May-Pananalanging Pagbubulay-bulay—Kailangan ng Masisigasig na Ministro
1. Ano ang nakatulong kay Jesus na magpokus sa kaniyang pangunahing gawain?
1 Buong gabing nagpagaling si Jesus ng mga maysakit at inaalihan ng demonyo. Kinaumagahan, nang makita siya ng mga alagad, sinabi nila: “Ang lahat ay naghahanap sa iyo.” Hinimok siya ng mga alagad na ituloy ang paggawa niya ng mga himala. Pero hindi lumihis si Jesus sa kaniyang pangunahing gawain—ang pangangaral ng mabuting balita. Sumagot siya: “Pumunta tayo sa ibang dako, sa kalapit na maliliit na bayan, upang makapangaral din ako roon, sapagkat sa layuning ito ako lumabas.” Ano ang nakatulong kay Jesus na magpokus sa gawain? Bumangon siya nang maaga para manalangin at magbulay-bulay. (Mar. 1:32-39) Paano makakatulong sa atin ang may-pananalanging pagbubulay-bulay para maging masigasig na mangangaral?
2. Ano ang maaari nating bulay-bulayin para manatili tayong masigasig sa ministeryo?
2 Ano ang Bubulay-bulayin? Napagmasdan ni Jesus na ang mga tao ay “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Sa katulad na paraan, maaari din nating bulay-bulayin kung gaano katindi ang pangangailangan ng mga tao sa mabuting balita. Pakaisipin din natin ang pagkaapurahan ng panahon. (1 Cor. 7:29) Bulay-bulayin ang mga gawa at katangian ni Jehova, ang pribilehiyong maging Saksi ni Jehova, at ang napakahalagang espirituwal na kayamanang natutuhan natin sa Bibliya, na hindi pa alam ng mga tao sa ating teritoryo.—Awit 77:11-13; Isa. 43:10-12; Mat. 13:52.
3. Kailan tayo maaaring magbulay-bulay?
3 Kailan Magbubulay-bulay? Gaya ni Jesus, may mga bumabangon nang maaga kung kailan tahimik pa. Mas gusto naman ng iba sa gabi bago matulog. (Gen. 24:63) Gaano man tayo ka-busy, makapaglalaan tayo ng panahon para magbulay-bulay. Ginagawa ito ng iba habang nasa biyahe o kapag break time. Ang iba naman ay nagbubulay-bulay bago makibahagi sa ministeryo, kahit sandali lang, para makapangaral sila nang masigasig at may katapangan.
4. Bakit dapat tayong mabulay-bulay?
4 Ang may-pananalanging pagbubulay-bulay ay magpapasidhi sa ating pagnanais na paglingkuran si Jehova, magpapatalas sa ating pokus sa espirituwal, at magpapalakas sa ating determinasyong patuloy na mangaral. Ang Pangunahing Ministro ng Diyos, si Jesus, ay nakinabang sa pagbubulay-bulay, at tayo rin naman.