Ano ang Sampung Utos ng Diyos?
Ang sagot ng Bibliya
Ang Sampung Utos ay mga utos na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel noon. Kilala rin ang mga ito bilang ang Sampung Salita, ang literal na salin ng pananalitang Hebreo na ʽaseʹreth had·deva·rimʹ. Tatlong beses itong lumitaw sa Pentateuch (Torah), ang unang limang aklat ng Bibliya. (Exodo 34:28; Deuteronomio 4:13; 10:4) Ang katumbas nito sa Griego na deʹka (sampu) at loʹgous (salita) ang pinagmulan ng terminong “Dekalogo.”
Iniukit ng Diyos ang Sampung Utos sa dalawang tapyas na bato at ibinigay ito sa propeta niyang si Moises sa Bundok Sinai. (Exodo 24:12-18) Ang Sampung Utos ay nakalista sa Exodo 20:1-17 at Deuteronomio 5:6-21.
Ang Sampung Utos
Ang Diyos na Jehova lang ang dapat mong sambahin.—Exodo 20:3.
Huwag kang magsasagawa ng idolatriya.—Exodo 20:4-6.
Huwag mong gagamitin ang pangalan ng Diyos sa walang-kabuluhang paraan.—Exodo 20:7.
Ipangilin mo ang Sabbath.—Exodo 20:8-11.
Parangalan mo ang iyong mga magulang.—Exodo 20:12.
Huwag kang papatay.—Exodo 20:13.
Huwag kang mangangalunya.—Exodo 20:14.
Huwag kang magnanakaw.—Exodo 20:15.
Huwag kang magbibigay ng maling testimonya.—Exodo 20:16.
Huwag kang mag-iimbot.—Exodo 20:17.
Bakit iba-iba ang pagkakasunod-sunod ng Sampung Utos?
Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang dapat na pagkakasunod-sunod ng mga utos na ito. Kaya iba-iba ang opinyon tungkol dito. Ang listahan sa itaas ang karaniwang pagkakasunod-sunod ng mga utos na ito. Pero sa ilan, iba ang ginagawa nilang pagkakaayos ng Sampung Utos. Magkakaiba ang pagkakagrupo ng una, ikalawa, at huling mga utos.a
Para saan ang Sampung Utos?
Ang Sampung Utos ay bahagi ng Kautusang Mosaiko. Ang Kautusang iyon ay binubuo ng mahigit 600 utos at nagsisilbing kasunduan, o tipan, sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel noon. (Exodo 34:27) Nangako ang Diyos sa bayang Israel na pagpapalain sila kung susunod sila sa Kautusang Mosaiko. (Deuteronomio 28:1-14) Pero ang pinakalayunin ng Kautusan ay para ihanda ang mga Israelita sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas, o Kristo.—Galacia 3:24.
Obligado bang sumunod ang mga Kristiyano sa Sampung Utos?
Hindi. Ang Kautusan, kasama na ang Sampung Utos, ay ibinigay lang ng Diyos sa bansang Israel noon. (Deuteronomio 5:2, 3; Awit 147:19, 20) Hindi kailangang sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko, at ‘pinalaya na mula sa Kautusan’ kahit ang mga Judiong Kristiyano. (Roma 7:6)b Ang Kautusang Mosaiko ay pinalitan na ng “kautusan ng Kristo,” at kasama rito ang lahat ng iniutos ni Jesus sa mga tagasunod niya.—Galacia 6:2; Mateo 28:19, 20.
Mahalaga pa ba sa ngayon ang Sampung Utos?
Oo. Makikita sa Sampung Utos ang kaisipan ng Diyos, kaya makikinabang tayo kapag pinag-aaralan natin ito. (2 Timoteo 3:16, 17) Ang Sampung Utos ay batay sa maaasahang mga simulain na hindi naluluma. (Awit 111:7, 8) Sa katunayan, marami sa mga simulaing ito ay basehan ng mga turo sa tinatawag ngayong Bagong Tipan.—Tingnan ang “Mga simulain mula sa Sampung Utos na makikita sa Bagong Tipan.”
Itinuro ni Jesus na ang buong Kautusang Mosaiko, kasama na ang Sampung Utos, ay nakabatay sa dalawang pangunahing utos. Sinabi niya: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito ay nakasalalay ang buong Kautusan.” (Mateo 22:34-40) Kahit hindi na obligadong sumunod sa Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano, inuutusan silang ibigin ang Diyos at ang kanilang kapuwa.—Juan 13:34; 1 Juan 4:20, 21.
Mga simulain mula sa Sampung Utos na makikita sa Bagong Tipan
Simulain |
Katumbas sa Bagong Tipan |
---|---|
Ang Diyos na Jehova lang ang dapat mong sambahin |
|
Huwag kang magsasagawa ng idolatriya |
|
Igalang mo ang pangalan ng Diyos |
|
Sambahin mo ang Diyos nang regular |
|
Parangalan mo ang iyong mga magulang |
|
Huwag kang papatay |
|
Huwag kang mangangalunya |
|
Huwag kang magnanakaw |
|
Huwag kang magbibigay ng maling testimonya |
|
Huwag kang mag-iimbot |
a Sa tradisyonal na pagkakasunod-sunod na ginagawa ng mga Judio, “ang unang ‘salita’ ay Ex[odo] xx. 2, at ang ikalawa ay ang mga talata 3-6, na itinuturing na iisang utos.” (The Jewish Encyclopedia) Para naman sa mga Katoliko, iisang utos lang ang nasa Exodo kabanata 20, mga talata 1-6. Kaya ang utos na huwag gamitin ang pangalan ng Diyos sa walang-kabuluhang paraan ang nagiging ikalawang utos. Para manatiling 10 ang bilang ng mga utos, ang huling utos—huwag imbutin ang asawa at pag-aari ng iba—ay hinati nila sa dalawa.