Paggawang Kasama ng Diyos—Dahilan Para Magsaya
“Yamang gumagawang kasama niya, namamanhik din kami sa inyo na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito.”—2 COR. 6:1.
1. Bagaman si Jehova ang Kadaki-dakilaan, inaanyayahan niya ang iba na gawin ang ano?
SI Jehova ang Kadaki-dakilaan, ang Maylalang ng lahat ng bagay, ang Isa na nagtataglay ng walang-hanggang karunungan at kapangyarihan. Naunawaan iyan ni Job, kaya naman nang tanungin siya ni Jehova, sumagot si Job: “Napag-alaman ko na kaya mong gawin ang lahat ng bagay, at walang kaisipan ang hindi mo magagawa.” (Job 42:2) Kayang gawin ni Jehova ang anumang naisin niya kahit walang tumulong sa kaniya. Pero noon pa man, maibigin na niyang inaanyayahan ang iba na gumawang kasama niya para maisakatuparan ang kaniyang layunin.
2. Sa anong mahalagang gawain inanyayahan ni Jehova si Jesus?
2 Unang nilalang ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak. Pinahintulutan ni Jehova ang kaniyang Anak na makibahagi sa paglalang sa lahat ng iba pang bagay. (Juan 1:1-3, 18) Sumulat si apostol Pablo tungkol kay Jesus: “Sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita, maging mga trono man o mga pagkapanginoon o mga pamahalaan o mga awtoridad. Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya.” (Col. 1:15-17) Sa gayon, pinarangalan ni Jehova ang kaniyang Anak nang bigyan niya ito ng mahalagang atas at sabihin sa iba ang mahalagang papel ng kaniyang Anak.
3. Sa anong gawain inanyayahan ni Jehova si Adan, at bakit?
3 Inanyayahan din ni Jehova ang mga tao na gumawang kasama niya. Halimbawa, pinahintulutan niya si Adan na pangalanan ang mga hayop. (Gen. 2:19, 20) Tiyak na tuwang-tuwa si Adan na pagmasdan ang mga hayop, pag-aralan ang mga katangian ng mga ito, at bigyan ng angkop na pangalan ang mga ito! Puwede namang si Jehova ang magbigay ng pangalan sa mga hayop dahil siya ang lumalang sa mga ito. Pero maibigin niyang pinahintulutan si Adan na pangalanan ang mga iyon. Binigyan din niya si Adan ng atas na gawing paraiso ang buong lupa. (Gen. 1:27, 28) Nakalulungkot, huminto si Adan sa paggawang kasama ng Diyos, na nagdulot ng kapahamakan sa kaniya at sa lahat ng kaniyang inapo.—Gen. 3:17-19, 23.
4. Paano gumawang kasama ng Diyos ang iba para maisakatuparan ang kaniyang kalooban?
4 Nang maglaon, nag-anyaya pa ang Diyos ng ibang mga tao na makibahagi sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Gumawa si Noe ng arka na nagligtas sa buhay niya at ng kaniyang pamilya mula sa Baha. Iniligtas ni Moises ang bansang Israel mula sa Ehipto. Dinala ni Josue ang bansang iyon sa Lupang Pangako. Itinayo ni Solomon ang templo sa Jerusalem. Naging ina ni Jesus si Maria. Ang lahat ng tapat na ito at maraming iba pa ay gumawang kasama ni Jehova para maisakatuparan ang kaniyang kalooban.
5. Sa anong gawain tayo puwedeng makibahagi? Kailangan ba tayong gamitin ni Jehova sa gawaing ito? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
5 Sa ngayon, inaanyayahan tayo ni Jehova na lubusang suportahan ang Mesiyanikong Kaharian. Maraming larangan ng sagradong paglilingkod. Ang ilang larangan ay hindi bukás sa lahat ng Kristiyano, pero lahat tayo ay puwedeng makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Siyempre pa, puwede namang hindi tayo gamitin ni Jehova sa gawaing ito. Maaari niyang direktang kausapin ang mga tao mula sa langit. Sinabi ni Jesus na kaya pa ngang pasigawin ni Jehova ang mga bato para maghayag tungkol sa Mesiyanikong Hari. (Luc. 19:37-40) Pero pinahihintulutan tayo ni Jehova na maging “mga kamanggagawa” niya. (1 Cor. 3:9) Isinulat ni Pablo: “Yamang gumagawang kasama niya, namamanhik din kami sa inyo na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito.” (2 Cor. 6:1) Ang paggawang kasama ng Diyos ay isang di-sana-nararapat na karangalan, isang dahilan para magsaya. Tingnan natin kung bakit.
NAGDUDULOT NG KALIGAYAHAN ANG PAGGAWANG KASAMA NG DIYOS
6. Ano ang nadama ng panganay na Anak ng Diyos sa paggawang kasama ng kaniyang Ama?
6 Noon pa man, nagdudulot na ng kaligayahan sa mga lingkod ni Jehova ang paggawang kasama niya. Bago pumunta sa lupa, sinabi ng panganay na Anak ng Diyos: “Ginawa ako ni Jehova bilang ang pasimula ng kaniyang lakad . . . Noon ay nasa piling niya ako bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang siyang lubhang kinagigiliwan niya araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.” (Kaw. 8:22, 30) Masayang gumawa si Jesus kasama ng kaniyang Ama dahil sa mga naisakatuparan niya at dahil alam niya na iniibig siya ni Jehova. Kumusta naman tayo?
7. Bakit tayo nagiging masaya dahil sa gawaing pangangaral?
7 Sinabi ni Jesus na may kaligayahan kapuwa sa pagbibigay at sa pagtanggap. (Gawa 20:35) Masaya tayo nang matanggap natin ang katotohanan, at masaya rin tayo kapag ibinabahagi natin ito sa iba. Sa paggawa nito, nakikita natin ang kagalakan ng mga gutóm sa espirituwal habang nakikilala nila ang ating Diyos at nauunawaan ang katotohanang nasa kaniyang Salita. Tuwang-tuwa rin tayong makita ang pagbabagong ginagawa nila sa kanilang kaisipan at pamumuhay. Alam natin na napakahalagang ibahagi sa iba ang mabuting balita. Umaakay ito sa buhay na walang hanggan para sa mga nakikipagkasundo sa Diyos. (2 Cor. 5:20) Mayroon pa bang mas kasiya-siyang gawain kaysa sa pagtulong sa mga tao na magkaroon ng buhay na walang hanggan?
8. Ano ang sinabi ng ilan tungkol sa kaligayahang dulot ng paggawang kasama ni Jehova?
8 Masaya tayo kapag tumutugon ang mga tao sa mensaheng ipinangangaral natin, pero masaya rin tayo dahil alam nating napalulugdan natin si Jehova at na pinahahalagahan niya ang pagsisikap nating paglingkuran siya. (Basahin ang 1 Corinto 15:58.) Sinabi ni Marco, na nakatira sa Italy: “Hindi matatawaran ang kaligayahan ko dahil alam kong kay Jehova ko ibinibigay ang aking buong makakaya at hindi sa isa na makakalimot sa aking ginawa.” Sinabi naman ni Franco, na naglilingkod din sa Italy: “Sa pamamagitan ng kaniyang Salita at espirituwal na paglalaan, araw-araw na ipinaaalaala ni Jehova na mahal niya tayo at mahalaga sa kaniya ang lahat ng ginagawa natin, kahit sa tingin natin ay parang di-gaanong mahalaga ang mga ito. Kaya naman masaya ako at makabuluhan ang buhay ko dahil sa paggawang kasama ng Diyos.”
NAPAPALAPÍT TAYO SA DIYOS AT SA IBA DAHIL SA PAGGAWANG KASAMA NIYA
9. Anong uri ng ugnayan mayroon si Jehova at si Jesus, at bakit?
9 Kapag gumagawa tayong kasama ng mga minamahal natin, napapalapít tayo sa kanila at lalo natin silang nakikilala. Nalalaman natin ang mga tunguhin nila sa buhay at kung paano nila pinagsisikapang abutin ang mga iyon. Si Jesus ay gumawang kasama ni Jehova—marahil ay bilyon-bilyong taon—kaya nagkaroon sila ng napakatibay na ugnayan at pag-ibig sa isa’t isa. Inilarawan ni Jesus kung gaano kalapít ang ugnayan nila: “Ako at ang Ama ay iisa.” (Juan 10:30) Lubusan silang nagkakaisa at gumagawang magkasama.
10. Bakit mas napapalapít tayo sa Diyos at sa iba dahil sa gawaing pangangaral?
10 Nanalangin si Jesus kay Jehova na bantayan ang kaniyang mga alagad. Bakit? Sinabi ni Jesus: “Upang sila ay maging isa na gaya natin.” (Juan 17:11) Habang sumusunod tayo sa pamantayan ng Diyos at nakikibahagi sa gawaing pangangaral, nauunawaan natin ang kaniyang magagandang katangian. Natututuhan natin kung bakit isang katalinuhan na magtiwala at sumunod sa kaniya. Habang lumalapit tayo sa Diyos, lumalapit siya sa atin. (Basahin ang Santiago 4:8.) Napapalapít din tayo sa mga kapatid dahil pare-pareho ang mga hamong napapaharap sa atin at mga bagay na nagpapasaya sa atin, pati na ang mga tunguhin natin. Oo, magkakasama tayong gumagawa, nagsasaya, at nagbabata. Si Octavia, na nakatira sa Britain, ay nagsabi: “Sa paggawang kasama ni Jehova, mas napapalapít ako sa iba dahil ang pakikipagkaibigan ko ngayon ay nakabatay, hindi sa mabababaw na bagay, kundi sa iisang tunguhin at direksiyon.” Ganiyan din ba ang nadarama mo? Hindi ba’t mas napapalapít ka sa iba kapag nakikita mo ang pagsisikap nilang paluguran si Jehova?
11. Bakit lalo tayong mapapalapít kay Jehova at sa ating mga kapatid sa bagong sanlibutan?
11 Matibay na ngayon ang pag-ibig natin sa Diyos at sa ating mga kapatid, pero titibay pa ito sa bagong sanlibutan. Isip-isipin na lang ang gawaing naghihintay sa atin! Marami tayong sasalubunging binuhay-muli na tuturuan natin tungkol kay Jehova. Kailangang gawing paraiso ang lupa. Hindi simpleng gawain ang mga ito, pero tiyak na napakasayang gumawa nang balikatan at unti-unting maging sakdal sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian! Lalo pang mapapalapít ang lahat ng tao sa isa’t isa at sa kanilang Diyos. Tiyak na sasapatan niya ang “nasa ng bawat bagay na may buhay.”—Awit 145:16.
ISANG PROTEKSIYON ANG PAGGAWANG KASAMA NG DIYOS
12. Paano nagsisilbing proteksiyon ang gawaing pangangaral?
12 Kailangan nating ingatan ang ating espirituwalidad. Dahil nabubuhay tayo sa sanlibutang kontrolado ni Satanas na Diyablo at hindi tayo sakdal, madali tayong mahawa ng maling kaisipan at paggawi ng sanlibutan. Ang espiritu ng sanlibutan ay gaya ng agos ng ilog na humihila sa atin sa direksiyong ayaw natin. Para hindi maanod, dapat tayong magsikap nang husto para lumangoy sa kabilang direksiyon. Sa katulad na paraan, kailangan ng pagsisikap para hindi tayo matangay ng espiritu ng sanlibutan ni Satanas. Kapag nangangaral, nakapokus tayo sa mga bagay na mahalaga at kapaki-pakinabang, hindi sa kaisipang makasisira sa ating pananampalataya. (Fil. 4:8) Pinatitibay rin ng pangangaral ang ating pananalig dahil ipinaaalaala nito sa atin ang mga pangako at maibiging pamantayan ng Diyos. Tinutulungan din tayo nito na manatiling suot ang ating espirituwal na kagayakang pandigma.—Basahin ang Efeso 6:14-17.
13. Ano ang nadarama ng isang Saksi sa Australia tungkol sa pangangaral?
13 Kung abala tayo sa pangangaral at sa iba pang espirituwal na gawain, wala tayong panahon para mag-alala nang husto sa mga problema, kaya naman napoprotektahan tayo. Sinabi ni Joel, na nakatira sa Australia: “Natutulungan ako ng pangangaral na maging realistiko. Ipinaaalaala nito sa akin ang mga hamong kinakaharap ng mga tao at kung paano ako nakikinabang sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Natutulungan ako ng pangangaral na manatiling mapagpakumbaba at binibigyan ako ng pagkakataong umasa kay Jehova at sa mga kapatid.”
14. Bakit ang pagtitiyaga natin sa pangangaral ay katibayan na sumasaatin ang espiritu ng Diyos?
14 Pinatitibay rin ng pangangaral ang pananalig natin na sumasaatin ang espiritu ng Diyos. Isipin ito: Ipagpalagay nang binigyan ka ng trabaho na mamahagi ng masustansiyang tinapay sa inyong komunidad. Hindi ka susuwelduhan at hindi rin ibabalik ang mga ginastos mo. Isa pa, nalaman mo na ayaw ng karamihan ang tinapay na iyon at nagagalit pa nga ang iba sa ginagawa mo. Tatagal ka ba sa gayong trabaho? Dahil sa tugon ng mga tao, malamang na masiraan ka ng loob at huminto na. Pero marami sa atin ang matiyagang nagpapatuloy sa ministeryo sa loob ng mahabang panahon, sa sarili nating gastos at kahit tinutuya tayo at hinahamak ng mga tao. Hindi ba’t katibayan iyan na sumasaatin ang espiritu ng Diyos?
IPINAKIKITA NG PAGGAWANG KASAMA NG DIYOS NA MAHAL NATIN SIYA AT ANG IBA
15. Ano ang kaugnayan ng pangangaral ng mabuting balita at ng layunin ng Diyos para sa sangkatauhan?
15 Ano ang kaugnayan ng pangangaral ng mabuting balita at ng layunin ni Jehova para sa sangkatauhan? Nilayon ng Diyos na mabuhay nang walang hanggan sa lupa ang mga tao at hindi nagbago ang isip niya kahit nagkasala si Adan. (Isa. 55:11) Isinaayos pa nga niya na mailigtas ang tao mula sa kasalanan at kamatayan. Kaayon nito, bumaba si Jesus sa lupa at inihandog ang kaniyang buhay para sa masunuring mga tao. Pero para maging masunurin ang isa, kailangan niyang maunawaan kung ano ang hinihiling ng Diyos sa kaniya. Kaya itinuro ni Jesus kung ano ang mga kahilingan ng Diyos, at iniutos niya sa kaniyang mga alagad na ganoon din ang gawin. Kapag tinutulungan natin ang iba na makipagkasundo sa Diyos, nakikibahagi tayo sa maibiging kaayusan niya para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.
16. Paano nauugnay ang ating pangangaral sa pinakadakilang mga utos ng Diyos?
16 Kapag tinutulungan natin ang ating kapuwa na magkaroon ng buhay na walang hanggan, ipinakikita nating mahal natin sila at si Jehova, “na ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Nang tanungin kung ano ang pinakadakilang utos ng Diyos sa bansang Israel, sumagot si Jesus: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” (Mat. 22:37-39) Sa pamamagitan ng pangangaral, naipakikita nating sinusunod natin ang mga utos na ito.—Basahin ang Gawa 10:42.
17. Ano ang nadarama mo sa karangalang ipangaral ang mabuting balita?
17 Talagang pinagpala tayo! Binigyan tayo ni Jehova ng gawaing nagdudulot ng kagalakan, naglalapít sa atin sa kaniya at sa iba, at nagsisilbing proteksiyon sa ating espirituwalidad. May pagkakataon din tayong ipakita ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Iba-iba ang kalagayan ng milyon-milyong lingkod ng Diyos sa buong lupa. Pero bata man o matanda, mayaman o mahirap, malakas o mahina, ginagawa natin ang lahat para ibahagi sa iba ang ating pananampalataya. Malamang na sasang-ayon ka sa sinabi ni Chantel na nakatira sa France: “Ang pinakamakapangyarihang Persona sa uniberso, ang Maylalang ng lahat ng bagay, ang maligayang Diyos, ay nagsasabi sa akin: ‘Humayo ka! Magsalita ka! Magsalita ka para sa akin mula sa iyong puso. Bibigyan kita ng aking lakas, ng aking Salita ang Bibliya, ng suporta mula sa langit, ng mga kasama sa lupa, ng progresibong pagsasanay, at espesipikong mga tagubilin sa tamang panahon.’ Napakalaking pribilehiyo talaga na tuparin ang mga kahilingan ni Jehova sa atin at gumawang kasama ng ating Diyos!”