Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Isinulat ni apostol Pablo na ‘hindi hahayaan ni Jehova na tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin.’ (1 Cor. 10:13) Ibig bang sabihin nito na patiunang inaalam ni Jehova kung ano ang matitiis natin at saka niya pinipili ang mga pagsubok na haharapin natin?
Isang brother, na may anak na nagpakamatay, ang nagtanong: ‘Patiuna bang inalam ni Jehova na makakayanan namin ng misis ko ang pagpapakamatay ng aming anak, kung kaya ipinahintulot niya ito?’ Makatuwiran bang maniwala na minamaniobra ni Jehova ang bawat nangyayari sa buhay natin?
Kung susuriin natin nang higit ang pananalita ni Pablo sa 1 Corinto 10:13, aakayin tayo nito sa ganitong konklusyon: Walang makakasulatang dahilan para maniwalang patiunang inaalam ni Jehova ang matitiis natin at saka niya pinipili ang mga pagsubok na mapapaharap sa atin batay rito. Tingnan ang apat na dahilan.
Una, binigyan tayo ni Jehova ng malayang kalooban. Gusto niyang tayo ang magdesisyon para sa buhay natin. (Deut. 30:19, 20; Jos. 24:15) Kung pipiliin natin ang tamang landas, makaaasa tayong papatnubayan ni Jehova ang mga hakbang natin. (Kaw. 16:9) Pero kung pipiliin natin ang maling landas, mararanasan natin ang mga epekto nito. (Gal. 6:7) Kaya kung pipiliin ni Jehova ang mga pagsubok na haharapin natin, hindi ba binabale-wala niya ang ating malayang kalooban?
Ikalawa, hindi tayo ipinagsasanggalang ni Jehova mula sa mga “di-inaasahang pangyayari.” (Ecles. 9:11) Baka maaksidente tayo nang malubha dahil nasa maling lugar tayo sa maling pagkakataon. Binanggit ni Jesus ang isang trahedya na ikinamatay ng 18 katao nang mabagsakan sila ng isang tore, at sinabi niya na hindi iyon kalooban ng Diyos. (Luc. 13:1-5) Makatuwiran bang isipin na patiuna nang ipinapasiya ng Diyos kung sino ang makaliligtas at kung sino ang mamamatay sa mga di-inaasahang pangyayari?
Ikatlo, bawat isa sa atin ay sangkot sa isyu ng katapatan. Alalahanin na hinamon ni Satanas ang katapatan ng lahat ng naglilingkod kay Jehova, at iginigiit niya na hindi tayo mananatiling matapat kay Jehova sa harap ng mga pagsubok. (Job 1:9-11; 2:4; Apoc. 12:10) Kung hahadlangan ni Jehova ang ilang pagsubok na mapapaharap sa atin dahil iniisip niyang hindi natin matitiis ang mga ito, hindi ba patutunayan nito na tama ang paratang ni Satanas na naglilingkod tayo sa Diyos dahil sa pansariling interes?
Ikaapat, hindi kailangang alamin ni Jehova ang bawat mangyayari sa atin. Para patiunang mapili ng Diyos ang mga pagsubok na haharapin natin, dapat ay alam niya ang lahat ng mangyayari sa buhay natin. Pero hindi makakasulatan ang gayong pananaw. Oo, may kakayahan ang Diyos na patiunang malaman ang mga mangyayari sa hinaharap. (Isa. 46:10) Pero ipinakikita ng Bibliya na pinipili niya kung ano ang patiuna niyang aalamin. (Gen. 18:20, 21; 22:12) Kaya naman balanse siya sa paggamit ng kakayahan niyang ito bilang paggalang sa ating malayang kalooban. Hindi ba iyan naman ang aasahan natin mula sa Diyos na nagpapahalaga sa ating kalayaan at laging nagpapakita ng kaniyang mga katangian sa balanseng paraan?—Deut. 32:4; 2 Cor. 3:17.
Kaya paano natin dapat unawain ang pananalita ni Pablo na ‘hindi hahayaan ng Diyos na tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin’? Tinutukoy rito ni Pablo ang ginagawa ni Jehova hindi bago dumating ang pagsubok, kundi habang nangyayari ito.a Tinitiyak nito sa atin na anumang pagsubok ang dumating, aalalayan tayo ni Jehova kung magtitiwala tayo sa kaniya. (Awit 55:22) Ang nakapagpapatibay na mga salita ni Pablo ay salig sa dalawang mahalagang katotohanan.
Una, ang mga pagsubok na hinaharap natin ay “karaniwan sa mga tao.” Ang gayong mga pagsubok ay makakayanan natin kung magtitiwala tayo sa Diyos. (1 Ped. 5:8, 9) Sa konteksto ng 1 Corinto 10:13, tinutukoy ni Pablo ang mga pagsubok na napaharap sa mga Israelita sa ilang. (1 Cor. 10:6-11) Ang mga pagsubok na iyon ay nararanasan din ng ibang tao at kayang batahin ng tapat na mga Israelita. Apat na beses na sinabi ni Pablo na ang “ilan sa kanila” ay sumuway. Nakalulungkot, nagpadala ang ilang Israelita sa kanilang maling mga pagnanasa dahil hindi sila nagtiwala sa Diyos.
Ikalawa, “ang Diyos ay tapat.” Sa mga pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan, ipinakikita niya ang kaniyang matapat na pag-ibig doon “sa mga umiibig sa kaniya at doon sa mga tumutupad ng kaniyang mga utos.” (Deut. 7:9) Ipinakikita rin nito na tapat siya sa mga pangako niya. (Jos. 23:14) Dahil sa katapatan ng Diyos, makapagtitiwala ang mga umiibig at sumusunod sa kaniya na tutuparin niya ang dalawang pangakong ito: (1) Hindi niya hahayaan ang anumang pagsubok na umabot sa puntong hindi na ito matitiis, at (2) “gagawa rin siya ng daang malalabasan” para sa kanila.
Kapag may pagsubok, paano gumagawa si Jehova ng daang malalabasan para sa mga nagtitiwala sa kaniya? Siyempre pa, kung kalooban niya, kaya niya itong alisin. Pero tandaan ang sinabi ni Pablo: “Gagawa rin [si Jehova] ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” Kaya sa maraming sitwasyon, gumagawa siya ng “daang malalabasan” sa pamamagitan ng pagbibigay ng kailangan natin para mabata ang mga pagsubok. Pansinin ang ilang paraan kung paano ito ginagawa ni Jehova:
Tayo ay ‘inaaliw niya sa lahat ng ating kapighatian.’ (2 Cor. 1:3, 4) Puwedeng payapain ni Jehova ang puso at isip natin, at pagaanin ang ating damdamin sa pamamagitan ng kaniyang Salita, banal na espiritu, at espirituwal na pagkaing inilalaan ng tapat na alipin.—Mat. 24:45; Juan 14:16, Roma 15:4.
Matutulungan niya tayo sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (Juan 14:26) Kapag may pagsubok, maipaaalaala sa atin ng espiritu ang mga ulat at mga simulain sa Bibliya para malaman natin ang mga hakbang na dapat nating gawin.
Puwede niyang gamitin ang kaniyang mga anghel para sa kapakanan natin.—Heb. 1:14.
Puwede niyang gamitin ang mga kapananampalataya natin. Ang kanilang salita at gawa ay maaaring maging “tulong na nagpapalakas” sa atin.—Col. 4:11.
Kaya ano ang konklusyon natin tungkol sa pananalita ni Pablo sa 1 Corinto 10:13? Hindi pinipili ni Jehova ang mga pagsubok na mapapaharap sa atin. Pero kapag bumangon ang mga ito, makatitiyak tayo: Kung lubusan tayong magtitiwala kay Jehova, hindi niya hahayaan ang mga pagsubok na umabot sa puntong hindi na natin makakayanan ang mga ito; lagi siyang gagawa ng daang malalabasan para mabata natin ang mga ito. Talagang nakapagpapatibay iyan!
a Ang salitang Griego na isinaling “tukso” ay maaaring mangahulugan ng “pagsubok.”