Ipakitang Matapat Ka kay Jehova
“Si Jehova nawa ang mamagitan sa akin at sa iyo at sa aking supling at sa iyong supling hanggang sa panahong walang takda.”—1 SAM. 20:42.
1, 2. Bakit ang pakikipagkaibigan ni Jonatan kay David ay kahanga-hangang halimbawa ng pagkamatapat?
TIYAK na hangang-hanga si Jonatan sa tapang ng kabataang si David. Pinatay ni David ang higanteng si Goliat at ngayon ay dinala nito “ang ulo ng Filisteo” sa ama ni Jonatan na si Haring Saul ng Israel. (1 Sam. 17:57) Walang duda si Jonatan na tinulungan ng Diyos si David. Dahil dito, naging malapít na magkaibigan sina Jonatan at David. Sa katunayan, sila ay “nagtibay ng isang tipan,” dahil iniibig ni Jonatan si David na “gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1 Sam. 18:1-3) Mula noon, naging matapat si Jonatan kay David.
2 Nanatiling matapat si Jonatan kay David kahit si David ang pinili ng Diyos na maging susunod na hari ng Israel at hindi si Jonatan. Nang pagtangkaan ni Saul ang buhay ni David, alalang-alala si Jonatan sa kaniyang kaibigan kung kaya naglakbay siya patungo sa ilang ng Juda sa Hores. Pinatibay ni Jonatan si David na patuloy na manalig kay Jehova. Sinabi ni Jonatan kay David: “Huwag kang matakot; . . . ikaw ang magiging hari sa Israel, at ako ang magiging ikalawa sa iyo.”—1 Sam. 23:16, 17.
3. Ano ang mas mahalaga kay Jonatan kaysa sa katapatan kay David, at paano natin ito nalaman? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Karaniwan nang humahanga tayo sa mga taong matapat. Pero hindi lang ang pagiging matapat ni Jonatan kay David ang hinahangaan natin. Pinakamahalaga kay Jonatan ang pagiging matapat sa Diyos. Bakit itinuring ni Jonatan si David na kaibigan sa halip na isang karibal? Maliwanag na hindi lang sarili niya ang inisip niya. Tandaan na tinulungan ni Jonatan si David na manalig kay Jehova. Ipinakikita nito na mas mahalaga kay Jonatan ang katapatan sa Diyos na Jehova at ito ang pinakasaligan ng katapatan niya kay David. Tinupad nila ang kanilang ipinanatang sumpa: “Si Jehova nawa ang mamagitan sa akin at sa iyo at sa aking supling at sa iyong supling hanggang sa panahong walang takda.”—1 Sam. 20:42.
4. (a) Ano ang magbibigay sa atin ng tunay na kasiyahan at kagalakan? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
4 Bilang mga Kristiyano, dapat din tayong maging matapat sa ating mga kapamilya, kaibigan, at sa mga kapatid sa kongregasyon. (1 Tes. 2:10, 11) Pero higit sa lahat, kanino tayo dapat maging matapat? Siyempre, sa Isa na nagbigay sa atin ng buhay! (Apoc. 4:11) Kapag matapat tayo sa kaniya, magkakaroon tayo ng tunay na kagalakan at kasiyahan. Pero kailangan tayong maging matapat sa Diyos kahit sa mahihirap na pagsubok. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano tayo matutulungan ng halimbawa ni Jonatan na maging matapat kay Jehova sa apat na sitwasyon: (1) kapag parang hindi kagalang-galang ang nasa awtoridad, (2) kapag kailangang pumili kung kanino tayo magiging mas matapat, (3) kapag mali ang pagkaunawa ng iba sa atin o hinuhusgahan nila tayo, at (4) kapag nahihirapan tayong tumupad sa ating ipinangako.
KAPAG PARANG HINDI KAGALANG-GALANG ANG NASA AWTORIDAD
5. Bakit nahirapan ang mga Israelita na maging matapat sa Diyos noong si Saul ang kanilang hari?
5 Pinahiran ng Diyos si Saul, ama ni Jonatan, para maging hari. Pero nang maglaon, naging masuwayin ito kung kaya itinakwil siya ni Jehova. (1 Sam. 15:17-23) Hindi naman kaagad inalis ng Diyos si Saul mula sa trono kaya nasubok ang katapatan ng kaniyang mga nasasakupan. Naging hamon sa kanila ang pananatiling matapat sa Diyos dahil ang hari, na nakaupo sa “trono ni Jehova,” ay gumagawa ng masasamang bagay.—1 Cro. 29:23.
6. Ano ang nagpapakita na nanatiling matapat si Jonatan kay Jehova?
6 Nanatiling matapat si Jonatan kay Jehova kahit nagsimulang maging masuwayin ang kaniyang ama na si Saul. (1 Sam. 13:13, 14) Sinabi ni propeta Samuel: “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.” (1 Sam. 12:22) Ipinakita ni Jonatan na naniniwala siya rito nang ang Israel ay pagbantaan ng isang malaking hukbong Filisteo na may 30,000 karong pandigma. Mayroon lang 600 tauhan si Saul—at sila lang ni Jonatan ang may sandata! Pero buong-tapang na sumugod si Jonatan sa himpilan ng mga Filisteo kasama lang ang kaniyang tagapagdala ng baluti. “Walang balakid para kay Jehova upang magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti,” ang sabi ni Jonatan. Pinabagsak ng dalawang Israelitang ito ang mga 20 lalaki sa may himpilan. Pagkatapos, “ang lupa ay nagsimulang mayanig, at ito ay naging panginginig mula sa Diyos.” Sa kalituhan, nagpatayan ang mga Filisteo. Kaya naman nagdulot ng tagumpay sa Israel ang pananampalataya ni Jonatan sa Diyos.—1 Sam. 13:5, 15, 22; 14:1, 2, 6, 14, 15, 20.
7. Paano nakitungo si Jonatan sa kaniyang ama?
7 Kahit patuloy na sinusuway ni Saul ang Diyos, nakikipagtulungan pa rin si Jonatan sa kaniyang ama hangga’t posible. Halimbawa, magkasama silang nakipaglaban para ipagtanggol ang bayan ng Diyos.—1 Sam. 31:1, 2.
8, 9. Bakit masasabing matapat tayo sa Diyos kapag iginagalang natin ang mga nasa awtoridad?
8 Tulad ni Jonatan, maipakikita nating matapat tayo kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang utos na magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad hangga’t maaari, kahit parang hindi kagalang-galang ang ilan sa kanila. Halimbawa, kahit tiwali ang isang opisyal ng gobyerno, iginagalang pa rin natin ang kaniyang posisyon dahil nagpapasakop tayo sa “nakatataas na mga awtoridad” ng pamahalaan. (Basahin ang Roma 13:1, 2.) Sa katunayan, dapat nating igalang ang lahat ng binigyan ni Jehova ng awtoridad.—1 Cor. 11:3; Heb. 13:17.
9 Ipinakita ni Olga,[1] taga-Timog Amerika, na matapat siya sa Diyos sa pamamagitan ng paggalang sa kaniyang asawa kahit sa mahihirap na kalagayan. Sa loob ng maraming taon, naiinis ang mister ni Olga sa kaniya dahil isa siyang Saksi ni Jehova. Kung minsan, iniinsulto siya nito at hindi kinakausap. Pinagbantaan pa nga siya nito na kukunin ang kanilang mga anak at hihiwalayan siya. Pero hindi gumanti ng “masama para sa masama” si Olga. Sinikap niyang maging mabuting asawa. Ipinagluluto niya ito, ipinaglalaba, at inaasikaso ang mga kapamilya nito. (Roma 12:17) Kung posible, sinasamahan niya ito kapag dumadalaw sa mga kapamilya o katrabaho nito. Halimbawa, nang gustong pumunta ng mister niya sa ibang lunsod para sa libing ng tatay nito, inihanda ni Olga ang mga bata at ang lahat ng kailangan nila sa paglalakbay. Naghintay siya sa labas ng simbahan hanggang sa matapos ang seremonya. Pagkaraan ng maraming taon, dahil sa pagtitiis at paggalang ni Olga, nagbago ang saloobin ng kaniyang mister. Ngayon, inihahatid na niya si Olga sa Kingdom Hall at pinasisigla pa nga niya si Olga na dumalo. Kung minsan, sumasama rin siya sa mga pulong.—1 Ped. 3:1.
KAPAG KAILANGANG PUMILI KUNG KANINO MAGIGING MAS MATAPAT
10. Ano ang nakatulong kay Jonatan para magpasiya kung kanino siya magiging mas matapat?
10 Desidido si Saul na patayin si David, kaya napaharap si Jonatan sa mabigat na pagpapasiya. Bagaman nakipagtipan siya kay David, mapagpasakop din si Jonatan sa kaniyang ama. Pero alam ni Jonatan na si David ang sinasang-ayunan ng Diyos at hindi si Saul. Kaya naman pinili ni Jonatan na maging mas matapat kay David. Sinabihan niya si David na magtago at nagsalita siya kay Saul ng mabuti tungkol kay David.—Basahin ang 1 Samuel 19:1-6.
11, 12. Paano nakatutulong sa atin ang pag-ibig sa Diyos para makapagpasiyang maging matapat sa kaniya?
11 Nakatulong kay Alice, isang sister sa Australia, ang pagiging matapat sa Diyos nang kailanganin niyang pumili kung kanino siya magiging mas matapat. Nang magsimula siyang mag-aral ng Bibliya, ikinukuwento niya sa kaniyang mga kapamilya ang natututuhan niya. Sinabi rin niya na hindi na siya magdiriwang ng Pasko at ipinaliwanag niya kung bakit. Noong una, dismayado lang sila, pero nang maglaon, galit na galit na sila. Inakala nila na tinatalikuran na sila ni Alice. Sinabi ni Alice: “Sabi ng nanay ko, itinakwil na niya ako. Nabigla ako at nasaktan, dahil mahal na mahal ko ang mga kapamilya ko. Pero ipinasiya ko na si Jehova at ang kaniyang Anak ang pangunahin sa puso ko, at nagpabautismo ako nang sumunod na asamblea.”—Mat. 10:37.
12 Kung hindi tayo mag-iingat, baka mangibabaw ang pagiging matapat natin sa ating bansa, paaralan, o sports team kaysa sa Diyos. Kuning halimbawa si Henry, na mahilig maglaro ng chess. Laging nananalo ang kanilang paaralan, at gusto niyang mapanalunan ang championship. Pero dahil nakikipaglaban siya sa chess tuwing dulo ng sanlinggo, wala na siyang panahon para sa ministeryo o sa mga pulong. Sinabi ni Henry na naging mas mahalaga sa kaniya ang pagkamatapat sa paaralan kaysa sa Diyos. Kaya nagpasiya siyang umalis sa chess team.—Mat. 6:33.
13. Paano makatutulong ang pagiging matapat sa Diyos kapag may problema tayo sa pamilya?
13 Kung minsan, nagiging problema ang pagiging matapat sa ating mga kapamilya. Halimbawa, sinabi ni Ken: “Gusto kong dalawin nang regular ang nanay kong may-edad na, at paminsan-minsan ay patuluyin siya sa amin. Kaya lang, hindi sila magkasundo ng misis ko. Noong una, naiipit ako dahil hindi ko sila mapagbigyang pareho. Pero naisip ko na sa ganoong sitwasyon, asawa ko ang may pangunahing karapatan sa aking pagkamatapat. Kaya naghanap ako ng solusyon na katanggap-tanggap sa kaniya.” Dahil sa pagiging matapat sa Diyos at paggalang sa kaniyang Salita, nagkaroon si Ken ng lakas ng loob na ipaliwanag sa misis niya kung bakit dapat itong maging mabait sa nanay niya. Ipinaliwanag din ni Ken sa kaniyang nanay kung bakit kailangan nitong igalang ang misis niya.—Basahin ang Genesis 2:24; 1 Corinto 13:4, 5.
KAPAG MALI ANG PAGKAUNAWA SA ATIN O HINUHUSGAHAN TAYO
14. Bakit masasabing hindi naging patas si Saul kay Jonatan?
14 Baka masubok ang pagkamatapat natin kay Jehova kapag hinusgahan tayo ng kapatid na may pribilehiyo sa kongregasyon. Halimbawa, si Haring Saul ang pinahiran ng Diyos, pero masama ang trato niya sa kaniyang anak na si Jonatan. Hindi niya nauunawaan kung bakit mahal na mahal nito si David. Minsan, sa tindi ng galit ni Saul, hiniya niya si Jonatan. Pero hindi gumanti si Jonatan. Hindi natinag ang pagkamatapat niya sa Diyos at kay David, na balang-araw ay magiging hari ng Israel.—1 Sam. 20:30-41.
15. Paano tayo dapat tumugon kapag hindi patas ang trato sa atin ng isang kapatid?
15 Sa ngayon, sinisikap ng mga nangunguna sa kongregasyon na maging patas sa lahat. Pero hindi sila sakdal, kaya posibleng magkamali sila ng unawa sa ating mga ikinikilos. (1 Sam. 1:13-17) Kaya naman sakaling mali ang pagkaunawa sa atin ng iba o husgahan nila tayo, manatili tayong matapat kay Jehova.
KAPAG NAHIHIRAPAN TAYONG TUMUPAD SA IPINANGAKO
16. Sa anong mga sitwasyon tayo dapat maging matapat sa Diyos sa halip na unahin ang sarili?
16 Pinilit ni Saul si Jonatan na unahin nito ang kaniyang sariling kapakanan. (1 Sam. 20:31) Pero dahil matapat siya sa Diyos, pinili ni Jonatan na maging kaibigan ni David kaysa maging hari. Matutularan natin si Jonatan kung tatandaan natin na ang taong kalugod-lugod kay Jehova ay hindi tumatalikod sa kaniyang pangako, kahit makasasamâ ito sa kaniya. (Awit 15:4) Hindi tinalikuran ni Jonatan ang pangako niya kay David; at hindi rin natin dapat talikuran ang mga pangako natin. Halimbawa, kung nahihirapan na tayong tumupad sa isang kasunduan sa negosyo, ang ating pagkamatapat sa Diyos at paggalang sa Bibliya ang magpapakilos sa atin na tumupad sa ating pangako. Paano naman kung nagkakaproblema ang pagsasama ng mag-asawa? Tiyak na pakikilusin tayo ng pag-ibig sa Diyos na maging matapat sa ating kabiyak.—Basahin ang Malakias 2:13-16.
17. Paano ka natulungan ng artikulong ito?
17 Gusto nating tularan ang halimbawa ni Jonatan at maging matapat sa Diyos. Huwag nating unahin ang ating sariling kapakanan. Gaya ni Jonatan, ipakita nating matapat tayo kay Jehova sa pamamagitan ng pagiging matapat sa kaniyang mga lingkod, kahit sa mga nakadidismaya sa atin. Kapag matapat tayo sa Diyos na Jehova kahit sa mahihirap na sitwasyon, napasasaya natin ang kaniyang puso, at nagdudulot ito sa atin ng matinding kasiyahan. (Kaw. 27:11) Makatitiyak din tayo na aalagaan niya tayo at lagi niyang gagawin ang makabubuti para sa atin. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang mahahalagang aral na matututuhan natin sa matapat at di-matapat na mga kakontemporaryo ni David.
^ [1] (parapo 9) Binago ang ilang pangalan.