-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 10Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
maingat . . . gaya ng ahas: Dito, ang maingat ay nangangahulugang matalino, makatuwiran, at nag-iisip. Ayon sa mga zoologist, karamihan ng mga ahas ay maingat at mas gusto nilang lumayo kaysa umatake. Kaya nagbababala si Jesus sa mga alagad niya na maging maingat sa mga sumasalansang at umiwas sa mga posibleng panganib habang nangangaral.
pero walang muwang na gaya ng kalapati: Ang payong ito ni Jesus na may dalawang bahagi (maging maingat at maging walang muwang) ay magkaugnay. (Tingnan ang study note sa maingat . . . gaya ng ahas sa tekstong ito.) Ang salitang Griego na isinaling “walang muwang” (lit., “walang halo,” ibig sabihin, “walang bahid; dalisay; inosente”) ay lumitaw rin sa Ro 16:19 (“inosente pagdating sa masama”) at Fil 2:15 (“maging walang kapintasan at dalisay, mga anak ng Diyos”). Dito sa Mat 10:16, lumilitaw na kasama sa pagiging “walang muwang” ang pagiging totoo, tapat, hindi nanlilinlang, at malinis ang motibo. Ginagamit kung minsan ang kalapati sa mga Hebreong paglalarawan at tula bilang sagisag ng mga katangiang ito at iba pang kaugnay na mga katangian. (Sol 2:14; 5:2; ihambing ang study note sa Mat 3:16.) Ipinapakita ni Jesus na kapag pinag-uusig ang kaniyang tulad-tupang mga tagasunod na gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo, kailangan nilang pagsamahin ang mga katangian ng ahas at kalapati at maging maingat, matalino, dalisay ang puso, walang kapintasan, at inosente.—Luc 10:3.
-