Pagsasalita ng Salita ng Diyos Nang May Katapangan
1 Papaano kayo naaapektuhan kapag napapaharap sa pagsalansang? Kayo ba’y determinadong patuloy na mangaral sa kabila ng kung ano ang maaaring sabihin at gawin ng mga sumasalansang? Tayong lahat ay maaaring makinabang mula sa halimbawa nina Pablo at Silas. Hindi nila pinahintulutang pahinain ang kanilang loob o patahimikin sila ng pag-uusig. Si Pablo ay sumulat: “Pagkatapos na magsipagbata kami nang una at inalipusta . . . , nagkaroon kami ng kalakasan ng loob dahil sa ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita.” (1 Tes. 2:2) Sa pamamagitan ng lakas ni Jehova kung kaya sila patuloy na nakapangaral. (Awit 138:3) Sa tulong ni Jehova, maaari rin tayong magpakita ng katapangan at makapanagumpay sa harap ng pagsalansang.
2 Si Jehova ang ating kanlungan sa panahon ng kabagabagan. Sa kaniya tayo may pagpapakumbabang humihingi ng tulong. (Awit 18:2, 3) Ang ating mga kapatid noong unang siglo ay humiling kay Jehova na tulungan silang ‘patuloy na magsalita ng kaniyang salita taglay ang buong katapangan.’ (Gawa 4:29) Tumugon si Jehova sa pamamagitan ng pagpunô sa kanila ng banal na espiritu. Gagawin din niya ang gayon para sa atin.—Gawa 4:31.
SAMANTALAHIN ANG MGA PAGKAKATAONG MAGSALITA
3 Sa bawa’t kongregasyon, ang mga pagtitipon bago maglingkod ay isinaayos upang talakayin ang mga espirituwal na bagay bago magtungo sa teritoryo. Tinatangkilik ba ninyo ang mga ito hangga’t maaari? Kung gayon, kayo ay napatitibay habang kayo ay nagsisikap na mapatibay din ang iba. Habang nasa paglilingkod sa larangan, ang mga payunir at iba pang may karanasang mga mamamahayag ay maaaring makatulong at makapagpasigla sa iba habang sila’y nagbabahay-bahay. Sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga mungkahi sa aklat na Nangangatuwiran, ang lahat ay higit na masasangkapan upang magsalita nang may pagtitiwala.
4 Sa ilang mga lugar, maraming mga tao ang wala sa tahanan kung araw. Iba’t ibang mga pamamaraan ang maaaring gamitin upang maabot ang mga taong ito. Ang ilang mga mamamahayag ay gumagawa ng paglilingkod sa lansangan na malapit sa mga hintuan ng bus o sa mga lugar na dinaraanan ng maraming tao patungo sa pinagtatrabahuhan o sa pag-uwi sa bahay. Ang iba ay nakikipag-usap sa mga tao sa nakaparadang mga sasakyan. Sa isang lugar ang dalawang kapatid na babaeng gumagawa ng ganitong pagpapatotoo ay nakapaglagay ng mahigit sa 50 mga magasin sa loob lamang ng wala pang isang oras.
5 Kapag ang literatura ay nailagay sa mga tao sa mga lugar ng publiko, maaari ninyong kunin ang direksiyon ng kanilang tirahan at isaayos ang isang pagdalaw-muli at kung maaari ay isang pag-aaral sa Bibliya. Nangangailangan ng katapangan upang lumapit sa mga di kakilala at makipag-usap sa kanila, subali’t maaaring magdulot ng mabubuting mga bunga. Tulad ng mga apostol, mahalaga na magsalita nang may “katapangan sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova.”—Gawa 14:3.
IHARAP ANG ALOK NANG MAY KATAPANGAN
6 Sa Agosto ang alok na literatura ay ang brochure na Pamahalaan sa abuloy na ₱4.20. Ang brochure na ito ay angkop na ialok sa mga tao sa lahat ng pagkakataon at hinihimok namin kayong magdala ng suplay nito sa lahat ng pagkakataon, kahit na namimili o nagsasagawa ng sekular na trabaho. Maging alisto na mag-alok ng brochure sa mga kakilala ninyo, na isinasagawa ito nang may katapangan, yamang nalalaman ninyo na ito ay tutulong sa kanila na matuto nang higit pa hinggil sa Kaharian.
7 Nang anyayahan si Pablo na maging tagasunod ni Jesus, tumugon siya taglay ang sigasig at nangaral nang may katapangan. (Gawa 9:5, 15, 16, 20, 27, 28) Siya ay nagpatuloy sa landasing ito nang may katapatan hanggang kamatayan. Tularan natin ang kaniyang halimbawa at magpatuloy sa pagsasalita ng Salita ng Diyos nang may katapangan.