PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Isaias 41:10—“Huwag Kang Matakot Pagkat Ako’y Sumasaiyo”
“Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako. Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo. Papatibayin kita, oo, tutulungan kita, talagang aalalayan kita sa pamamagitan ng matuwid kong kanang kamay.”—Isaias 41:10, Bagong Sanlibutang Salin.
“Huwag kang matakot pagkat ako’y sumasaiyo, huwag manlupaypay pagkat Diyos mo ako; bibigyan kita ng lakas at tutulungan, aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katarungan.”—Isaias 41:10, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Ibig Sabihin ng Isaias 41:10
Tinitiyak ng Diyos na Jehovaa na susuportahan niya ang kaniyang tapat na mga mananamba, anumang problema ang dumating sa buhay nila.
“Kasama mo ako.” Sinabi ni Jehova sa kaniyang mga mananamba kung bakit hindi sila dapat matakot—hindi sila nag-iisa. Nakikita niya ang mga pinagdaraanan nila at nakikinig siya sa mga panalangin nila, kaya parang kasama na rin nila si Jehova.—Awit 34:15; 1 Pedro 3:12.
“Ako ang Diyos mo.” Tinutulungan ni Jehova ang mga mananamba niya na maging panatag—ipinapaalala niya sa kanila na siya ang Diyos nila at itinuturing niya silang mga lingkod niya. Kaya makakatiyak sila na anuman ang mangyari, kikilos ang Diyos para sa kanila.—Awit 118:6; Roma 8:32; Hebreo 13:6.
“Papatibayin kita, oo, tutulungan kita, talagang aalalayan kita sa pamamagitan ng matuwid kong kanang kamay.” Inulit ni Jehova ang iisang ideya sa tatlong paraan para idiin na talagang tutulungan niya sila. Inilarawan niya rito kung ano ang gagawin niya kapag may nangangailangan ng tulong: iniaabot niya ang kanang kamay niya sa kanila para itayo sila.—Isaias 41:13.
Ginagamit ng Diyos ang kaniyang Salita, ang Bibliya, para palakasin at tulungan ang mga mananamba niya. (Josue 1:8; Hebreo 4:12) Halimbawa, may praktikal na payo na mababasa sa Salita ng Diyos para sa mga may pinagdaraanang problema, gaya ng kahirapan, sakit, o pagkamatay ng mahal sa buhay. (Kawikaan 2:6, 7) Puwede ring gamitin ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, para tulungan ang kaniyang mga mananamba na makapag-isip nang malinaw at hindi malunod sa problema.—Isaias 40:29; Lucas 11:13.
Konteksto ng Isaias 41:10
Naging pampatibay ang mga pananalitang ito para sa mga tapat na Judio na magiging bihag sa Babilonya. Inihula ni Jehova na bago sila palayain, may mababalitaan sila na paparating na isang mananakop na tatalo sa maraming bansa at magiging banta para sa Babilonya. (Isaias 41:2-4; 44:1-4) Matatakot ang mga taga-Babilonya at ang iba pang mga bansa, pero ang mga Judio ay hindi mag-aalala kasi poprotektahan sila ni Jehova. Tatlong beses niyang inulit sa kanila na “huwag [silang] matakot.”—Isaias 41:5, 6, 10, 13, 14.
Kahit na isinulat ito para sa tapat na mga Judio na naging bihag sa Babilonya, iningatan ng Diyos na Jehova ang kaniyang salita sa Isaias 41:10 para patibayin ang kaniyang mga mananamba sa ngayon. (Isaias 40:8; Roma 15:4) Kung paanong tinulungan ni Jehova ang mga lingkod niya noon, tutulungan din niya ang mga lingkod niya ngayon.
Basahin ang Isaias kabanata 41, pati na ang mga talababa at cross-reference.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.