ARALING ARTIKULO 8
Ipakita ang Iyong Pagpapahalaga
“Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.”—COL. 3:15.
AWIT 46 Salamat, Jehova
NILALAMANa
1. Paano nagpakita ng pagpapahalaga ang Samaritanong pinagaling ni Jesus?
DESPERADO na ang 10 lalaki. May ketong sila, at nawawalan na ng pag-asa. Pero isang araw, natanaw nila si Jesus, ang Dakilang Guro. Nabalitaan nilang napapagaling ni Jesus ang lahat ng uri ng sakit, at kumbinsido sila na kaya rin niya silang pagalingin. Kaya sumigaw sila: “Jesus, Tagapagturo, maawa ka sa amin!” Napagaling ang 10 lalaki. Siguradong laking pasalamat nilang lahat sa kabaitan ni Jesus. Pero isa sa kanila ang hindi lang basta nakadama ng pagpapahalaga—ipinakita niya ang pagpapahalagab niya kay Jesus. Ang lalaking iyon, isang Samaritano, ay napakilos na luwalhatiin ang Diyos “sa malakas na tinig.”—Luc. 17:12-19.
2-3. (a) Bakit nakakalimutan nating magpakita ng pagpapahalaga kung minsan? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 Tulad ng Samaritano, gusto nating ipakita ang ating pasasalamat sa mga nagpapakita ng kabaitan sa atin. Pero minsan, baka nakakalimutan nating sabihin o ipakita ang ating pasasalamat.
3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit dapat tayong magpakita ng pagpapahalaga sa salita at sa gawa. May matututuhan tayo sa ilang halimbawa sa Bibliya na nagpakita at di-nagpakita ng pagpapahalaga. Tatalakayin din natin ang espesipikong mga paraan para makapagpakita ng pagpapahalaga.
BAKIT DAPAT IPAKITA ANG ATING PAGPAPAHALAGA?
4-5. Bakit dapat ipakita ang ating pagpapahalaga?
4 Isang mahusay na halimbawa sa pagpapakita ng pagpapahalaga si Jehova. Ang isang paraan ay ang pagbibigay niya ng gantimpala sa mga nagpapasaya sa kaniya. (2 Sam. 22:21; Awit 13:6; Mat. 10:40, 41) Nagpapayo ang Kasulatan na “maging mga tagatulad [tayo] sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.” (Efe. 5:1) Kaya ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nagpapakita ng pagpapahalaga ay para tularan si Jehova.
5 May isa pang dahilan kung bakit gusto nating magpakita ng pagpapahalaga. Ito ay tulad ng isang masarap na pagkain—mas masaya kung may kasalo ka. Kapag pinapasalamatan tayo ng iba dahil sa nagagawa natin, sumasaya tayo. Kapag ipinapakita naman natin ang ating pagpapahalaga, napapasaya natin ang iba. Nadarama ng taong pinasalamatan natin na sulit ang pagtulong niya sa atin o pagbibigay ng kailangan natin. Bilang resulta, lalong titibay ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya.
6. Ano ang pagkakatulad ng pagsasabi ng salamat at ng gintong mansanas?
6 Mahalagang sabihin sa iba na pinasasalamatan natin sila. Sinasabi ng Bibliya: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.” (Kaw. 25:11) Hindi ba’t napakagandang tingnan ng isang gintong mansanas sa lalagyang pilak? Tiyak na mataas ang halaga nito! Ano ang madarama mo kung nakatanggap ka ng ganiyang regalo? Ganiyan kahalaga ang pagsasabi sa iba ng salamat. Isipin din ito: Ang isang gintong mansanas ay magtatagal nang mahabang panahon. Ganoon din ang pagsasabi natin ng salamat; maaaring hindi iyon malimutan ng nakatanggap nito.
NAGPAKITA SILA NG PAGPAPAHALAGA
7. Paano ipinakita ni David sa Awit 27:4 at ng iba pang salmista ang kanilang pagpapahalaga?
7 Maraming lingkod ng Diyos noon ang nagpakita ng pagpapahalaga. Isa na si David. (Basahin ang Awit 27:4.) Malaki ang pagpapahalaga niya sa dalisay na pagsamba at ipinakita niya ito sa gawa. Nagbigay siya ng malaking halaga para sa pagtatayo ng templo. Sumulat naman ng mga awit ng papuri ang mga inapo ni Asap para ipakita ang kanilang pagpapahalaga. Sa isang awit nila, nagpasalamat sila sa Diyos at ipinahayag ang paghanga nila sa “mga kamangha-manghang gawa” ni Jehova. (Awit 75:1) Gustong ipakita ni David at ng mga inapo ni Asap kung gaano kalaki ang pasasalamat nila sa lahat ng pagpapalang natatanggap nila mula kay Jehova. May naiisip ka bang paraan para matularan sila?
8-9. Paano ipinakita ni Pablo ang pagpapahalaga niya sa mga kapatid, at ano ang resulta?
8 Pinahalagahan ni apostol Pablo ang mga kapatid at kitang-kita iyon sa mga sinasabi niya tungkol sa kanila. Palagi niya silang ipinagpapasalamat sa Diyos sa mga panalangin niya. Nagpasalamat din siya sa kanila sa mga liham niya. Sa unang 15 talata ng Roma 16, binanggit ni Pablo ang pangalan ng 27 kapatid. Espesipikong tinukoy ni Pablo sina Prisca at Aquila na “nagsapanganib ng kanilang sariling mga leeg” para sa kaniya. Si Febe naman ay tinawag ni Pablo na “tagapagtanggol ng marami” kabilang na siya. Kinomendahan niya ang minamahal niyang mga kapatid sa kanilang kasipagan.—Roma 16:1-15.
9 Alam ni Pablo na may mga kahinaan ang mga kapatid, pero sa pagtatapos ng liham niya sa mga taga-Roma, nagpokus siya sa magagandang katangian nila. Tiyak na napatibay ang mga kapatid nang basahin sa kongregasyon ang liham ni Pablo! Kaya lalong tumibay ang pakikipagkaibigan nila kay Pablo. Palagi mo bang ipinapakita ang pagpapahalaga mo sa magagandang bagay na nagagawa ng mga kapatid sa kongregasyon?
10. Ano ang matututuhan natin kay Jesus sa ipinakita niyang pagpapahalaga sa mga tagasunod niya?
10 Sa mga mensahe niya sa ilang kongregasyon sa Asia Minor, ipinakita ni Jesus ang pagpapahalaga niya sa mga nagawa ng mga alagad niya. Halimbawa, sinimulan niya ang mensahe niya sa kongregasyon sa Tiatira sa pagsasabi: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagbabata, at na ang iyong mga gawa nitong huli ay higit kaysa sa mga nauna.” (Apoc. 2:19) Hindi lang binanggit ni Jesus ang kasigasigan nila sa gawain, kinomendahan din niya sila sa mga katangiang nagpakilos sa kanila na gumawa ng mabuti. At kahit kailangang payuhan ni Jesus ang ilan sa Tiatira, sinimulan at tinapos niya pa rin ang mensahe niya sa pampatibay. (Apoc. 2:25-28) Kung tutuusin, hindi kailangang pasalamatan ni Jesus ang mga ginagawa natin para sa kaniya, dahil may awtoridad siya bilang ulo ng lahat ng kongregasyon. Pero kahit ganoon, hindi niya nakakalimutang magpakita ng pagpapahalaga. Hindi ba’t napakahusay na halimbawa niyan para sa mga elder?
HINDI SILA NAGPAKITA NG PAGPAPAHALAGA
11. Gaya ng makikita sa Hebreo 12:16, ano ang naging tingin ni Esau sa mga bagay na sagrado?
11 Nakalulungkot, may ilang karakter sa Bibliya na hindi nagpakita ng pagpapahalaga. Halimbawa, kahit pinalaki si Esau ng kaniyang mga magulang na may pag-ibig at paggalang kay Jehova, hindi siya naging mapagpahalaga sa mga bagay na sagrado. (Basahin ang Hebreo 12:16.) Paano niya ipinakita ang kawalan ng pagpapahalaga? Padalos-dalos na ipinagbili ni Esau ang pagkapanganay niya sa kapatid niyang si Jacob, para lang sa isang mangkok ng nilaga. (Gen. 25:30-34) Nang maglaon, nanghinayang si Esau sa ginawa niya. Pero dahil wala siyang pagpapahalaga sa kung ano ang mayroon siya, wala siyang karapatang magreklamo nang hindi niya matanggap ang pagpapala bilang panganay.
12-13. Paano lumitaw ang kawalang utang na loob ng mga Israelita, at ano ang resulta?
12 Maraming dahilan ang mga Israelita para magpasalamat. Napalaya sila sa pagkaalipin nang magpadala si Jehova ng Sampung Salot sa Ehipto. Iniligtas din sila sa kapahamakan nang puksain ng Diyos sa Dagat na Pula ang buong hukbo ng Ehipto. Sa sobrang pasasalamat ng mga Israelita, kumanta sila ng isang awit ng tagumpay para purihin si Jehova. Pero nanatili ba silang mapagpasalamat?
13 Nang mapaharap ang mga Israelita sa mga bagong hamon, nakalimutan agad nila ang lahat ng mabuting bagay na ginawa ni Jehova para sa kanila. Lumitaw ang kawalang utang na loob nila. (Awit 106:7) Paano? “Ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan laban kay Moises at kay Aaron,” pero ang totoo, laban kay Jehova ang ginawa nilang ito. (Ex. 16:2, 8) Lungkot na lungkot si Jehova sa kawalang utang na loob ng kaniyang bayan. Nang maglaon, sinabi niya na ang buong henerasyong ito ng mga Israelita ay mamamatay sa ilang, maliban kina Josue at Caleb. (Bil. 14:22-24; 26:65) Tingnan natin kung paano natin maiiwasang tularan ang masasamang halimbawang ito at sa halip ay matularan ang mabubuting halimbawa.
IPAKITA ANG IYONG PAGPAPAHALAGA
14-15. (a) Paano maipapakita ng mag-asawa na pinapahalagahan nila ang isa’t isa? (b) Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang anak na magpakita ng pagpapahalaga?
14 Sa pamilya. Maganda ang epekto sa buong pamilya kapag nagpapakita ng pagpapahalaga ang bawat miyembro nito. Kapag lagi itong ginagawa ng mag-asawa sa isa’t isa, mas nagiging malapít sila at mas madaling magpatawaran. Hindi lang nakikita ng isang mapagpahalagang asawang lalaki ang magagandang bagay na sinasabi at ginagawa ng kaniyang asawa, ‘bumabangon din siya at pinupuri’ ito. (Kaw. 31:10, 28) Sinasabi naman ng isang marunong na asawang babae ang espesipikong pinapahalagahan niya sa asawa niya.
15 Mga magulang, paano ninyo matuturuan ang inyong mga anak na magpakita ng pagpapahalaga? Tandaan na tutularan nila ang inyong sinasabi at ginagawa. Kaya maging mahusay na halimbawa sa pagsasabi ng “thank you” kapag may ginawa ang inyong mga anak para sa inyo. Turuan din ang inyong mga anak na magsabi ng “thank you” sa iba. Tulungan silang maintindihan na ang pasasalamat ay nanggagaling sa puso at na ang mga sinasabi nila ay may magandang epekto sa iba. Halimbawa, ganito ang sinabi ni Clary: “Sa edad na 32, mag-isa na lang ang nanay kong nagpalaki sa aming tatlong magkakapatid. Nang mag-32 ako, naisip kong napakahirap pala ng pinagdaanan niya noon sa edad na iyon. Kaya sinabi ko sa kaniya kung gaano ako nagpapasalamat sa lahat ng sakripisyo niya para mapalaki kami. Sinabi niyang tumatak sa puso niya ang sinabi ko, na palagi niya itong iniisip, at napasasaya siya nito.”
16. Magbigay ng halimbawa kung paano napapatibay ang iba dahil sa pagpapakita ng pagpapahalaga.
16 Sa kongregasyon. Napapatibay natin ang mga kapatid kapag ipinapakita nating pinapahalagahan natin sila. Ganiyan ang nangyari kay Jorge, isang elder na 28 taóng gulang. Nagkasakit siya nang malubha at isang buwan siyang hindi nakadalo sa mga pulong. At kahit noong nakakadalo na siya, hindi pa rin niya kayang gumanap ng mga bahagi. Inamin ni Jorge: “Pakiramdam ko wala akong silbi kasi limitado ang nagagawa ko at hindi ko magampanan ang mga pananagutan ko sa kongregasyon. Pero minsan pagkatapos ng pulong, sinabi sa akin ng isang brother: ‘Gusto kitang pasalamatan kasi mahusay kang halimbawa sa pamilya ko. Alam mo, gustong-gusto namin ang mga pahayag mo noon. Napatibay kami ng mga iyon.’ Na-touch talaga ako at napaiyak. Napatibay ako ng mga sinabi niya.”
17. Gaya ng nabanggit sa Colosas 3:15, paano natin maipapakita kay Jehova ang pagpapahalaga natin sa mga ibinibigay niya sa atin?
17 Sa ating mapagbigay na Diyos. Binibigyan tayo ni Jehova ng saganang espirituwal na pagkain. Halimbawa, tumatanggap tayo ng mga tagubilin sa pamamagitan ng ating mga pulong, magasin, at website. May narinig ka na bang pahayag, nabasang artikulo, o napanood sa broadcasting na nakatulong sa iyo at nasabi mong, ‘Para sa akin talaga ito’? Paano natin maipapakita kay Jehova ang ating pagpapahalaga? (Basahin ang Colosas 3:15.) Ang isang paraan ay ang palaging pagpapasalamat sa kaniya sa panalangin dahil sa mga regalong ito.—Sant. 1:17.
18. Paano natin maipapakita ang pagpapahalaga natin sa ating Kingdom Hall?
18 Naipapakita rin natin ang ating pagpapahalaga kay Jehova kapag pinananatili nating malinis at maayos ang lugar na ginagamit natin sa pagsamba. Regular tayong sumasama sa paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall, at iniingatan ng mga kapatid ang mga electronic equipment. Kapag namamantining mabuti ang ating Kingdom Hall, mas tatagal ito at hindi gaanong mangangailangan ng malalaking repair. Ang perang matitipid dito ay magagamit sa pagtatayo at pag-aayos ng ibang Kingdom Hall sa buong mundo.
19. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ng isang tagapangasiwa ng sirkito at ng kaniyang asawa?
19 Sa mga nagsasakripisyo para sa atin. Ang mga sinasabi natin bilang pagpapahalaga ay puwedeng makatulong sa isa na magkaroon ng positibong saloobin sa mga hamong pinagdaraanan niya. Tingnan ang karanasan ng isang tagapangasiwa ng sirkito at ng kaniyang asawa. Taglamig noon sa teritoryo at maghapon silang nasa ministeryo, kaya pagód na pagód sila pagbalik sa tuluyan nila. Sa sobrang ginaw, nakatulog ang sister suot ang kaniyang makapal na coat. Kinaumagahan, sinabi niya sa asawa niya na parang hindi na niya kayang magpatuloy sa gawaing paglalakbay. Noong umaga ring iyon, may dumating na liham mula sa tanggapang pansangay para sa sister. Sinabi sa liham na kinokomendahan nila siya dahil sa kaniyang kasigasigan at pagbabata. Sinabi pa nito na alam nilang mahirap magpalipat-lipat ng tuluyan linggo-linggo. Sinabi ng mister niya: “Natuwa talaga siya sa komendasyong natanggap niya at hindi ko na narinig sa kaniya kahit kailan na gusto na niyang huminto sa gawaing paglalakbay. Ang totoo, maraming beses na siya pa ang nagpatibay sa aking magpatuloy kapag gusto ko nang huminto.” Nanatili ang mag-asawang iyon sa gawaing paglalakbay sa loob ng halos 40 taon.
20. Ano ang dapat nating ipakita araw-araw, at bakit?
20 Ipakita nawa natin araw-araw sa salita at sa gawa ang pagpapahalaga natin. Malay mo, ang taos-pusong pagpapakita mo ng pagpapahalaga ang makatulong sa iba na makayanan ang araw-araw na problema at stress sa mundong ito na halos hindi na marunong magpahalaga. Kung mapagpasalamat tayo, magkakaroon tayo ng mga tunay na kaibigan. At higit sa lahat, matutularan natin ang ating mapagbigay at mapagpahalagang Ama, si Jehova.
AWIT 20 Ibinigay Mo ang Iyong Mahal na Anak
a Ano ang matututuhan natin kay Jehova, kay Jesus, at sa isang ketonging Samaritano tungkol sa pagpapakita ng pagpapahalaga? Tatalakayin iyan sa artikulong ito. Tatalakayin din natin kung bakit napakaimportanteng magpakita ng pagpapahalaga at kung ano ang ilang espesipikong paraan para makapagpakita nito.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang pagpapahalaga sa isang tao o bagay ay ang pagkilala sa kahalagahan ng taong iyon o bagay na iyon. Puwedeng tumukoy ang salitang ito sa pagkadama ng taos-pusong pasasalamat.
c LARAWAN: Binasa sa kongregasyon sa Roma ang liham ni Pablo; tuwang-tuwa sina Aquila, Priscila, Febe, at ang iba pa na marinig ang pangalan nila.
d LARAWAN: Tinutulungan ng isang nanay ang kaniyang anak na magpakita ng pagpapahalaga sa magandang halimbawa ng may-edad nang sister.