ARALING ARTIKULO 22
Tulungan ang Bible Study Mo na Mabautismuhan
“Magpabautismo ang bawat isa sa inyo.”—GAWA 2:38.
AWIT 72 Inihahayag ang Katotohanan ng Kaharian
NILALAMANa
1. Ano ang sinabi sa isang malaking grupo ng mga tao noong unang siglo na kailangan nilang gawin?
ISANG malaking grupo ng mga tao, na iba-iba ang wika at mula sa iba’t ibang bansa, ang nagsama-sama. At may kakaibang nangyari. Nakapagsalita ng mga wika ng mga taong ito ang isang grupo ng mga ordinaryong Judio! Nakakagulat iyon, pero mas tumatak sa isip ng mga tao ang sinabi ng mga Judiong iyon at ang sinabi ni apostol Pedro para sa lahat. Sinabi nila na para maligtas, kailangang manampalataya kay Jesu-Kristo. Tumagos sa puso ng mga tao ang mensaheng iyon kaya naman itinanong nila: “Ano ang dapat naming gawin?” Bilang sagot, sinabi ni Pedro: “Magpabautismo ang bawat isa sa inyo.”—Gawa 2:37, 38.
2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
2 Kahanga-hanga ang sumunod na nangyari. Mga 3,000 ang nabautismuhan nang araw na iyon at naging alagad ni Kristo. Dito nagsimula ang malaking gawain ng paggawa ng mga alagad na iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. Nagpapatuloy ang gawaing iyan hanggang sa panahong ito. Pero sa ngayon, hindi agad-agad na nababautismuhan ang mga Bible study. Baka umabot pa nga nang ilang buwan o mga taon bago sila makapagpabautismo. Kailangan ng pagsisikap sa paggawa ng alagad, at tiyak na alam mo iyan kung may Bible study ka ngayon. Sa artikulong ito, tatalakayin kung paano mo matutulungan ang Bible study mo na mabautismuhan.
TULUNGAN ANG BIBLE STUDY MO NA ISABUHAY ANG MGA NATUTUTUHAN NIYA
3. Batay sa Mateo 28:19, 20, ano ang dapat gawin ng Bible study para sumulong at mabautismuhan?
3 Bago mabautismuhan, dapat na naisasabuhay ng isang Bible study ang mga turo ng Bibliya. (Basahin ang Mateo 28:19, 20.) Kapag nagagawa iyan ng Bible study, nagiging gaya siya ng “matalinong tao” sa ilustrasyon ni Jesus na humukay nang malalim para magtayo ng bahay niya sa ibabaw ng malaking bato. (Mat. 7:24, 25; Luc. 6:47, 48) Paano natin matutulungan ang Bible study na isabuhay ang mga natututuhan niya? Talakayin natin ang tatlong paraan.
4. Paano natin matutulungan ang Bible study na patuloy na sumulong at mabautismuhan? (Tingnan din ang kahong “Tulungan ang Bible Study Mo na Magkaroon ng mga Goal at Maabot ang mga Ito.”)
4 Tulungan ang Bible study mo na magkaroon ng mga goal. Bakit dapat mong gawin iyan? Kung nagpaplano kang mag-road trip nang malayo-layo, baka maisip mong tumigil na rin sa magagandang lugar na madadaanan mo para hindi ka naman mainip sa biyahe mo. Kung magkakaroon din ng mga short-term goal ang isang Bible study at maaabot niya ang mga ito, malamang na makikita niyang kaya rin niyang maabot ang goal na magpabautismo. Gamitin ang seksiyong “Subukan Ito” ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman para tulungan ang study mo na sumulong. Sa dulo ng bawat aralin, pag-usapan kung paano makakatulong ang goal ng study mo para maisabuhay niya ang natutuhan niya. Kung may naiisip kang ibang goal para sa kaniya, isulat ito sa “Iba pa.” Laging gamitin ang seksiyong ito para i-review ang short-term at long-term goal ng study mo.
5. Ayon sa Marcos 10:17-22, ano ang ipinapagawa ni Jesus sa mayamang lalaki, at bakit?
5 Tulungan ang Bible study mo na gumawa ng pagbabago. (Basahin ang Marcos 10:17-22.) Alam ni Jesus na hindi magiging madali para sa mayamang lalaki na ipagbili ang lahat ng pag-aari niya. (Mar. 10:23) Pero sinabi pa rin ni Jesus sa lalaking iyon na gawin ang malaking pagbabagong ito. Bakit? Dahil mahal siya ni Jesus. Kung minsan, baka nag-aalangan tayo na sabihin sa study natin na isabuhay ang natutuhan niya dahil iniisip natin na hindi pa siya handa. Kailangan ng panahon para mabago ng mga tao ang mga nakasanayan nila at maisuot ang bagong personalidad. (Col. 3:9, 10) Pero kung sasabihin natin ito agad sa kaniya, makakagawa na rin siya agad ng pagbabago. Kung gagawin mo iyan, ipinapakita mong nagmamalasakit ka sa kaniya.—Awit 141:5; Kaw. 27:17.
6. Bakit dapat nating tanungin ang Bible study natin kung ano ang opinyon o pananaw niya?
6 Mahalagang tanungin ang Bible study mo kung ano ang opinyon o pananaw niya sa tinatalakay ninyo. Makikita mo dito kung ano ang naiintindihan niya at mga paniniwala. Kung regular mong gagawin ito, magiging madali na para sa iyo na kausapin siya tungkol sa sensitibong mga bagay. Ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman ay naglalaman ng maraming tanong para malaman ang opinyon o pananaw ng Bible study. Halimbawa, sa aralin 04, may tanong na “Ano kaya ang nararamdaman ni Jehova kapag ginagamit mo ang pangalan niya?” Sa aralin 09 naman, may tanong na “Ano ang ilang bagay na gusto mong ipanalangin?” Sa umpisa, baka mahirapan ang study mo na sagutin ang mga tanong na ito. Matutulungan mo siya kung sasanayin mo siyang mag-isip batay sa mga teksto sa Bibliya at mga larawan sa aklat.
7. Paano natin epektibong magagamit ang mga karanasan?
7 Kapag naintindihan na ng Bible study mo ang mga kailangan niyang gawin, gumamit ng mga karanasan para mapakilos siya. Halimbawa, kung hindi siya regular na nakakadalo, ipakita sa kaniya ang video na Nagmamalasakit sa Akin si Jehova sa seksiyong “Tingnan Din” ng aralin 14. Maraming aralin sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman ang may mga karanasan sa seksiyong “Pag-aralan” o “Tingnan Din.”b Huwag ikumpara ang study mo sa iba at sabihing “Kung kaya niya, kaya mo rin.” Hayaan mong siya ang maka-realize nito. Mas maganda kung babanggitin mo sa kaniya ang mga espesipikong bagay na nakatulong sa nasa video para masunod ang mga natutuhan niya sa Bibliya. Baka puwede kang bumanggit ng isang mahalagang teksto o ng praktikal na bagay na ginawa ng nasa video. Sikaping idiin kung paano tinulungan ni Jehova ang taong iyon.
8. Paano natin matutulungan ang Bible study natin na mahalin si Jehova?
8 Tulungan ang Bible study mo na mahalin si Jehova. Paano? Humanap ng mga pagkakataon para maidiin ang mga katangian ni Jehova. Tulungan ang study mo na makitang si Jehova ay isang maligayang Diyos na sumusuporta sa mga nagmamahal sa kaniya. (1 Tim. 1:11; Heb. 11:6) Ipakita sa kaniya na mapapabuti siya kung isasabuhay niya ang natutuhan niya at ipaliwanag na katunayan ito na mahal siya ni Jehova. (Isa. 48:17, 18) Habang mas minamahal ng study mo si Jehova, mas lalo niyang gugustuhin na gumawa ng mga pagbabago.—1 Juan 5:3.
IPAKILALA ANG BIBLE STUDY MO SA MGA KAPATID
9. Batay sa Marcos 10:29, 30, ano ang makakatulong para makapagsakripisyo ang isa at mabautismuhan?
9 Kailangang magsakripisyo ng Bible study para sumulong at mabautismuhan. Gaya ng mayamang lalaki na binanggit kanina, baka kailangang isakripisyo ng ilang Bible study ang materyal na mga bagay. Kung hindi kaayon ng mga prinsipyo sa Bibliya ang trabaho nila, baka kailangan pa nga nilang humanap ng ibang trabaho. Kinailangan din ng marami na iwan ang mga kaibigan nila na hindi nagmamahal kay Jehova. Ang iba naman ay itinakwil ng mga kapamilya nila na ayaw sa mga Saksi ni Jehova. Alam ni Jesus na mahirap para sa ilan na gumawa ng ganitong mga sakripisyo. Pero nangangako siya na ang mga susunod sa kaniya ay gagantimpalaan at bibigyan ng isang mapagmahal na espirituwal na pamilya. (Basahin ang Marcos 10:29, 30.) Paano mo matutulungan ang Bible study mo na magkaroon ng magandang regalong ito?
10. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Manuel?
10 Kaibiganin ang Bible study mo. Mahalagang maipakita mo sa study mo na nagmamalasakit ka sa kaniya. Bakit? Pansinin ang sinabi ni Manuel, na taga-Mexico. Naalala niya noong Bible study pa siya: “Bago kami magsimula, lagi akong kinukumusta ng nag-i-study sa akin. Kaya nare-relax ako at nasasabi ko sa kaniya ang iba pang mga bagay. Nararamdaman kong talagang nagmamalasakit siya sa akin.”
11. Bakit mahalagang maglaan tayo ng panahon para makasama ang mga Bible study natin?
11 Maglaan ng panahon sa mga Bible study mo, gaya ng ginawa ni Jesus sa mga tagasunod niya. (Juan 3:22) Kung sumusulong na ang Bible study mo, baka puwede mo siyang imbitahan sa inyo na magkape, kumain, o manood ng Broadcasting. Siguro, mas matutuwa siya kung iimbitahan mo siya sa panahon ng mga holiday dahil baka hindi na siya nagse-celebrate ng mga ito kasama ng mga kaibigan at pamilya niya. “Marami din akong natututuhan tungkol kay Jehova kapag nagba-bonding kami ng nagba-Bible study sa akin,” ang sabi ni Kazibwe, na taga-Uganda. “Nakita ko kung gaano nagmamalasakit si Jehova sa bayan niya at kung gaano sila kasaya. Iyan ang gusto kong buhay.”
12. Bakit dapat tayong magsama ng iba’t ibang kapatid sa pagba-Bible study?
12 Magsama ng iba’t ibang kapatid sa pagba-Bible study. Baka gusto natin na tayo na lang ang mag-study o iyon at iyon ding kapatid ang isama natin sa pag-i-study. Baka nga mas madali iyon. Pero mas makakabuti sa Bible study natin kung iba’t ibang kapatid ang isasama natin. “Iba-iba ang paraan ng pagpapaliwanag ng mga sumasama sa pag-i-study sa akin,” ang sabi ni Dmitrii, na taga-Moldova. “Nakatulong iyon para makita ko ang iba’t ibang anggulo ng mga pinag-aaralan namin. At noong una akong dumalo, hindi na rin ako gaanong nahiya kasi marami na ’kong kilalang kapatid.”
13. Bakit dapat nating tulungan ang Bible study natin na dumalo sa pulong?
13 Tulungan ang Bible study mo na dumalo sa pulong. Bakit? Dahil iniutos ni Jehova na magtipon ang mga mananamba niya at bahagi ito ng pagsamba sa kaniya. (Heb. 10:24, 25) Bukod diyan, ang mga kapatid ang ating espirituwal na pamilya. Kapag nagpupulong tayo, para tayong isang pamilya na nagsasalo-salo sa isang masarap na pagkain. Kapag tinulungan mo ang Bible study mo na dumalo sa pulong, tinulungan mo siya na magawa ang isa sa pinakaimportanteng hakbang para mabautismuhan. Pero baka hindi iyon madali para sa kaniya. Paano makakatulong sa kaniya ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman?
14. Paano natin mapapakilos ang Bible study natin na dumalo sa pulong?
14 Gamitin ang aralin 10 ng Masayang Buhay Magpakailanman para mapakilos ang Bible study mo. Bago i-release ang aklat, ipinasubok muna ang araling ito sa makaranasang mga kapatid. Sinabi nila na malaki ang naitulong nito para mapadalo ang mga Bible study nila. Pero puwede mo nang imbitahan ang study mo na dumalo kahit wala pa kayo sa aralin 10. Imbitahan siya agad at gawin ito nang regular. Iba-iba ang hamon sa mga Bible study. Kaya maging alerto sa pangangailangan ng study mo, at tingnan kung ano ang maitutulong mo. Kung hindi siya agad makadalo, huwag madismaya. Maging matiyaga at huwag sumuko.
TULUNGAN ANG BIBLE STUDY MO NA HUWAG MATAKOT
15. Ano ang posibleng ikinakatakot ng Bible study natin?
15 Medyo natakot ka rin ba na maging Saksi ni Jehova? Baka naisip mong hindi mo kayang magbahay-bahay. O baka natakot ka sa magiging reaksiyon ng pamilya mo o mga kaibigan. Kung ganoon, maiintindihan mo ang Bible study mo. Sinabi ni Jesus na posible talagang matakot ang ilan. Pero sinabi niya sa mga tagasunod niya na huwag nilang hayaan na dahil sa takot ay tumigil sila sa paglilingkod kay Jehova. (Mat. 10:16, 17, 27, 28) Paano tinulungan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag matakot? At paano mo siya matutularan?
16. Paano natin sasanayin ang Bible study natin na sabihin sa iba ang natututuhan niya?
16 Unti-unting sanayin ang Bible study mo na sabihin sa iba ang natututuhan niya. Posibleng kinabahan ang mga alagad ni Jesus nang isugo niya sila para mangaral. Pero tinulungan niya sila—sinabi niya kung saan sila mangangaral at kung ano ang ipapangaral nila. (Mat. 10:5-7) Paano mo matutularan si Jesus? Tulungan ang study mo na makita kung saan siya puwedeng mangaral. Halimbawa, tanungin siya kung mayroon siyang kakilala na matutulungan ng isang katotohanan mula sa Bibliya. Pagkatapos, tulungan siyang ihanda ang sasabihin niya; ipakita sa kaniya sa simpleng paraan kung paano sasabihin sa iba ang katotohanan. Puwede rin ninyong gamitin sa pagpapraktis ang seksiyong “May Nagsasabi” at “Kung May Magtanong” sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. Sanayin ang Bible study mo kung paano sasagot nang simple at mataktika gamit ang Bibliya.
17. Paano natin magagamit ang Mateo 10:19, 20, 29-31 para tulungan ang Bible study natin na magtiwala kay Jehova?
17 Tulungan ang Bible study mo na magtiwala kay Jehova. Tiniyak ni Jesus sa mga alagad niya na tutulungan sila ni Jehova dahil mahal Niya sila. (Basahin ang Mateo 10:19, 20, 29-31.) Ipaalala sa study mo na tutulungan din siya ni Jehova. Matutulungan mo siyang umasa kay Jehova kung magkasama ninyong ipapanalangin ang mga goal niya. “Madalas banggitin ng nagba-Bible study sa akin ang mga goal ko kapag nananalangin siya,” ang sabi ni Franciszek, na taga-Poland. “Nang makita ko kung paano sinagot ni Jehova ang mga panalangin ng nagba-Bible study sa akin, nagsimula na rin akong manalangin. Nadama kong tinutulungan ako ni Jehova kapag kailangan kong mag-day off sa bago kong trabaho para makadalo sa mga pulong at kombensiyon.”
18. Ano ang nadarama ni Jehova sa ginagawang pagsisikap ng mga lingkod niya?
18 Talagang nagmamalasakit si Jehova sa mga Bible study natin. Natutuwa siya sa ginagawang pagsisikap ng mga lingkod niya para tulungan ang mga tao na mapalapít sa kaniya, at mahal na mahal niya sila dahil dito. (Isa. 52:7) Kung wala kang Bible study ngayon, makakatulong ka pa rin sa mga Bible study na sumulong at mabautismuhan kung sasamahan mo sa pagba-Bible study ang ibang mga kapatid.
AWIT 60 Buhay Nila ang Nakataya
a Sa artikulong ito, tatalakayin kung paano tinulungan ni Jesus ang mga tao na maging alagad niya at kung paano natin siya matutularan. Tatalakayin din ang ilang seksiyon ng bagong aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. Dinisenyo ito para tulungan ang mga Bible study natin na sumulong at mabautismuhan.
b May makikita ka ring mga karanasan sa (1) Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng paksang “Bibliya,” pagkatapos, “Praktikal na Kahalagahan,” at pagkatapos, “‘Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay’ (Serye sa Bantayan)” o sa (2) JW Library®, sa seksiyong Media, sa ilalim ng “Mga Interbyu at Karanasan.”
c LARAWAN: Ini-study ng isang brother, kasama ng misis niya, ang isang lalaki. Nakakasama rin niya ang iba’t ibang brother kung minsan.