ARALING ARTIKULO 14
AWIT BLG. 56 Manindigan Ka sa Katotohanan
‘Sumulong sa Pagiging Maygulang’
“Sumulong tayo sa pagiging maygulang.”—HEB. 6:1.
MATUTUTUHAN
Kung paano nag-iisip at kumikilos ang isang may-gulang na Kristiyano ayon sa kalooban ng Diyos at kung paano siya gumagawa ng mahusay na mga desisyon.
1. Ano ang inaasahan ni Jehova sa atin?
ANG pagsilang ng isang malusog na baby ang isa sa pinakamasayang pangyayari sa buhay ng mga mag-asawa. Pero kahit gaano kamahal ng mga magulang ang baby nila, ayaw nila na manatili na lang itong baby habambuhay. Ang totoo, mag-aalala sila kung hindi ito lumalaki. Ganiyan din si Jehova. Masaya siya noong nagpasiya tayong kilalanin siya. Pero ayaw niyang hanggang doon na lang tayo. (1 Cor. 3:1) Sa halip, inaasahan niya na magiging “nasa hustong-gulang” na mga Kristiyano tayo.—1 Cor. 14:20.
2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Ano ang ibig sabihin ng pagiging nasa hustong-gulang na Kristiyano? Paano tayo magiging may-gulang na Kristiyano? Paano makakatulong ang matigas na espirituwal na pagkain para sumulong tayo? At bakit natin dapat iwasan ang pagkakaroon ng sobrang tiwala sa sarili? Sasagutin natin ang mga iyan sa artikulong ito.
ANO ANG IBIG SABIHIN NG PAGIGING MAY-GULANG NA KRISTIYANO?
3. Ano ang ibig sabihin ng pagiging nasa hustong-gulang na Kristiyano?
3 Sa Bibliya, ang salitang Griego na isinaling “hustong-gulang” ay puwede ring mangahulugang “maygulang,” “perpekto,” at “ganap.”a (1 Cor. 2:6) Gaya ng baby na patuloy na lumalaki hanggang sa maging adulto ito, kailangan din nating patuloy na palalimin ang kaugnayan natin kay Jehova para maging may-gulang na Kristiyano tayo. Pero kahit maygulang na tayo, kailangan pa rin nating patuloy na sumulong. (1 Tim. 4:15) At lahat tayo, kasama na ang mga kabataan, ay puwedeng maging may-gulang na mga Kristiyano. Pero paano natin masasabi na may-gulang na Kristiyano na tayo?
4. Paano masasabing maygulang na ang isang Kristiyano?
4 Sinusunod ng may-gulang na Kristiyano ang lahat ng pamantayan ng Diyos. Hindi siya namimili ng gusto lang niyang sundin. Siyempre, hindi pa rin siya perpekto, kaya magkakamali pa rin siya. Pero makikita sa pamumuhay niya araw-araw na nag-iisip siya at kumikilos ayon sa kalooban ng Diyos. Isinuot na niya ang bagong personalidad, at patuloy niyang sinisikap na tularan ang pag-iisip ng Diyos. (Efe. 4:22-24) Sinanay rin niya ang sarili niya na magdesisyon base sa mga utos at prinsipyo ni Jehova, kaya hindi niya kailangan ang mahabang listahan ng mga patakaran na susundin. Kapag nakapagdesisyon na siya, ginagawa niya ang lahat para masunod iyon.—1 Cor. 9:26, 27.
5. Ano ang puwedeng mangyari kung hindi pa maygulang ang isang Kristiyano? (Efeso 4:14, 15)
5 Kapag hindi pa maygulang, o matured, ang isang Kristiyano, madali siyang ‘madadaya’ at mabibiktima ng “tusong mga pakana.” Baka maniwala rin siya agad sa mga maling impormasyon at apostata.b (Basahin ang Efeso 4:14, 15.) Baka madali rin siyang mainggit, mainis, maghinanakit, o madala ng tukso.—1 Cor. 3:3.
6. Paano nagiging may-gulang na Kristiyano ang isa? Magbigay ng ilustrasyon. (Tingnan din ang larawan.)
6 Gaya ng binanggit kanina, inihalintulad ng Bibliya sa paglaki ng isang bata ang pagsulong tungo sa pagiging maygulang. Marami pang hindi alam ang isang bata, kaya kailangan niya ang patnubay at proteksiyon ng isang adulto. Isipin ito: Kung tatawid sa kalsada ang isang nanay kasama ang anak niya, hahawakan niya ang kamay nito. Habang lumalaki ang anak niya, baka hayaan na niya itong tumawid mag-isa, pero papaalalahanan pa rin niya ito na tingnan muna kung walang dumadaang sasakyan. Kapag naging adulto na ang bata, alam na niya ang mga panganib. Kung paanong kailangan ng mga bata ang tulong ng mga adulto para makaiwas sa panganib, kailangan din ng mga Kristiyanong hindi pa matured ang tulong ng mga may-gulang na Kristiyano. Sa kabaligtaran, kung gagawa ng desisyon ang isang may-gulang na Kristiyano, pag-iisipan niya munang mabuti ang mga prinsipyo sa Bibliya para malaman ang kaisipan ni Jehova, at pagkatapos, susundin niya ito.
7. Kailangan ba ng isang may-gulang na Kristiyano ang tulong ng iba?
7 Ibig bang sabihin, hindi na kailangan ng isang may-gulang na Kristiyano ang tulong ng iba? Ang totoo, may mga pagkakataong kailangan din niya ng tulong. Kapag sumusulong pa lang ang isa sa pagiging maygulang, baka inaasahan niya na may magsasabi sa kaniya ng gagawin niya. Pero kapag isang may-gulang na Kristiyano ang kailangang magdesisyon, humihingi rin siya ng tulong sa iba na mas marunong at mas makaranasan. Pero alam niya na siya ang magiging responsable sa desisyon niya at siya mismo ang “magdadala ng sarili niyang pasan.”—Gal. 6:5.
8. Sa ano nagkakaiba ang mga may-gulang na Kristiyano?
8 Kung paanong magkakaiba ng hitsura ang mga adulto, magkakaiba rin ng katangian ang mga may-gulang na Kristiyano. Halimbawa, may ilan na matalino, malakas ang loob, mapagpatuloy, at mapagmalasakit. Puwede rin na magkaiba ang opinyon ng dalawang may-gulang na Kristiyano sa iisang sitwasyon. Pero pareho naman itong makakasulatan. Madalas na nangyayari ito kapag kailangan nilang magpasiya base sa konsensiya. Kaya iginagalang pa rin nila ang isa’t isa kahit magkaiba sila ng desisyon. Mas mahalaga sa kanila ang pagkakaisa.—Roma 14:10; 1 Cor. 1:10.
PAANO TAYO SUSULONG PARA MAGING MAY-GULANG NA KRISTIYANO?
9. Awtomatiko ba tayong magiging may-gulang na Kristiyano? Ipaliwanag.
9 Natural na lumalaki ang isang bata at nagiging adulto sa paglipas ng panahon. Pero hindi awtomatikong nagiging may-gulang na Kristiyano ang isa. Halimbawa, tinanggap ng mga kapatid sa Corinto ang mabuting balita, nabautismuhan sila, tumanggap ng banal na espiritu, at natuto sa mga itinuro ni apostol Pablo. (Gawa 18:8-11) Pero paglipas ng ilang taon pagkatapos nilang mabautismuhan, marami sa kanila ang hindi pa rin may-gulang na Kristiyano. (1 Cor. 3:2) Paano natin maiiwasang mangyari sa atin iyan?
10. Ano ang dapat nating gawin para maging may-gulang na Kristiyano tayo? (Judas 20)
10 Para maging may-gulang na Kristiyano, dapat na determinado tayong sumulong. Nananatiling sanggol sa espirituwal at hindi sumusulong ang mga “gustong manatiling walang karanasan.” (Kaw. 1:22) Ayaw nating maging gaya ng mga adulto na nakadepende pa rin sa mga magulang nila kapag nagdedesisyon. Gusto nating tayo mismo ang magpalalim ng pag-ibig natin kay Jehova. (Basahin ang Judas 20.) Kung sinisikap mong maging may-gulang na Kristiyano, ipanalangin mo kay Jehova na bigyan ka ng “pagnanais at lakas para kumilos [ka] ayon sa kagustuhan niya.”—Fil. 2:13.
11. Ano ang inilaan ni Jehova para sumulong tayo at maging maygulang? (Efeso 4:11-13)
11 Alam ni Jehova na kailangan natin ang tulong ng iba para sumulong tayo at maging maygulang. Binigyan niya tayo ng mga pastol at guro sa kongregasyon para tulungan tayo na “maging adulto, hanggang sa maging maygulang tayo gaya ng Kristo.” (Basahin ang Efeso 4:11-13.) Inilalaan din ni Jehova ang banal na espiritu niya para tulungan tayong magkaroon ng “pag-iisip ni Kristo.” (1 Cor. 2:14-16) Bukod diyan, ipinasulat ng Diyos ang apat na Ebanghelyo para tulungan tayong makita kung paano nag-isip, nagsalita, at kumilos si Jesus noong nandito siya sa lupa. Kung tutularan natin si Jesus, magiging may-gulang na Kristiyano tayo.
ANG NAGAGAWA NG MATIGAS NA ESPIRITUWAL NA PAGKAIN
12. Ano ang “unang mga doktrina tungkol sa Kristo”?
12 Para sumulong tayo at maging may-gulang na Kristiyano, dapat na “nalampasan na natin ang unang mga doktrina,” o pangunahing mga turo, tungkol sa Kristo. Kasama diyan ang turo tungkol sa pagsisisi, pananampalataya, bautismo, at pagkabuhay-muli. (Heb. 6:1, 2) Iyan ang pangunahing mga turo na pinaniniwalaan ng lahat ng Kristiyano. Kaya nang mangaral si apostol Pedro noong Pentecostes, iyan ang mga itinuro niya. (Gawa 2:32-35, 38) Dapat na tanggapin natin ang pangunahing mga turong ito para maging alagad tayo ni Kristo. Halimbawa, sinabi ni Pablo na hindi tayo tunay na mga Kristiyano kung hindi tayo naniniwala sa pagkabuhay-muli. (1 Cor. 15:12-14) Pero hindi tayo dapat makontento sa pangunahing mga katotohanan.
13. Ano ang dapat nating gawin para makinabang sa matigas na espirituwal na pagkain na binanggit sa Hebreo 5:14? (Tingnan din ang larawan.)
13 Di-gaya ng mga pangunahing turo, ang matigas na espirituwal na pagkain ay hindi lang tumutukoy sa mga utos ni Jehova. Kasama rin dito ang mga prinsipyo sa Bibliya, na tumutulong sa atin na maintindihan ang pag-iisip niya. Para makinabang tayo sa matigas na espirituwal na pagkain, dapat pag-aralan natin ang Salita ng Diyos, bulay-bulayin ito, at gawin ang buong makakaya natin para masunod ang mga natutuhan natin. Kapag ginawa natin iyan, matututo tayong gumawa ng mga desisyong magpapasaya kay Jehova.c—Basahin ang Hebreo 5:14.
14. Paano tinulungan ni Pablo ang mga taga-Corinto na sumulong sa pagiging maygulang?
14 Ang mga Kristiyanong hindi pa maygulang ay kadalasan nang nahihirapang magdesisyon sa mga sitwasyong hindi espesipikong binabanggit sa Bibliya. Kapag walang espesipikong utos sa Bibliya, baka maisip ng ilan na puwede nilang gawin ang anumang gusto nila. Baka may iba naman na gumawa ng patakaran kahit hindi naman kailangan. Halimbawa, sumulat kay Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto para itanong kung puwede silang kumain ng karne na inihandog sa mga idolo. Imbes na sabihin kung ano ang gagawin nila, sinabi ni Pablo na may ‘karapatang pumili’ ang bawat isa ayon sa konsensiya nila. Bumanggit siya ng ilang prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa kanila na makapagdesisyon nang hindi sila makokonsensiya at hindi makakatisod sa iba. (1 Cor. 8:4, 7-9) Tinulungan ni Pablo ang mga taga-Corinto na magdesisyon ayon sa Kasulatan imbes na umasa sa iba o maghanap ng espesipikong mga utos. Talagang nagsikap siyang tulungan sila na maging maygulang sa espirituwal.
15. Paano tinulungan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na sumulong?
15 May mahalaga tayong matututuhan sa mga isinulat ni Pablo para sa mga Hebreong Kristiyano. May ilan sa kanila na hindi sumulong; “gatas ulit ang kailangan [nila] sa halip na matigas na [espirituwal] na pagkain.” (Heb. 5:12) Hindi nila natutuhan at tinanggap ang mga bagong bagay na itinuturo noon sa kanila ni Jehova sa pamamagitan ng kongregasyon. (Kaw. 4:18) Halimbawa, kahit mga 30 taon na mula noong wakasan ng haing pantubos ni Jesus ang Kautusang Mosaiko, marami pa rin ang nagsasabi na dapat sundin ito. (Roma 10:4; Tito 1:10) Siguradong sapat naman na ang halos 30 taon para matanggap ng mga Judiong Kristiyano ang pagbabagong ito! Sa liham ni Pablo para sa mga Hebreo, tinulungan niya silang maintindihan ang malalalim na katotohanang itinuro niya. Nakatulong ito sa kanila na makita na nakakahigit ang bagong paraan ng pagsamba kay Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Nagbigay rin ito sa kanila ng lakas ng loob na mangaral kahit na may mga pag-uusig noon.—Heb. 10:19-23.
IWASAN ANG PAGKAKAROON NG SOBRANG TIWALA SA SARILI
16. Ano pa ang kailangan nating gawin kapag sumulong na tayo at naging maygulang?
16 Kapag sumulong na tayo at naging maygulang, dapat tayong magsikap na mapanatili ito. Kaya dapat nating iwasan ang pagkakaroon ng sobrang tiwala sa sarili. (1 Cor. 10:12) Dapat na “patuloy [nating] subukin” ang sarili natin para matiyak na tuloy-tuloy ang pagsulong natin.—2 Cor. 13:5.
17. Paano ipinapakita ng liham ni Pablo sa mga taga-Colosas na kailangan nating manatiling maygulang?
17 Sa liham ni Pablo sa mga taga-Colosas, ipinakita niyang kailangan nilang manatiling maygulang. Kahit may-gulang na mga Kristiyano na sila, sinabihan pa rin sila ni Pablo na dapat silang mag-ingat para hindi sila madaya ng kaisipan ng mundo. (Col. 2:6-10) Isa pa, laging ipinapanalangin ni Epafras na ‘manatiling may-gulang’ ang mga kapatid sa kongregasyon. (Col. 4:12) Lumilitaw na kilalang-kilala niya sila. Ano ang natutuhan natin dito? Para kina Pablo at Epafras, kailangan ang pagsisikap at tulong ng Diyos para mapanatili natin ang pagiging maygulang. Gusto nilang magawa ito ng mga taga-Colosas anumang hamon ang mapaharap sa mga ito.
18. Ano ang posibleng mangyari sa isang may-gulang na Kristiyano? (Tingnan din ang larawan.)
18 Nagbabala si Pablo sa mga Hebreo na posibleng tuluyang maiwala ng isang may-gulang na Kristiyano ang pagsang-ayon ng Diyos. Kapag tumigas na ang puso ng isang Kristiyano, baka hindi na siya makapagsisi at tumanggap ng kapatawaran ng Diyos. Buti na lang, hindi umabot sa ganiyang punto ang mga Hebreo. (Heb. 6:4-9) Pero paano naman ang mga naging inactive o tiwalag sa panahon natin ngayon? Kung magpapakumbaba sila at magsisisi, maipapakita nilang hindi sila gaya ng mga tinutukoy ni Pablo sa isinulat niya. Pero kailangan nila ang tulong na ilalaan ni Jehova kapag nanumbalik sila. (Ezek. 34:15, 16) Puwedeng mag-atas ang mga elder ng isang makaranasang kapatid na tutulong sa kanila na maibalik ang kaugnayan nila kay Jehova.
19. Ano ang dapat na sikapin nating gawin?
19 Kung sinisikap mo ngayon na sumulong at maging may-gulang na Kristiyano, magagawa mo iyan! Patuloy na kumain ng matigas na espirituwal na pagkain at tularan ang pag-iisip ni Jehova. At kung naging may-gulang na Kristiyano ka na, gawin mo ang lahat para mapanatili ito.
ANO ANG SAGOT MO?
Ano ang ibig sabihin ng pagiging may-gulang na Kristiyano?
Paano tayo susulong at magiging may-gulang na Kristiyano?
Paano natin maiiwasan ang pagkakaroon ng sobrang tiwala sa sarili?
AWIT BLG. 65 Sulong Na!
a Hindi binabanggit sa Hebreong Kasulatan ang mga salitang “maygulang” at “di-maygulang,” pero may mga ulat tungkol sa mga konsepto o ideyang ito. Halimbawa, sa aklat ng Kawikaan, ipinakitang magkaiba ang isang kabataang walang karanasan at ang isang taong marunong at may unawa.—Kaw. 1:4, 5.
b Tingnan ang “Mag-ingat sa Maling Impormasyon” sa serye ng mga artikulong “Iba Pang Paksa” na nasa jw.org at JW Library.®
c Tingnan ang seksiyong “Study Project” sa isyung ito.
d LARAWAN: Sinunod ng isang brother ang mga prinsipyo na natutuhan niya sa Bibliya sa pagpili ng libangan.