-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 25Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
10 dalaga . . . lumabas para salubungin ang lalaking ikakasal: Noong panahon ng Bibliya, isang mahalagang bahagi ng kasalan ang prusisyon kung saan sinusundo ang babaeng ikakasal mula sa bahay ng kaniyang ama papunta sa bahay ng mapapangasawa niya o ng ama ng lalaki. Ang lalaking ikakasal, suot ang pinakamagandang damit niya, ay sinasamahan ng mga kaibigan niya pag-alis sa bahay sa gabi papunta sa bahay ng mga magulang ng babae. Mula roon, pupunta ang mga ikakasal sa bahay ng lalaki kasama ang mga tumutugtog at kumakanta, at karaniwan nang may kasama rin silang iba pa na may dalang lampara. Ang mga tao sa dadaanan ng prusisyon ay nakaabang at nakikisaya. (Isa 62:5; Jer 7:34; 16:9) Lumilitaw na ang mga dalagang may dalang lampara ay sumasama sa prusisyon. Dahil hindi naman nagmamadali ang prusisyon, puwede itong magtagal, kaya posibleng antukin at makatulog ang mga naghihintay sa dadaanan nito. Sa tagal ng paghihintay, baka kailangang lagyan ulit ng langis ang mga lamparang dadalhin sa prusisyon. Maririnig mula sa malayo ang kantahan at pagsasaya. Kapag nakapasok na sa bahay ang lalaking ikakasal at ang mga kasama niya at naisara na ito, hindi na puwedeng pumasok ang mga nahulíng bisita.—Mat 25:5-12; tingnan ang study note sa Mat 1:20.
-