“Maging Mayaman sa Maiinam na Gawa”
1 Sa huling mga taon ng kaniyang masigasig na ministeryo, si apostol Pablo ay masikap na gumawang kasama nina Timoteo at Tito. Sa bawat isa sa kanila, siya ay sumulat ng magkatulad na mga salitang pampatibay-loob. Sinabi niya kay Tito na “yaong mga naniwala sa Diyos” ay dapat na ‘magtuon ng kanilang mga kaisipan sa pagpapanatili ng maiinam na gawa.’ (Tito 3:8) Sinabi niya kay Timoteo na yaong mga naglalagak ng kanilang pag-asa sa Diyos ay dapat na “maging mayaman sa maiinam na gawa.” (1 Tim. 6:17, 18) Ito’y napakainam na payo para sa ating lahat! Subalit ano ang gaganyak sa atin upang magsagawa ng maiinam na gawa sa ating buhay? At anong espesipikong mga gawa ang maaari nating gawin sa dumarating na mga araw?
2 Ang pangganyak upang maging mayaman sa matutuwid na gawa ay nagmumula sa ating paniniwala at pag-ibig kay Jehova at mula sa kamangha-manghang pag-asa na ibinigay niya sa atin. (1 Tim. 6:19; Tito 2:11) Lalo na sa yugtong ito ng taon, ipinaaalaala sa atin na isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak sa lupa upang maipagbangong-puri ni Jesus ang kaniyang Ama at maglaan ng daan tungo sa buhay para sa lahat ng mga taong karapat-dapat. (Mat. 20:28; Juan 3:16) Ito ay lilinawing mabuti sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa Marso 28. Bilang pagtugon sa pag-asang nasa atin na tamuhin ang buhay na walang hanggan, hindi ba tayo nagaganyak na gawin ang ating buong makakaya upang “maging mayaman sa maiinam na gawa”? Siyempre, gayon nga! Anong mga gawa ang maaari nating isagawa ngayon?
3 Ang Maiinam na Gawa na Maisasakatuparan sa Marso at Lampas Pa Rito: Walang pagsalang tayo’y dadalo sa Memoryal—ang pinakamahalagang pangyayari ng taon para sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. (Luc. 22:19) Subalit nais nating maibahagi ang kagalakan ng okasyong iyan sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Tingnan ang ulat ng paglilingkod sa 2002 Taunang Aklat, at makikita ninyo na noong nakaraang taon sa maraming lupain sa palibot ng lupa, ang dumalo sa Memoryal ay tatlo, apat, lima, o higit pang ulit ang dami kaysa sa bilang ng mga mamamahayag. Tiyak na lubos na pagsisikap ang ginawa ng lahat ng nasa mga kongregasyon upang magawa ang puspusang pamamahagi ng mga paanyaya sa Memoryal sa buong teritoryo nila. Kaya nais nating gumugol ng pinakamaraming oras hangga’t magagawa natin mula ngayon hanggang sa Marso 28 sa pag-aanyaya sa mga tao sa Memoryal, na tinutulungan silang matutuhan ang tungkol sa pag-asa ng kaligtasan.
4 Sa Abril karaniwan nang mabuti ang kalagayan ng panahon at ito ay panahon ng bakasyon para doon sa mga pumapasok sa paaralan. Paano natin mabisang gagamitin ang kaayaayang mga panahong ito upang maging “mayaman sa maiinam na gawa”? Sa pamamagitan ng patuloy na pagkakaroon ng masiglang pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng mabuting balita, anupat nagiging “masigasig sa maiinam na gawa.” (Tito 2:14; Mat. 24:14) Kung hindi ka makapag-auxiliary pioneer sa Marso, maaari mo bang magawa iyon sa Abril at/o Mayo? Kung ikaw ay nagpapayunir sa Marso, maaari ka bang magpatuloy?
5 Nasusumpungan ng ilang may sekular na trabaho na sila’y maaaring gumugol ng isang oras o higit pa sa paglilingkod samantalang patungo sa trabaho, na gumagawa ng pagpapatotoo sa lansangan o dumadalaw sa mga tao na nagtatrabaho sa mga negosyo na maagang nagbubukas. Iniiskedyul ng iba ang bahagi ng kanilang oras sa pananghalian upang magpatotoo. Nasumpungan ng iba na posibleng magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang kamanggagawa sa panahong iyan. Maraming kapatid na babae na mga maybahay ang nakapagtakda ng panahon para sa ministeryo sa larangan samantalang nasa paaralan ang kanilang mga anak. Sa pamamagitan ng pagbangon nang mas maaga sa loob ng ilang araw upang asikasuhin ang kanilang gawain sa bahay, mas dumami ang kanilang panahon sa araw para sa pangangaral at gawaing pagtuturo.—Efe. 5:15, 16.
6 Kahit na wala ka sa kalagayang mag-auxiliary pioneer, maaari kang magsaayos ng isang personal na iskedyul upang magkaroon ng higit na bahagi sa ministeryo, na ginagawa ang lahat ng iyong makakaya “na gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi” ng katotohanan sa iba.—1 Tim. 6:18.
7 Tandaan ang Mainam na Gawa ng Paggawa ng Alagad: Taun-taon, may mga taong interesado na dumadalo sa Memoryal. Posible bang ang ilan sa kongregasyon ay magbigay-pansin sa mga nagsidalo ngunit hindi pa nagsisipag-aral sa ngayon? Maaari ba silang dalawing muli sa layuning matulungan silang gumawa ng espirituwal na pagsulong? Maaaring ang ilan sa mga dumadalong ito sa Memoryal ay mga kamag-anak ng mga Saksi. Ang iba ay maaaring mga indibiduwal na nakapag-aral na noong una at nangangailangan na lamang ng ilang pampatibay-loob para magpatuloy sa pag-aaral at regular na makadalo sa mga pulong. Ano ngang laking kagalakan ang idudulot nito sa atin na makitang ang mga ito ay maging aktibong mga lingkod ni Jehova kasama natin!
8 Sa pagkakaroon ng mas malaking bahagi sa ministeryo sa Marso at sa hinaharap, malamang na makasusumpong tayo ng mas marami pang taong interesado na madadalaw nating muli. Sikaping mag-iwan sa kanila ng isang katanungan. Pagkatapos ay ipangako na sasagutin ito sa susunod na pagdalaw. Kapag ginawa natin ito, mabubuksan ang daan para sa isang pagdalaw-muli. Habang mas maaga nating isinasagawa ang pagdalaw-muli, lalong mabuti. Kung hindi natin mapasimulan ang pag-aaral sa unang pagdalaw, nanaisin nating subuking pasimulan ito sa susunod na pagdalaw hangga’t maaari.
9 Kapag tayo ay nakikibahagi sa pagpapatotoo sa lansangan, dapat tayong maging palaisip hinggil sa pagsisikap na mapasimulan ang pakikipag-usap sa mga tao. Maraming mamamahayag ang pinagkalooban ng mga pangalan, direksiyon, at mga numero ng telepono ng mga taong interesado na kanilang nakausap samantalang gumagawa sa lansangan. Kung ang nasumpungang indibiduwal ay hindi nakatira sa inyong teritoryo, kumuha ng Please Follow Up (S-43) form sa Kingdom Hall, punan ito, at ibigay ito sa kalihim ng kongregasyon, na siya namang magpapasa nito sa kongregasyon na nakasasakop sa teritoryong tinitirahan ng taong iyon. Kung hindi ito magawa ng kalihim, kaniyang ipadadala ito sa tanggapang pansangay para asikasuhin. Sa ganitong paraan, maaaring malinang ang interes.
10 Kapag numero ng telepono ang nakuha at hindi ang direksiyon, kung gayon, gumawa ng pagdalaw-muli sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono sa indibiduwal. Patiunang ihanda kung ano ang nais mong talakayin. Ihanda mo ang aklat na Nangangatuwiran para sa mabilis na pagkuha ng reperensiya. Ang ilan ay nagtatamo ng maiinam na tagumpay sa pakikipag-aral sa mga indibiduwal sa telepono, lakip na yaong mahirap nilang masumpungan sa tahanan. Hiningi ng isang kapatid na babae ang mga numero ng telepono ng mga babaing interesado na kaniyang nakausap sa ministeryo sa bahay-bahay, at bilang resulta siya ay nakapagpasimula ng dalawang pag-aaral sa Bibliya.
11 Makipagtulungan sa Matatanda sa Pagtulong sa mga Di-aktibo: Lubhang interesado ang matatanda sa pagbibigay ng maibiging pansin sa mga ito. Ang marami sa mga ito, sa pamamagitan ng kanilang pagkukusa, ay muling dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Kanilang natanto ang pangangailangang magkaroon ng matalik na pakikipagsamahan sa organisasyon ni Jehova upang magkaroon ng espirituwal na katiwasayan gaya ng inilarawan sa Awit 91. Ang ilan sa mga ito ay handa na ngayon na muling makibahagi sa paglilingkod sa larangan. Kung ang iba pang mga di-aktibo ay dadalo sa Memoryal sa buwang ito, maaaring pumayag silang magkaroon ng isang personal na pag-aaral sa Bibliya. Kapag ganito ang naging kalagayan, gagawa ang matatanda ng mga kaayusan na may magdaos ng pag-aaral sa mga nagnanais ng tulong. Kung ikaw ay inanyayahang tumulong sa ganitong paraan, ang iyong pakikipagtulungan ay lubhang pahahalagahan.—Roma 15:1, 2.
12 Magpatuloy sa “Pagpapanatili ng Maiinam na Gawa”: Nasumpungan ng marami sa mga nakibahagi sa paglilingkod bilang auxiliary pioneer sa loob ng isang buwan o higit pa na ang kanilang gawain sa larangan ay sumulong sa mga sumunod na buwan. Nakausap nila ang mga taong interesado na sa palagay nila’y kailangang dalawing muli. Ito ang gumanyak sa kanila na gumawa ng ekstrang pagsisikap na lumabas sa paglilingkod sa larangan nang mas madalas upang muling matagpuan ang mga taong interesado. Ang ilan ay nakapagpasimula ng mga pag-aaral, at ang mga ito ay nakatulong sa kanila na magkaroon ng higit pang bahagi sa ministeryo.
13 Ang iba naman ay nakasumpong ng labis na kagalakan sa paggawa nang higit pang pangangaral at paggawa ng mga alagad anupat sila’y naganyak na suriin ang kanilang mga priyoridad. Bilang resulta, nabawasan ng ilan ang kanilang sekular na trabaho at nakapagpatuloy sa pagiging mga auxiliary pioneer. Ang iba naman ay nakapasok sa paglilingkuran bilang regular pioneer. Lubusan nilang nailagak sa Diyos ang kanilang pag-asa at hindi sa mga bagay na iniaalok ng sanlibutan. Nasumpungan nila na ang pagiging “mapagbigay, handang mamahagi,” ay nagdala ng mayayamang pagpapala mula kay Jehova at nagpatibay sa kanilang pag-asa upang matamasa ang “tunay na buhay.” (1 Tim. 6:18, 19) Sabihin pa, habang dumarami ang nakikibahagi sa paglilingkurang payunir, ang buong kongregasyon ay nakikinabang. Ang mga payunir ay mahilig na magkuwento ng kanilang mga karanasan at mag-anyaya sa iba na makibahaging kasama nila sa ministeryo, at ito ay nagpapasigla sa espirituwal na kapaligiran sa kongregasyon.
14 Tayo nawang lahat ay “maging mayaman sa maiinam na gawa” sa panahong ito ng Memoryal at lampas pa rito sa pamamagitan ng pagpapasulong sa ating bahagi sa ministeryong Kristiyano. Ipakita natin ang ating pagpapahalaga sa ginawa ni Jehova na pagbibigay sa atin ng pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang matuwid na bagong lupa.—2 Ped. 3:13.