Iwasan ang Pagtataguyod ng “Mga Bagay na Walang Kabuluhan”
1 Ang isang popular na paraan ng komunikasyon sa ngayon ay ang E-mail (elektronikong liham na ipinadadala sa pamamagitan ng Internet). Bagaman ang pagbabahagi ng personal na mga karanasan at mga kaisipan sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng pamamaraang ito ay maaaring angkop naman, anong “mga bagay na walang kabuluhan” ang maiuugnay sa walang limitasyong paggamit ng E-mail?—Kaw. 12:11.
2 Mga Babala Hinggil sa E-mail: Nadarama ng ilan na mas nakaaagapay sila sa organisasyon ni Jehova kapag tumatanggap sila ng itinuturing nilang bagong impormasyon sa pamamagitan ng E-mail. Maaaring kalakip dito ang mga karanasan, ulat ng mga kaganapan sa Bethel, report ng mga sakuna o pag-uusig, at maging ang kompedensiyal na mga impormasyon na ipinatalastas sa mga Kingdom Ministry School. Ang ilan ay waring sabik na sabik na ipadala ang gayong mga mensahe, na umaasang sila ang unang makapagsisiwalat ng impormasyon sa kanilang mga kaibigan.
3 Kung minsan, ang impormasyon at mga karanasan ay pinilipit o pinalabis. O marahil dahil sa mga pagsisikap na maging kapana-panabik ito, ang ilang impormasyon o karanasan ay nakapagbibigay ng maling impresyon. Kadalasan nang hindi nalalaman ng mga nagmamadaling magsiwalat ng gayong mga bagay ang buong katotohanan. (Kaw. 29:20) Sa ilang kalagayan, kahit na ang kuwento ay hindi kapani-paniwala, ipinapasa ito bilang kawili-wiling balita. Ang gayong di-tumpak o nakalilinlang na mga ulat ay katumbas ng “mga kuwentong di-totoo,” na hindi nagtataguyod ng tunay na makadiyos na debosyon.—1 Tim. 4:6, 7.
4 Kung nakapagpadala ka ng impormasyon na hindi naman pala totoo, sa isang antas ay may pananagutan ka sa kalumbayan o kalituhan na idudulot nito. Nang makatanggap si David ng pinalabis na ulat na lahat ng kaniyang anak na lalaki ay pinatay, “hinapak [niya] ang kaniyang mga damit” dahil sa panggigipuspos. Gayunman, ang totoo, isa lamang sa kaniyang mga anak ang namatay. Iyon ay labis nang nakapipighati, ngunit ang pagpapalabis na iyon ay nagdulot kay David ng karagdagan pang pighati. (2 Sam. 13:30-33) Tiyak na hindi natin nais na gumawa ng anumang bagay na maaaring luminlang o sumira ng loob ng sinuman sa ating mga kapatid.
5 Ang Hinirang na Alulod ng Diyos: Isaisip na ang ating makalangit na Ama ay may hinirang na alulod ng pakikipagtalastasan, “ang tapat at maingat na alipin.” Ang “alipin” na iyon ang may pananagutang magpasiya kung anong impormasyon ang ipababatid sa sambahayan ng mga mananampalataya, gayundin ang “tamang panahon” upang ito ay ibahagi. Ang espirituwal na pagkaing ito ay makukuha lamang sa pamamagitan ng teokratikong organisasyon. Kailangang lagi tayong umasa sa hinirang na alulod ng Diyos para sa maaasahang impormasyon, hindi sa isang grupo ng mga gumagamit ng Internet.—Mat. 24:45.
6 Mga Web Site sa Internet: Mayroon tayong opisyal na Web site sa Internet: www.watchtower.org. Ang site na ito ay sapat na upang magbigay ng impormasyon sa madla. Hindi na kailangang maghanda pa ang sinumang indibiduwal, komite, o kongregasyon ng Web page tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ipinakita sa Internet ng ilang indibiduwal ang nilalaman ng ating mga publikasyon lakip na ang lahat ng kasulatan at mga reperensiya nito at nag-alok pa nga ng mga kopya ng materyal sa kombensiyon sa paraang donasyon. May kasangkot mang kita o wala, ang pagkopya at pamamahagi ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova sa isang elektronikong dokumento ay paglabag sa mga batas sa karapatang-sipi. Bagaman minamalas ito ng ilan bilang paglilingkod sa mga kapatid, hindi ito sinasang-ayunan at dapat itong itigil.
7 Ang mahusay na pagpapasiya at matinong pag-iisip kapag gumagamit ng elektronikong komunikasyon ay titiyak na ang ating mga isipan ay nalilipos ng “mamahalin at kaiga-igayang mga bagay na may halaga.”—Kaw. 24:4.