Pinalaya Na Kayo Dahil sa Di-sana-nararapat na Kabaitan
“Ang kasalanan ay hindi dapat mamanginoon sa inyo, yamang . . . nasa ilalim [kayo] ng di-sana-nararapat na kabaitan.”—ROMA 6:14.
1, 2. Bakit interesado ang mga Saksi ni Jehova sa Roma 5:12?
MAG-ISIP ng mga teksto sa Bibliya na madalas gamitin ng mga Saksi ni Jehova. Kasama ba sa listahan mo ang Roma 5:12? Isipin kung gaano kadalas mong nababanggit ang pananalitang ito: “Kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”
2 Paulit-ulit na ginagamit ang talatang iyan sa aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Habang ginagamit mo ang aklat na iyan sa pagtuturo sa iyong mga anak o sa iba, malamang na mababasa mo ang Roma 5:12 kapag tinatalakay ninyo ang layunin ng Diyos para sa lupa, ang pantubos, at ang kalagayan ng mga patay—sa kabanata 3, 5, at 6. Pero gaano mo kadalas naiisip ang Roma 5:12 may kinalaman sa iyong katayuan kay Jehova, sa iyong mga pagkilos, at sa iyong pag-asa sa hinaharap?
3. Ano ang dapat nating kilalanin tungkol sa ating sitwasyon?
3 Lahat tayo ay makasalanan. Araw-araw, nakagagawa tayo ng mga pagkakamali. Pero tinitiyak sa atin na alam ng Diyos na tayo ay alabok lang, at handa siyang magpakita ng awa. (Awit 103:13, 14) Isinama ni Jesus sa modelong panalangin ang kahilingang ito sa Diyos: “Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan.” (Luc. 11:2-4) Kaya naman, hindi na natin dapat pakaisipin ang mga pagkakamaling pinatawad na ng Diyos. Pero makatutulong kung pag-iisipan natin kung paano niya tayo pinatawad.
PINATAWAD SA PAMAMAGITAN NG DI-SANA-NARARAPAT NA KABAITAN
4, 5. (a) Ano ang tutulong sa atin na maunawaan ang Roma 5:12? (b) Ano ang “di-sana-nararapat na kabaitan” na binabanggit sa Roma 3:24?
4 Tinutulungan tayo ng ibang mga kabanata ng aklat ng Roma, lalo na ng kabanata 6, na maunawaan ang sinabi ni apostol Pablo sa Roma 5:12 at kung paano tayo pinatawad ni Jehova. Sa kabanata 3, mababasa natin: “Ang lahat ay nagkasala . . . , at isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.” (Roma 3:23, 24) Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa pananalitang “di-sana-nararapat na kabaitan”? Gumamit siya ng salitang Griego na ayon sa isang reperensiya ay may diwang “isang pabor na kusang-loob na ginawa, na walang inaangkin o inaasahang kagantihan.” Hindi ito pinagpaguran o nauukol man.
5 Ganito ang paliwanag ng iskolar na si John Parkhurst: “Kapag may kinalaman sa Diyos o kay Kristo, [ang salitang Griego na] ito ay kadalasan nang tumutukoy sa kanilang walang-bayad at di-sana-nararapat na pabor o kabaitan sa pagtubos at pagliligtas sa tao.” Kaya naman angkop ang ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin na “di-sana-nararapat na kabaitan.” Pero paano ipinakita ng Diyos ang di-sana-nararapat na kabaitang ito? At ano ang kinalaman nito sa iyong pag-asa at kaugnayan sa kaniya? Tingnan natin.
6. Paano tayo maaaring makinabang sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?
6 Sa pamamagitan ng “isang tao,” si Adan, “pumasok sa sanlibutan” ang kasalanan at kamatayan. Kaya naman “dahil sa pagkakamali ng isang tao ang kamatayan ay namahala bilang hari.” Idinagdag ni Pablo na ang “kasaganaan ng di-sana-nararapat na kabaitan” ng Diyos ay nangyari “sa pamamagitan ng isang tao, si Jesu-Kristo.” (Roma 5:12, 15, 17) Nagdulot iyan ng kabutihan sa sangkatauhan. “Sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao [si Jesus] ay marami ang ibibilang na matuwid.” Sa katunayan, ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay maaaring umakay sa “buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”—Roma 5:19, 21.
7. Bakit isang di-sana-nararapat na kabaitan ang paglalaan ng Diyos ng pantubos?
7 Hindi obligado si Jehova na isugo sa lupa ang kaniyang Anak para mailaan ang pantubos. Bukod diyan, ang di-sakdal at makasalanang mga tao ay hindi karapat-dapat sa pantubos na inilaan ng Diyos at ni Jesus para sa kapatawaran ng kasalanan. Kaya naman talagang isang di-sana-nararapat na kabaitan ang mapatawad at magkaroon ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Pahalagahan natin ang kaloob na ito ng Diyos at ipakita ito sa paraan ng ating pamumuhay.
PAHALAGAHAN ANG DI-SANA-NARARAPAT NA KABAITAN NG DIYOS
8. Ano ang maling pananaw ng ilan tungkol sa kanilang mga kasalanan?
8 Bilang di-sakdal na mga inapo ni Adan, tayo ay nagkakamali, nakagagawa ng masama, nagkakasala. Pero malaking pagkakamali na abusuhin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at isiping: ‘Kahit may ginagawa akong masama—isang bagay na para sa Diyos ay kasalanan—hindi ako dapat mag-alala. Patatawarin naman ako ni Jehova.’ Nakalulungkot pero ganiyan din ang pananaw ng ilang Kristiyano kahit noong nabubuhay pa ang mga apostol. (Basahin ang Judas 4.) Baka hindi naman natin aktuwal na sasabihin iyon; pero posibleng nasa atin na ang maling pananaw na ito o baka nagsisimula na tayong mag-isip sa ganitong paraan.
9, 10. Paano pinalaya si Pablo at ang iba mula sa kasalanan at kamatayan?
9 Idiniin ni Pablo na dapat nating tanggihan ang kaisipang ito: ‘Naiintindihan naman ako ng Diyos. Palalampasin niya ang maling ginagawa ko.’ Bakit? Dahil, ang sabi ni Pablo, ang mga Kristiyano ay “namatay [na] may kaugnayan sa kasalanan.” (Basahin ang Roma 6:1, 2.) Bakit masasabing “namatay [na sila] may kaugnayan sa kasalanan” gayong buháy pa naman sila noon sa lupa?
10 Ikinapit ng Diyos ang pantubos kay Pablo at sa iba pa noong panahon niya. Kaya naman pinatawad ni Jehova ang mga kasalanan nila, pinahiran sila ng banal na espiritu, at tinawag sila para maging espirituwal na mga anak niya. Pagkatapos, nagkaroon sila ng makalangit na pag-asa. Kung mananatili silang tapat, maninirahan sila at maghaharing kasama ni Kristo sa langit. Pero kahit buháy pa sila at naglilingkod sa Diyos dito sa lupa, maaari na silang tukuyin ni Pablo bilang “namatay [na] may kaugnayan sa kasalanan.” Ginamit niyang halimbawa si Jesus, na namatay bilang tao pero binuhay-muli bilang imortal na espiritu sa langit. Ang kamatayan ay hindi na namamanginoon kay Jesus. Ganito rin ang kalagayan ng mga pinahirang Kristiyano dahil maituturing nila ang kanilang sarili na “patay [na] may kaugnayan sa kasalanan ngunit buháy may kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Roma 6:9, 11) Hindi na gaya ng dati ang kanilang paraan ng pamumuhay. Hindi na sila sunod-sunuran sa kanilang makasalanang pagnanasa. Namatay na sila sa kanilang dating paraan ng pamumuhay.
11. Bakit masasabi na tayong may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso ay “namatay [na] may kaugnayan sa kasalanan”?
11 Kumusta naman tayo? Bago tayo naging Kristiyano, madalas tayong magkasala, at baka hindi natin naiisip na masama pala sa paningin ng Diyos ang ginagawa natin. Para tayong “mga alipin ng karumihan at katampalasanan.” Masasabi na tayo ay “mga alipin ng kasalanan.” (Roma 6:19, 20) Pero nalaman natin ang katotohanang nasa Bibliya, gumawa ng mga pagbabago, nag-alay ng sarili sa Diyos, at nagpabautismo. Mula noon, gusto na nating maging ‘masunurin mula sa puso’ sa mga turo at pamantayan ng Diyos. Oo, “pinalaya [na tayo] mula sa kasalanan” at “naging mga alipin ng katuwiran.” (Roma 6:17, 18) Kaya naman masasabing tayo rin ay “namatay [na] may kaugnayan sa kasalanan.”
12. Anong pagpapasiya ang dapat gawin ng bawat isa sa atin?
12 Ngayon, suriin ang iyong sarili ayon sa sinabi ni Pablo: “Huwag ninyong hayaang ang kasalanan ay patuloy na mamahala bilang hari sa inyong mortal na mga katawan upang sundin ninyo ang mga pagnanasa ng mga ito.” (Roma 6:12) ‘Hinahayaan nating patuloy na mamahala ang kasalanan’ kung ginagawa natin ang anumang gusto ng ating makasalanang katawan. Nasa atin ang pagpapasiya kung ‘hahayaan’ natin itong mamahala o hindi. Ang tanong ay, Ano talaga ang gusto ng puso natin? Tanungin ang sarili: ‘Kung minsan ba ay hinahayaan ko ang aking di-sakdal na katawan o isip na akayin ako sa maling landas? O namatay na ba ako may kaugnayan sa kasalanan? Nabubuhay ba ako may kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus?’ Makikita sa sagot mo kung talagang pinahahalagahan mo ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.
MALALABANAN MO ANG KASALANAN
13. Ano ang katibayan na puwede nating talikuran ang kasalanan?
13 Tinalikuran na ng bayan ni Jehova ang ‘bunga na taglay nila noon’—bago nila nakilala, minahal, at pinaglingkuran ang Diyos. Maaaring kasama sa dati nilang pamumuhay ang “mga bagay na ngayon ay ikinahihiya” na nila, na aakay sa kamatayan. (Roma 6:21) Pero nagbago na sila. Ganiyan ang maraming taga-Corinto na sinulatan ni Pablo. Ang ilan ay dating mga mananamba sa idolo, mangangalunya, homoseksuwal, magnanakaw, lasenggo, at iba pa. Pero “hinugasan na [silang] malinis” at “pinabanal.” (1 Cor. 6:9-11) Malamang na ganiyan din ang ilan sa kongregasyon sa Roma noon. Sinabi ni Pablo sa kanila: “[Huwag na ninyong patuloy na] iharap sa kasalanan ang inyong mga sangkap bilang mga sandata ng kalikuan, kundi iharap ninyo sa Diyos ang inyong sarili gaya niyaong mga buháy mula sa mga patay, gayundin ang inyong mga sangkap sa Diyos bilang mga sandata ng katuwiran.” (Roma 6:13) Sigurado si Pablo na kaya nilang manatiling malinis sa espirituwal para patuloy silang makinabang sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.
14, 15. Kung tayo ay ‘masunurin mula sa puso,’ ano ang dapat nating itanong sa sarili?
14 Sa ngayon, may ilang kapatid tayo na katulad ng mga taga-Corinto. Pero nagbago rin sila. Tinalikuran na nila ang kasalanan at ‘nahugasan na silang malinis.’ Kung ganiyan ang naging kalagayan mo, kumusta ang katayuan mo ngayon sa Diyos? Ngayong ipinakikita ng Diyos ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan at kapatawaran, determinado ka bang huwag nang ‘iharap sa kasalanan ang iyong mga sangkap’? Sa halip, ‘ihaharap mo ba sa Diyos ang iyong sarili gaya niyaong buháy mula sa mga patay’?
15 Para magawa iyan, dapat nating iwasan ang paggawa ng malulubhang kasalanan ng ilang taga-Corinto. Kailangan iyan para masabi nating tinanggap na natin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at ‘hindi na namamanginoon sa atin ang kasalanan.’ Pero determinado rin ba tayong maging ‘masunurin mula sa puso’ at gawin ang ating buong makakaya para umiwas sa mga kasalanan na para sa ilan ay hindi naman gaanong malubha?—Roma 6:14, 17.
16. Bilang Kristiyano, bakit hindi lang ang paggawa ng malulubhang kasalanan ang dapat nating talikuran?
16 Kuning halimbawa si Pablo. Tiyak na hindi niya ginagawa ang alinman sa malulubhang kasalanang binanggit sa 1 Corinto 6:9-11. Pero inamin niyang makasalanan pa rin siya. Isinulat niya: “Ako ay makalaman, ipinagbili sa ilalim ng kasalanan. Sapagkat yaong isinasagawa ko ay hindi ko alam. Sapagkat yaong nais ko, hindi ito ang aking isinasagawa; kundi yaong kinapopootan ko ang siyang aking ginagawa.” (Roma 7:14, 15) Ipinakikita nito na para kay Pablo, may iba pang mga bagay na itinuturing niyang kasalanan, at pinaglalabanan din niya ang mga iyon. (Basahin ang Roma 7:21-23.) Ganiyan din sana ang gawin natin habang nagsisikap tayong maging ‘masunurin mula sa puso.’
17. Bakit mo gustong maging matapat?
17 Halimbawa, talakayin natin ang pagiging matapat. Ang pagsasabi ng totoo ay mahalagang kahilingan para sa mga Kristiyano. (Basahin ang Kawikaan 14:5; Efeso 4:25.) Si Satanas ang “ama ng kasinungalingan.” Pinatay si Ananias at ang kaniyang asawa dahil sa pagsisinungaling. Ayaw natin silang tularan, kaya hindi tayo nagsisinungaling. (Juan 8:44; Gawa 5:1-11) Pero iyan lang ba ang kahulugan ng pagiging matapat? Kung talagang pinahahalagahan natin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, magiging matapat din tayo sa ibang paraan.
18, 19. Bakit ang pagiging matapat ay hindi lang basta pag-iwas sa tahasang pagsisinungaling?
18 Ang pagsisinungaling ay pagsasabi ng bagay na di-totoo. Pero hindi lang tayo sinasabihan ni Jehova na umiwas sa tahasang pagsisinungaling. Hinimok niya ang mga Israelita noon: “Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Jehova na inyong Diyos ay banal.” Pagkatapos, nagbigay siya ng ilang halimbawa kung paano sila magiging banal: “Huwag kayong magnanakaw, at huwag kayong manlilinlang, at huwag makikitungo ang sinuman sa inyo nang may kabulaanan sa kaniyang kasamahan.” (Lev. 19:2, 11) Oo, baka ang isang tao ay hindi kailanman tahasang nagsisinungaling, pero maaaring nililinlang niya ang iba at nakikitungo siya sa kanila nang may kabulaanan.
19 Halimbawa, baka magpaalam ang isang tao sa kaniyang boss o mga katrabaho na hindi siya makakapasok kinabukasan o na kailangan niyang umalis nang maaga dahil mayroon siyang “medical” appointment. Iyon pala, may bibilhin lang siya sa botika o may babayaran sa klinika ng doktor. Ang totoong dahilan kaya hindi siya makakapasok ay dahil aalis siya nang maaga para bumiyahe o dahil dadalhin niya sa beach ang kaniyang pamilya. Kahit may butil ng katotohanan sa sinabi niyang “medical” appointment, masasabi mo bang matapat siya? O mapanlinlang? Marahil may naiisip ka pang ibang halimbawa ng sinasadyang panlilinlang. Baka ginagawa iyon para makaiwas sa parusa o para sa personal na pakinabang. Kahit wala namang kasangkot na tahasang pagsisinungaling, paano naman ang utos ng Diyos na “Huwag kayong manlilinlang”? Isipin din ang Roma 6:19, na nagsasabi: “Iharap ninyo ang inyong mga sangkap bilang mga alipin ng katuwiran tungo sa kabanalan.”
20, 21. Kung pinahahalagahan natin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, ano ang gagawin natin?
20 Kung pinahahalagahan natin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, hindi lang tayo iiwas sa pangangalunya, paglalasing, o iba pang kasalanan na ginawa ng ilang taga-Corinto. Iiwas tayo hindi lang sa seksuwal na imoralidad kundi pati sa mahahalay na libangan. Kung inihaharap natin ang ating mga sangkap bilang mga alipin ng katuwiran, hindi lang tayo iiwas sa paglalasing kundi pati sa pag-inom hanggang sa halos malasing na tayo. Kailangan ang matinding pagsisikap laban sa maling mga gawaing ito, pero malalabanan natin ang kasalanan.
21 Tunguhin natin, hindi lang ang umiwas sa malulubhang kasalanan, kundi pati sa mga pagkakamali na hindi gaanong malubha. Hindi natin iyan magagawa nang perpekto. Pero dapat tayong magsikap, gaya ng ginawa ni Pablo. Hinimok niya ang kaniyang mga kapatid: “Huwag ninyong hayaang ang kasalanan ay patuloy na mamahala bilang hari sa inyong mortal na mga katawan upang sundin ninyo ang mga pagnanasa ng mga ito.” (Roma 6:12; 7:18-20) Kung pinaglalabanan natin ang lahat ng uri ng kasalanan, pinahahalagahan natin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
22. Anong gantimpala ang naghihintay sa mga nagpapahalaga sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?
22 Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, pinatawad na ang ating mga kasalanan at patuloy pa tayong patatawarin. Bilang pagpapahalaga, paglabanan natin ang anumang tukso na gumawa ng itinuturing ng iba na maliliit na kasalanan. Idiniin ni Pablo ang gantimpalang naghihintay sa atin: “Ngayon, sapagkat pinalaya na kayo mula sa kasalanan ngunit naging mga alipin ng Diyos, tinatanggap ninyo ang inyong bunga tungo sa kabanalan, at ang wakas na buhay na walang hanggan.”—Roma 6:22.