Anong Uri ng Espiritu ang Ipinakikita Ninyo?
1 Tinapos ni Pablo ang kaniyang liham sa kongregasyon ng Filipos taglay ang payong ito: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo ay mapasa-espiritu na ipinakikita ninyo.” (Fil. 4:23) Pinapurihan niya sila sa kanilang tunay na interes sa pangangaral ng mabuting balita at sa kanilang masigla, maibiging pagkabahala sa kapakanan ng isa’t isa.—Fil. 1:3-5; 4:15, 16.
2 Dapat na naisin nating magpakita ng gayon ding espiritu sa ating kongregasyon. Kapag ang lahat ay nagpapakita ng sigasig, kabaitan, at pagkamapagpatuloy, ito’y lumilikha ng espiritu na madaling mapansin ng mga nagmamasid. Ang positibo at maibiging espiritu ay nagdudulot ng pagkakaisa at espirituwal na pagsulong. (1 Cor. 1:10) Ang negatibong espiritu ay nagdudulot ng pagkasira ng loob at pananamlay.—Apoc. 3:15, 16.
3 Manguna ang mga Matatanda: Pananagutan ng mga matatanda na panatilihin ang isang mainam, positibong espiritu sa gitna nila at sa loob ng kanilang kongregasyon. Bakit? Sapagkat ang kongregasyon ay maaaring maimpluwensiyahan ng kanilang saloobin at paggawi. Ating pinahahalagahan ang mga matatanda na masisigasig sa pagliingkod sa larangan, bumabati sa atin taglay ang masiglang ngiti at mabait na salita, positibo at nakapagpapatibay sa kanilang payo, ibinibigay man ito nang pribado o mula sa plataporma.—Heb. 13:7.
4 Sabihin pa, tayong lahat ay dapat na gumawa ng ating bahagi upang ang kongregasyon ay maging palakaibigan, mapagpatuloy, masigasig, at palaisip sa espirituwal. Bilang indibiduwal, maipakikita natin ang kasiglahan at pag-ibig sa ating pakikisama sa iba. (1 Cor. 16:14) Hindi dapat magkaroon ng pagtatangi dahilan sa edad, lahi, edukasyon, o antas ng pamumuhay sa gitna natin. (Ihambing ang Efeso 2:21.) Dahilan sa ating pag-asa, maipamamalas natin ang espiritu ng kagalakan, pagkabukas-palad, at sigasig sa ministeryo.—Roma 12:13; Col. 3:22, 23.
5 Ang lahat ng nakikisama sa atin, lakip na ang mga baguhan, ay dapat na makaunawang sila’y tinatanggap at makadama ng pag-ibig at debosyon ng pagkakapatiran. Sa pamamagitan ng ating ministeryo at sa pagpapamalas ng maiinam na katangiang Kristiyano, pinatutunayan natin na ang kongregasyon ay “isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Tim. 3:15) Atin ding nararanasan “ang kapayapaan ng Diyos” na nagbabantay sa ating mga puso at sa kakayahang pangkaisipan. (Fil. 4:6, 7) Pagsikapan nawa nating lahat na ipakita ang uri ng espiritu na titiyak sa pagkakaroon natin ng di na sana nararapat na kabaitan ni Jehova sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Kristo.—2 Tim. 4:22.