ARALING ARTIKULO 7
Ano ang Ibig Sabihin ng Pagkaulo sa Kongregasyon?
“Ang Kristo ang ulo ng kongregasyon, na katawan niya, at siya ang tagapagligtas nito.”—EFE. 5:23.
AWIT 137 Mga Babaeng Tapat
NILALAMANa
1. Ano ang isang dahilan kung bakit nagkakaisa ang pamilya ni Jehova?
MASAYA tayong maging bahagi ng pamilya ni Jehova. Ang pamilya natin ay mapayapa at nagkakaisa. Bakit? Ang isang dahilan, iginagalang kasi natin ang kaayusan ng pagkaulo na itinakda ni Jehova. At habang mas naiintindihan natin ang kaayusang iyan, lalo tayong nagkakaisa.
2. Anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?
2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ibig sabihin ng pagkaulo sa kongregasyon. Sasagutin din natin ang mga tanong na ito: Ano ang papel ng mga sister? Totoo ba na lahat ng brother ay ulo ng bawat sister? Ang awtoridad ba ng mga elder sa mga kapatid ay kapareho ng awtoridad ng ulo ng pamilya sa asawa at mga anak niya? Pag-usapan muna natin kung ano ang dapat na maging tingin natin sa mga sister.
ANO ANG DAPAT NA MAGING TINGIN NATIN SA MGA SISTER?
3. Paano natin mas mapapahalagahan ang mga sister?
3 Pinapahalagahan natin ang mga sister na nag-aalagang mabuti sa pamilya nila, masigasig sa pangangaral ng mabuting balita, at buong pusong sumusuporta sa kongregasyon. Pero mas mapapahalagahan pa natin sila kung iisipin natin ang tingin sa kanila ni Jehova at ni Jesus. May matututuhan din tayo sa pakikitungo ni apostol Pablo sa mga babae.
4. Paano ipinapakita sa Bibliya na parehong mahalaga kay Jehova ang mga babae at lalaki?
4 Ipinapakita ng Bibliya na parehong mahalaga kay Jehova ang mga babae at lalaki. Halimbawa, makikita dito na noong unang siglo, parehong binigyan ni Jehova ng banal na espiritu ang mga babae at lalaki para makagawa sila ng himala, gaya ng pagsasalita ng iba’t ibang wika. (Gawa 2:1-4, 15-18) Pareho silang pinahiran ng banal na espiritu para mamahalang kasama ni Kristo. (Gal. 3:26-29) Pareho ring tatanggap ng buhay na walang hanggan sa lupa ang mga babae at lalaki. (Apoc. 7:9, 10, 13-15) At parehong inatasan ang mga lalaki at babae na mangaral at magturo ng mabuting balita. (Mat. 28:19, 20) Sa katunayan, binabanggit sa aklat ng Mga Gawa ang halimbawa ng sister na si Priscila. Tinulungan niya at ng asawa niyang si Aquila ang edukadong lalaki na si Apolos na mas maintindihan ang katotohanan.—Gawa 18:24-26.
5. Sa Lucas 10:38, 39, 42, paano ipinakita ni Jesus na binibigyang-dangal niya ang mga babae?
5 Binigyang-dangal at iginalang ni Jesus ang mga babae. Hindi niya ginaya ang mga Pariseo na mababa ang tingin sa mga babae. Hindi sila nakikipag-usap sa mga babae kapag nasa publiko, at hindi nila tinuturuan ang mga ito tungkol sa Kasulatan. Sa halip, isinasali ni Jesus ang mga babae kapag nakikipag-usap siya sa mga alagad tungkol sa malalim na espirituwal na mga bagay.b (Basahin ang Lucas 10:38, 39, 42.) Hinayaan din niyang sumama ang mga babae sa mga paglalakbay niya para mangaral. (Luc. 8:1-3) Ipinagkatiwala pa nga ni Jesus sa mga babae na sabihin sa mga apostol na binuhay na siyang muli.—Juan 20:16-18.
6. Paano ipinakita ni apostol Pablo na iginagalang niya ang mga babae?
6 Pinaalalahanan ni apostol Pablo si Timoteo na bigyang-dangal ang mga babae. Sinabi ni Pablo na dapat ituring ni Timoteo ang ‘matatandang babae na gaya ng kaniyang ina’ at ang ‘mga nakababatang babae na gaya ng kapatid niyang babae.’ (1 Tim. 5:1, 2) Malaki ang naitulong ni Pablo sa pagsulong ni Timoteo bilang Kristiyano, pero kinilala niya na ang ina at lola ni Timoteo ang unang nagturo dito ng tungkol sa “banal na mga kasulatan.” (2 Tim. 1:5; 3:14, 15) May binati rin si Pablo na mga sister sa liham niya sa mga taga-Roma. Hindi lang niya basta nakikita ang pagsisikap ng mga sister, pinapahalagahan din niya sila bilang mga ministrong Kristiyano.—Roma 16:1-4, 6, 12; Fil. 4:3.
7. Anong mga tanong naman ang sasagutin natin?
7 Gaya ng natalakay na natin, hindi sinasabi ng Bibliya na nakabababa ang mga sister sa mga brother. Malaking tulong sa kongregasyon ang mapagmahal at bukas-palad na mga sister, at katulong sila ng mga elder sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon. Pero may mga tanong pa na kailangang masagot. Halimbawa: Bakit may mga pagkakataong hinihilingan ni Jehova ang mga sister na maglambong? At dahil mga brother lang ang nahihirang na elder at ministeryal na lingkod, ibig bang sabihin nito, lahat ng brother ay ulo ng bawat sister sa kongregasyon?
LAHAT BA NG BROTHER AY ULO NG BAWAT SISTER?
8. Batay sa Efeso 5:23, lahat ba ng brother ay ulo ng bawat sister? Ipaliwanag.
8 Hindi! Ang isang brother ay hindi ulo ng lahat ng sister sa kongregasyon. Si Kristo ang ulo nila. (Basahin ang Efeso 5:23.) Sa pamilya, ang ulo ng asawang babae ay ang asawang lalaki. Ang isang bautisadong anak na lalaki ay hindi ang ulo ng kaniyang ina. (Efe. 6:1, 2) At sa kongregasyon, limitado lang ang awtoridad ng mga elder sa mga kapatid. (1 Tes. 5:12; Heb. 13:17) Kumusta naman ang mga sister na walang asawa at wala na sa poder ng mga magulang nila? Patuloy pa rin nilang igagalang ang mga magulang nila at ang mga elder. Pero gaya ng mga lalaki sa kongregasyon, si Jesus din ang ulo nila.
9. Bakit kailangang maglambong kung minsan ng mga sister?
9 Totoo, mga lalaki ang inatasan ni Jehova na manguna sa kongregasyon sa pagtuturo at pagsamba, at hindi niya binigyan ang mga babae ng ganiyang awtoridad. (1 Tim. 2:12) Pero may dahilan iyon. Katulad ng dahilan kung bakit niya inatasan si Jesus bilang ulo ng lalaki—para mapanatili ang kaayusan sa kongregasyon. Kung kailangang gampanan ng isang sister ang isang atas na karaniwang ginagampanan ng isang brother, hinihilingan siya ni Jehova na maglambong.c (1 Cor. 11:4-7) Hindi naman iyan nangangahulugan na minamaliit sila ni Jehova; binibigyan lang sila ni Jehova ng pagkakataong ipakita ang paggalang nila sa kaayusan ng pagkaulo na itinakda niya. Kaya ito naman ang susunod na tanong na sasagutin natin: Gaano kalaki ang awtoridad ng mga ulo ng pamilya at ng mga elder?
ANG PAPEL NG MGA ULO NG PAMILYA AT NG MGA ELDER
10. Bakit naiisip kung minsan ng isang elder na gumawa ng mga patakaran sa kongregasyon?
10 Mahal ng mga elder si Kristo, at mahal nila ang mga “tupa” na ipinagkatiwala sa kanila ni Jehova at ni Jesus. (Juan 21:15-17) Kaya baka maisip ng isang elder na para siyang tatay sa kongregasyon. At dahil gumagawa ang ama ng mga patakaran para protektahan ang pamilya niya, baka maisip din ng isang elder na puwede siyang gumawa ng mga patakaran para protektahan ang mga tupa ng Diyos. At may mga kapatid na mga elder ang pinagdedesisyon nila para sa kanila. Kaya baka matukso ang mga elder na gumanap bilang ulo ng mga kapatid na ito sa espirituwal na paraan. Pero pareho ba ng awtoridad ang mga elder sa kongregasyon at ang mga ulo ng pamilya?
11. Ano ang pagkakatulad ng mga ulo ng pamilya at ng mga elder?
11 Ipinahiwatig ni apostol Pablo na may mga pagkakatulad ang mga ulo ng pamilya at ang mga elder. (1 Tim. 3:4, 5) Halimbawa, gusto ni Jehova na maging masunurin ang mga miyembro ng pamilya sa ulo nila. (Col. 3:20) At gusto rin niyang sundin ng mga miyembro ng kongregasyon ang mga elder. Inaasahan ni Jehova na titiyakin ng mga elder at ng mga ulo ng pamilya na malusog sa espirituwal ang mga nasa pangangalaga nila. Dapat ding madama ng mga ito na minamahal sila. At gaya ng responsableng ulo ng pamilya, tinitiyak ng mga elder na matutulungan ang mga kapatid na nangangailangan. (Sant. 2:15-17) Inaasahan din ni Jehova na itataguyod ng mga elder at ng mga ulo ng pamilya ang mga pamantayan niya. At nagbabala siya na “huwag higitan ang mga bagay na nasusulat” sa Bibliya.—1 Cor. 4:6.
12-13. Gaya ng makikita sa Roma 7:2, ano ang pagkakaiba ng mga ulo ng pamilya at ng mga elder?
12 Pero may malaking pagkakaiba ang mga elder at ang mga ulo ng pamilya. Halimbawa, mga elder ang inatasan ni Jehova na magsilbing hukom, at pananagutan nilang alisin sa kongregasyon ang mga di-nagsisising nagkasala.—1 Cor. 5:11-13.
13 Pero may awtoridad na ibinigay si Jehova sa mga ulo ng pamilya na hindi niya ibinigay sa mga elder. Halimbawa, may awtoridad ang ulo ng pamilya na magtakda at magpatupad ng mga patakaran sa loob ng bahay. (Basahin ang Roma 7:2.) Siya ang may karapatang magtakda kung anong oras dapat umuwi ang mga anak. May awtoridad din siyang disiplinahin ang mga anak niya kung hindi sila susunod. (Efe. 6:1) Pero siyempre, isinasaalang-alang ng mapagmahal na asawang lalaki ang opinyon ng asawa niya bago gumawa ng mga patakaran, dahil “isang laman” sila.d—Mat. 19:6.
IGALANG ANG PAGKAULO NI KRISTO SA KONGREGASYON
14. (a) Batay sa Marcos 10:45, bakit tama lang na si Jesus ang inatasan ni Jehova bilang ulo ng kongregasyon? (b) Ano ang papel ng Lupong Tagapamahala? (Tingnan ang kahong “Ang Papel ng Lupong Tagapamahala.”)
14 Sa pamamagitan ng pantubos, binili ni Jehova ang buhay ng bawat isa sa kongregasyon at ng sinuman na mananampalataya kay Jesus. (Basahin ang Marcos 10:45; Gawa 20:28; 1 Cor. 15:21, 22) At dahil ibinigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos, tama lang na siya ang inatasan ni Jehova bilang ulo ng kongregasyon. Kaya may awtoridad si Jesus na gumawa at magpatupad ng mga patakaran na dapat sundin ng mga indibidwal, pamilya, at ng buong kongregasyon. (Gal. 6:2) Pero hindi lang iyan ang ginagawa ni Jesus. Inaalagaan din niyang mabuti at minamahal ang bawat isa sa atin.—Efe. 5:29.
15-16. Ano ang natutuhan mo sa sinabi nina Marley at Benjamin?
15 Naipapakita ng mga sister na iginagalang nila si Kristo kapag sinusunod nila ang mga lalaking inatasan niya para mangalaga sa kanila. Maraming sister ang sasang-ayon kay Marley, isang sister na taga-America. Sinabi niya: “Mahalaga sa akin ang papel ko bilang asawang babae at sister sa kongregasyon. Siyempre, lagi ko pa ring kailangang pagsikapan na magpasakop sa kaayusan ni Jehova sa pagkaulo. Pero nagiging madali ito dahil nakikita kong iginagalang at pinapahalagahan ako ng asawa ko at ng mga brother sa kongregasyon.”
16 Ipinapakita ng mga brother na naiintindihan nila kung ano ang ibig sabihin ng pagkaulo kapag iginagalang at binibigyang-dangal nila ang mga sister. Sinabi ni Benjamin, isang brother na taga-England: “Marami akong natututuhan sa mga komento ng mga sister sa pulong, sa paraan ng pag-aaral nila, at sa pangangaral at pagtuturo nila sa ministeryo. Para sa akin, malaking tulong sila sa kongregasyon.”
17. Bakit dapat nating igalang ang kaayusan ng pagkaulo?
17 Kapag naiintindihan ng lahat sa kongregasyon ang ibig sabihin ng pagkaulo at iginagalang ito ng bawat isa—brother, sister, ulo ng pamilya, at mga elder—nagkakaisa ang kongregasyon. Higit sa lahat, napapapurihan natin ang ating mapagmahal na Ama sa langit, si Jehova.—Awit 150:6.
AWIT 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan
a Ano ang papel ng mga sister sa kongregasyon? Lahat ba ng brother ay ulo ng bawat sister? Pareho lang ba ang awtoridad ng mga elder at ng mga ulo ng pamilya? Para malaman ang sagot, tingnan natin ang ilang halimbawa sa Salita ng Diyos.
b Tingnan ang parapo 6 ng artikulong “Suportahan ang mga Sister sa Kongregasyon” sa Setyembre 2020 isyu ng Bantayan.
c Tingnan ang kahong “Kailan Dapat Maglambong ang Isang Sister?”
d Para malaman kung sino ang magdedesisyon kung saang kongregasyon uugnay ang isang pamilya, tingnan ang parapo 17-19 ng artikulong “Pahalagahan ang Bawat Miyembro ng Kongregasyon ni Jehova” sa Agosto 2020 isyu ng Bantayan.
e Kapag sinabing ang isa ay nasa malapit, may iba siyang inaasikaso pero nakikita at naririnig niya ang nangyayari.
f Para sa higit pang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan ang aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos, p. 209-212.
g Para sa higit pang impormasyon tungkol sa papel ng Lupong Tagapamahala, tingnan ang Hulyo 15, 2013, isyu ng Bantayan, p. 20-25.