Sino si Maria Magdalena?
Ang sagot ng Bibliya
Si Maria Magdalena ay isang tapat na tagasunod ni Jesu-Kristo. Malamang na tumutukoy ang pangalan niyang Magdalena sa bayan ng Magdala (posibleng Magadan), na malapit sa Dagat ng Galilea. Maaaring dating nakatira doon si Maria.
Isa si Maria Magdalena sa ilang kababaihan na naglakbay kasama ni Jesus at ng mga alagad niya at naglaan ng mga pangangailangan nila. (Lucas 8:1-3) Nakita niya nang patayin si Jesus, at isa siya sa kauna-unahang nakakita kay Jesus pagkatapos na buhaying muli.—Marcos 15:40; Juan 20:11-18.
Babaeng bayaran ba si Maria Magdalena?
Hindi sinasabi ng Bibliya na isang babaeng bayaran si Maria Magdalena. Sinasabi lang nito na pinalayas ni Jesus ang pitong demonyo mula sa kaniya.—Lucas 8:2.
Saan nanggaling ang ideya na naging babaeng bayaran siya? Daan-daang taon pagkamatay niya, sinasabi ng ilan na siya rin ang di-pinangalanang babae (malamang na isang babaeng bayaran) na umiyak, binasâ ng luha ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga iyon ng buhok niya. (Lucas 7:36-38) Pero walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa paniniwalang ito.
Isa bang “apostol ng mga apostol” si Maria Magdalena?
Hindi. Tinatawag ng Simbahang Katoliko si Maria na “Sta. Maria Magdalena” gayundin bilang “ang apostol ng mga apostol” dahil isa siya sa mga unang nagbalita sa mga apostol na binuhay-muli si Jesus. (Juan 20:18) Pero hindi masasabing naging apostol siya dahil sa ginawa niya. At hindi sinasabi ng Bibliya na isa siyang apostol.—Lucas 6:12-16.
Nakumpleto ang Bibliya noong papatapos ang unang siglo C.E. Pero noon lang ikaanim na siglo, nagdesisyon ang mga awtoridad ng simbahan na tawagin si Maria Magdalena na isang “santa.” May mga isinulat noong ikalawa at ikatlong siglo—na hindi bahagi ng kanon ng Bibliya—na nagsasabing naiinggit kay Maria ang ilang apostol ni Jesus. Ang gayong inimbentong mga kuwento ay wala sa Kasulatan.
Asawa ba ni Jesu-Kristo si Maria Magdalena?
Hindi. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na hindi nag-asawa si Jesus.a
a Tingnan ang artikulong “May Asawa Ba si Jesus? May mga Kapatid Ba si Jesus?”