Bigyan ng Pag-asa ang Mahihirap
1 Nagpakita si Jesus ng pantanging interes sa mahihirap. May mga pagkakataong makahimala siyang naglaan ng materyal na tulong at nagpagaling ng mga maysakit, ngunit nagtuon siya ng pansin sa paghahayag ng “mabuting balita” sa mahihirap. (Mat. 11:5) Hanggang sa ngayon, patuloy na nakikinabang ang mahihirap gayundin ang iba sa ministeryong Kristiyano.—Mat. 24:14; 28:19, 20.
2 Tunay na Pag-asa: Madalas pangakuan ng mga ministro ng Sangkakristiyanuhan ang mahihirap na yayaman sila kung sagana silang magbibigay sa simbahan. Ngunit itinuturo ng Bibliya na tanging ang Kaharian ng Diyos lamang ang magwawakas sa kahirapan at lulutas sa lahat ng problema ng tao. (Awit 9:18; 145:16; Isa. 65:21-23) Sa pagtulong sa mahihirap na makita kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya, binibigyan natin sila ng pag-asa at sinasapatan natin ang kanilang pangangailangang makilala at sambahin ang Diyos.—Mat. 5:3.
3 Hinamak ng mga Pariseo noong panahon ni Jesus ang mga dukha at tinawag sila na ‘am-ha·’aʹrets, o “mga tao sa lupain.” Gayunman, itinuring ni Jesus ang “kanilang dugo,” o ang kanilang buhay, na “mahalaga.” (Awit 72:13, 14) Matutularan natin si Jesus at ‘makapagpapakita tayo ng lingap’ sa mga dukha sa pamamagitan ng pagiging mabait at madamayin sa kanila. (Kaw. 14:31) Hinding-hindi natin kailanman hahamakin ang mga taong nakatira sa mahihirap na lugar ni magiging bantulot man tayo na magpatotoo sa kanila. Marami sa tumutugon sa mensahe ng Kaharian ay mahihirap.
4 Tulungan Sila Ngayon: Mababawasan din ang mga epekto ng kahirapan ngayon sa mga dukha sa ating teritoryo kung tuturuan natin sila ng mga simulain mula sa Bibliya. Halimbawa, hinahatulan ng Bibliya ang paglalasing, pagsusugal, katamaran, paninigarilyo, at iba pang gawain na humahantong sa karukhaan. (Kaw. 6:10, 11; 23:21; 2 Cor. 7:1; Efe. 5:5) Hinihimok tayo ng Kasulatan na maging matapat at gumawa ng “buong kaluluwa,” mga katangiang hinahanap sa mga empleado. (Col. 3:22, 23; Heb. 13:18) Sa katunayan, ipinakikita sa isang surbey na itinala ng karamihan sa mga nagpapatrabaho ang pagkamatapat at integridad bilang mga katangiang lubhang hinahangaan nila sa mga naghahanap ng trabaho.
5 Talagang nagmamalasakit si Jehova sa mga mahihirap. Malapit nang iligtas ni Jesu-Kristo ang “dukha na humihingi ng tulong.” (Awit 72:12) Hanggang sa panahong iyon, pribilehiyo nating aliwin ang iba, pati na ang mahihirap, sa pamamagitan ng mensahe ng pag-asa mula sa Bibliya.