Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Pakikipag-usap sa mga Tao
1 Ang pakikipag-usap ay “pakikipagpalitan ng mga damdamin, mga obserbasyon, mga opinyon, o mga ideya.” Subali’t papaano ninyo mapasisimulan ang isang pakikipag-usap sa Bibliya sa mga tao na salangsang o masyadong abala sa kanilang mga gawain? Si Jesus ay gumamit ng mga tanong upang isangkot ang mga tagapakinig.—Juan 4:9-15, 41, 42.
2 Dapat tayong manalangin sa Diyos ukol sa tulong upang masumpungan natin ang tapat-pusong mga tao at mabuksan ang daan para makipag-usap sa kanila. Ang pagpapatotoo ay nagiging madali kung ating ituturing ang bawa’t maybahay bilang isang potensiyal na lingkod ni Jehova. Sa gayo’y maitatawid natin ang katotohanan sa isang madamdamin, taimtim na paraan na aakit sa mga interesado.
GAMITIN ANG TAGLAY NATIN
3 Ang aklat na Nangangatuwiran ay nagbibigay ng maraming maiinam na pambungad sa mga pahina 9-15. Ang karamihan sa mga ito ay mabisang gumagamit ng mga katanungan. Kapag sumasagot ang maybahay sa isang katanungan, makinig taglay ang paggalang at isaalang-alang ang kaniyang opinyon sa inyong pagtugon.—Col. 4:6.
4 Sabihin pa, kapag kayo’y nagtatanong, hindi ninyo nababatid kung papaano sasagot ang maybahay. Kaya maging handang iayon ang inyong pakikipag-usap. Sikaping ipagpatuloy ang usapan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng impormasyon mula sa Bibliya na tumatalakay sa kaniyang interes at sa pamamagitan ng higit pang pagtatanong.
MAGHANDA NANG PATIUNA
5 Pumili ng mga pambungad sa aklat na Nangangatuwiran na magiging mabisa sa inyong partikular na teritoryo. Iangkop ang isa sa mga pambungad na ito sa kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan. Magpasimula sa mga bagay na doo’y interesado ang maybahay, na inihaharap sa maikli ang suliranin, at pagkatapos ay ibinibigay ang solusyon ng Bibliya. Kapag siya’y nagkokomento, huwag agad tutulan ang sinasabi niya. Hanapin ang puntong pagkakasunduan at magkomento sa mga ito. Ituon ang pansin sa mga positibong bagay gaya ng mga pagpapala ng Kaharian bilang siyang lunas ng Bibliya sa mga suliranin ng tao.
6 Kung makasumpong kayo ng taong di makatuwiran, huwag ninyong piliting tanggapin niya ang sinasabi ninyo. Sa halip ay magtapos sa pamamagitan ng isang palakaibigang komento, na iniiwang bukás ang daan para sa susunod na pakikipag-usap sa kaniya.—Kaw. 12:8, 18.
7 Ang ilang tao ay mas mahilig makipag-usap kapag nasusumpungan ninyo sa paraang impormal. Huwag mag-atubiling pasimulan ang pakikipag-usap sa mga taong inyong nasusumpungan sa lansangan o nagpapahingalay sa kanilang bakuran. Kapag pinasimulan ninyo ang pakikipag-usap, sikaping maging isang kalugod-lugod na karanasan ito para sa maybahay. Hangga’t magagawa ninyo, iwanan ang tao taglay ang isang higit na kanaisnais na saloobin sa Diyos, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang mga lingkod. Sa ganitong paraan ang maybahay ay maaaring maging higit na mapagpatuloy sa susunod na Saksing dadalaw.