ARALING ARTIKULO 25
“Ako Mismo ang Maghahanap sa Aking mga Tupa”
“Ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa, at aalagaan ko sila.”—EZEK. 34:11.
AWIT 105 Si Jehova ay Pag-ibig
NILALAMANa
1. Bakit maikukumpara si Jehova sa isang ina?
“MALILIMUTAN ba ng ina ang kaniyang pasusuhing anak?” Itinanong iyan ni Jehova noong panahon ni propeta Isaias. Sinabi ng Diyos sa kaniyang bayan: “Kahit pa makalimot ang isang ina, hinding-hindi ko kayo malilimutan.” (Isa. 49:15) Hindi niya madalas ikumpara ang sarili niya sa isang ina, pero ginawa niya iyon sa pagkakataong ito. Ginamit ni Jehova ang ugnayan ng mag-ina para ipakita kung gaano niya kamahal ang mga lingkod niya. Maraming ina ang sasang-ayon sa sinabi ng sister na si Jasmin, “Kapag nagpasuso ka ng anak mo, nagkakaroon kayo ng napakaespesyal na ugnayan na nagtatagal habambuhay.”
2. Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag may anak siya na napapalayo sa kaniya?
2 Alam ni Jehova kapag ang isang anak niya ay hindi na nangangaral at tumigil na sa pagdalo sa pulong. Kaya napakasakit sa kaniya na makitang libo-libo ang nagiging inactiveb taon-taon.
3. Ano ang gusto ni Jehova para sa mga kapatid na inactive?
3 Maraming kapatid na inactive ang bumabalik sa kongregasyon, at nakakatuwa iyon! Gaya ni Jehova, gusto rin nating bumalik sila. (1 Ped. 2:25) Paano natin sila matutulungang bumalik? Bago natin sagutin ang tanong na iyan, alamin muna natin kung bakit nagiging inactive ang ilan.
BAKIT HUMIHINTO ANG ILAN SA PAGLILINGKOD KAY JEHOVA?
4. Paano nakakaapekto sa ilan ang pagtatrabaho?
4 Nagiging pangunahin sa ilan ang pagtatrabaho. Inamin ni Hung,c isang brother na taga-Southeast Asia: “Naging subsob ako sa trabaho. Akala ko, kung mas marami akong pera, mas mapaglilingkuran ko si Jehova, kaya nag-o-overtime ako. Unti-unti kong napabayaan ang pagdalo sa mga pulong hanggang sa tuluyan na akong hindi dumalo. Ginagamit ni Satanas ang sanlibutan para unti-unti tayong ilayo sa Diyos.”
5. Paano nakaapekto sa isang sister ang sunod-sunod na problema?
5 Nanghihina ang ilang kapatid dahil sa dami ng problema. Si Anne na taga-Britain ay may limang anak. Sinabi niya: “Ang isa kong anak ay ipinanganak na may kapansanan, ang isa naman ay natiwalag, at ang isa pa ay nagkaroon ng sakit sa isip. Depres na depres ako kaya tumigil na ako sa pagdalo at pangangaral. Naging inactive ako.” Nakikisimpatiya tayo kay Anne at sa pamilya niya, pati na sa iba pang may ganoon ding problema.
6. Bakit posibleng mapalayo ang isa kung hindi niya susundin ang Colosas 3:13?
6 Basahin ang Colosas 3:13. Ang ilang lingkod ni Jehova ay natitisod sa ibang kapatid sa kongregasyon. Sinabi ni Pablo na minsan, may dahilan tayo “para magreklamo laban” sa isang kapatid. Baka hindi pa nga makatarungan ang ginawa sa atin. Kung hindi tayo mag-iingat, baka maghinanakit tayo. Puwede itong maging dahilan para ang isa ay unti-unting mapalayo kay Jehova. Ganiyan ang nangyari kay Pablo, isang brother sa South America. May nanira at nag-akusa sa kaniya kaya nawala ang pribilehiyo niya sa kongregasyon. Ano ang naging reaksiyon niya? Sinabi ni Pablo, “Nagalit ako, at unti-unti akong napalayo sa kongregasyon.”
7. Ano ang puwedeng mangyari sa isang taong nakokonsensiya?
7 Baka nakokonsensiya ang isang taong nakagawa ng malubhang pagkakasala noon kaya pakiramdam niya, hindi na siya karapat-dapat na mahalin ng Diyos. Kahit nagsisi na siya at pinagpakitaan ng awa, baka madama pa rin niyang hindi na siya karapat-dapat maging lingkod ng Diyos. Ganiyan ang nadama ng brother na si Francisco. Sinabi niya: “Nasaway ako dahil sa seksuwal na imoralidad. Dumadalo pa rin naman ako noong una, kaso nadepres ako. Pakiramdam ko, ’di ako karapat-dapat maging lingkod ni Jehova. Nakokonsensiya pa rin ako, at para sa akin, hindi pa ako napapatawad ni Jehova. Kaya hindi na ako dumalo sa mga pulong.” Ano ang nararamdaman mo sa mga kapatid na napapaharap sa mga sitwasyong tinalakay natin? Inuunawa mo ba sila? Higit sa lahat, ano ang nararamdaman ni Jehova para sa kanila?
MAHAL NI JEHOVA ANG KANIYANG MGA TUPA
8. Lilimutin ba ni Jehova ang mga dating naglilingkod sa kaniya? Ipaliwanag.
8 Hindi lilimutin ni Jehova ang mga pansamantalang napahiwalay sa bayan niya, pati na ang paglilingkod nila sa kaniya. (Heb. 6:10) Para ipakita kung gaano kamahal ni Jehova ang bayan niya, iniulat ni propeta Isaias ang isang magandang ilustrasyon: “Gaya ng isang pastol, aalagaan niya ang kawan niya. Titipunin ng kaniyang bisig ang mga kordero, at bubuhatin niya sila sa kaniyang dibdib.” (Isa. 40:11) Ano ang nararamdaman ng Dakilang Pastol kapag naligaw ang isa niyang tupa? Inilarawan ni Jesus ang nararamdaman ni Jehova nang tanungin niya ang mga alagad: “Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may 100 tupa at maligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa mga bundok ang 99 at hahanapin ang isa na naligaw? At kung makita niya ito, sinasabi ko sa inyo, mas matutuwa siya rito kaysa sa 99 na hindi naligaw.”—Mat. 18:12, 13.
9. Noong panahon ng Bibliya, paano inaalagaan ng mabubuting pastol ang tupa nila? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
9 Bakit natin maikukumpara si Jehova sa isang pastol? Kasi noong panahon ng Bibliya, mahal na mahal ng isang mabuting pastol ang mga tupa niya. Halimbawa, nakipaglaban si David sa isang leon at isang oso para protektahan ang kawan niya. (1 Sam. 17:34, 35) Siguradong mapapansin ng isang mabuting pastol kahit isang tupa lang niya ang mawala. (Juan 10:3, 14) Iiwan ng gayong pastol ang kaniyang 99 na tupa sa loob ng kulungan o ibibilin ang mga ito sa ibang pastol para hanapin ang nawawalang tupa. Ginamit ni Jesus ang ilustrasyong iyan para ituro ang isang mahalagang katotohanan: “Hindi gusto ng aking Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.”—Mat. 18:14.
HINAHANAP NI JEHOVA ANG KANIYANG MGA TUPA
10. Ayon sa Ezekiel 34:11-16, ano ang ipinangako ni Jehova na gagawin niya para sa mga tupa niya na napalayo?
10 Mahal ni Jehova ang bawat isa sa atin, pati na ang “maliliit” na tupa na napalayo sa kawan niya. Iniulat ni propeta Ezekiel ang pangako ng Diyos na hahanapin niya ang nawawala niyang mga tupa at tutulungan ang mga ito na maibalik ang kaugnayan nila sa kaniya. Sinabi ng Diyos kung ano ang mga gagawin niya para iligtas ang mga ito, at ito rin ang gagawin ng Israelitang pastol kapag nawala ang isang tupa niya. (Basahin ang Ezekiel 34:11-16.) Una, hahanapin ng pastol ang tupa; mahirap iyon at nangangailangan iyon ng panahon. Kapag nakita na niya ang napalayong tupa, ibabalik niya ito sa kawan. Mahal ng pastol ang tupa, kaya kung nasugatan ito, bebendahan niya ang mga sugat nito at kakargahin ito. Kung nagugutom ito, pakakainin niya ito. Ganiyan din ang kailangang gawin ng mga elder, mga pastol sa “kawan ng Diyos,” para matulungan ang mga napalayo sa kongregasyon. (1 Ped. 5:2, 3) Mahal sila ng mga elder kaya hinahanap sila ng mga ito para matulungang makabalik sa kongregasyon at mabigyan ng kinakailangang espirituwal na tulong.d
11. Ano ang alam ng isang mabuting pastol?
11 Alam ng isang mabuting pastol na talagang puwedeng mapalayo sa kawan ang isang tupa. Kapag nangyari iyon, hindi niya ito pinaparusahan. Tingnan natin kung paano tinulungan ni Jehova ang ilang lingkod niya noon na sandaling napalayo sa kaniya.
12. Paano pinakitunguhan ni Jehova si Jonas?
12 Tinakasan ni propeta Jonas ang atas niya, pero hindi siya agad sinukuan ni Jehova. Gaya ng isang mabuting pastol, iniligtas siya ni Jehova at binigyan ng lakas para magampanan ang atas niya. (Jon. 2:7; 3:1, 2) Gumamit din ang Diyos ng halamang upo para tulungan si Jonas na makitang mahalaga ang buhay ng mga tao. (Jon. 4:10, 11) Ang aral? Imbes na sukuan agad ng mga elder ang mga naging inactive, dapat na subukan nilang intindihin kung bakit napalayo sa kongregasyon ang mga ito. At kapag nanumbalik ang mga ito kay Jehova, ang mga elder ay patuloy na magpapakita ng pag-ibig at malasakit sa mga ito.
13. Ano ang matututuhan natin sa reaksiyon ni Jehova sa sinabi ng manunulat ng Awit 73?
13 Nasiraan ng loob ang manunulat ng Awit 73 nang mapansin niyang parang mas maganda pa ang buhay ng masasama. Napaisip siya kung talaga bang sulit gawin ang kalooban ng Diyos. (Awit 73:12, 13, 16) Ano ang reaksiyon ni Jehova? Hindi siya hinatulan ni Jehova. Ang totoo, ipinasulat pa nga ng Diyos sa Bibliya ang mga sinabi niya. Nang bandang huli, naunawaan ng salmista na ang pinakamahalaga ay ang kaugnayan niya kay Jehova. (Awit 73:23, 24, 26, 28) Ang aral? Imbes na hatulan agad ang mga nag-iisip kung sulit bang maglingkod kay Jehova, dapat alamin ng mga elder kung bakit nila nasabi o naisip ang mga iyon. Kapag nagawa na iyon ng mga elder, saka lang nila maibibigay ang kinakailangang pampatibay mula sa Bibliya.
14. Bakit nangailangan ng tulong si Elias, at paano iyon ibinigay ni Jehova?
14 Tumakas si propeta Elias mula kay Reyna Jezebel. (1 Hari 19:1-3) Akala niya, siya na lang ang propeta ni Jehova, at pakiramdam niya, wala siyang silbi. Lungkot na lungkot si Elias at gusto na niyang mamatay. (1 Hari 19:4, 10) Imbes na hatulan si Elias, tiniyak ni Jehova sa kaniya na hindi siya nag-iisa, na makakapagtiwala siya sa kapangyarihan ng Diyos, at na marami pa siyang kailangang gawin. Nakinig na mabuti si Jehova kay Elias at binigyan siya ng bagong mga atas. (1 Hari 19:11-16, 18) Ang aral? Lahat tayo, lalo na ang mga elder, ay dapat na maging mabait sa tupa ni Jehova. Mayroon man siyang sama ng loob o pakiramdam niya ay hindi siya nararapat sa awa ni Jehova, dapat siyang pakinggang mabuti ng mga elder at tiyakin sa kaniya na mahalaga siya kay Jehova.
ANO ANG DAPAT NATING MARAMDAMAN SA NAWAWALANG MGA TUPA NG DIYOS?
15. Batay sa Juan 6:39, ano ang tingin ni Jesus sa mga tupa ng kaniyang Ama?
15 Ano ang gusto ni Jehova na maramdaman natin sa nawawala niyang mga tupa? Nagpakita ng halimbawa si Jesus para sa atin. Alam ni Jesus na mahalaga kay Jehova ang lahat ng tupa niya. Kaya ginawa ni Jesus ang lahat para tulungang makabalik kay Jehova ang “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” (Mat. 15:24; Luc. 19:9, 10) Si Jesus ang mabuting pastol, kaya ginawa rin niya ang lahat para hindi niya maiwala ang mga tupa ni Jehova.—Basahin ang Juan 6:39.
16-17. Ano ang dapat na maging pananaw ng mga elder sa pagtulong sa mga napalayo sa kongregasyon? (Tingnan ang kahong “Ang Nararamdaman ng Isang Nawawalang Tupa.”)
16 Hinimok ni apostol Pablo ang mga elder sa kongregasyon sa Efeso na tularan si Jesus. “Kailangan ninyong magpagal sa pagtulong sa mahihina. At lagi ninyong tandaan ang sinabi mismo ng Panginoong Jesus: ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’” (Gawa 20:17, 35) Ipinapakita nito na ang pangangalaga ng mga elder sa kawan ng Diyos ay isang napakahalagang responsibilidad. Sinabi ni Salvador, isang elder sa Spain: “Kapag naiisip ko kung gaano kahalaga kay Jehova ang nawawala niyang mga tupa, napapakilos akong gawin ang makakaya ko para tulungan sila. Alam kong iyon ang gusto ni Jehova.”
17 Ang lahat ng napalayo na nabanggit sa artikulong ito ay natulungang makabalik kay Jehova. At sa mga oras na ito, marami pang napalayo ang gusto ring makabalik. Mas ipapaliwanag sa susunod na artikulo kung paano natin sila matutulungang makabalik.
AWIT 139 Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay
a Bakit napapalayo sa kongregasyon ang ilang tapat na lingkod ni Jehova? Mahalaga pa rin ba sila sa Diyos? Sasagutin sa artikulong ito ang mga tanong na iyan. Tatalakayin din dito kung ano ang matututuhan natin sa paraan ng pagtulong ni Jehova sa mga napalayo sa kaniya noong panahon ng Bibliya.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang inactive ay isang mamamahayag na walang naiulat na pakikibahagi sa pangangaral at paggawa ng alagad sa loob ng anim na buwan o higit pa. Pero kapatid pa rin natin ang mga inactive at mahal natin sila.
c Binago ang ilang pangalan.
d Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano iyan magagawa ng mga elder.
e LARAWAN: Hinanap ng isang Israelitang pastol ang nawawalang tupa at tinulungan itong makabalik sa kawan. Ganiyan din ang ginagawa ng espirituwal na mga pastol ngayon.
f LARAWAN: Isang inactive na sister ang nakasakay sa bus, at nakita niya ang dalawang Saksi na masayang nagka-cart witnessing.