Paraiso sa Lupa—Panaginip Lang Ba Ito o Magkakatotoo?
Paraiso! Kapag nakakakita tayo ng magagandang lugar sa magasin o TV, naeengganyo tayong magpunta sa malalayong “paraiso” para magrelaks at malimutan ang mga álalahanín at problema. Pero alam natin na pag-uwi natin, halos wala namang ipinagbago ang ating kalagayan sa buhay.
Gayunman, marami pa rin ang gustong makaranas ng buhay sa paraiso. Baka maisip natin: ‘Panaginip lang ba ang “paraiso”? Kung oo, bakit marami ang gustong makakita nito? Magkakatotoo pa kaya ang paraiso?’
PANINIWALA TUNGKOL SA PARAISO
Sa loob ng maraming siglo, iniisip ng mga tao kung totoong may paraiso. Marami ang naging interesado nang malaman nila mula sa Bibliya ang tungkol sa “isang hardin sa Eden, sa dakong silangan.” Bakit? Sinasabi ng ulat: “Pinatubo ng Diyos na Jehova mula sa lupa ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin.” Napakaganda ng harding iyon. At ang talagang kapansin-pansin ay “ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng hardin.”—Genesis 2:8, 9.
May binabanggit din ang ulat ng Genesis tungkol sa apat na ilog na dumadaloy sa hardin. Dalawa sa mga iyon ay makikita pa rin ngayon—ang Hidekel (o, Tigris) at ang Eufrates. (Genesis 2:10-14) Dumadaloy ang dalawang ilog na ito papuntang Gulpo ng Persia na binabagtas ang Iraq, na dating bahagi ng sinaunang Persia.
Kaya hindi kataka-takang ang paraiso sa lupa ay bahagi ng kultura ng Persia. Halimbawa, isang karpet mula sa Persia noong ika-16 na siglo ang may larawan ng napapaderang hardin na may mga puno at bulaklak. Makikita ito sa Philadelphia Museum of Art, sa Pennsylvania, U.S.A. Ang salitang Persiano para sa “napapaderang hardin” ay nangangahulugan ding “paraiso,” at ang larawan sa karpet ay kahawig ng paglalarawan ng Bibliya sa magandang hardin ng Eden.
Ang totoo, maraming kuwento tungkol sa paraiso sa iba’t ibang wika at kultura sa buong mundo. Nang magpalipat-lipat ang mga tao sa iba’t ibang lugar, dala-dala nila ang kani-kanilang bersiyon ng kuwento tungkol sa paraiso. Sa paglipas ng panahon, ang mga kuwentong iyon ay naging bahagi ng lokal na mga paniniwala at alamat. Hanggang sa ngayon, kapag nakakita ang mga tao ng magandang lugar, sinasabi nilang paraiso iyon.
PAGHAHANAP SA PARAISO
May mga manggagalugad na nagsabing natagpuan na nila ang nawawalang paraiso. Halimbawa, nang makarating sa Seychelles ang Britanong heneral na si Charles Gordon noong 1881, gandang-ganda siya sa Vallée de Mai—na ngayon ay isang World Heritage site—kaya sinabi niyang ito ang hardin ng Eden. Noong ika-15 siglo naman, nang makarating ang Italyanong manlalakbay na si Christopher Columbus sa isla ng Hispaniola, ngayon ay Dominican Republic at Haiti, naisip niya kung malapit na niyang matagpuan ang hardin ng Eden.
Ang aklat na Mapping Paradise, isang modernong aklat ng kasaysayan, ay naglalaman ng mahigit 190 sinaunang mapa, at makikita sa marami sa mga iyon sina Adan at Eva sa hardin ng Eden. Kasama rito ang isang kakaibang mapa mula sa kopya ng manuskrito ni Beatus ng Liébana noong ika-13 siglo. Sa bandang itaas nito, makikita ang maliit na parihaba na ang sentro ay paraiso. Mula sa sentro, dumadaloy ang apat na ilog na tinatawag na “Tigris,” “Eufrates,” “Pison,” at “Geon,” papunta sa bawat sulok ng parihaba, na sinasabing lumalarawan sa paglaganap ng Kristiyanismo sa apat na sulok ng lupa. Ipinakikita ng gayong paglalarawan na kahit hindi alam ang totoong lokasyon ng orihinal na Paraiso, hindi pa rin nalilimutan ng marami ang alaala nito.
Si John Milton, isang makatang Ingles noong ika-17 siglo, ay kilala sa kaniyang tulang Paradise Lost, na batay sa ulat ng Genesis tungkol sa pagkakasala ni Adan at pagpapalayas sa Eden. Idiniin niya roon ang pangakong muling mabubuhay nang walang hanggan ang mga tao sa lupa, na sinasabi: “Sa panahong iyon, ang lupa ay magiging paraiso.” Sumulat din si Milton ng karugtong nitong tula na may pamagat na Paradise Regained.
NAGBAGO ANG PANANAW
Maliwanag, ang ideya tungkol sa nawawalang paraiso sa lupa ay popular sa buong kasaysayan ng tao. Pero bakit parang hindi na ito mahalaga sa mga tao ngayon? Ayon sa aklat na Mapping Paradise, pangunahin nang dahil ito sa “pagbale-wala ng mga teologo sa isyu tungkol sa lokasyon ng paraiso.”
Itinuturo sa maraming nagsisimba na sa langit ang pag-asa nila, hindi sa paraisong lupa. Pero sinasabi ng Bibliya sa Awit 37:29: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” Dahil hindi paraiso ang daigdig natin ngayon, matutupad pa kaya ang pangakong ito?a
MAGIGING PARAISO ANG BUONG LUPA
Ipinangako ng Diyos na Jehova, ang lumalang ng orihinal na Paraiso, na isasauli niya ang naiwala. Paano? Alalahanin ang panalanging itinuro ni Jesus: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Ang Kahariang iyon ay isang pandaigdig na gobyerno na pinamamahalaan ni Jesu-Kristo, at papalit ito sa pamamahala ng tao. (Daniel 2:44) Sa ilalim ng Kahariang iyon, matutupad ang kalooban ng Diyos na gawing paraiso ang lupa.
Sa tulong ng espiritu ng Diyos, inilarawan ni propeta Isaias ang mga kalagayan sa ipinangakong Paraiso, kung saan mawawala na ang mga problemang sumasalot sa sangkatauhan. (Isaias 11:6-9; 35:5-7; 65:21-23) Pakisuyong basahin sa iyong Bibliya ang mga tekstong iyon. Mapatitibay ka nitong magtiwala sa mga pangako ng Diyos sa masunuring mga tao. Sa panahong iyon, tatamasahin ng mga tao ang paraiso at ang pagsang-ayon ng Diyos, mga bagay na naiwala ni Adan.—Apocalipsis 21:3.
Bakit tayo makatitiyak na hindi panaginip lang ang Paraisong lupa kundi magkakatotoo ito? Dahil sinasabi sa atin ng Bibliya: “Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.” Ang pag-asang magiging paraiso ang lupa ay pangako ng “Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.” (Awit 115:16; Tito 1:2) Napakaganda ngang pag-asa ang iniaalok ng Bibliya—isang Paraisong mananatili magpakailanman!
a Kapansin-pansin na sa Koran, sa talata 105 ng sura 21, sinabi ng Al-Anbiya’ [Mga Propeta]: “Mamanahin ng Aking matuwid na mga lingkod ang lupa.”