Tayo Ba ay Nananatiling Gising—Na Iniiwasan ang Pagkagambala?
1 Sa Lucas 21:36, si Jesus ay nagbigay ng isang babala: “Manatiling gising, . . . na magtagumpay kayo sa pagtakas” sa kalamidad na tiyak na darating. Ang sakuna ay naghihintay doon sa napadadaig sa espirituwal na pag-aantok. Binanggit ni Jesus ang pagkain, pag-inom, at mga kabalisahan sa araw-araw na pamumuhay. Bakit? Sapagkat kahit na ang mga bagay na ito ay maaaring maging pagkagambala, at humikayat sa mapanganib na espirituwal na pag-aantok.
2 Karaniwang mga Pagkagambala: Ang ilan ay naging okupado sa sobrang paglilibang, at nakagumon pa nga sa TV. Sabihin pa, ang pag-una sa Kaharian ay hindi nangangahulugan na kailangan nating iwasan ang lahat na anyo ng paglilibang. Kapag tayo’y naging katamtaman, ang paglilibang ay maaaring maging kapakipakinabang. (Ihambing ang 1 Timoteo 4:8.) Subalit ito’y isang pagkagambala kapag ito’y nagiging isang malaking bagay sa ating buhay, na kinukuha ang ating panahon, pananalapi, o bahagi natin sa pangangaral ng Kaharian.
3 Ang isa pang karaniwang pagkagambala ay ang pagnanasa ukol sa di kinakailangang materyal na mga bagay. Ang ilan ay nawalan ng pangmalas sa espirituwal na mga tunguhin dahilan sa pagkagumon sa pagkakamal ng materyal na mga bagay upang magkaroon ng higit na maalwang paraan ng pamumuhay. Bagaman tayo’y nangangailangan ng “pagkain at pananamit,” dapat tayong magbantay laban sa pagkakaroon ng pag-ibig sa salapi. (1 Tim. 6:8-10) Sa hindi pagtutuon ng ating mga mata sa mga kapakanan ng Kaharian, tayo’y maaaring maging pabaya sa espirituwal na mga pangangailangan ng ating pamilya at mabigong ganapin ang ating ministeryo.—1 Tim. 5:8; 2 Tim. 4:5.
4 Ang iba naman ay nagpapahintulot sa kanilang ‘puso na mapabigatan ng mga kabalisahan sa buhay.’ (Luc. 21:34) Kung minsan, ang kabalisahan ay nararanasan dahilan sa mga suliranin sa kalusugan o sa pamilya. Subalit hindi dapat pahintulutang mabawasan ng gayong pagkabahala ang ating pagiging gising sa mabilis na dumarating na katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.—Mar. 13:33.
5 Wala nang higit pang kasiya-siya sa Diyablo kundi ang mailagay tayo sa inaantok na kalagayan. Batid natin na ‘ang araw ni Jehova ay dumarating na gaya ng isang magnanakaw,’ kaya mahalaga na “manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.” (1 Tes. 5:2, 6) Kapag nakita natin sa sarili ang palatandaan ng pag-aantok, kailangang-kailangang “alisin natin ang mga gawang nauukol sa kadiliman.”—Roma 13:11-13.
6 Mga Pantulong Upang Mapanatili Tayong Gising: Ang panalangin ay mahalaga. Dapat tayong manalanging walang lubay. (1 Tes. 5:17) Ang pagiging malapit sa Kristiyanong kongregasyon ay ‘mag-uudyok sa atin sa pag-ibig at maiinam na gawa.’ (Heb. 10:24) Sa pamamagitan ng mabuting kaugalian sa pag-aaral tayo’y laging “tinutustusan ng mga salita ng pananampalataya.” (1 Tim. 4:6) Kung tayo’y masipag, makapagtitiwala tayo na ating maiiwasan ang mga pagkagambala, ‘makapananatiling gising, at makatatayong matatag sa pananampalataya.’—1 Cor. 16:13.