Pagpapakita ng Personal na Interes sa Iba
1 Ang interes ni Jehova sa iba ay ganap na nakikita. Di ba’t sagana siyang naglalaan para sa kaniyang nilalang? (Gen. 1:29, 30; 2:16, 17; Mat. 5:45; ihambing ang Lucas 6:35.) Higit pa rito, di ba’t siya’y nagpapakita ng personal na interes sa atin sa pamamagitan ng paglalaan para sa ating katubusan mula sa kasalanan at kamatayan?—Juan 3:16.
2 Tinularan ni Jesus ang sakdal na halimbawa ng kaniyang Ama sa pagpapakita ng personal na interes sa iba. (Mat. 11:28-30; 1 Ped. 2:21) Nang sabihin kay Jesus ng lalaking may ketong: “Panginoon, kung ibig mo ay maaaring malinis mo ako,” si Jesus ay sumagot, “Ibig ko,” at pinagaling siya. (Mat. 8:2, 3) Ibinalik din niya ang buhay ng isang batang lalake doon sa malapit sa Nain dahilan sa awa sa kaniyang balong ina. (Luc. 7:11-15) Maging ang maliliit na bata ay minalas niyang karapatdapat pag-ukulan ng kaniyang panahon at pansin, at bagamat abala, hindi niya kailanman kinaligtaan na aliwin at patibayin ang iba.—Mat. 20:31-34; Mar. 10:13-16.
PAMILYA AT MGA KAIBIGAN
3 Dapat nating pagsikapan na maging gaya ni Jehova at ni Jesu-Kristo sa paghanap ng mga paraan upang ipakita ang interes sa iba. Isaalang-alang natin ang ilang pagkakataon upang gawin ito.
4 Ang isa sa pinakamalaking pangangailangan ay ang maipakita ng ating mga kapatid ang tunay na interes sa kanilang sariling pamilya at hindi kaligtaan ang kanilang espirituwalidad. Lakip dito ang pakikipag-aral sa pamilya nang regular. Sa pag-aaral ng inyong pamilya, ginagawa ba ninyong praktikal at kapanapanabik ito? Palagian ba kayong gumagawa sa paglilingkod sa larangan kasama ng bawat miyembro ng pamilya? Nililinang ba ninyo sa inyong mga anak ang pagnanais na makatulong sa ibang mga tao?
5 Sa ating abalang pamumuhay, nalilimutan ba nating magpakita ng personal na interes sa mga miyembro ng kongregasyon na may pantanging pangangailangan? (Kaw. 3:27; Gal. 6:10) Sa kongregasyon may mga batang walang ama, matatanda na, mga balo, may kapansanan, at mga nanlulumo. Hindi natin dapat kaligtaan ang pagpapakita ng personal na interes sa lahat ng ating mga kapatid.—1 Cor. 10:24; Fil. 2:4; Heb. 13:16.
MGA TULAD TUPANG NASA LARANGAN
6 Papaano tayo makapagpapakita ng personal na interes sa mga tao na nag-aaral ng Bibliya? Kahit na tayo’y abala, tayo ba’y nagpapakita ng interes sa kanila at ipinadadama sa kanilang sila’y ating tinatanggap bilang ating mga bagong kaibigan? Tayo ba’y bukal ng pampatibay loob sa kanila kahit na hindi tayo ang nakikipag-aral sa kanila?—Ihambing ang Marcos 10:28-30.
7 Maaari ba kayong magkaroon ng higit pang bahagi sa pagpapakita ng taimtim na interes sa mga tao na nakikinig sa mabuting balita? Bilang indibiduwal, ano ang magagawa ninyo upang palawakin ang bahagi ninyo sa ministeryo sa larangan? Huwag kayong mag-atubili kung nasa kalagayang makibahagi nang higit.—Luc. 9:60-62.
8 Dapat nating tularan si Jehova at si Jesus sa pagpapakita ng personal na interes sa iba. Oo, dapat nating hanapin ang mga paraan upang magpakita ng personal na pagkabahala sa kanila.