ARALING ARTIKULO 52
Paano Lalabanan ang Pagkasira ng Loob?
“Ihagis mo kay Jehova ang pasanin mo, at aalalayan ka niya.”—AWIT 55:22.
AWIT 33 Ihagis Mo kay Jehova ang Iyong Pasanin
NILALAMANa
1. Ano ang puwedeng mangyari sa atin kapag nasisiraan tayo ng loob?
ARAW-ARAW tayong napapaharap sa mga problema, at ginagawa natin ang lahat para kayanin ito. Pero hindi ba’t mas makakayanan natin ang mga problema kung hindi tayo nasisiraan ng loob? Kaya huwag nating hayaang alisin ng pagkasira ng loob ang ating kumpiyansa sa sarili, lakas ng loob, at kagalakan. Sinasabi sa Kawikaan 24:10: “Kapag nanghihina ang loob mo sa panahon ng problema, mababawasan din ang lakas mo.” Oo, sasairin ng panghihina ng loob ang lakas na kailangan natin para makayanan ang mga problema sa buhay.
2. Bakit tayo nasisiraan ng loob, at ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 Maraming puwedeng makasira ng ating loob—mga pagkakamaling nagagawa natin, kahinaan, at pagkakasakit. Puwede ring dahil hindi tayo nabibigyan ng gusto nating atas sa paglilingkod kay Jehova o hindi nakikinig ang karamihan ng mga tao sa ating teritoryo. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang magagawa natin para makayanan ang pagkasira ng loob.
MGA PAGKAKAMALI AT KAHINAAN
3. Ano ang makakatulong sa atin na huwag masyadong magpaapekto sa ating mga pagkakamali?
3 Madali tayong maapektuhan ng mga pagkakamali natin at kahinaan. Dahil dito, baka isipin nating hindi na tayo papayagan ni Jehova na makapasok sa bagong sanlibutan. Maling isipin iyan. Ano ang dapat na maging tingin natin sa ating mga pagkakamali? Sinasabi ng Bibliya na lahat ng tao ay “nagkakasala,” maliban kay Jesu-Kristo. (Roma 3:23) Pero hindi mga pagkakamali natin ang tinitingnan ng Awtor ng Bibliya, at hindi rin siya perfectionist. Sa halip, isa siyang mapagmahal na Ama na gustong tumulong sa atin. Mapagpasensiya rin siya. Nakikita niyang nagsisikap tayong labanan ang ating mga kahinaan at huwag maapektuhan ng mga ito, kaya gusto niya tayong tulungan.—Roma 7:18, 19.
4-5. Ayon sa 1 Juan 3:19, 20, ano ang nakatulong sa dalawang sister para madaig ang pagkasira ng loob?
4 Tingnan natin ang nangyari kina Deborah at Maria.b Noong bata pa si Deborah, madalas siyang mapahiya dahil sa pagtrato sa kaniya. Bihirang-bihira siyang pinupuri. Kaya lumaki siyang mababa ang tingin sa sarili. Sa kaunting pagkakamali, pakiramdam niya, wala na siyang nagawang tama. Ganiyan din si Maria. Ipinapahiya siya ng mga kamag-anak niya. Iniisip niya tuloy na wala siyang kuwenta. At kahit nabautismuhan na siya, pakiramdam niya, hindi siya karapat-dapat magdala ng pangalan ng Diyos.
5 Pero hindi tumigil sa paglilingkod kay Jehova ang dalawang sister. Bakit? Dahil inihagis nila kay Jehova ang pasanin nila. (Awit 55:22) Naiintindihan nila na alam ng ating mapagmahal na Ama sa langit na naaapektuhan tayo ng di-magagandang nararanasan natin sa buhay. Pero nakikita rin niya ang magagandang katangian natin, na baka hindi natin nakikita.—Basahin ang 1 Juan 3:19, 20.
6. Ano ang puwedeng maging reaksiyon ng isa kapag naulit niya ang nagawa niyang pagkakamali?
6 Baka magawa ulit ng isa ang pinaglalabanan niyang kahinaan at masiraan siya ng loob. Normal lang naman na makonsensiya tayo kapag nagkasala tayo. (2 Cor. 7:10) Pero huwag naman nating masyadong sisihin ang ating sarili at isipin: ‘Wala na akong kapag-a-pag-asang magbago. Hindi na ako mapapatawad ni Jehova.’ Hindi totoo iyan. At baka dahil diyan, tumigil na tayo sa paglilingkod kay Jehova. Alalahanin ang sinasabi sa Kawikaan 24:10—mababawasan ang lakas natin kapag nanghihina ang loob natin. Sa halip, ‘ituwid ang mga bagay-bagay’ sa pagitan ninyo ni Jehova sa pamamagitan ng pananalangin at paghingi ng tawad sa kaniya. (Isa. 1:18) Kapag nakita niyang talagang nagsisisi tayo, papatawarin niya tayo. Lumapit din sa mga elder. Matiyaga nila tayong tutulungan para manumbalik ang ating espirituwalidad.—Sant. 5:14, 15.
7. Bakit hindi tayo dapat masiraan ng loob kapag nahihirapan tayong gawin ang tama?
7 Sinabi ni Jean-Luc, isang elder sa France, sa mga may pinaglalabanang kahinaan: “Para kay Jehova, ang isang matuwid na tao ay hindi y’ong walang nagagawang mali, kundi y’ong laging nagsisisi at humihingi ng tawad.” (Roma 7:21-25) Kaya huwag mong sisihin ang sarili mo kung may pinaglalabanan kang kahinaan. Tandaan na hindi tayo magiging matuwid sa harap ng Diyos kung sa sarili lang nating pagsisikap. Kailangan natin ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ng pantubos.—Efe. 1:7; 1 Juan 4:10.
8. Kapag pinanghihinaan tayo ng loob, kanino tayo puwedeng humingi ng tulong?
8 Puwede tayong lumapit sa ating mga kapatid—ang ating espirituwal na pamilya—para patibayin tayo. Puwede silang makinig sa atin kapag kailangan natin ng kausap at makapagsabi ng makakapagpasaya sa atin. (Kaw. 12:25; 1 Tes. 5:14) Sinabi ni Joy, isang sister sa Nigeria na dumanas ng pagkasira ng loob: “Paano na ako kung wala ang mga kapatid? Sila ang sagot ni Jehova sa mga panalangin ko. Natutuhan ko pa nga sa kanila kung paano papatibayin ang ibang pinanghihinaan din ng loob.” Pero tandaan na hindi laging alam ng mga kapatid kung kailan tayo nangangailangan ng pampatibay. Baka kailangang tayo mismo ang lumapit sa isang may-gulang na kapatid at sabihin sa kaniya na kailangan natin ng tulong.
PAGKAKASAKIT
9. Paano tayo mapapatibay ng Awit 41:3 at 94:19?
9 Humingi ng tulong kay Jehova. Kapag masama ang pakiramdam natin, at lalo na kapag matagal na tayong may sakit, baka hindi na tayo maging positibo. Hindi tayo makahimalang pinapagaling ni Jehova sa ngayon, pero pinapayapa niya ang kalooban natin at pinapalakas niya tayo para makapagtiis. (Basahin ang Awit 41:3; 94:19.) Halimbawa, baka pakilusin niya ang mga kapatid na tulungan tayo sa mga gawaing-bahay o pamimili. Baka pakilusin niya ang mga kapatid na manalanging kasama natin. O baka ipaalala niya sa atin ang mga mensahe sa Bibliya, gaya ng magandang pag-asa tungkol sa isang perpektong buhay na wala nang sakit at kirot sa darating na bagong sanlibutan.—Roma 15:4.
10. Paano nadaig ni Isang ang panghihina ng loob matapos siyang maaksidente?
10 Si Isang na taga-Nigeria ay naaksidente at naparalisa. Sinabi ng doktor niya na hindi na siya makakalakad kahit kailan. “Lungkot na lungkot ako at nasiraan ng loob,” ang sabi niya. Pero patuloy ba siyang nasiraan ng loob? Hindi. Ano ang nakatulong sa kaniya? “Hindi kami tumigil ng misis ko sa pananalangin kay Jehova at pag-aaral ng Bibliya,” ang sabi niya. “Nagpokus kami sa mga pagpapalang tinatanggap namin, kasama na ang pag-asang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos.”
11. Bakit masaya pa rin si Cindy kahit may malubha siyang sakit?
11 Sinabi ng isang doktor kay Cindy, taga-Mexico, na mayroon siyang nakakamatay na sakit. Paano niya ito nakayanan? Sa araw-araw na pagpapagamot niya, sinikap niya na makapagpatotoo. Sinabi niya: “Nakatulong ito sa akin para magpokus sa iba imbes na sa pagpapaopera ko o sa masamang pakiramdam ko. Ganito ang ginagawa ko: Kapag kausap ko ang mga doktor o nurse, kinukumusta ko ang pamilya nila. Pagkatapos, tinatanong ko sila kung bakit ganitong trabaho ang pinili nila. Doon ko nakikita kung anong paksa ang magugustuhan nila. Marami sa kanila ang nagsabi na bihira sa isang pasyente ang magtanong, ‘Kumusta kayo?’ At marami ang nagpasalamat sa pagmamalasakit ko. May nagbigay pa nga sa akin ng kanilang contact information. Sa mahirap na kalagayan kong ito, tinulungan ako ni Jehova. At hindi ko akalaing magiging ganito ako kasaya!”—Kaw. 15:15.
12-13. Paano nakakapangaral ang ilang maysakit o may-edad, at ano ang resulta?
12 Baka nasisiraan ng loob ang mga maysakit o may-edad dahil limitado na ang nagagawa nila sa ministeryo. Pero marami pa rin ang nakakapangaral. Sa United States, ang sister na si Laurel ay 37 taóng nasa iron lung. Mayroon siyang kanser at malubhang sakit sa balat at sumailalim sa maseselang operasyon. Pero hindi siya napatigil ng mga ito. Nagpatotoo siya sa mga nurse at iba pang nagtatrabaho sa ospital na pumupunta sa bahay nila. Ang resulta? Mga 17 tao ang natulungan niyang matuto tungkol kay Jehova!c
13 Si Richard, isang elder sa France, ay may praktikal na mungkahi para sa mga hindi makaalis ng bahay o nasa nursing home. “Maganda siguro kung maglalagay sila ng isang maliit na displey ng mga literatura. Napapatingin dito ang mga nagdadaan at napapasimulan ang pag-uusap. Nakakapagpatibay iyon sa mga mahal nating kapatid na hindi na makapagbahay-bahay.” Ang mga hindi makaalis ng bahay ay puwede ring mag-letter writing at telephone witnessing.
HINDI NABIBIGYAN NG PRIBILEHIYO
14. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Haring David?
14 Dahil sa edad, kalusugan, o iba pang dahilan, baka hindi tayo makatanggap ng isang partikular na atas o pribilehiyo sa kongregasyon o sirkito. May matututuhan tayo kay Haring David. Nang sabihin sa kaniyang hindi siya ang magtatayo ng templo ng Diyos—isang bagay na gustong-gustong gawin ni David—sinuportahan niya nang husto ang isa na pinili ng Diyos para sa atas na ito. Nagbigay pa nga si David ng napakalaking halaga para sa proyektong ito. Napakagandang halimbawa!—2 Sam. 7:12, 13; 1 Cro. 29:1, 3-5.
15. Paano nadaig ni Hugues ang pagkasira ng loob?
15 Nagkasakit si Hugues, isang brother sa France. Dahil dito, huminto na siya sa paglilingkod bilang elder at hindi na rin siya nakakagawa kahit ng mga simpleng trabaho sa bahay. Sinabi niya: “Noong una, pakiramdam ko, wala na akong silbi at sobra akong nasiraan ng loob. Nang maglaon, nakita ko na mahalagang tanggapin ko na may mga limitasyon na ako at naging masaya ako sa paglilingkod kay Jehova sa kabila ng mga iyon. Hinding-hindi ako susuko. Gaya ni Gideon at ng 300 lalaking kasama niya—na pagod na pagod—lalaban pa rin ako!”—Huk. 8:4.
16. Ano ang matututuhan natin sa mga anghel?
16 Napakagandang halimbawa ng tapat na mga anghel. Noong namamahala si Haring Ahab, tinanong ni Jehova ang mga anghel kung paano nila lilinlangin ang masamang haring ito. Nagbigay ng mga mungkahi ang ilang anghel. Pero ang mungkahi ng isang anghel ang pinili ng Diyos at sinabing magtatagumpay ito. (1 Hari 22:19-22) Nasiraan ba ng loob ang iba pang tapat na mga anghel at inisip, ‘Ba’t pa kasi ako nagmungkahi?’ Hindi nila iisipin iyon! Talagang mapagpakumbaba ang mga anghel, at gusto nilang kay Jehova mapunta ang lahat ng karangalan.—Huk. 13:16-18; Apoc. 19:10.
17. Ano ang dapat nating gawin kapag pinanghihinaan tayo ng loob dahil hindi tayo nakakatanggap ng ilang pribilehiyo?
17 Tandaan na isang napakalaking pribilehiyo na maging Saksi ni Jehova at mangaral tungkol sa Kaharian niya. Ang mga pribilehiyo ay dumarating at puwedeng mawala, pero hindi iyon ang kailangan para maging mahalaga tayo sa Diyos. Kapakumbabaan ang kailangan para mahalin tayo ni Jehova at ng mga kapatid. Kaya makiusap kay Jehova na tulungan kang maging mapagpakumbaba. Isipin ang maraming magagandang halimbawa ng kapakumbabaan na mababasa sa kaniyang Salita. Paglingkuran mo ang mga kapatid sa abot ng iyong makakaya.—Awit 138:6; 1 Ped. 5:5.
TERITORYONG WALANG GAANONG NAKIKINIG
18-19. Paano ka magiging masaya sa iyong ministeryo kahit walang gaanong nakikinig sa inyong teritoryo?
18 Nasisiraan ka ba ng loob kung minsan dahil parang walang nakikinig sa inyong teritoryo o dahil madalas na wala kang nakakausap sa bahay-bahay? Ano ang puwede nating gawin para manatili tayong masaya o maging mas masaya pa? May ilang mungkahi sa kahong “Kung Paano Mapapasulong ang Ministeryo Mo.” Mahalaga rin na magkaroon ng tamang pananaw sa ministeryo. Ano ang ibig sabihin niyan?
19 Manatiling nakapokus sa paghahayag ng pangalan ng Diyos at ng kaniyang Kaharian. Maliwanag na sinabi ni Jesus na kakaunti lang ang makakahanap sa daang papunta sa buhay. (Mat. 7:13, 14) Kapag nasa ministeryo tayo, isang karangalan para sa atin na gumawang kasama ni Jehova, ni Jesus, at ng mga anghel. (Mat. 28:19, 20; 1 Cor. 3:9; Apoc. 14:6, 7) Inilalapit ni Jehova ang mga karapat-dapat. (Juan 6:44) Kaya kahit ayaw makinig ng isang tao sa mensahe natin ngayon, baka sa susunod, makinig na siya.
20. Ano ang matututuhan natin sa Jeremias 20:8, 9 tungkol sa paglaban sa pagkasira ng loob?
20 Marami tayong matututuhan kay propeta Jeremias. Inatasan siya sa isang napakahirap na teritoryo. Iniinsulto siya at inaalipusta ng mga tao “buong araw.” (Basahin ang Jeremias 20:8, 9.) Sobra siyang nasiraan ng loob at parang gusto na niyang sumuko. Pero hindi niya ginawa iyon. Bakit? Dahil ang “salita ni Jehova” ay naging gaya ng apoy sa loob ni Jeremias, at hindi niya iyon mapigilan! Ganiyan din ang mararamdaman natin kapag pinunô natin ng Salita ng Diyos ang ating isip at puso. Isa pang dahilan iyan para pag-aralan natin ang Bibliya araw-araw at bulay-bulayin iyon. Sa paggawa nito, mas magiging masaya tayo at baka mas maraming tao ang makinig sa atin.—Jer. 15:16.
21. Paano natin madadaig ang pagkasira ng loob, anuman ang dahilan nito?
21 “Ang pagkasira ng loob ay isang mabisang sandata ni Satanas,” ang sabi ni Deborah, na binanggit kanina. Pero ang mga sandata ni Satanas ay walang kalaban-laban sa Diyos na Jehova. Kaya kapag nasisiraan ka ng loob, anuman ang dahilan nito, makiusap kay Jehova na tulungan ka. Tutulungan ka niyang huwag madaig ng mga pagkakamali mo at kahinaan. Aalalayan ka niya sa iyong pagkakasakit. Tutulungan ka niyang magkaroon ng tamang pananaw sa mga atas sa paglilingkod. At tutulungan ka niyang maging positibo sa iyong ministeryo. Bukod diyan, ibuhos mo sa iyong mapagmahal na Ama ang iyong mga ikinababahala. Sa tulong niya, madadaig mo ang pagkasira ng loob.
AWIT 41 Pakinggan Sana ang Aking Dalangin
a Nasisiraan tayo ng loob paminsan-minsan. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang bagay na puwede nating gawin kapag pinanghihinaan tayo ng loob. Gaya ng makikita natin, madadaig natin ang pagkasira ng loob sa tulong ni Jehova.
b Binago ang ilang pangalan.
c Basahin ang talambuhay ni Laurel Nisbet sa Enero 22, 1993, isyu ng Gumising!
d LARAWAN: Isang sister ang nasisiraan ng loob, pero inisip niya ang paglilingkuran niya noon at nanalangin siya kay Jehova. Sigurado siyang hindi makakalimutan ni Jehova ang ginawa niya noon at ginagawa ngayon.