-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 24Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
banal na lugar: Sa unang katuparan ng hula, tumutukoy ito sa Jerusalem at sa templo nito.—Tingnan ang study note sa Mat 4:5.
ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang: Sa hula ni Daniel, ang “kasuklam-suklam na (mga) bagay” ay iniugnay sa pagkatiwangwang. (Dan 9:27; 11:31; 12:11) Dito, ipinapakita ni Jesus na “ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang” ay hindi pa lumilitaw, kundi sa hinaharap pa. At 33 taon pagkamatay ni Jesus, nakita ng mga Kristiyano ang unang katuparan ng hulang ito nang makita nilang nakatayo na sa isang banal na lugar ang kasuklam-suklam na bagay. Mababasa sa kaparehong ulat sa Luc 21:20: “Kapag nakita ninyong napaliligiran ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo, kung gayon, makakatiyak kayong malapit na ang pagtitiwangwang sa kaniya.” Noong 66 C.E., pinaligiran ng mga paganong hukbo ng Roma ang “banal na lunsod,” ang Jerusalem, na itinuturing na banal ng mga Judio at sentro ng pagrerebelde ng mga Judio laban sa Roma. (Mat 4:5; 27:53) Natukoy agad ng mga Kristiyanong may kaunawaan ang “kasuklam-suklam na bagay”—ang hukbong Romano na may dalang idolatrosong mga watawat. Naunawaan nilang iyon na ang senyales para “tumakas papunta sa kabundukan.” (Mat 24:15, 16; Luc 19:43, 44; 21:20-22) Pagkatapos tumakas ng mga Kristiyano, ang lunsod at ang bansa ay ginawang tiwangwang ng mga Romano. Winasak ang Jerusalem noong 70 C.E., at ang huling moog ng mga Judio, ang Masada, ay pinabagsak ng mga Romano noong 73 C.E. (Ihambing ang Dan 9:25-27.) Ang unang katuparan ng lahat ng detalye sa hulang ito ay patunay na mangyayari din ang malaking katuparan nito, na magtatapos sa pagdating ni Jesus “na nasa mga ulap sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Mat 24:30) Binabale-wala ng maraming tao ang sinabi ni Jesus na matutupad ang hula ni Daniel pagkamatay ni Jesus. Naniniwala sila sa katuruan ng mga Judio na ang hula ni Daniel ay natupad noong 168 B.C.E. nang lapastanganin ng Siryanong hari na si Antiochus IV (Epiphanes) ang templo ni Jehova sa Jerusalem. Sinubukan ni Antiochus na lubusang patigilin ang pagsamba kay Jehova; nagtayo pa nga siya ng altar sa ibabaw ng malaking altar ni Jehova at naghandog ng mga baboy sa paganong diyos na si Zeus ng Olympus. (Tingnan ang study note sa Ju 10:22.) Ang apokripal na aklat na 1 Macabeo (1:54) ay gumamit ng ekspresyong gaya ng nasa aklat na Daniel (na nag-uugnay ng kasuklam-suklam na mga bagay sa pagkatiwangwang), at sinasabi nitong tumutukoy ito sa pangyayari noong 168 B.C.E. Pero ang katuruang iyon ng mga Judio at ang ulat sa 1 Macabeo ay interpretasyon lang ng tao, hindi mula sa Diyos. Totoo, kasuklam-suklam ang paglapastangan ni Antiochus sa templo, pero hindi niya nagawang tiwangwang ang Jerusalem, ang templo, o ang bansang Judio.
(kailangan itong unawain ng mambabasa): Kailangan lagi ng kaunawaan kapag nag-aaral ng Salita ng Diyos, pero lumilitaw na higit na kailangan ng kaunawaan sa bahaging ito ng hula ni Daniel. Sinasabi ni Jesus sa mga tagapakinig niya na ang hulang ito ay hindi pa natutupad kundi mangyayari pa lang sa hinaharap.—Tingnan ang study note sa ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang sa tekstong ito.
-