ARALING ARTIKULO 21
AWIT BLG. 107 Tularan ang Pag-ibig ni Jehova
Kung Paano Ka Makakahanap ng Mapapangasawa
“Sino ang makakahanap ng mahusay na asawang babae? Mas malaki ang halaga niya kaysa sa mga korales.”—KAW. 31:10.
MATUTUTUHAN
Mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong para makahanap ang isa ng mahusay na asawa at kung paano mapapatibay ng mga kapatid sa kongregasyon ang mga single na gustong mag-asawa.
1-2. (a) Ano ang dapat pag-isipan ng mga single na Kristiyano bago makipagligawan? (b) Anong panahon sa buhay ng mga single na Kristiyano ang pag-uusapan sa artikulong ito at sa susunod? (Tingnan ang talababa.)
GUSTO mo bang mag-asawa? Hindi kailangang mag-asawa para maging masaya. Pero maraming single na Kristiyano, kabataan man o may-edad, ang nag-iisip na mag-asawa. Siyempre, bago ka makipagligawan, dapat mayroon ka nang matibay na kaugnayan kay Jehova, kilalang-kilala mo na ang sarili mo, at kaya mo nang makapaglaan sa materyal.a (1 Cor. 7:36) Kung ganiyan ang kalagayan mo, mas malamang na maging matagumpay ang pag-aasawa mo.
2 Pero hindi laging madaling makahanap ng mahusay na mapapangasawa. (Kaw. 31:10) At kahit makahanap ka ng isa na gusto mong kilalanin, baka mahirapan ka ring simulan ang panliligaw.b Kaya tatalakayin natin ngayon kung ano ang makakatulong sa mga single na Kristiyano para makahanap ng mahusay na mapapangasawa. Tatalakayin din natin kung ano muna ang puwede nilang gawin bago simulan ang panliligaw. Pagkatapos, titingnan natin kung paano mapapatibay ng mga kapatid sa kongregasyon ang mga gustong mag-asawa.
KUNG PAANO MAKAKAHANAP NG MAHUSAY NA ASAWA
3. Ano ang mga dapat pag-isipan ng isang Kristiyano kapag naghahanap ng mapapangasawa?
3 Kung gusto mong mag-asawa, dapat alam mo na kung ano ang gusto mo sa mapapangasawa mo bago ka manligaw. Kasi kung hindi, baka mapalampas mo ang isa na mahusay o kaya naman, makatuluyan mo ang hindi pala bagay sa iyo. Siyempre, dapat na bautisadong Kristiyano lang ang liligawan mo. (1 Cor. 7:39) Pero hindi lahat ng bautisado ay magiging mahusay na asawa para sa iyo. Kaya tanungin ang sarili: ‘Ano ba ang mga goal ko sa buhay? Anong mga katangian ang gusto kong makita sa mapapangasawa ko? Makatuwiran ba ang mga inaasahan ko?’
4. Ano ang ipinapanalangin ng ilan?
4 Kung naghahanap ka ng mapapangasawa, siguradong isinasama mo iyan sa panalangin mo. (Fil. 4:6) Hindi pinangakuan ni Jehova ang bawat isa sa atin ng mapapangasawa. Pero nagmamalasakit siya sa iyo, alam niya ang mga kailangan at nararamdaman mo, at kaya ka niyang tulungan na makahanap ng mapapangasawa. Kaya patuloy mong sabihin sa kaniya ang mga gusto at nararamdaman mo. (Awit 62:8) Ipanalangin mong maging matiisin ka at marunong. (Sant. 1:5) Sinabi ni John,c isang single na brother mula sa United States: “Sinasabi ko kay Jehova ang mga katangiang hinahanap ko sa mapapangasawa ko. Ipinapanalangin ko na sana, may makilala ako. Hinihiling ko rin kay Jehova na tulungan akong magkaroon ng mga katangiang kailangan para maging mahusay na asawa.” Sinabi naman ni Tanya, isang sister mula sa Sri Lanka, “Habang naghahanap ako ng mahusay na mapapangasawa, hinihiling ko kay Jehova na tulungan akong manatiling tapat, positibo, at masaya.” Kung hindi ka man makahanap agad ng mapapangasawa, ipinapangako sa iyo ni Jehova na ilalaan niya ang pangangailangan mo sa pisikal at emosyonal.—Awit 55:22.
5. Sa anong mga pagkakataon ka posibleng makakilala ng isa na nagmamahal kay Jehova? (1 Corinto 15:58) (Tingnan din ang larawan.)
5 Sinasabi sa atin ng Bibliya na dapat, lagi tayong “maraming ginagawa para sa Panginoon.” (Basahin ang 1 Corinto 15:58.) Dahil abala ka sa paglilingkod kay Jehova, nakakasama mo ang iba’t ibang kapatid, at napapatibay ka. Pero hindi lang iyan, nagkakaroon ka rin ng pagkakataong makakilala ng mga single na Kristiyano, na gaya mo, nakapokus sa paglilingkod kay Jehova. At habang ginagawa mo ang buong makakaya mo para kay Jehova, talagang magiging masaya ka.
6. Ano ang dapat tandaan ng mga Kristiyano habang naghahanap ng mapapangasawa?
6 Tandaan: Huwag hayaang maging pokus ng buhay mo ang paghahanap ng asawa. (Fil. 1:10) Hindi kailangan na may asawa ka para maging masaya. Nakadepende ang tunay na kaligayahan sa mabuting kaugnayan mo kay Jehova. (Mat. 5:3) At habang single ka pa, mas magagawa mong palawakin ang ministeryo mo. (1 Cor. 7:32, 33) Gamiting mabuti ang panahong ito ng buhay mo. Si Jessica, na taga-United States, ay nag-asawa noong malapit na siyang mag-40. Sinabi niya, “Noong single ako, busy ako sa ministeryo, at nakatulong iyon sa akin na maging kontento kahit gusto ko nang mag-asawa nang mga panahong iyon.”
MAGLAAN NG PANAHON PARA MAKAPAG-OBSERBA
7. Bakit makakabuting obserbahan muna ang isa bago ka magsabi ng nararamdaman mo sa kaniya? (Kawikaan 13:16)
7 Paano kung sa tingin mo, nakakita ka na ng isang mahusay na mapapangasawa? Dapat bang sabihin mo na agad sa kaniya ang nararamdaman mo? Sinasabi ng Bibliya na kumukuha muna ng kaalaman o impormasyon ang isang taong marunong bago kumilos. (Basahin ang Kawikaan 13:16.) Kaya makakabuting obserbahan mo muna ang isa bago mo sabihin sa kaniya ang nararamdaman mo. “Mabilis magkaroon ng feelings sa isa, pero mabilis din itong mawala,” ang sabi ni Aschwin na taga-Netherlands. “Kaya kung maglalaan ka ng panahon para mag-obserba, maiiwasan mong magdesisyon base lang sa bugso ng damdamin.” Isa pa, baka makita mo ring hindi pala siya magiging mahusay na asawa para sa iyo.
8. Paano mo puwedeng obserbahan ang isa? (Tingnan din ang larawan.)
8 Paano mo maoobserbahan ang isa nang hindi niya napapansin? Sa mga pulong o gathering, posibleng may mapansin ka sa espirituwalidad niya, katangian, at paggawi. Sino ang mga kaibigan niya, at ano ang bukambibig niya? (Luc. 6:45) Pareho ba kayo ng mga goal? Puwede kang magtanong sa mga elder nila sa kongregasyon o sa ibang may-gulang na Kristiyano na kilalang-kilala siya. (Kaw. 20:18) Puwede mong itanong kung ano ang mga katangian niya o kung anong reputasyon mayroon siya. (Ruth 2:11) Habang inoobserbahan mo siya, tiyakin mong hindi ka makagawa ng bagay na maiilang siya. Igalang mo ang nararamdaman niya at privacy niya.
9. Bago lapitan ang isa na inoobserbahan mo, sa ano ka dapat kumbinsido?
9 Gaano ka dapat katagal mag-obserba bago mo sabihin sa isa ang nararamdaman mo? Kung magsasabi ka agad sa kaniya, baka isipin niyang hindi mo ito pinag-isipang mabuti. (Kaw. 29:20) Pero kung nararamdaman na ng isa na interesado ka sa kaniya at masyado mong pinapatagal ang pagsasabi, baka isipin naman niya na hirap kang magdesisyon. (Ecles. 11:4) Tandaan, hindi kailangang kumbinsido ka na papakasalan mo siya bago ka magsabi ng nararamdaman mo. Pero dapat, kumbinsido kang handa ka nang mag-asawa at nakikita mo ring magiging mahusay siyang asawa.
10. Ano ang dapat mong gawin kung nararamdaman mong gusto ka ng isang tao pero hindi mo naman siya gusto?
10 Paano kung nararamdaman mong may gusto sa iyo ang isang tao? Kung hindi mo siya gusto, dapat maging malinaw ito sa paraan ng pakikitungo mo sa kaniya. Kasi kawawa naman siya kung iniisip niyang may posibilidad na maging kayo, kahit ang totoo, wala naman.—1 Cor. 10:24; Efe. 4:25.
11. Sa mga lugar kung saan ipinagkakasundo ang mga nag-aasawa, ano ang dapat tandaan?
11 Sa ilang lugar, ang mga magulang o iba pang adulto ang pumipili ng mapapangasawa ng mga kamag-anak nila. Sa ibang lugar naman, ang pamilya o mga kaibigan ang naghahanap ng mapapangasawa ng isa. Pagkatapos, isasaayos nila na magkita ang dalawa para tingnan kung magugustuhan nila ang isa’t isa. Kung hingan ka ng tulong na humanap ng mapapangasawa, tiyakin kung ano ang gusto at pangangailangan nilang dalawa. Kapag may naisip ka nang tao na bagay sa hinahanapan mo, sikaping kilalaning mabuti ang taong iyon, alamin ang mga katangian niya, at ang pinakamahalaga, ang espirituwalidad niya. Mas mahalaga ang malapít na kaugnayan kay Jehova kaysa sa pera, edukasyon, o katayuan sa buhay. Pero tandaan, silang dalawa pa rin ang magpapasiya kung magpapakasal sila.—Gal. 6:5.
KUNG PAANO SISIMULAN ANG PAGLILIGAWAN
12. Kung desidido ka nang ligawan ang isang tao, paano mo iyon sasabihin sa kaniya?
12 Kung desidido ka nang ligawan ang isang tao, paano mo iyon sasabihin sa kaniya?d Puwede mo siyang kausapin sa isang lugar na maraming tao o sa telepono. Sabihin sa kaniya na gusto mo siya at na gusto mo siyang mas makilala. (1 Cor. 14:9) Kung kailangan, bigyan mo siya ng panahon na makapag-isip kung ano ang isasagot niya sa iyo. (Kaw. 15:28) At kung sabihin niyang hindi siya interesado sa iyo, igalang ang desisyon niya.
13. Ano ang gagawin mo kapag may nagsabi sa iyo na gusto ka niya? (Colosas 4:6)
13 Paano kung may nagsabi sa iyo na gusto ka niya? Siguradong nag-ipon siya ng lakas ng loob bago siya lumapit sa iyo. Kaya maging mabait at magpakita ng paggalang. (Basahin ang Colosas 4:6.) Kung kailangan mo ng panahon para mag-isip, sabihin ito sa kaniya. Pero huwag itong patagalin. (Kaw. 13:12) Kung hindi ka interesado sa kaniya, sabihin ito sa malinaw at mabait na paraan. Tingnan ang ginawa ni Hans, isang brother na taga-Austria, nang may lumapit sa kaniyang sister: “Sinabi ko ang desisyon ko sa kaniya sa malinaw at mabait na paraan. Ginawa ko iyon agad kasi ayaw ko siyang umasa. Bukod diyan, naging maingat na rin ako sa pakikitungo sa kaniya pagkatapos naming mag-usap.” Pero kung interesado ka sa taong nagtapat sa iyo, sabihin sa kaniya ang nararamdaman mo at ang inaasahan mo sa panahon ng pagliligawan ninyo. Baka magkaiba kayo ng inaasahan, depende iyan sa kinalakhan ninyo o sa iba pang bagay.
KUNG PAANO MAPAPATIBAY ANG MGA SINGLE NA KRISTIYANO
14. Paano natin mapapatibay ang mga single na Kristiyano?
14 Paano natin mapapatibay ang mga single na Kristiyano na gustong mag-asawa? Kung magiging maingat tayo sa sinasabi natin. (Efe. 4:29) Tanungin ang sarili: ‘Inaasar ko ba ang mga gustong mag-asawa? Kapag nakakita ako ng single na brother at single na sister na nag-uusap, iniisip ko ba agad na may gusto sila sa isa’t isa?’ (1 Tim. 5:13) Isa pa, hindi natin dapat maiparamdam sa mga single na Kristiyano na may kulang sa kanila dahil wala silang asawa. Sinabi ni Hans, na binanggit kanina: “May mga kapatid na nagsasabi, ‘Bakit hindi ka pa nag-aasawa? Tumatanda ka na.’ Dahil diyan, nararamdaman ng mga single na hindi sila pinapahalagahan at mas nape-pressure silang mag-asawa.” Makakatulong tayo sa kanila kung papasalamatan natin sila sa mga nagagawa nila.—1 Tes. 5:11.
15. (a) Ayon sa Roma 15:2, ano ang dapat nating pag-isipan bago tulungan ang isa na humanap ng mapapangasawa? (Tingnan din ang larawan.) (b) Ano ang mga nagustuhan mo sa video? (Tingnan ang talababa.)
15 Paano kung sa tingin mo, bagay ang isang brother at isang sister? Sinasabi ng Bibliya na igalang natin ang nararamdaman ng iba. (Basahin ang Roma 15:2.) Maraming single na Kristiyano ang ayaw na inirereto sila sa iba, at dapat nating igalang iyon. (2 Tes. 3:11) Gusto naman ng iba na magpatulong, pero hindi tayo dapat makialam hangga’t hindi sila humihingi ng tulong.e (Kaw. 3:27) Ayaw naman ng ibang single ng masyadong pormal na paraan ng pagpapakilala. Sinabi ni Lydia, isang single na sister na taga-Germany: “Puwede mong isama ang isang brother at isang sister sa isang gathering. Gumawa ka lang ng pagkakataon para magkasama sila, at hayaan mo na sila.”
16. Ano ang dapat tandaan ng mga single na Kristiyano?
16 Lahat tayo, puwedeng maging masaya at kontento, single man o may asawa. (Awit 128:1) Kaya kung gusto mo nang mag-asawa pero hindi ka pa nakakahanap, magpatuloy lang sa paglilingkod kay Jehova. Sinabi ni Sin Yi, isang sister na taga-Macao: “Sobrang ikli lang ng panahong single ka kung ikukumpara sa panahong makakasama mo ang asawa mo sa Paraiso. Kaya sulitin ang panahon na single ka at gamitin ito sa pinakamahusay na paraan.” Pero paano kung nakahanap ka na ng mapapangasawa at naging magkasintahan na kayo? Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano makakatulong ang panahong ito para makagawa kayo ng tamang desisyon.
AWIT BLG. 137 Mga Babaeng Tapat
a Para malaman kung handa ka nang mag-asawa, tingnan ang artikulong “Pakikipag-ligawan at Pakikipagkasintahan—Bahagi 1: Handa Na Ba Ako?” na nasa jw.org.
b Pag-uusapan sa artikulong ito at sa susunod ang panahon kung kailan kinikilala ng isang lalaki at isang babae ang isa’t isa para malaman kung magiging mabuting asawa sila sa isa’t isa. Magsisimula ito sa panliligaw at magpapatuloy hanggang sa magdesisyon silang magpakasal o tapusin ang ugnayan nila. Ito ang panahon ng pagliligawan at pagiging magkasintahan.
c Binago ang ilang pangalan.
d Sa ilang kultura, kadalasan nang brother ang lumalapit sa sister para manligaw. Pero puwede ring magpasiya ang sister na maunang lumapit sa brother. (Ruth 3:1-13) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Kaya Masasabi sa Kaniya ang Aking Nadarama?” sa Gumising!, isyu ng Oktubre 22, 2004.
e Tingnan ang video na Mga Nakikipaglaban Para sa Pananampalataya—Walang Asawa na nasa jw.org.