Bautismo—Kahilingan Para sa mga Kristiyano
“Yaong katumbas nito ay nagliligtas din ngayon sa inyo, samakatuwid nga, ang bautismo.”—1 PED. 3:21.
1, 2. (a) Ano ang reaksiyon ng ilang Kristiyanong magulang kapag gusto nang magpabautismo ng kanilang anak? (b) Bakit tinatanong ang mga kandidato sa bautismo kung nag-alay na sila kay Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
HABANG nakatingin ang mga magulang niya, isang batang babae, na tatawagin nating Maria, ang tumayo kasama ng iba pang kandidato sa bautismo. Sa malakas at malinaw na tinig, sinagot niya ang dalawang tanong ng tagapagsalita. Pagkatapos, binautismuhan siya.
2 Tuwang-tuwa ang mga magulang ni Maria sa desisyon niyang mag-alay kay Jehova at magpabautismo. Pero bago nito, may ilang tanong na naglalaro sa isip ng nanay niya: ‘Hindi kaya napakabata pa ni Maria para magpabautismo? Talaga kayang naiintindihan na niya kung gaano kaseryoso ang pag-aalay ng sarili kay Jehova? Makabubuti kayang maghintay-hintay pa siya bago magpabautismo?’ Ito ang naitatanong ng maraming magulang kapag nagsabi ang kanilang anak na gusto na nitong magpabautismo. (Ecles. 5:5) Mauunawaan naman natin sila dahil ang pag-aalay at pagpapabautismo ang dalawang pinakamahalagang hakbang sa buhay ng isang Kristiyano.—Tingnan ang kahong “Inialay Mo Na Ba ang Iyong Sarili kay Jehova?”
3, 4. (a) Paano ipinakita ni apostol Pedro na napakahalaga ng bautismo? (b) Bakit maihahalintulad ang bautismo sa pagtatayo ng arka noong panahon ni Noe?
3 Nang talakayin niya ang bautismo, tinukoy ni apostol Pedro ang pagtatayo ni Noe ng arka: “Yaong katumbas nito ay nagliligtas din ngayon sa inyo, samakatuwid nga, ang bautismo.” (Basahin ang 1 Pedro 3:20, 21.) Ang arka ay isang istraktura na nagsisilbing katibayan na buong-pusong ginawa ni Noe ang kalooban ng Diyos. May-katapatang tinupad ni Noe ang atas na ibinigay ni Jehova sa kaniya. Dahil sa pananampalataya ni Noe, iniligtas siya ni Jehova sa Baha, pati na ang kaniyang pamilya. Ano ang gustong sabihin ni Pedro?
4 Kung paanong ang arka ay katibayan ng pananampalataya ni Noe, ang pagpapabautismo ay isa ring katibayan para sa mga nagmamasid. Katibayan ito na ang isang alagad na Kristiyano ay nag-alay na ng kaniyang sarili kay Jehova salig sa pananampalataya niya sa binuhay-muling si Kristo. Gaya ni Noe, tinutupad ng nakaalay na mga alagad ang gawaing iniatas sa kanila ng Diyos. Kung paanong iniligtas si Noe sa Baha, ililigtas din ang tapat na mga bautisadong lingkod kapag winakasan ang kasalukuyang masamang sanlibutan. (Mar. 13:10; Apoc. 7:9, 10) Maliwanag, napakahalaga ng pag-aalay at bautismo. Sa katunayan, kung sasadyaing ipagpaliban ng isang tao ang pagpapabautismo, manganganib ang pag-asa niyang mabuhay magpakailanman.
5. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
5 Dahil seryosong bagay ang pagpapabautismo, alamin natin ang sagot sa tatlong tanong: Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa bautismo? Anong mga hakbang ang dapat gawin ng isa bago magpabautismo? Kapag nagtuturo sa mga anak o sa isang inaaralan sa Bibliya, bakit dapat nating tandaan kung gaano kahalaga ang bautismo?
ANG SINASABI NG BIBLIYA TUNGKOL SA BAUTISMO
6, 7. (a) Ipaliwanag ang kahulugan ng bautismo ni Juan. (b) Anong espesyal na bautismo ang isinagawa ni Juan?
6 Sa Bibliya, ang unang taong binanggit na nagbabautismo ay si Juan Bautista. (Mat. 3:1-6) Nagpabautismo ang mga tao sa kaniya para ipakitang nagsisisi sila sa mga kasalanan nila laban sa Kautusang Mosaiko. Pero ibang-iba ang kahulugan ng pinakamahalagang bautismo na isinagawa ni Juan. Binautismuhan niya si Jesus, ang sakdal na taong Anak ng Diyos. (Mat. 3:13-17) Hindi kailanman nagkasala si Jesus, kaya hindi niya kailangang magsisi. (1 Ped. 2:22) Ang bautismo niya ay sagisag ng paghaharap niya ng kaniyang sarili para gawin ang kalooban ng Diyos.—Heb. 10:7.
7 Noong panahon ng ministeryo ni Jesus, nagsagawa rin ng pagbabautismo ang kaniyang mga alagad. (Juan 3:22; 4:1, 2) Gaya ng mga bautismong ginawa ni Juan, ang pagbabautismo nila ay sagisag ng pagsisisi ng mga tao sa mga kasalanan nila laban sa Kautusang Mosaiko. Pero pagkatapos mamatay at buhaying muli si Jesus, ibang-iba na ang magiging kahulugan ng bautismo para sa mga tagasunod niya.
8. (a) Matapos siyang buhaying muli, anong utos ang ibinigay ni Jesus sa mga tagasunod niya? (b) Ipaliwanag ang kahulugan ng bautismong Kristiyano.
8 Noong 33 C.E., nagpakita ang binuhay-muling si Jesus sa mahigit 500 lalaki, babae, at malamang pati mga bata. Posibleng noon niya sinabi: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mat. 28:19, 20; 1 Cor. 15:6) Lumilitaw na daan-daang tagasunod ni Jesus ang naroon nang ibigay niya ang atas na gumawa ng mga alagad. Kaya ipinakita ni Jesus na ang bautismo ay isang kahilingan para sa mga tumatanggap sa pamatok ng pagiging alagad. (Mat. 11:29, 30) Sinumang nagnanais maglingkod sa Diyos sa paraang sinasang-ayunan niya ay kailangang kumilala sa papel ni Jesus sa katuparan ng layunin ni Jehova. Pagkatapos, maaari na siyang magpabautismo. Ito lang ang bautismo sa tubig na sinasang-ayunan ng Diyos. Ipinakikita ng Bibliya na noong unang siglo, naunawaan ng bagong mga alagad ni Kristo ang kahulugan ng bautismo. At hindi nila ipinagpaliban ang pagpapabautismo.—Gawa 2:41; 9:18; 16:14, 15, 32, 33.
HUWAG ITONG IPAGPALIBAN
9, 10. Ano ang matututuhan natin sa lalaking Etiope at kay apostol Pablo tungkol sa bautismo?
9 Basahin ang Gawa 8:35, 36. Isang lalaking Etiope, na isang proselita, ang pauwi na matapos sumamba sa templo sa Jerusalem. Sinabihan ng anghel ni Jehova si Felipe na lapitan ang Etiope, at “ipinahayag niya sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus.” Ano ang reaksiyon ng Etiope? Ipinakita niya na pinahahalagahan niya ang mga katotohanang natutuhan niya. Gusto niyang sundin ang kahilingan ni Jehova, kaya nagpabautismo siya nang walang pagpapaliban.
10 Nariyan din ang halimbawa ng isang lalaking Judio na umuusig sa mga Kristiyano—si Saul. Isinilang siya sa isang bansang nakaalay sa Diyos. Pero naiwala ng mga Judio ang kanilang espesyal na kaugnayan kay Jehova. Masigasig si Saul sa mga tradisyon ng Judaismo. Pero isang araw, personal siyang kinausap ng binuhay-muli at niluwalhating si Jesu-Kristo. Ano ang resulta? Tinanggap niya ang tulong ng Kristiyanong alagad na si Ananias. Tungkol kay Saul, sinasabi ng Bibliya: “Siya ay tumindig at nabautismuhan.” (Gawa 9:17, 18; Gal. 1:14) Nang maglaon, nakilala siya bilang si apostol Pablo. Pansinin na nang maunawaan niya ang papel ni Jesus sa katuparan ng layunin ng Diyos, agad na kumilos si Pablo. Nagpabautismo siya nang walang pagpapaliban.—Basahin ang Gawa 22:12-16.
11. (a) Ano ang nag-uudyok sa mga nag-aaral ng Bibliya sa ngayon na magpabautismo? (b) Ano ang nadarama natin kapag may nakikita tayong nababautismuhan?
11 Ganito rin ang ginagawa ng mga nag-aaral ng Bibliya sa ngayon, bata man o matanda. Dahil sa kanilang pananampalataya at pagpapahalaga sa katotohanan sa Bibliya, sabik silang mag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at magpabautismo. Ang pahayag sa bautismo ay isang mahalagang bahagi ng bawat asamblea at kombensiyon. Masaya ang mga Saksi ni Jehova kapag tinanggap ng isang inaaralan sa Bibliya ang katotohanan at sumulong siya tungo sa bautismo. Tiyak na tuwang-tuwa ang Kristiyanong mga magulang na makita ang kanilang mga anak na kasama sa bagong mga alagad na nababautismuhan! Noong 2017 taon ng paglilingkod, mahigit 284,000 indibiduwal na “wastong nakaayon” ang nagpabautismo bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. (Gawa 13:48) Maliwanag na nauunawaan ng bagong mga alagad na iyon na kahilingan para sa mga Kristiyano ang pagpapabautismo. Pero anong mga hakbang ang ginawa nila bago magpabautismo?
12. Anong mga hakbang ang dapat gawin ng isang inaaralan sa Bibliya bago magpabautismo?
12 Bago mabautismuhan ang isang inaaralan sa Bibliya, kailangan muna niyang magkaroon ng pananampalatayang salig sa tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, sa Kaniyang layunin, at sa Kaniyang kaayusan para sa kaligtasan. (1 Tim. 2:3-6) Ang pananampalatayang ito ang magpapakilos sa kaniya na talikuran ang paggawing kinapopootan ng Diyos at sundin ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova. (Gawa 3:19) Siyempre pa, hindi tatanggapin ng Diyos ang pag-aalay ng indibiduwal na patuloy na gumagawa ng mga bagay na kinapopootan Niya. (1 Cor. 6:9, 10) Pero hindi sapat ang pagsunod sa matataas na pamantayang moral ni Jehova. Kailangan din ang regular na pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at pakikibahagi sa nagliligtas-buhay na pangangaral at paggawa ng alagad. Sinabi ni Jesus na ang gawaing ito ay gagampanan ng kaniyang mga tunay na alagad. (Gawa 1:8) Kailangan munang gawin ng isang bagong alagad ang mga hakbang na ito bago siya makapag-alay kay Jehova sa pribadong panalangin at sagisagan ang pag-aalay niya sa pamamagitan ng bautismo.
TUNGUHIN PARA SA MGA INAARALAN SA BIBLIYA
13. Kapag nagtuturo sa iba, bakit dapat nating tandaan na ang bautismo ay kahilingan para sa mga Kristiyano?
13 Habang tinutulungan ang ating mga anak at iba pang inaaralan sa Bibliya na gawin ang mga hakbang na ito, tandaan natin na ang mga tunay na alagad ay kailangang magpabautismo. Kung isasaisip natin iyan, hindi tayo mangingiming ipakipag-usap sa kanila ang kahalagahan ng pag-aalay at bautismo. Oo, gusto nating sumulong ang ating mga anak at iba pang inaaralan tungo sa bautismo!
14. Bakit hindi natin dapat pilitin ang sinuman na magpabautismo?
14 Siyempre pa, hindi dapat pilitin ng sinuman—magulang man, guro sa Bibliya, o iba pa sa kongregasyon—ang isang anak o inaaralan na magpabautismo. Hindi iyan ang gusto ni Jehova. (1 Juan 4:8) Sa halip, kapag nagtuturo, ipaunawa natin sa ating inaaralan kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos. Kung talagang pinahahalagahan ng mga inaaralan ang katotohanan at gusto nilang balikatin ang pamatok ng pagiging alagad ni Kristo, ito ang mag-uudyok sa kanila na magpabautismo.—2 Cor. 5:14, 15.
15, 16. (a) Mayroon bang kahilingang edad para sa mga gustong magpabautismo? Ipaliwanag. (b) Bakit kailangang mabautismuhan bilang Saksi ni Jehova ang isang inaaralan sa Bibliya kahit nabautismuhan na siya sa kaniyang dating relihiyon?
15 Walang kahilingang edad para sa mga gustong magpabautismo. Iba-iba ang pagsulong at pagkamaygulang ng bawat estudyante. Marami ang nagpabautismo nang bata pa sila, at nananatiling tapat kay Jehova sa paglipas ng panahon. Ang iba naman ay may-edad na nang malaman ang katotohanan sa Bibliya at magpabautismo—mahigit 100 taóng gulang pa nga ang ilan!
16 Isang may-edad na inaaralan sa Bibliya ang nagtanong sa nagtuturo sa kaniya kung kailangan pa siyang magpabautismo ulit. Nabautismuhan na kasi siya sa iba’t ibang relihiyon noon. Ipinakita ng nagtuturo sa kaniya ang ilang kaugnay na teksto mula sa Bibliya. Naunawaan ng estudyante ang kahilingan ng Bibliya at nagpabautismo siya di-katagalan pagkatapos nito, kahit halos 80 anyos na siya. Oo, tatanggapin lang ni Jehova ang ating bautismo kung salig ito sa tumpak na kaalaman sa kalooban niya. Kaya naman, kailangan pa ring mabautismuhan ang bagong mga alagad kahit nabautismuhan sila sa kanilang dating relihiyon.—Basahin ang Gawa 19:3-5.
17. Ano ang dapat pag-isipan ng isa sa araw ng kaniyang bautismo?
17 Talagang napakasaya ng araw ng bautismo! Pero panahon din ito para seryosong pag-isipan ang pananagutang kaakibat nito. Kailangan ang pagsisikap para mamuhay ayon sa ating pag-aalay. Kaya naman inihalintulad ni Jesus sa pamatok ang pagiging Kristiyanong alagad. Ang mga alagad ni Jesus ay dapat na “huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.”—2 Cor. 5:15; Mat. 16:24.
18. Anong mga tanong ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
18 Iniisip ng nanay ni Maria ang mga pananagutang kaakibat ng bautismo nang sumagi sa isip niya ang mga tanong na nabanggit sa simula ng artikulo. Kung isa kang magulang, baka naisip mo na rin: ‘Talaga bang handa nang magpabautismo ang anak ko? Sapat na ba ang kaalaman niya para ialay ang kaniyang sarili sa Diyos? Kumusta naman ang kaniyang edukasyon at pagkuha ng karera? Paano kung magpabautismo ang anak ko at pagkatapos ay makagawa ng malubhang kasalanan?’ Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang mga bagay na ito at kung paano mapananatili ng Kristiyanong mga magulang ang tamang pananaw sa bautismo.