Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Gaano kataas ang beranda sa templo ni Solomon?
Ang beranda ang pasukan papunta sa Banal na silid ng templo. Ayon sa mga edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan na inilathala bago ang 2023, “ang haba ng beranda sa harap ay 20 siko, gaya ng lapad ng bahay. Ang taas nito ay 120.” (2 Cro. 3:4) Sinasabi rin ng ibang mga salin na ang beranda ay may taas na “120 siko.” Kaya maiisip natin na isa itong istraktura na may taas na 53 metro.
Pero sa Bagong Sanlibutang Salin na inimprenta sa taóng 2023, ganito na ang sinasabi tungkol sa beranda sa templo ni Solomon: “Ang taas nito ay 20 siko,” o mga 9 na metro.a Tingnan natin ang ilang dahilan ng pagbabagong ito.
Hindi espesipikong binanggit ang taas ng beranda sa 1 Hari 6:3. Sa tekstong ito, binanggit ni Jeremias ang haba at lapad ng beranda, pero hindi ang taas nito. Sa sumunod na kabanata, inilarawan niya nang detalyado ang magagandang bahagi ng templo—kasama dito ang malaking tipunan ng tubig na yari sa hinulmang metal, 10 patungang de-gulong, at dalawang haliging tanso na nasa labas ng beranda. (1 Hari 7:15-37) Kung ang beranda ay may taas na mahigit sa 50 metro, ibig sabihin, ito ang pinakamataas na bahagi ng templo. Pero bakit hindi man lang nabanggit ni Jeremias ang taas nito? Kahit pagkalipas ng daan-daang taon, isinulat ng mga Judiong istoryador na hindi mas mataas ang beranda kumpara sa ibang bahagi ng templo ni Solomon.
Iniisip ng mga iskolar kung kaya ba talagang suportahan ng mga pader ng templo ang beranda na may taas na 120 siko. Noon, kapag may matataas na istraktura na gawa sa bato at bricks, gaya ng pasukan ng templo sa Ehipto, napakalapad ng ibabang bahagi nito at kumikitid ito nang kumikitid habang tumataas. Pero hindi ganiyan ang pagkakalarawan sa templo ni Solomon. Naniniwala ang mga iskolar na ang lapad ng pader ng templo ay hindi hihigit sa 6 na siko, o 2.7 metro. Ganito ang sinabi ni Theodor Busink, isang istoryador na bihasa sa arkitektura: “Kung pagbabasehan ang lapad ng pader [sa pasukan ng templo], imposibleng 120 siko ang [taas ng] beranda.”
Posibleng nagkamali ng pagkopya sa 2 Cronica 3:4. Totoo, sinasabi ng ilang sinaunang manuskrito na “120” ang nakasulat sa tekstong ito. Pero makikita rin sa ibang mapagkakatiwalaang kopya, gaya ng ikalimang-siglong Codex Alexandrinus at ng ikaanim-na-siglong Codex Ambrosianus, na “20 siko” ang nakasulat dito. Bakit posibleng magkamali ang isang tagakopya at maisulat ang “120”? Sa Hebreo, magkahawig ang salita para sa “isang daan” at “siko.” Kaya posibleng maisulat ng isang tagakopya ang salitang “isang daan” imbes na “siko.”
Mahalaga sa atin na tama ang pagkakaintindi natin sa mga detalye sa templo ni Solomon. Pero mas mahalaga sa atin ang inilalarawan nito—ang dakilang espirituwal na templo. Talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova na iniimbitahan niya ang lahat ng lingkod niya para sambahin siya sa templong ito!—Heb. 9:11-14; Apoc. 3:12; 7:9-17.
a Binabanggit sa talababa: “Ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito ay ‘120,’ pero ‘20 siko’ ang mababasa sa iba pang manuskrito at ilang salin.”