Ano ang Pagpapatawad?
Ang sagot ng Bibliya
Ang pagpapatawad ay pagpapaumanhin sa isang nagkasala. Sa Bibliya, ang salitang Griego na isinaling “pagpapatawad” ay literal na nangangahulugang “pakawalan,” gaya sa isang tao na hindi na humihingi ng kabayaran sa isang utang. Ginamit ni Jesus ang paghahambing na ito nang turuan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat kami rin naman ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin.” (Lucas 11:4) Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa walang-awang alipin, inihalintulad din ni Jesus ang pagpapatawad sa pagkansela ng utang.—Mateo 18:23-35.
Pinatatawad natin ang isa kapag hindi na tayo naghihinanakit sa kaniya at hindi na humihingi pa ng anumang kabayaran dahil sa kaniyang pagkakasala. Itinuturo ng Bibliya na ang pag-ibig na di-makasarili ang saligan para sa tunay na pagpapatawad, yamang ang pag-ibig ay “hindi ... nagbibilang ng pinsala.”—1 Corinto 13:4, 5.
Ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugang . . .
Pangungunsinti sa kasalanan. Talagang hinahatulan ng Bibliya ang mga nagsasabing katanggap-tanggap o di-nakapipinsala ang masasamang gawa.—Isaias 5:20.
Pagbubulag-bulagan na parang hindi nangyari ang kasalanan. Pinatawad ng Diyos ang malulubhang kasalanan ni Haring David, pero hindi niya ipinagsanggalang si David sa mga ibinunga ng kaniyang ginawa. Ipinasulat pa nga ng Diyos ang mga kasalanan ni David upang magsilbing paalaala sa atin.—2 Samuel 12:9-13.
Hinahayaan nating abusuhin ng iba ang ating kabaitan. Halimbawa, ipagpalagay nang nagpautang ka ng pera sa isang tao, pero winaldas niya ito kaya hindi na siya makabayad sa iyo gaya ng pangako niya. Hiyang-hiya siya at humihingi ng tawad. Maaari mo siyang patawarin sa pamamagitan ng hindi pagkikimkim ng sama ng loob, hindi paulit-ulit na pag-uungkat nito, at marahil pagkansela pa nga sa utang. Ngunit puwede rin namang hindi mo na siya pautangin pang muli.—Awit 37:21; Kawikaan 14:15; 22:3; Galacia 6:7.
Pagpapatawad nang walang makatuwirang saligan. Hindi pinatatawad ng Diyos ang mga taong sinasadya ang pagkakasala at hindi inaamin ang kanilang pagkakamali, hindi binabago ang kanilang buhay, at hindi humihingi ng tawad sa mga nasaktan nila. (Kawikaan 28:13; Gawa 26:20; Hebreo 10:26) Ang mga di-nagsisisi ay nagiging kaaway ng Diyos, at hindi niya hinihiling sa atin na patawarin ang mga hindi niya pinatatawad.—Awit 139:21, 22.
Paano kung biktima ka ng malupit na pagtrato ng isa na ayaw humingi ng tawad o ayaw pa ngang aminin ang nagawa niya? Ang payo ng Bibliya: “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit.” (Awit 37:8) Bagaman hindi mo binabale-wala ang pagkakamali, puwede mo namang iwasang madaig ng galit. Magtiwalang pagsusulitin ng Diyos ang taong iyon. (Hebreo 10:30, 31) Nakatutuwa ring malaman na nagtakda ang Diyos ng panahon kung kailan hindi na natin mararamdaman ang kirot o sakit na nagpapabigat ng ating loob.—Isaias 65:17; Apocalipsis 21:4.
“Pagpapatawad” sa bawat pagkakamaling naiisip lang natin. Kung minsan, sa halip na patawarin ang iniisip nating nagkasala sa atin, baka kailangan lang nating aminin na wala tayong makatuwirang dahilan para masaktan. Ang sabi ng Bibliya: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu, sapagkat hinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal.”—Eclesiastes 7:9.
Kung paano magpapatawad
Tandaan kung ano ang sangkot sa pagpapatawad. Hindi mo kinukunsinti ang mali ni nagbubulag-bulagan ka man na parang hindi ito nangyari—pinalalampas mo lang ito.
Isaisip ang mga pakinabang ng pagpapatawad. Kapag pinalalampas mo ang galit at hinanakit, makatutulong ito sa iyo na maging mahinahon, bumuti ang iyong kalusugan, at lalong maging maligaya. (Kawikaan 14:30; Mateo 5:9) Mas mahalaga, kapag nagpapatawad ka, patatawarin ka rin ng Diyos sa iyong mga kasalanan.—Mateo 6:14, 15.
Magpakita ng empatiya. Lahat tayo ay nagkakamali. (Santiago 3:2) Kung paanong pinahahalagahan natin ang pagpapatawad sa atin, dapat din tayong mapagpatawad sa mga pagkakamali ng iba.—Mateo 7:12.
Maging makatuwiran. Kapag may dahilan tayo para magreklamo, puwede nating sundin ang payo ng Bibliya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa.”—Colosas 3:13.
Kumilos agad. Maging mabilis sa pagpapatawad kaysa hayaang tumindi ang galit.—Efeso 4:26, 27.