“Paano Ko Ngang Magagawa . . . Malibang May Umakay sa Akin?”
1 Nang tanungin ng ebanghelisador na si Felipe ang bating na Etiope kung kaniyang nauunawaan ang binabasa niya mula sa Salita ng Diyos, ang taong iyon ay sumagot: “Tunay nga, paano ko ngang magagawa ang gayon, malibang may umakay sa akin?” Malugod siyang tinulungan ni Felipe na maunawaan ang mabuting balita tungkol kay Jesus, anupat nabautismuhan agad ang taong iyon. (Gawa 8:26-38) Sinusunod ni Felipe ang atas ni Kristo na ‘gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila at tinuturuan sila.’—Mat. 28:19, 20.
2 Dapat nating sundin ang atas na gumawa ng mga alagad, kagaya ng ginawa ni Felipe. Gayunman, ang naging mabilis na pagsulong ng bating na Etiope sa espirituwal ay hindi kadalasang nakikita sa mga taong inaaralan natin ng Bibliya. Ang taong iyon, na isang proselitang Judio na bihasa sa Kasulatan, ay may pusong tumutugon at nangangailangan na lamang tanggapin na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Ito’y isang hamon kung yaong mga inaaralan natin ay walang alam sa Bibliya, nailigaw ng huwad na mga turo ng relihiyon, o napabibigatan ng mahihirap na personal na suliranin. Ano ang makatutulong sa atin upang maging matagumpay sa pag-akay sa mga estudyante sa Bibliya tungo sa pag-aalay at bautismo?
3 Alamin ang Espirituwal na mga Pangangailangan ng Estudyante sa Bibliya: Ang insert ng Agosto 1998 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay tumalakay sa haba ng panahon na maaari nating gugulin sa pakikipag-aral sa mga tao, na ginagamit ang brosyur na Hinihiling at ang aklat na Kaalaman. Ito ay nagbigay ng ganitong tagubilin: “Mahalaga na ating alamin ang takbo ng pag-aaral ayon sa mga kalagayan at kakayahan ng estudyante. . . . Hindi natin nanaising isakripisyo ang pagkakaroon ng estudyante ng malinaw na kaunawaan dahilan lamang sa pagmamadali. Bawat estudyante ay nangangailangan ng matibay na saligan para sa kaniyang bagong tuklas na pananampalataya sa Salita ng Diyos.” Kaya, marapat lamang na hindi madaliin ang pagkubre sa materyal sa aklat na Kaalaman sa pagnanais na tapusin ang aklat sa loob ng anim na buwan. Maaaring mangailangan ng higit pa sa anim na buwan upang matulungan ang ilang indibiduwal na sumulong hanggang sa pagpapabautismo. Samantalang kayo’y nagdaraos ng pag-aaral linggu-linggo, gumugol ng kinakailangang panahon upang tulungan ang estudyante na maunawaan at tanggapin ang kaniyang natututuhan mula sa Salita ng Diyos. Sa ilang kaso, dalawa o tatlong linggo ang maaaring kailanganin upang makubrehan ang isang kabanata sa aklat na Kaalaman. Ito’y magbibigay ng panahon para basahin at liwanagin ang karamihan sa mga binanggit na kasulatan.—Roma 12:2.
4 Gayunman, paano kung pagkatapos na makumpleto ang aklat na Kaalaman, natanto ninyong kailangang mapasulong pa ang kaunawaan ng estudyante sa katotohanan o hindi pa siya lubusang nagaganyak na manindigan sa katotohanan at ialay ang kaniyang buhay sa Diyos? (1 Cor. 14:20) Ano pa ang inyong magagawa upang maakay siya sa daan patungo sa buhay?—Mat. 7:14.
5 Sapatan ang Espirituwal na mga Pangangailangan ng Estudyante sa Bibliya: Kung maliwanag na ang isang tao ay gumagawa ng pagsulong, bagaman mabagal, at siya’y nagkakaroon ng pagpapahalaga sa kaniyang natututuhan, kung gayo’y ipagpatuloy ang pag-aaral sa Bibliya sa ikalawang aklat pagkatapos makumpleto ang brosyur na Hinihiling at ang aklat na Kaalaman. Maaaring ito’y hindi na kailangan sa lahat ng kaso, subalit kapag ito ay kailangan, ipagpatuloy ang pag-aaral sa aklat na Tunay na Kapayapaan, sa aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba, o sa aklat na Salita ng Diyos. Ang karamihan sa mga mamamahayag ay may personal na kopya ng mga aklat na ito upang magamit kung walang suplay ang kongregasyon. Kung kailangan ang mga aklat na ito ay maaaring pididuhin sa Sangay. Sa lahat ng kaso, ang brosyur na Hinihiling at ang aklat na Kaalaman ang unang pag-aaralan. Ang pag-aaral sa Bibliya, mga pagdalaw-muli, at panahong ginugol upang ipagpatuloy ang pag-aaral ay dapat na bilangin at iulat, kahit na ang estudyante ay nabautismuhan na bago pa makumpleto ang ikalawang aklat.
6 Ito ba ay nangangahulugan na yaong mga nabautismuhan kamakailan subalit isang aklat lamang ang napag-aralan ay dapat na tumanggap ngayon ng panibagong tulong upang pag-aralan ang ikalawang aklat? Hindi naman. Gayunman, maaaring sila’y naging di-aktibo o maaaring hindi sumulong sa katotohanan, at maaaring kanilang nadarama na sila’y nangangailangan ng personal na tulong upang gumawa ng higit pang pagkakapit ng katotohanan sa kanilang buhay. Dapat na konsultahin ang tagapangasiwa sa paglilingkod bago pagdausang muli ng pag-aaral ang isang bautisadong mamamahayag. Gayunman, kung may kilala kayong ilan na dati nang nag-aral ng aklat na Kaalaman subalit hindi sumulong tungo sa pag-aalay at bautismo, nanaisin ninyong gumawa ng hakbang upang matiyak kung gusto nilang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa Bibliya.
7 Tanda ng Kristiyanong pag-ibig ang magbigay ng maingat at personal na pansin sa bawat taong interesado na inaaralan natin. Ang ating tunguhin ay ang tulungan ang estudyante na magkaroon ng higit na unawa sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Kung gayon ay makagagawa siya ng isang tiyak, may kaalamang paninindigan sa katotohanan at ialay ang kaniyang buhay kay Jehova, na sinasagisagan ang pag-aalay na iyon ng bautismo sa tubig.—Awit 40:8; Efe. 3:17-19.
8 Natatandaan ba ninyo kung ano ang nangyari pagkatapos na mabautismuhan ang bating na Etiope? “Nagpatuloy siyang humayo na nagsasaya” bilang isang bagong alagad ni Jesu-Kristo. (Gawa 8:39, 40) Nawa, tayo at ang yaong mga matagumpay nating naakay sa daan ng katotohanan ay makasumpong ng malaking kagalakan sa paglilingkod sa Diyos na Jehova—ngayon at magpakailanman!