Sino ang Pumapatnubay sa Bayan ng Diyos Ngayon?
“Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo.”—HEB. 13:7.
1, 2. Ano ang malamang na naisip ng mga apostol nang umakyat na si Jesus sa langit?
ANG mga apostol ni Jesus ay nakatayo sa Bundok ng mga Olibo habang nakatitig sa kalangitan. Nakita nilang itinaas ang kanilang panginoon at kaibigang si Jesus, na natakpan ng isang ulap. (Gawa 1:9, 10) Mga dalawang taon silang tinuruan, pinatibay, at pinatnubayan ni Jesus. Pero wala na siya ngayon. Ano ang gagawin nila?
2 Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Paano nila iyon magagawa? Totoo, tiniyak sa kanila ni Jesus na malapit na nilang tanggapin ang banal na espiritu. (Gawa 1:5) Pero ang isang internasyonal na kampanya ng pangangaral ay nangangailangan ng pangangasiwa at pag-oorganisa. Para mapangasiwaan at maorganisa ang kaniyang sinaunang bayan, gumamit si Jehova ng mga kinatawang tao. Kaya malamang na naisip ng mga apostol, ‘Hihirang na kaya si Jehova ng bagong lider?’
3. (a) Nang umakyat na si Jesus sa langit, anong mahalagang desisyon ang ginawa ng tapat na mga apostol? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Pagkaraan ng wala pang dalawang linggo, sumangguni sa Kasulatan ang mga alagad ni Jesus, nanalangin para sa patnubay ng Diyos, at pinili si Matias para pumalit kay Hudas Iscariote bilang ika-12 apostol. (Gawa 1:15-26) Bakit napakahalaga sa kanila at kay Jehova ng pagpiling ito? Pinunan ni Matias ang isang mahalagang pangangailangan ng organisasyon noon.a Pinili ni Jesus ang kaniyang mga apostol hindi lang para may makasama siya sa ministeryo kundi para gumanap ng isang mahalagang papel sa bayan ng Diyos. Ano iyon? Paano sila inihanda ni Jehova sa pamamagitan ni Jesus? Anong katulad na kaayusan mayroon ang bayan ng Diyos ngayon? At paano natin ‘aalalahanin ang mga nangunguna’ sa atin, lalo na ang mga bumubuo sa “tapat at maingat na alipin”?—Heb. 13:7; Mat. 24:45.
NAKIKITANG LUPON SA PANGUNGUNA NG DI-NAKIKITANG LIDER
4. Anong papel ang ginampanan ng mga apostol at iba pang matatandang lalaki sa Jerusalem noong unang siglo?
4 Noong Pentecostes 33 C.E., sinimulan ng mga apostol ang pangunguna sa kongregasyong Kristiyano. Sa okasyong iyon, “tumayo si Pedro kasama ang labing-isa” at nagbahagi ng nagliligtas-buhay na mga katotohanan sa mga Judio at proselitang nagkakatipon. (Gawa 2:14, 15) Marami sa mga ito ang naging Kristiyano. Pagkatapos, “patuloy nilang iniukol ang kanilang sarili sa turo ng mga apostol.” (Gawa 2:42) Pinangasiwaan ng mga apostol ang pananalapi ng kongregasyon. (Gawa 4:34, 35) Inasikaso nila ang espirituwal na pangangailangan ng bayan ng Diyos, na sinasabi: “Iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.” (Gawa 6:4) At nag-atas sila ng makaranasang mga Kristiyano para sa gawaing pag-eebanghelyo sa mga bagong teritoryo. (Gawa 8:14, 15) Nang maglaon, nakasama ng mga apostol sa pangangasiwa sa mga kongregasyon ang iba pang pinahirang matatandang lalaki. Bilang isang lupong tagapamahala, sila ang nagbigay ng mga tagubilin sa lahat ng kongregasyon.—Gawa 15:2.
5, 6. (a) Paano binigyang-kapangyarihan ng banal na espiritu ang lupong tagapamahala? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Paano tinulungan ng mga anghel ang lupong tagapamahala? (c) Paano ginabayan ng Salita ng Diyos ang lupong tagapamahala?
5 Kinikilala ng mga Kristiyano noong unang siglo na pinapatnubayan ni Jehova ang lupong tagapamahala sa pamamagitan ng kanilang Lider, si Jesus. Paano sila nakatitiyak? Una, binigyang-kapangyarihan ng banal na espiritu ang lupong tagapamahala. (Juan 16:13) Ibinuhos ang banal na espiritu sa lahat ng pinahirang Kristiyano, pero partikular itong nakatulong sa mga apostol at iba pang matatandang lalaki sa Jerusalem na gampanan ang kanilang papel bilang mga tagapangasiwa. Halimbawa, noong 49 C.E., ginabayan ng banal na espiritu ang lupong tagapamahala na mapagpasiyahan ang usapin tungkol sa pagtutuli. Ang mga kongregasyon ay sumunod sa kanilang tagubilin at “patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.” (Gawa 16:4, 5) Ipinakikita rin ng liham tungkol sa pasiyang iyon na taglay ng lupong tagapamahala ang bunga ng espiritu ng Diyos, kabilang na ang pag-ibig at pananampalataya.—Gawa 15:11, 25-29; Gal. 5:22, 23.
6 Ikalawa, tinulungan ng mga anghel ang lupong tagapamahala. Bago mabautismuhan si Cornelio bilang unang di-tuling Kristiyanong Gentil, isang anghel ang nag-utos sa kaniya na ipatawag si apostol Pedro. Matapos mangaral si Pedro kay Cornelio at sa mga kamag-anak nito, ibinuhos sa kanila ang banal na espiritu, kahit di-tuli ang mga lalaki. Dahil dito, nagpasakop sa kalooban ng Diyos ang mga apostol at ang iba pang mga kapatid at tinanggap ang di-tuling mga Gentil sa kongregasyong Kristiyano. (Gawa 11:13-18) Itinaguyod din at pinabilis ng mga anghel ang gawaing pangangaral na pinangangasiwaan ng lupong tagapamahala. (Gawa 5:19, 20) Ikatlo, ginabayan ng Salita ng Diyos ang lupong tagapamahala. Ginamit ng mga lalaking iyon ang Kasulatan para ayusin ang mga isyu tungkol sa doktrina at para magbigay ng tagubilin sa mga kongregasyon.—Gawa 1:20-22; 15:15-20.
7. Bakit natin masasabing si Jesus ang pumapatnubay sa unang mga Kristiyano?
7 Kahit may awtoridad ang lupong tagapamahalang iyon sa kongregasyon noon, kinilala nila na si Jesus ang kanilang Lider. “Ibinigay niya [ni Kristo] ang ilan bilang mga apostol,” ang isinulat ni apostol Pablo. “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay lumaki tayo sa lahat ng mga bagay tungo sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.” (Efe. 4:11, 15) Sa halip na tawagin ayon sa pangalan ng isang prominenteng apostol, “tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos.” (Gawa 11:26) Totoo, sinabi ni Pablo na mahalagang manghawakang mahigpit sa “mga tradisyon,” o mga kaugaliang batay sa Kasulatan, na ibinigay ng mga apostol at ng iba pang mga lalaking nangunguna. Pero sinabi rin niya: “Ngunit nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki [kasama na ang bawat miyembro ng lupong tagapamahala] ay ang Kristo; . . . ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Cor. 11:2, 3) Oo, sa ilalim ng kaniyang Ulo, ang Diyos na Jehova, pinapatnubayan ng di-nakikita at niluwalhating si Kristo Jesus ang kongregasyon noon.
“ITO’Y HINDI GAWAIN NG TAO”
8, 9. Mula noong 1870, anong importanteng papel ang ginampanan ni Brother Russell?
8 Mula noong 1870, sinikap ni Charles Taze Russell at ng mga kasamahan niya na muling itatag ang tunay na pagsambang Kristiyano. Para maibahagi sa iba’t ibang wika ang katotohanang nasa Bibliya, ang Zion’s Watch Tower Tract Society ay naging isang legal na korporasyon noong 1884, at si Brother Russell ang presidente nito.b Isa siyang mahusay na estudyante ng Bibliya, at walang-takot niyang inilantad ang huwad na mga doktrina, gaya ng Trinidad at imortalidad ng kaluluwa. Naunawaan niyang babalik si Kristo nang di-nakikita at na magwawakas ang “mga takdang panahon ng mga bansa” noong 1914. (Luc. 21:24) Ibinuhos ni Brother Russell ang kaniyang panahon, lakas, at pera para ibahagi ang mga katotohanang ito. Maliwanag, sa mahalagang panahong iyon, ginamit ni Jehova at ng ulo ng kongregasyon si Brother Russell para manguna sa bayan ng Diyos.
9 Hindi naghangad ng kaluwalhatian si Brother Russell mula sa mga tao. Noong 1896, isinulat niya: “Ayaw namin ng anumang papuri, o parangal, para sa aming sarili o sa mga isinusulat namin; ni hangad man naming patawag na Reberendo o Rabbi. Ni hangad namin na ang anumang grupo ay tawagin sa aming pangalan.” Sinabi rin niya nang maglaon: “Ito’y hindi gawain ng tao.”
10. (a) Kailan inatasan ni Jesus ang “tapat at maingat na alipin”? (b) Ipaliwanag kung paano unti-unting nilinaw na ang Lupong Tagapamahala ay naiiba sa Watch Tower Society.
10 Noong 1919, tatlong taon pagkamatay ni Brother Russell, inatasan ni Jesus ang “tapat at maingat na alipin.” Ang layunin? Para magbigay sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan ng “pagkain sa tamang panahon.” (Mat. 24:45) Noon pa man, may isang maliit na grupo ng mga pinahirang brother na naglilingkod sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, na naghahanda at namamahagi ng espirituwal na pagkain sa mga tagasunod ni Jesus. Ang pananalitang “governing body” (lupong tagapamahala) ay unang ginamit sa ating mga publikasyong Ingles noong dekada ng 1940, at iniuugnay ito noon sa Watch Tower Bible and Tract Society. Pero noong 1971, nilinaw na ang Lupong Tagapamahala ay naiiba sa Watch Tower Society—isang legal na instrumento lang—at sa mga direktor nito. Mula noon, may mga pinahirang brother na hindi direktor ng Watch Tower Society na isinama sa Lupong Tagapamahala. Nitong nakaraang mga taon, may mga responsableng brother naman na kabilang sa “ibang mga tupa” na naglingkod bilang mga direktor ng Watch Tower Society at ng iba pang mga korporasyong ginagamit ng bayan ng Diyos. Kaya naman, maaari nang magpokus ang Lupong Tagapamahala sa paglalaan ng espirituwal na mga tagubilin at patnubay. (Juan 10:16; Gawa 6:4) Ipinaliwanag ng Ang Bantayan, Hulyo 15, 2013, na ang “tapat at maingat na alipin” ay isang maliit na grupo ng mga pinahirang brother na bumubuo sa Lupong Tagapamahala.
11. Paano gumagawa ng mga desisyon ang Lupong Tagapamahala?
11 Magkakasamang gumagawa ng mahahalagang desisyon ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Paano? Mayroon silang lingguhang miting, na tumutulong para magkaroon sila ng bukás na komunikasyon at pagkakaisa. (Kaw. 20:18) Taon-taon ang ikutan nila sa pagiging chairman ng mga miting na iyon dahil walang miyembro ng Lupong Tagapamahala ang itinuturing na mas importante kaysa sa iba. (1 Ped. 5:1) Taon-taon din ang ikutan sa pagiging chairman ng anim na komite ng Lupong Tagapamahala. At itinuturing ng bawat miyembro ng lupon ang kaniyang sarili, hindi bilang lider ng kaniyang mga kapatid, kundi bilang isa sa “mga lingkod ng sambahayan,” na pinakakain ng tapat na alipin at sakop ng pangangasiwa nito.
“SINO TALAGA ANG TAPAT AT MAINGAT NA ALIPIN?”
12. Dahil ang Lupong Tagapamahala ay hindi kinasihan at hindi rin sakdal, anong mga tanong ang bumabangon?
12 Ang Lupong Tagapamahala ay hindi kinasihan at hindi rin sakdal. Kaya maaari itong magkamali pagdating sa doktrina o sa pagbibigay ng tagubilin sa organisasyon. Sa katunayan, sa Watch Tower Publications Index, may paksang “Beliefs Clarified,” kung saan makikita ang mga pagbabago sa ating pagkaunawa sa Kasulatan mula noong 1870.c Siyempre pa, hindi naman sinabi ni Jesus na perpektong espirituwal na pagkain ang ilalaan ng tapat na alipin. Kaya paano natin sasagutin ang tanong ni Jesus: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin?” (Mat. 24:45) Ano ang ebidensiya na ang Lupong Tagapamahala ang gumaganap sa papel na iyan? Talakayin natin ang tatlong bagay na pumatnubay rin sa lupong tagapamahala noong unang siglo.
13. Paano tinutulungan ng banal na espiritu ang Lupong Tagapamahala?
13 Ebidensiya ng patnubay ng banal na espiritu. Tinutulungan ng banal na espiritu ang Lupong Tagapamahala na maunawaan ang mga katotohanan sa Kasulatan na dati ay hindi naiintindihan. Halimbawa, tingnan ang talaan ng paglilinaw sa ating mga paniniwala na binanggit sa nakaraang parapo. Tiyak na walang sinumang tao ang karapat-dapat purihin sa pagtuklas at pagpapaliwanag ng gayong “malalalim na bagay ng Diyos”! (Basahin ang 1 Corinto 2:10.) Nadarama ng Lupong Tagapamahala ang gaya ng isinulat ni Pablo: “Ang mga bagay na ito ay sinasalita rin natin, hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan niyaong itinuro ng espiritu.” (1 Cor. 2:13) Pagkatapos ng daan-daang taon ng apostasya at espirituwal na kadiliman, bakit napakabilis ng pagsulong sa ating pagkaunawa sa Bibliya mula 1919? Tiyak na ito ay dahil sa pagkilos ng banal na espiritu!
14. Ayon sa Apocalipsis 14:6, 7, paano tinutulungan ng mga anghel ang bayan ng Diyos ngayon?
14 Ebidensiya ng tulong ng mga anghel. Pinangangasiwaan ngayon ng Lupong Tagapamahala ang napakalaking internasyonal na gawaing pangangaral ng mahigit walong milyong ebanghelisador. Bakit matagumpay ang gawaing ito? Ang isang dahilan ay ang tulong ng mga anghel. (Basahin ang Apocalipsis 14:6, 7.) Nakakausap ng maraming mamamahayag ang mga indibiduwal na katatapos lang manalangin para sa tulong!d Makikita rin ang tulong ng mga anghel sa pagsulong ng gawaing pangangaral at paggawa ng mga alagad sa ilang lupain sa kabila ng matinding pagsalansang.
15. Ano ang pagkakaiba ng Lupong Tagapamahala at ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan? Magbigay ng halimbawa.
15 Pananalig sa Salita ng Diyos. (Basahin ang Juan 17:17.) Pag-isipan ang nangyari noong 1973. Ibinangon ng Bantayan, isyu ng Disyembre 1 (Hunyo 1 sa Ingles), ang tanong na ito: “Ang mga tao ba . . . na hindi pa nakalalaya sa kanilang bisyo ng paggamit ng tabako ay kuwalipikadong magpabawtismo?” Ang sagot ay: “Ang katibayang maka-Kasulatan ay tumutukoy sa konklusyon na sila’y hindi kuwalipikado.” Matapos sipiin ang ilang kaugnay na teksto, ipinaliwanag ng Bantayan kung bakit dapat itiwalag ang mga naninigarilyo na di-nagsisisi. (1 Cor. 5:7; 2 Cor. 7:1) Sinabi nito: “Ito’y hindi isang hakbanging ayon lamang sa sariling kuro-kuro, o kaparaanang makadiktador. Ang kahigpitan ay talagang nagmumula sa Diyos, na nagpapahayag ng kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita.” Handa bang manalig sa Salita ng Diyos ang ibang relihiyon, kahit magiging mahirap iyon para sa ilang miyembro nito? Ganito ang sabi ng isang aklat tungkol sa relihiyon na inilathala sa United States: “Laging binabago ng mga lider na Kristiyano ang kanilang mga turo para bumagay sa mga paniniwala at opinyon na nagiging popular sa mga miyembro nila at sa lipunan.” Sa pagdedesisyon, ang Lupong Tagapamahala ay hindi sunod-sunuran sa opinyon ng marami. Sa halip, nagpapagabay ito kay Jehova sa pamamagitan ng Kaniyang Salita.
“ALALAHANIN NINYO YAONG MGA NANGUNGUNA SA INYO”
16. Ano ang isang paraan para maalaala ang Lupong Tagapamahala?
16 Basahin ang Hebreo 13:7. Ang salitang “alalahanin” ay puwede ring isaling “banggitin.” Kaya ang isang paraan para ‘maalaala ang mga nangunguna’ ay ang banggitin ang Lupong Tagapamahala sa ating mga panalangin. (Efe. 6:18) Pananagutan nilang ilaan ang espirituwal na pagkain, pangasiwaan ang gawaing pangangaral sa buong mundo, at asikasuhin ang mga donasyon. Talagang kailangan nila ang ating patuluyang pananalangin!
17, 18. (a) Paano tayo nakikipagtulungan sa Lupong Tagapamahala? (b) Paano natin sinusuportahan ang tapat na alipin at si Jesus sa pamamagitan ng pangangaral?
17 Siyempre pa, inaalaala natin ang Lupong Tagapamahala, hindi lang sa salita, kundi sa pakikipagtulungan din sa kanilang pangunguna. Nagbibigay ang Lupong Tagapamahala ng mga tagubilin sa pamamagitan ng ating mga publikasyon, pulong, asamblea, at mga kombensiyon. Nag-aatas din ito ng mga tagapangasiwa ng sirkito, na nag-aatas naman ng mga elder sa kongregasyon. Inaalaala ng mga tagapangasiwa ng sirkito at mga elder ang Lupong Tagapamahala kapag maingat nilang sinusunod ang mga tagubiling ibinibigay sa kanila. Lahat tayo ay makapagpapakita ng paggalang sa ating Lider, si Jesus, kung magiging masunurin at mapagpasakop tayo sa mga lalaking ginagamit niya para manguna sa atin.—Heb. 13:17.
18 Ang isa pang paraan para maalaala ang Lupong Tagapamahala ay ang paggawa ng ating buong makakaya sa gawaing pangangaral. Pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano na tularan ang pananampalataya ng mga nangunguna sa kanila. Napakahusay na huwaran sa pananampalataya ang ipinakikita ng tapat na alipin sa masigasig na pagtataguyod at pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian. Sinusuportahan mo ba ang mga pinahiran sa mahalagang gawaing ito? Tiyak na magiging maligaya ka kapag narinig mong sinabi ng ating Lider na si Jesus: “Kung paanong ginawa ninyo iyon sa isa sa pinakamababa sa mga ito na aking mga kapatid, ginawa ninyo iyon sa akin.”—Mat. 25:34-40.
19. Bakit ka determinadong sumunod sa ating Lider, si Jesus?
19 Kahit bumalik na si Jesus sa langit, hindi niya pinabayaan ang kaniyang mga tagasunod. (Mat. 28:20) Noong nasa lupa siya, malaki ang naitulong ng banal na espiritu, ng mga anghel, at ng Salita ng Diyos sa kaniyang pangunguna. Kaya binibigyan din niya ng gayong tulong ang tapat na alipin sa ngayon. Bilang mga pinahirang Kristiyano, ang mga miyembro ng aliping iyon ay “patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon.” (Apoc. 14:4) Kapag sinusunod natin ang kanilang mga tagubilin, sinusunod natin ang ating Lider, si Jesus. Malapit na niya tayong akayin sa buhay na walang hanggan. (Apoc. 7:14-17) Walang taong lider ang kayang mangako nito!
a Maliwanag, nilayon ni Jehova na magkaroon ng 12 apostol na bubuo sa “labindalawang batong pundasyon” ng Bagong Jerusalem. (Apoc. 21:14) Kaya hindi kailangang palitan ang sinumang tapat na apostol kapag natapos na nito ang kaniyang buhay sa lupa.
b Mula 1955, ang korporasyong iyon ay nakilala bilang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania.
c Tingnan din ang “Paglilinaw Tungkol sa Ating mga Paniniwala” sa Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova, sa paksang “Saksi ni Jehova,” subtitulong “Pananaw at Paniniwala.”