ARALING ARTIKULO 24
“Tulungan Mo Akong Matakot sa Pangalan Mo Nang Buong Puso”
“Tulungan mo akong matakot sa pangalan mo nang buong puso. Pinupuri kita, O Jehova na aking Diyos, nang buong puso ko.”—AWIT 86:11, 12.
AWIT 7 Jehova, Aming Lakas
NILALAMANa
1. Ano ang pagkatakot sa Diyos, at bakit ito kailangan ng mga umiibig kay Jehova?
ANG mga Kristiyano ay umiibig at natatakot sa Diyos. Para sa ilan, parang magkasalungat ito. Pero hindi ito ang takot na nakakasindak. Ang mga taong may ganitong pagkatakot ay nagpapakita ng matinding paggalang sa Diyos. Ayaw nilang mapalungkot ang kanilang Ama sa langit dahil ayaw nilang masira ang pakikipagkaibigan nila sa kaniya.—Awit 111:10; Kaw. 8:13.
2. Sa sinabi ni Haring David sa Awit 86:11, anong dalawang bagay ang tatalakayin natin?
2 Basahin ang Awit 86:11. Sa sinabing iyan ni Haring David, kitang-kita na alam niya ang kahalagahan ng pagkatakot sa Diyos. Tingnan kung paano natin ito maisasabuhay. Una, susuriin natin ang ilang dahilan kung bakit dapat tayong magpakita ng matinding paggalang sa pangalan ng Diyos. Ikalawa, tatalakayin natin kung paano ito maipapakita sa araw-araw.
BAKIT DAPAT MAGPAKITA NG MATINDING PAGGALANG SA PANGALAN NI JEHOVA?
3. Ano ang posibleng nakatulong kay Moises para mapanatili ang matinding paggalang sa pangalan ng Diyos?
3 Isipin na lang ang naramdaman ni Moises noong nakabaluktot siya sa uka ng malaking bato at makita niya ang kaluwalhatian ni Jehova. Sinabi sa Kaunawaan sa Kasulatan na ito na siguro ang “pinakakasindak-sindak na karanasan ng sinumang tao bago dumating si Jesu-Kristo.” Narinig ni Moises ang sinabi ng anghel: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan, nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa libo-libo, nagpapatawad sa pagkakamali at pagsuway at kasalanan.” (Ex. 33:17-23; 34:5-7) Posibleng naaalala ito ni Moises sa tuwing ginagamit niya ang pangalang Jehova. Kaya naman binabalaan ni Moises ang mga Israelita na ‘katakutan ang pangalang ito na maluwalhati at kahanga-hanga.’—Deut. 28:58.
4. Ano ang makakatulong sa atin para magkaroon ng matinding paggalang kay Jehova?
4 Kapag iniisip natin ang pangalang Jehova, makakabuti ring isipin kung anong uri siya ng Diyos. Dapat nating isipin ang kaniyang mga katangian gaya ng kapangyarihan, karunungan, katarungan, at pag-ibig. Sa paggawa nito, magkakaroon tayo ng matinding paggalang sa kaniya.—Awit 77:11-15.
5-6. (a) Ano ang ibig sabihin ng pangalan ng Diyos? (b) Ayon sa Exodo 3:13, 14 at Isaias 64:8, paano pinangyayari ni Jehova ang mga bagay-bagay?
5 Ano ang alam natin tungkol sa kahulugan ng pangalan ng Diyos? Maraming iskolar ang nagsasabi na ang pangalang Jehova ay maaaring mangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Ipinapaalala niyan sa atin na walang makakapigil sa mga gustong gawin ni Jehova. Bakit natin nasabi iyan?
6 Napapangyari ni Jehova ang mga bagay-bagay dahil nagiging anuman siya na kinakailangan para matupad ang kaniyang layunin. (Basahin ang Exodo 3:13, 14.) Madalas tayong pinapasigla na isip-isipin ang kamangha-manghang bahaging iyan ng personalidad ng Diyos. Kaya rin ni Jehova na pangyarihin ang di-perpektong mga lingkod niya na maging anuman na kinakailangan para mapaglingkuran siya at matupad ang kaniyang layunin. (Basahin ang Isaias 64:8.) Sa ganitong mga paraan pinangyayari ni Jehova ang kalooban niya. Walang makakapigil sa kaniya na matupad ang kaniyang mga layunin.—Isa. 46:10, 11.
7. Paano natin mapapasidhi ang paghanga at paggalang sa ating Ama sa langit?
7 Mapapasidhi natin ang ating paghanga at paggalang sa ating Ama sa langit kung bubulay-bulayin natin ang mga ginawa niya at ang mga bagay na pinangyayari niyang magawa natin. Halimbawa, kapag binulay-bulay natin ang kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova, talagang mapapahanga tayo sa lahat ng ginawa niya. (Awit 8:3, 4) At kung iisipin natin ang mga nagawa natin sa tulong ni Jehova, lalong sisidhi ang paggalang natin sa kaniya. Talagang kamangha-mangha ang pangalang Jehova! Ipinapakita nito kung sino talaga ang ating Ama, ang lahat ng nagawa niya, at mga gagawin pa.—Awit 89:7, 8.
“IPAHAHAYAG KO ANG PANGALAN NI JEHOVA”
8. Ayon sa Deuteronomio 32:2, 3, ano ang gusto ni Jehova na gawin ng mga lingkod niya sa kaniyang pangalan?
8 Noong malapit nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, may isang awit na itinuro si Jehova kay Moises. (Deut. 31:19) Pagkatapos, kailangan itong ituro ni Moises sa bayan. (Basahin ang Deuteronomio 32:2, 3.) Sa talata 2 at 3, kitang-kita na ayaw ni Jehova na itago ang pangalan niya at ituring itong napakasagrado para banggitin. Gusto niyang malaman ng lahat ang pangalan niya! Isa ngang pribilehiyo para sa mga Israelita na marinig si Moises habang itinuturo sa kanila ang tungkol kay Jehova at sa Kaniyang maluwalhating pangalan! Naginhawahan sila nito, gaya ng nagagawa ng ambon sa pananim. Paano tayo makakasiguro na makakaginhawa rin ang ating pagtuturo?
9. Paano tayo makakatulong sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova?
9 Kapag nagbabahay-bahay tayo o nagpa-public witnessing, magagamit natin ang Bibliya para maipakita sa mga tao na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Maibabahagi natin sa kanila ang magagandang literatura, video, at artikulo sa ating website na nagpaparangal kay Jehova. Sa trabaho naman, sa paaralan, o habang nagbibiyahe, may pagkakataon tayong ipakipag-usap ang tungkol sa ating pinakamamahal na Diyos at sa kaniyang personalidad. Kapag sinasabi natin sa kanila ang tungkol sa layunin ni Jehova para sa mga tao at sa lupa, natutulungan natin silang makita na mahal na mahal sila ni Jehova. Habang sinasabi natin sa iba ang katotohanan tungkol sa ating maibiging Ama, nakakatulong tayo sa pagpapabanal sa pangalan niya. Natutulungan natin ang mga tao na makita na kasinungalingan pala ang naituro sa kanila tungkol kay Jehova. Ang itinuturo natin sa mga tao mula sa Bibliya ang pinakanakakaginhawang bagay na puwede nilang matutuhan.—Isa. 65:13, 14.
10. Kapag nagba-Bible study, bakit hindi sapat ang basta pagtuturo lang ng mga kautusan at pamantayan ng Diyos?
10 Kapag nagba-Bible study, sinisikap nating tulungan ang ating mga estudyante na malaman ang pangalan ni Jehova at gamitin ito. Gusto rin nating lubusan nilang makilala si Jehova. Magagawa ba natin iyan kung basta mga kautusan at pamantayan lang ni Jehova ang ituturo natin sa kanila? Puwedeng matutuhan ng isang mahusay na estudyante ang mga kautusan ng Diyos at hangaan pa nga ito. Pero susundin ba ng estudyante si Jehova dahil mahal niya Siya? Tandaan na alam nina Adan at Eva ang kautusan ng Diyos, pero hindi talaga nila mahal ang nagbigay ng kautusan. (Gen. 3:1-6) Kaya hindi sapat ang basta pagtuturo ng mga kautusan at pamantayan ng Diyos.
11. Kapag nagtuturo ng kautusan at pamantayan ng Diyos, paano natin matutulungan ang ating mga estudyante na mahalin ang nagbigay ng kautusan?
11 Ang mga kautusan at pamantayan ni Jehova ay laging kapaki-pakinabang sa atin. (Awit 119:97, 111, 112) Pero hindi iyan makikita ng ating mga Bible study kung hindi nila maiintindihan na ginawa ang mga kautusan dahil mahal tayo ni Jehova. Kaya tanungin sila: “Bakit kaya ito ipinapagawa o pinapaiwasan ng Diyos? Ano ang sinasabi nito tungkol kay Jehova?” Kung tutulungan natin ang mga Bible study natin na isipin si Jehova at magkaroon ng pag-ibig sa maluwalhating pangalan niya, mas malamang na maabot natin ang puso nila. Matututuhan ng ating mga Bible study na mahalin hindi lang ang kautusan kundi pati ang nagbigay ng kautusan. (Awit 119:68) Titibay ang pananampalataya nila at matutulungan sila nito na maharap ang mahihirap na pagsubok.—1 Cor. 3:12-15.
“TAYO AY SUSUNOD KAY JEHOVA”
12. Bakit hindi napanatili ni David na buo ang kaniyang puso, at ano ang resulta?
12 Ang mahalagang pananalitang nasa Awit 86:11 ay “buong puso.” Ginabayan si Haring David para isulat ito. Nakita ni David kung gaano kadaling maging hati ang puso natin. Minsan, noong nasa bubungan siya, nakita niyang naliligo ang isang babaeng may asawa. Nang pagkakataong iyon, ang puso ba ni David ay buo o hati? Alam niya ang pamantayan ni Jehova: ‘Huwag mong nanasain ang asawa ng kapuwa mo.’ (Ex. 20:17) Pero lumilitaw na patuloy siyang tumingin. Naging hati ang puso niya—si Bat-sheba o si Jehova? Sa loob ng mahabang panahon, si David ay may pagmamahal at takot kay Jehova. Pero nadala siya ng kaniyang pagnanasa. Sa pagkakataong ito, nagkasala si David. Nagbigay ito ng kahihiyan sa pangalan ni Jehova. Napahamak din ang mga inosenteng tao, pati na ang pamilya ni David.—2 Sam. 11:1-5, 14-17; 12:7-12.
13. Paano natin nalaman na naging buo ulit ang puso ni David?
13 Dinisiplina ni Jehova si David, at naibalik niya ang magandang kaugnayan kay Jehova. (2 Sam. 12:13; Awit 51:2-4, 17) Naalala ni David ang masasaklap na resulta nang hayaan niyang maging hati ang puso niya. Tinulungan ba ni Jehova si David na maging buo ang puso nito? Oo, dahil nang maglaon, sinabi sa Salita ng Diyos na ibinigay ni David “ang buong puso niya kay Jehova na kaniyang Diyos.”—1 Hari 11:4; 15:3.
14. Ano ang kailangan nating itanong sa ating sarili, at bakit?
14 Ang halimbawa ni David ay nakakapagpatibay at nagsisilbi ring babala. Ang pagkakasala niya ay isang babala para sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Baguhan man tayo o matagal nang naglilingkod kay Jehova, kailangan nating tanungin ang ating sarili, ‘Nilalabanan ko ba ang mga panunukso ni Satanas na gawing hati ang puso ko?’
15. Paano tayo mapoprotektahan ng pagkatakot sa Diyos kapag nakakita tayo ng mahahalay na larawan?
15 Halimbawa, kapag nakakita ka ng mahalay na larawan sa TV o sa Internet, ano ang gagawin mo? Baka ikatuwiran mong hindi naman talaga pornograpya iyon. Pero posible kayang paraan ito ni Satanas para gawing hati ang puso mo? (2 Cor. 2:11) Ang larawang iyan ay gaya ng maliit at matalim na bakal na ginagamit para hatiin ang isang malaking kahoy. Sa umpisa, ibinabaon ang talim ng bakal sa isang kahoy. Pagkatapos, habang palalim nang palalim ang pagkakabaon nito, mahahati ang kahoy. Ang mahahalay na larawan ay maihahalintulad sa talim ng bakal na iyon. Sa umpisa, baka isipin ng isa na hindi naman mapanganib ang mga ito pero gagawin nitong hati ang puso niya para magkasala siya kay Jehova. Kaya huwag mong hayaang makapasok sa puso mo ang anumang bagay na makakasama sa iyo. Panatilihin ang pagkatakot sa pangalan ni Jehova nang buong puso!
16. Kapag natutukso tayong gumawa ng mali, ano ang mga dapat nating itanong sa sarili?
16 Bukod sa mahahalay na larawan, marami pang ginagamit si Satanas para tuksuhin tayong gumawa ng mali. Ano ang gagawin natin? Napakadaling magdahilan. Halimbawa, baka ikatuwiran natin: ‘Hindi naman ako matitiwalag kapag ginawa ko ito, kaya okey lang.’ Maling-mali ang pangangatuwirang iyan. Dapat nating itanong sa sarili: ‘Ginagamit ba ni Satanas ang tuksong ito para gawing hati ang puso ko? Kapag nagpadala ako sa maling pagnanasa, magbibigay ba ito ng kahihiyan sa pangalan ni Jehova? Kapag ginawa ko ito, mapapalapít ba ako o mapapalayo sa kaniya?’ Pag-isipan ang mga tanong na iyan. Humingi ng karunungan sa Diyos para masagot ang mga tanong na ito nang hindi dinadaya ang sarili. (Sant. 1:5) Sa paggawa nito, mapoprotektahan mo ang sarili mo. Tutulong ito sa iyo para maging determinado kang tanggihan ang tukso, gaya ng ginawa ni Jesus nang sabihin niya: “Lumayas ka, Satanas!”—Mat. 4:10.
17. Bakit hindi dapat maging hati ang puso natin? Ilarawan.
17 Hindi dapat maging hati ang puso natin. Isipin ang isang sports team na hindi nagkakaisa. May ilan na gustong maging bida; ang ilan naman, ayaw sumunod sa mga rule; at may ilan ding walang respeto sa coach. Naiisip mo bang mananalo ang ganiyang team? Ngayon, isipin mo naman ang isang team na nagkakaisa. Malaki ang tsansa na manalo sila. Ang puso mo ay maihahalintulad sa team na nagkakaisa kung ang iyong kaisipan, kagustuhan, at emosyon ay nagkakaisa at kaayon ng mga pamantayan ni Jehova. Tandaan, gustong-gusto ni Satanas na maging hati ang puso mo. Gusto niya na ang kaisipan mo, kagustuhan, at emosyon ay maging salungat sa mga pamantayan ni Jehova. Pero kailangang buo ang puso mo para mapaglingkuran si Jehova. (Mat. 22:36-38) Huwag na huwag mong hahayaan si Satanas na gawing hati ang puso mo!
18. Kaayon ng Mikas 4:5, ano ang determinado mong gawin?
18 Gaya ng ginawa ni David, manalangin kay Jehova: “Tulungan mo akong matakot sa pangalan mo nang buong puso.” Gawin ang buong makakaya mo na maisabuhay ang panalanging ito. Sa araw-araw, ipakita sa mga desisyon mo, maliit man o malaki, na mayroon kang matinding paggalang sa banal na pangalan ni Jehova. Sa paggawa nito, magiging karapat-dapat tayo sa pagdadala ng pangalang iyan bilang Saksi ni Jehova. (Kaw. 27:11) At masasabi nating lahat ang sinabi ni propeta Mikas: “Tayo ay susunod kay Jehova na ating Diyos magpakailanman.”—Mik. 4:5.
AWIT 41 Pakinggan Sana ang Aking Dalangin
a Tatalakayin sa artikulong ito ang panalangin ni Haring David na nasa Awit 86:11, 12. Ano ang ibig sabihin ng pagkatakot sa pangalan ni Jehova? Bakit dapat tayong magkaroon ng matinding paggalang sa napakahalagang pangalang iyan? At paano tayo mapoprotektahan ng pagkatakot sa Diyos kapag natutukso tayong gumawa ng mali?
b LARAWAN: Tinuturuan ni Moises ang bayan ng isang awit na nagpaparangal kay Jehova.
c LARAWAN: Nagpadala si Eva sa maling pagnanasa. Sa kabaligtaran, iniiwasan natin ang mga larawan o mensahe na maaaring pumukaw ng maling pagnanasa at magbigay ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos.