupad ang mga salita ni Jesus: “Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.”—Mat. 13:43.b
15 Ibig bang sabihin, may mangyayaring “rapture” sa mga pinahiran? Ayon sa turong ito, marami sa Sangkakristiyanuhan ang naniniwala na ang mga Kristiyano ay kukunin papunta sa langit taglay ang kanilang katawang laman. Inaasahan din nila na makikita ang pagbabalik ni Jesus sa lupa para mamahala. Pero malinaw na ipinakikita ng Bibliya na “ang tanda ng Anak ng tao” ay lilitaw sa langit at na si Jesus ay darating na “nasa mga ulap sa langit.” (Mat. 24:30) Ang mga pananalitang ito ay parehong nagpapahiwatig ng pagiging di-nakikita. Bukod diyan, “ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos.” Kaya ang mga aakyat sa langit ay kailangan munang ‘baguhin, sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa panahon ng huling trumpeta.’c (Basahin ang 1 Corinto 15:50-53.) Kaya bagaman hindi natin ginagamit dito ang terminong “rapture” dahil sa maling pakahulugan sa salitang ito, nauunawaan natin na ang lahat ng nalabing tapat na pinahiran ay titipunin sa isang iglap.
16, 17. Ano muna ang dapat mangyari bago ang kasal ng Kordero sa langit?
16 Kapag nasa langit na ang lahat ng 144,000, maaari nang gawin ang pangkatapusang mga paghahanda para sa kasal ng Kordero. (Apoc. 19:9) Pero may magaganap pa bago ang masayang okasyong iyon. Tandaan na bago umakyat sa langit ang mga nalabi ng 144,000, sasalakayin ni Gog ang bayan ng Diyos. (Ezek. 38:16) Ano ang magiging reaksiyon dito? Sa lupa, ang bayan ng Diyos ay magmumukhang walang anumang depensa. Susundin nila ang mga tagubiling ibinigay noong panahon ni Haring Jehosapat: “Hindi ninyo kakailanganing lumaban sa pagkakataong ito. Lumagay kayo sa inyong dako, manatili kayong nakatayo at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova para sa inyo. O Juda at Jerusalem, huwag kayong matakot o masindak man.” (2 Cro. 20:17) Matapos magsimula ang pagsalakay ni Gog, ang lahat ng pinahirang nalabi sa lupa ay dadalhin sa langit. Sinasabi ng Apocalipsis 17:14 ang magiging reaksiyon sa langit sa pagsalakay ni Gog. Ang mga kaaway ng bayan ng Diyos ay “makikipagbaka sa Kordero, ngunit, dahil sa siya ay Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, dadaigin sila ng Kordero. Gayundin, yaong mga tinawag at pinili at tapat na kasama niya ay mananaig din.” Kaya ililigtas ni Jesus at ng 144,000 kasama niyang tagapamahala sa langit ang bayan ng Diyos dito sa lupa.
17 Hahantong ito sa digmaan ng Armagedon, na dadakila sa banal na pangalan ni Jehova. (Apoc. 16:16) Sa panahong iyon, lahat ng tulad-kambing ay “magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol.” Sa wakas, mawawala na ang lahat ng kasamaan sa lupa, at ang malaking pulutong ay makaliligtas sa huling bahagi ng malaking kapighatian. Kapag natapos na ang lahat ng paghahanda, maaari nang maganap ang kasukdulan ng aklat ng Apocalipsis—ang kasal ng Kordero. (Apoc. 21:1-4)d Ang lahat ng nakaligtas sa lupa ay magtatamasa ng pabor ng Diyos at ng saganang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig. Isa ngang napakasayang kasalan! Hindi ba’t sabik na sabik na tayong mangyari iyon?—Basahin ang 2 Pedro 3:13.
18. Dahil sa inihulang kapana-panabik na mga pangyayaring malapit nang maganap, ano ang dapat na maging determinasyon natin?
18 Dahil sa kapana-panabik na mga pangyayaring ito na malapit nang maganap, ano ang kailangang gawin ngayon ng bawat isa sa atin? Kinasihan si apostol Pedro na sumulat: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova . . . Kaya nga, mga minamahal, yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang inyong buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan niya kayong walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.” (2 Ped. 3:11, 12, 14) Kaya maging determinado tayo na manatiling malinis sa espirituwal at patuloy na suportahan ang Hari ng Kapayapaan.
a Tingnan ang Bantayan, Abril 15, 2012, pahina 25-26.
b Tingnan ang Bantayan, Hulyo 15, 2013, pahina 13-14.
c Ang katawang laman ng mga pinahiran na buháy pa sa panahong iyon ay hindi dadalhin sa langit. (1 Cor. 15:48, 49) Paglalahuin ang kanilang katawan gaya ng nangyari sa katawan ni Jesus.