The Wonders of Creation Reveal God’s Glory
Marami ang natutuwang pagmasdan ang mga nilalang ng Diyos. Pero kaunti lang ang nakatatanto na napakarami nitong isinisiwalat tungkol sa pag-iisip at damdamin ng ating Dakilang Maylalang. (Roma 1:20) Malaon nang natutuhan ni David ang tungkol kay Jehova sa pamamagitan ng Kaniyang kinasihang Salita. Ngunit “nakita” rin ni David si Jehova at naging malapít sa Kaniya sa pamamagitan ng mga nilalang Niya. (Awit 8:3, 4) Ang video na pinamagatang The Wonders of Creation Reveal God’s Glory ay tumutulong sa atin, sa ating mga anak, at sa ating mga estudyante sa Bibliya na mapagmasdang mabuti ang ilan sa mga nilalang ni Jehova, makita ang mga katangian ng ating Dakilang Maylalang, at maging malapít sa kaniya. Pagkatapos panoorin ang video, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong.
(1) Paano sumisidhi ang pagpapahalaga mo kay Jehova dahil sa lawak at kaayusan ng pisikal na uniberso? (Isa. 40:26) (2) Kung pag-aaralan nating mabuti ang tubig, ano ang matututuhan natin tungkol sa Diyos? (Apoc. 14:7) (3) Paano ipinakikita ng laki ng lupa at distansiya nito sa araw ang karunungan ni Jehova? (4) Sa anong layunin nilalang ang buwan? (Awit 89:37) (5) Paano dinisenyo ni Jehova ang mga tao para masiyahan sa buhay? (6) Ano ang DNA? (Awit 139:16) (7) Sa lahat ng nilalang ni Jehova, paano naiiba ang mga tao? (Gen. 1:26) (8) Ano ang pinananabikan mo sa bagong sanlibutan?
Extra Features: (9) Paano nagkakaroon ng mga kulay? (10) Paano nalalabanan ng tubig ang grabidad para marating ang tuktok ng mga puno? (11) Ano ang nagagawa ng tubig sa loob ng ating katawan? (12) Magbigay ng mga halimbawa kung paano nagtutulungan ang nabubuhay na mga bagay. (13) Paano natututo ang mga nilalang na magtulungan sa isa’t isa? (14) Ano ang “golden angle,” at paano ito nakikita sa mga nilalang?
‘Masdang Mabuti’ ang mga Nilalang ni Jehova: Hinimok tayo ni Jesus na ‘masdang mabuti ang mga ibon sa langit’ at ‘kumuha ng aral mula sa mga liryo sa parang.’ (Mat. 6:26, 28) Kung gagawin natin ito, titibay ang ating pananampalataya, magkakaroon tayo ng pagtitiwala sa Maylalang, at tutulong ito sa atin na mas pahalagahan ang karunungan, kakayahang magligtas, at pag-ibig ni Jehova. Sa halip na labis na magambala ng mga gawa ng sanlibutang ito, maglaan ng panahon at magsikap na masdan ang kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova, at bulay-bulayin kung ano ang itinuturo nito tungkol sa ating Diyos.—Awit 19:1.