Nagtataglay Ka Ba ng “Isang Tinik sa Laman”?
1 Tayo’y nananabik na tuparin ang ating atas na mangaral ng mabuting balita sa pinakamabuting paraan na magagawa natin. Gayunman, marami sa ating mahal na mga kapatid ang nahihirapang makibahagi nang lubusan dahilan sa malulubhang pisikal na karamdaman o mga kapansanan, anupat hindi nila magawa ang nais nilang gawin. Para sa kanila, maaaring maging isang hamon ang pagharap sa pagkasira ng loob, lalo na’t nakikita nila ang iba na lubhang aktibo sa ministeryo.—1 Cor. 9:16.
2 Isang Halimbawang Dapat Tularan: Kinailangang paglabanan ni apostol Pablo ang “isang tinik sa laman.” Tatlong ulit siyang namanhik kay Jehova na alisin ang nagpapahirap na hadlang, na kaniyang inilarawan bilang “isang anghel ni Satanas” na patuloy na sumasampal sa kaniya. Subalit sa kabila nito, si Pablo ay nagtiis at nagpatuloy sa kaniyang ministeryo. Hindi niya kinahabagan ang kaniyang sarili o kinaugalian ang pagiging reklamador. Ginawa niya ang pinakamabuti. Ang lihim ng kaniyang tagumpay sa pagharap dito ay ang katiyakang ito mula sa Diyos: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Ang kahinaan ni Pablo ay naging kalakasan nang matutuhan niyang tanggapin ang kaniyang kalagayan at manalig kay Jehova at sa banal na espiritu upang makapagtiis.—2 Cor. 12:7-10.
3 Kung Paano Kayo Makapagtitiis: Ang kahinaan ba ng tao ay naglalagay ng hangganan sa inyong paglilingkod sa Diyos? Kung gayon, tularan ang pangmalas ni Pablo. Kahit na walang namamalaging lunas sa inyong karamdaman o kapansanan sa sistemang ito ng mga bagay, makapaglalagak kayo ng lubos na pagtitiwala kay Jehova, na nakauunawa sa inyong mga pangangailangan at maglalaan ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) Samantalahin ang tulong na maibibigay sa inyo sa kongregasyon, huwag ihiwalay ang inyong sarili. (Kaw. 18:1) Kung nahihirapan kayong makibahagi sa gawain sa bahay-bahay, humanap ng praktikal na mga paraan upang makapagpatotoo nang di-pormal o sa pamamagitan ng telepono.
4 Bagaman ang tinik sa laman ay maaaring makahadlang sa laki ng magagawa ninyo sa ministeryo, hindi ninyo dapat madama na parang wala kayong bahagi rito. Tulad ni Pablo, maaari rin kayong “lubusang magpatotoo sa mabuting balita ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos,” na ginagawa kung ano ang ipinahihintulot ng inyong lakas at mga kalagayan. (Gawa 20:24) Habang kayo’y nagsisikap na isakatuparan ang inyong ministeryo, tandaan na si Jehova ay lubos na nalulugod.—Heb. 6:10.