Huwag Kaligtaan ang mga Di-aktibo
1. Bakit natin dapat sikaping patibayin ang mga naging di-aktibo?
1 May kilala ka bang di-aktibo? Marahil ay huminto na siyang makisama sa kongregasyon at naanod na palayo. Maaaring natagpuan mo ang taong iyon habang ikaw ay nasa ministeryo sa bahay-bahay. Dapat nating tandaan na kapatid pa rin natin siya sa espirituwal. Gusto nating ipadama sa kaniya na talagang minamahal pa rin natin siya at nais natin siyang tulungang makabalik sa kongregasyon at sa ‘pastol at tagapangasiwa ng ating mga kaluluwa.’—1 Ped. 2:25.
2. Paano natin mapatitibay ang isang di-aktibo?
2 Magmalasakit: Ang isang tawag sa telepono para mangumusta o isang pagdalaw ay maaaring magpadama sa isang di-aktibo na hindi natin siya nakakalimutan. Ano ang puwede nating sabihin? Maaaring mapatibay natin siya kahit sabihin lamang natin na naaalaala natin siya. Panatilihing positibo at nakapagpapatibay ang kuwentuhan. (Fil. 4:8) Maaari nating banggitin ang nagustuhan nating punto sa nakaraang pagpupulong. Maaari din natin siyang anyayahang dumalo sa susunod na pagpupulong o asamblea at sabihing ipagrereserba natin siya ng upuan o kaya’y isasama sa sasakyan.
3. Paano nakabalik sa kongregasyon ang isang di-aktibong sister?
3 Isang sister na mahigit 20 taon nang di-aktibo ang natagpuan sa teritoryo. Bagaman ayaw niyang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya, dinadalaw pa rin siya ng sister na nakatagpo sa kaniya para hatiran ng bagong mga magasin. Matapos ang pandistritong kombensiyon, ikinuwento ng mamamahayag sa di-aktibong sister na ito ang ilang tampok na puntong tinalakay sa kombensiyon, at sa kalaunan nakabalik siya sa kongregasyon.
4. Paano natin dapat pakitunguhan ang isang di-aktibo na dumadalo nang muli sa mga pagpupulong?
4 Kapag Nanumbalik ang Isang Di-aktibo: Kapag muling dumalo sa mga pagpupulong ang isang di-aktibong kapatid, paano natin siya dapat pakitunguhan? Buweno, paano ba pinakitunguhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad matapos nila siyang iwan nang ilang panahon? Magiliw niya silang tinawag na “mga kapatid” at ipinakita niyang nagtitiwala siya sa kanila. Binigyan pa nga niya sila ng mahalagang atas. (Mat. 28:10, 18, 19) Di-nagtagal pagkatapos nito, masigasig na silang naghahayag ng mabuting balita “nang walang humpay.”—Gawa 5:42.
5. Anong mga kalagayan may kinalaman sa mga di-aktibo ang dapat ipaalam sa mga elder?
5 Bago alukin ng pag-aaral sa Bibliya ang isang di-aktibo o bago anyayahang sumama sa atin sa ministeryo ang isang kapatid na matagal nang di-aktibo, dapat muna nating tanungin ang matatanda. Kung may matagpuan tayong di-aktibong mamamahayag sa teritoryo, dapat natin itong ipaalam sa matatanda upang makatulong sila.
6. Ano ang maaari nating madama kapag natulungan natin ang mga di-aktibo?
6 Gaya ng malinaw na ipinakikita ng Bibliya, ang mga makatatapos sa takbuhing Kristiyano ang siyang maliligtas. (Mat. 24:13) Kaya magpakita ng interes sa mga taong maaaring natisod o naanod palayo. Kung magiging matiyaga tayo at tutularan natin ang pag-ibig ni Jehova sa pamamagitan ng taimtim na pagmamalasakit sa mga di-aktibo, maaari nating madama ang kagalakang makita sila na muling nag-uukol ng sagradong paglilingkod kasama natin.—Luc. 15:4-10.