ARALING ARTIKULO 20
Pasulungin ang mga Panalangin Mo
“Ibuhos ninyo sa kaniya ang laman ng puso ninyo.”—AWIT 62:8.
AWIT 45 “Ang Pagbubulay-bulay ng Aking Puso”
NILALAMANa
1. Ano ang gusto ni Jehova na gawin ng mga lingkod niya? (Tingnan din ang larawan.)
SINO ang puwede nating lapitan kapag kailangan natin ng tulong at pampatibay? Siyempre, ang Diyos na Jehova. Puwede tayong manalangin sa kaniya, at iyon mismo ang gusto niyang gawin natin. Sinasabi sa Bibliya: “Lagi kayong manalangin.” (1 Tes. 5:17) Malaya tayong makakapanalangin kay Jehova para humingi ng tulong sa kahit anong bagay. (Kaw. 3:5, 6) Dahil madali siyang lapitan, puwede tayong manalangin sa kaniya kahit ilang beses.
2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Pinapahalagahan natin ang pribilehiyong manalangin. Pero sa dami ng ginagawa natin, baka mahirapan tayong maghanap ng panahon para manalangin. Baka gusto rin nating mapasulong ang mga panalangin natin. Buti na lang, may mga ulat sa Bibliya na makakatulong sa atin. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang matututuhan natin kay Jesus para matiyak nating may panahon tayong manalangin. Tatalakayin din natin ang limang bagay na mahalagang isama sa panalangin.
NAGLAAN SI JESUS NG PANAHON PARA MANALANGIN
3. Ano ang alam ni Jesus tungkol sa panalangin?
3 Alam ni Jesus na napakahalaga kay Jehova ng panalangin. Bago pa siya bumaba sa lupa, nakita na niya na sinasagot ng kaniyang Ama ang panalangin ng mga tapat, gaya nina Hana, David, Elias, at iba pa. (1 Sam. 1:10, 11, 20; 1 Hari 19:4-6; Awit 32:5) Kaya naman, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na laging manalangin at magtiwala na sasagutin sila ng Diyos.—Mat. 7:7-11.
4. Ano ang matututuhan natin sa mga panalangin ni Jesus?
4 Magandang halimbawa si Jesus sa pananalangin kay Jehova. Sa buong ministeryo niya, madalas siyang manalangin. Kailangan niyang maglaan ng panahon para manalangin kasi marami siyang ginagawa at madalas siyang puntahan ng mga tao. (Mar. 6:31, 45, 46) Kaya bumabangon siya nang maaga para makapanalangin nang mag-isa. (Mar. 1:35) May pagkakataon din na buong gabi siyang nanalangin bago gumawa ng mahalagang desisyon. (Luc. 6:12, 13) At noong gabi bago siya mamatay, paulit-ulit siyang nanalangin para makapagpokus sa pinakamahirap na bahagi ng atas niya sa lupa.—Mat. 26:39, 42, 44.
5. Paano natin matutularan si Jesus sa pananalangin?
5 Natutuhan natin kay Jesus na kahit gaano tayo ka-busy, kailangan nating maglaan ng panahon para manalangin. Halimbawa, baka kailangan nating bumangon nang mas maaga o maglaan ng panahon sa gabi para manalangin. Kung gagawin natin iyan, maipapakita natin na pinapahalagahan natin ang pribilehiyong ito. Masayang-masaya ang sister na si Lynne nang malaman niya ang tungkol sa panalangin. Sinabi niya, “Nang malaman ko na puwede akong makipag-usap kay Jehova anumang oras, nakatulong ito para ituring ko siyang malapít na Kaibigan at gusto ko pang mapasulong ang mga panalangin ko.” Siguradong ganiyan din ang marami sa atin. Kaya talakayin natin ang limang bagay na mahalagang isama sa panalangin.
LIMANG BAGAY NA MAHALAGANG ISAMA SA PANALANGIN
6. Ayon sa Apocalipsis 4:10, 11, saan karapat-dapat si Jehova?
6 Purihin si Jehova. Sa isang pangitain ni apostol Juan, nakita niya ang 24 na matatanda sa langit na sumasamba kay Jehova. Pinupuri nila ang Diyos at sinasabing karapat-dapat siya sa “kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan.” (Basahin ang Apocalipsis 4:10, 11.) Marami ring dahilan ang tapat na mga anghel para purihin si Jehova. Dahil kasama nila siya sa langit, kilalang-kilala nila siya. Nakikita nila ang mga katangian niya sa mga ginagawa niya. Dahil dito, napapakilos sila na purihin siya.—Job 38:4-7.
7. Paano natin pupurihin si Jehova sa panalangin?
7 Gusto rin nating purihin si Jehova sa mga panalangin natin. Halimbawa, puwede nating sabihin kung bakit mahal natin siya. Hanapin ang mga katangian ni Jehova kapag nagbabasa ka at nag-aaral ng Bibliya. (Job 37:23; Roma 11:33) Pagkatapos, sabihin sa kaniya kung gaano kahalaga sa iyo ang mga katangian niyang ito. Puwede rin nating purihin si Jehova dahil tinutulungan niya tayo at ang lahat ng kapatid. Talagang nagmamalasakit siya sa atin at pinoprotektahan niya tayo.—1 Sam. 1:27; 2:1, 2.
8. Magbigay ng mga dahilan para pasalamatan si Jehova. (1 Tesalonica 5:18)
8 Pasalamatan si Jehova. Marami tayong dahilan para pasalamatan si Jehova sa panalangin. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:18.) Puwede natin siyang pasalamatan sa magagandang bagay na mayroon tayo, kasi sa kaniya galing ang bawat mabuting kaloob. (Sant. 1:17) Halimbawa, puwede nating ipagpasalamat ang magandang planeta natin at ang iba pa niyang mga nilikha. Puwede rin nating ipagpasalamat ang buhay natin, pamilya, mga kaibigan, at pag-asa. At puwede nating pasalamatan si Jehova kasi pinahintulutan niya tayong maging kaibigan niya.
9. Bakit kailangan nating magsikap para mapasalamatan si Jehova?
9 Baka kailangan nating magsikap para maisip ang mga dahilan kung bakit gusto nating pasalamatan si Jehova. Marami sa ngayon ang hindi marunong magpasalamat. Mas mahalaga sa kanila ang makukuha nila kaysa ipagpasalamat kung ano ang mayroon sila. Kung mahahawa tayo sa kanila, baka maging puro hiling na lang ang laman ng panalangin natin. Ayaw nating mangyari iyan, kaya kailangan nating magsikap para mapasalamatan si Jehova sa lahat ng ginagawa niya para sa atin.—Luc. 6:45.
10. Paano nakatulong sa isang sister ang pagiging mapagpasalamat? (Tingnan din ang larawan.)
10 Makakatulong ang pagiging mapagpasalamat para makayanan natin ang mga problema. Tingnan ang karanasan ni Kyung-sook, na makikita sa Bantayan, isyu ng Enero 15, 2015. Nagkaroon siya ng malalang kanser sa baga. Sinabi niya: “Hindi ko talaga akalaing magkakasakit ako. Pakiramdam ko, nawala ang lahat sa akin; takót na takót ako.” Ano ang nakatulong sa kaniya? Sinabi niya na tuwing gabi bago siya matulog, pumupunta siya sa rooftop nila at nananalangin nang malakas tungkol sa limang bagay na ipinagpapasalamat niya sa araw na iyon. Dahil doon, gumagaan ang pakiramdam niya at gusto niyang laging pasalamatan si Jehova. Nakita niya na inaalalayan ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya kapag may mga problema sila at na mas marami pa rin ang pagpapala kaysa sa mga pagsubok. Gaya ni Kyung-sook, marami tayong dahilan para pasalamatan si Jehova kahit may mga problema tayo. Kung magiging mapagpasalamat tayo sa kaniya sa panalangin, makakapagtiis tayo at makakapanatiling masaya.
11. Pagbalik ni Jesus sa langit, bakit kailangan ng mga alagad niya ng lakas ng loob?
11 Hilingin kay Jehova na bigyan ka ng lakas ng loob sa ministeryo. Bago bumalik si Jesus sa langit, ipinaalala niya sa mga alagad niya ang atas nilang magpatotoo tungkol sa kaniya “sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8; Luc. 24:46-48) Di-nagtagal, inaresto ng mga Judiong lider sina apostol Pedro at Juan at dinala sila sa harap ng Sanedrin. Inutusan silang tumigil sa pangangaral, at pinagbantaan pa nga sila. (Gawa 4:18, 21) Ano ang ginawa nina Pedro at Juan?
12. Ayon sa Gawa 4:29, 31, ano ang ginawa ng mga alagad?
12 Nang pagbantaan sina Pedro at Juan ng mga Judiong lider ng relihiyon, sinabi nila: “Kung sa tingin ninyo ay tama sa paningin ng Diyos na makinig kami sa inyo sa halip na sa Diyos, nasa sa inyo iyon. Pero kami, hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.” (Gawa 4:19, 20) Pagkalaya nina Pedro at Juan, nanalangin sila kasama ng iba pang mga alagad: “Tulungan mo ang iyong mga alipin na patuloy na ihayag ang iyong salita nang walang takot.” Sinagot iyon ni Jehova.—Basahin ang Gawa 4:29, 31.
13. Ano ang matututuhan natin kay Jin-hyuk?
13 Matutularan natin ang mga alagad kung patuloy tayong mangangaral kahit pagbawalan tayo ng awtoridad. Tingnan ang halimbawa ni Jin-hyuk, isang brother na nabilanggo dahil sa pagiging neutral. Sa bilangguan, siya ang pinag-asikaso sa ilang bilanggo na nasa bartolina. Pero pinagbawalan siyang makipag-usap sa kanila tungkol sa ibang bagay, kasama na ang Bibliya. Kaya ipinanalangin niyang magkaroon siya ng lakas ng loob na mangaral sa bawat pagkakataon at maging maingat habang ginagawa iyon. (Gawa 5:29) Sinabi niya: “Binigyan ako ni Jehova ng lakas ng loob at karunungan. Kaya nakapagpasimula ako ng maraming limang-minutong Bible study sa may pintuan ng selda. Sa gabi naman, gumagawa ako ng sulat na ibibigay ko sa ibang bilanggo kinabukasan.” Gaya ni Jin-hyuk, makakapagtiwala rin tayo na tutulungan tayo ni Jehova na maisagawa ang ministeryo natin. Kaya ipanalangin natin na magkaroon tayo ng lakas ng loob at karunungan.
14. Ano ang tutulong sa atin na maharap ang mga problema? (Awit 37:3, 5)
14 Hilingin kay Jehova na tulungan kang maharap ang mga problema. Marami sa atin ang may pinagdadaanan, halimbawa, problema sa kalusugan o emosyon. Mayroon ding namatayan ng mahal sa buhay, may problema sa pamilya, pinag-uusig, o iba pa. Dumagdag pa ang pandemic at mga digmaan na lalong nagpahirap sa atin. Sabihin kay Jehova ang nararamdaman mo. Kausapin mo siya na gaya ng malapít mong kaibigan. Magtiwala kang ‘kikilos siya para sa iyo.’—Basahin ang Awit 37:3, 5.
15. Paano makakatulong sa atin ang panalangin para ‘makapagtiis habang nagdurusa’? Magbigay ng halimbawa.
15 Kung matiyaga tayo sa pananalangin, ‘makakapagtiis tayo habang nagdurusa.’ (Roma 12:12) Alam ni Jehova ang pinagdadaanan ng mga lingkod niya—“dinirinig niya ang paghingi nila ng tulong.” (Awit 145:18, 19) Totoong-totoo iyan kay Kristie, isang payunir na 29 na taóng gulang. Nagkaroon siya ng malalang problema sa kalusugan, kaya sobra siyang na-depress. Di-nagtagal, nagkaroon din ng nakakamatay na sakit ang nanay niya. Sinabi ni Kristie: “Marubdob akong nanalangin kay Jehova na bigyan ako ng lakas para makayanan ko ang bawat araw. Sinisikap kong regular na dumalo sa mga pulong at mag-personal study.” Sinabi pa niya: “Nakatulong ang panalangin para makayanan ko ang mahihirap na sitwasyon. Alam kong laging nandiyan si Jehova, at nakatulong iyon para maging kalmado ako. Hindi naman ako agad gumaling. Pero binigyan ako ni Jehova ng kapayapaan ng isip at puso.” Tandaan na “alam ni Jehova kung paano iligtas ang mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”—2 Ped. 2:9.
16. Bakit kailangan natin ang tulong ni Jehova para malabanan ang mga tukso?
16 Hilingin kay Jehova na malabanan ang mga tukso. Dahil hindi tayo perpekto, kailangan nating patuloy na labanan ang mga tukso na gumawa ng masama. Ayaw ni Satanas na gawin natin iyan. Kaya gagawin niya ang lahat para sumuko tayo. Isa sa mga ginagamit niya ay ang masasamang libangan. Pinaparumi nito ang isip natin. At dahil diyan, puwede tayong maging marumi sa harap ni Jehova at makagawa ng malubhang kasalanan.—Mar. 7:21-23; Sant. 1:14, 15.
17. Pagkatapos manalangin, ano pa ang dapat nating gawin para makaiwas sa tukso? (Tingnan din ang larawan.)
17 Para malabanan ang mga tukso, kailangan natin ang tulong ni Jehova. Kasama iyan sa mga hiniling ni Jesus sa modelong panalangin: “Huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na masama.” (Mat. 6:13) Gusto tayong tulungan ni Jehova, pero dapat tayong humingi ng tulong sa kaniya sa panalangin at gawin ang lahat para hindi tayo mahawa sa mga kaisipan ng sanlibutan ni Satanas. (Awit 97:10) Punuin ng mabubuting bagay ang isip natin. Regular nating basahin at pag-aralan ang Bibliya. Makakatulong din ang pangangaral at pagdalo sa mga pulong. Kapag ginawa natin ang mga iyan, nangangako si Jehova na hindi niya tayo hahayaang matukso nang higit sa matitiis natin.—1 Cor. 10:12, 13.
18. Paano natin mapapasulong ang mga panalangin natin?
18 Dahil mahirap ang kalagayan sa mga huling araw na ito, mas kailangan nating manalangin kay Jehova para makapanatiling tapat. Maglaan ng panahon araw-araw para makapanalangin nang mula sa puso. Gusto ni Jehova na ‘ibuhos natin sa kaniya ang laman ng puso natin.’ (Awit 62:8) Purihin si Jehova at pasalamatan siya sa lahat ng ginagawa niya. Hilingin sa kaniya na bigyan ka ng lakas ng loob sa ministeryo. Humingi ng tulong para makayanan ang mga problema at malabanan ang tukso. Huwag hayaan na may makapigil sa iyo sa regular na pananalangin kay Jehova. Pero paano sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 42 Ang Panalangin ng Lingkod ng Diyos
a Gusto natin na mula sa puso ang mga panalangin natin, gaya ng mga sulat sa isang malapít na kaibigan. Pero minsan, baka kaunti lang ang panahon natin para manalangin at baka hindi natin alam kung ano ang ipapanalangin natin. Makakatulong sa atin ang artikulong ito.