Mahalaga kay Jehova ang Iyong “Amen”
MAHALAGA kay Jehova ang ating pagsamba. Siya ay ‘nagbibigay-pansin at nakikinig’ sa kaniyang mga lingkod, at nakikita niya ang lahat ng ginagawa nating pagpuri sa kaniya, gaano man ito kaliit. (Mal. 3:16) Halimbawa, pag-isipan ang isang salita na malamang ay nasabi na natin nang napakaraming ulit. Ang salitang ito ay “amen.” Mahalaga ba kay Jehova kahit ang simpleng salitang ito? Oo naman! Para malaman kung bakit, suriin natin ang ibig sabihin ng salitang ito at kung paano ito ginagamit sa Bibliya.
“ANG BUONG BAYAN AY MAGSASABI, ‘AMEN!’”
Ang salitang “amen” ay nangangahulugang “mangyari nawa,” o “tiyak nga.” Galing ito sa Hebreong salitang-ugat na nangangahulugang “maging tapat,” “maging mapagkakatiwalaan.” Ginagamit ito kung minsan sa mga usapin sa batas. Matapos sumumpa ang isang tao, magsasabi siya ng “amen” para tiyaking tumpak ang sinabi niya at na mananagot siya sa resulta ng ipinahayag niya. (Bil. 5:22) Kapag sinabi niya ito sa harap ng madla, mas magkakaroon siya ng dahilan para tuparin ang kaniyang pangako.—Neh. 5:13.
Ang isang kapansin-pansing halimbawa ng pagsasabi ng “amen” ay nasa Deuteronomio kabanata 27. Nang makapasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, tinipon sila sa pagitan ng Bundok Ebal at Bundok Gerizim para marinig ang pagbabasa sa Kautusan. Naroon sila, hindi lang para makinig kundi para ipahayag din na tinatanggap nila ang Kautusan. Ginawa nila ito sa pagsasabi ng “Amen!” pagkabasa sa resulta ng pagsuway. (Deut. 27:15-26) Isip-isipin na lang ang sabay-sabay na pagsigaw ng libo-libong lalaki, babae, at bata na naroon! (Jos. 8:30-35) Tiyak na hinding-hindi nila malilimutan ang sinabi nila noong araw na iyon. At tinupad naman ng mga Israelita ang sinabi nila. Ganito ang sabi ng ulat: “Ang Israel ay patuloy na naglingkod kay Jehova sa lahat ng mga araw ni Josue at sa lahat ng mga araw ng matatandang lalaki na ang mga araw ay lumawig pa pagkaraan ni Josue at nakaalam ng lahat ng gawa ni Jehova na ginawa niya para sa Israel.”—Jos. 24:31.
Ginamit din ni Jesus ang salitang “amen” para ipakitang totoo ang sinabi niya, pero ginamit niya ito sa naiibang paraan. Sa halip na sabihin ito pagkatapos ng isang pangungusap, ginamit niya ang “amen” (“truly” sa Ingles, o ‘katotohanan’ sa Tagalog) bago ang kapahayagan ng katotohanan. Kung minsan, inuulit niya ito, sa pagsasabing ‘katotohanang-katotohanan.’ (Mat. 5:18; Juan 1:51) Sa gayon, tiniyak niya sa kaniyang mga tagapakinig na totoo ang mga sinabi niya. Makapagsasalita si Jesus nang may katiyakan dahil siya ang may awtoridad na tumupad sa lahat ng pangako ng Diyos.—2 Cor. 1:20; Apoc. 3:14.
“ANG BUONG BAYAN AY NAGSABI NG ‘AMEN!’ AT NG ISANG PAPURI KAY JEHOVA”
Ginamit din ng mga Israelita ang “amen” nang maghandog sila ng papuri at panalangin kay Jehova. (Neh. 8:6; Awit 41:13) Sa pagsasabi ng “amen” pagkatapos ng panalangin, ipinakita ng mga tagapakinig na sang-ayon sila rito. Kaya lahat ay nagkaroon ng pagkakataong makibahagi, at nasiyahan sila sa pagsamba kay Jehova. Ganiyan ang nangyari nang dalhin ni Haring David ang Kaban ni Jehova sa Jerusalem. Habang nagdiriwang sila, taos-pusong nanalangin si David sa pamamagitan ng awit na nakaulat sa 1 Cronica 16:8-36. Talagang naantig ang lahat ng dumalo kaya “ang buong bayan ay nagsabi ng ‘Amen!’ at ng isang papuri kay Jehova.” Oo, dahil sa pagkakaisa nila, lalong sumaya ang araw na iyon.
Ginamit din ng unang-siglong mga Kristiyano ang “amen” para purihin si Jehova. Madalas itong banggitin ng mga manunulat ng Bibliya sa mga liham nila. (Roma 1:25; 16:27; 1 Ped. 4:11) Ipinakita pa nga sa aklat ng Apocalipsis na ang mga espiritung nilalang sa langit ay lumuluwalhati kay Jehova sa pagsasabi: “Amen! Purihin ninyo si Jah!” (Apoc. 19:1, 4) Nakaugalian na ng unang mga Kristiyano ang pagsasabi ng “amen” pagkatapos ng mga panalangin sa pulong. (1 Cor. 14:16) Pero hindi lang nila ito basta sinasabi.
KUNG BAKIT MAHALAGA ANG IYONG “AMEN”
Ngayong alam na natin kung paano ginamit ng mga lingkod ni Jehova noon ang “amen,” naiintindihan na natin kung bakit dapat itong sabihin sa pagtatapos ng panalangin. Kapag sinasabi natin ito sa katapusan ng ating personal na panalangin, ipinapakita nating seryoso tayo sa ating mga sinabi. At kapag nagsasabi naman tayo ng “amen,” kahit mahina lang, sa pampublikong panalangin, ipinapakita nating sang-ayon tayo rito. Pansinin ang iba pang dahilan kung bakit mahalaga ang ating “amen.”
Ipinapakita nitong nakapokus tayo sa ating pagsamba. Sumasamba tayo sa panahon ng pananalangin, hindi lang sa pamamagitan ng ating sinasabi, kundi pati na rin sa ating paggawi. Dahil gusto nating magsabi ng “amen” mula sa puso, kikilos tayo nang angkop at ipopokus ang ating isip sa panalangin.
Ipinapakita nitong nagkakaisa tayo bilang mananamba. Sa mga pampublikong panalangin, iisang panalangin lang ang naririnig ng buong kongregasyon. (Gawa 1:14; 12:5) Kapag sabay-sabay tayong nagsasabi ng “amen,” lalo tayong nagkakaisa bilang magkakapatid. Sabihin man natin ito nang malakas o sa puso lang, ang ating “amen” ay nagbibigay kay Jehova ng karagdagang dahilan para dinggin ang ating sama-samang panalangin.
Napupuri natin si Jehova. Nakikita ni Jehova ang lahat ng ginagawa natin para sambahin siya. (Luc. 21:2, 3) Alam niya ang ating motibo at kung ano ang nasa puso natin. Kahit nakikinig tayo sa pulong sa pamamagitan lang ng telepono, makasisiguro tayong pinahahalagahan ni Jehova ang ating “amen.” Nakadaragdag din ito ng papuri sa kaniya.
Baka pakiramdam natin ay hindi mahalaga ang ating “amen,” pero hindi totoo iyan. “Sa pamamagitan lamang ng isang salita,” ayon sa isang encyclopedia sa Bibliya, maipapakita ng mga lingkod ng Diyos ang kanilang “pagtitiwala, lubos na pagsang-ayon, at marubdob na pag-asa na nasa kanilang puso.” Lahat nawa ng “amen” natin ay maging kalugod-lugod kay Jehova.—Awit 19:14.